Mabilis na nawaglit sa isip ko iyong nakakairitang nangyari sa boutique na pinuntahan ko habang nasa loob kami ng cafe ni Jella. Nakatulong din na masarap iyong iniinom kong mango smoothie.
Sa init sa labas ay refreshing sa pakiramdam ang paupo-upo lang ako rito sa loob ng malamig na cafe habang umiinom ng masarap na smoothie. Tapos iyong kasama ko pa ay hindi nakakainit ng ulo.
Kaming dalawa lang ni Jella ang nagpaiwan sa loob ng cafe dahil matapos makapag-order ay nagpaalam si Kuya Lito na sa kotse na kakain at doon na rin kami hintayin. Mukhang nahiya yata ito dahil sa presensya ko.
Medyo may kadaldalan pala itong si Jella, hindi halata no'ng una ko itong makilala.
Ngayon kasi ay panay ang kwento niya nang kung anu-ano, mula sa intruder na palaka sa veranda nila hanggang sa isa sa mga yaya niya na nakipagtanan sa driver ng kanilang kapitbahay.
Mukhang dilikado ring maging kapitbahay ang isang ito, nanganganib ma-recruit ng kulto ni Tita Rica.
"Ang ginawa ni Daddy ay siya na ang kumausap kay Manang Magda na hayaan na lang iyong anak niya tutal ay nagmahalan naman ito at ang boyfriend nito," patuloy niyang pagkukwento habang may pakumpas-kumpas pa ng kamay. "Kaya umuwi na si Ate Rhia at sa'min na rin nagtatrabaho si Kuya Bruno na kasama nitong magtanan."
"Mabuti naman pala kung gano'n," saad ko. "Hindi na mag-alala iyong nanay ni Rhia."
"Mabuti na lang talaga at nakumbinsi ni Daddy si Manang upang matanggap si Kuya Bruno," tumango-tango nitong tugon.
Hindi ko pa personal na nakilala ang mga taong binanggit niya pero marami na akong alam sa buhay ng mga ito. Hindi ko rin naman kasi pwedeng awatin sa pagkukwento niya itong si Jella, kaya nakinig na lang ako.
Hindi ako mahilig sa usapan tungkol sa buhay ng ibang tao pero nakakaengganyo makinig sa paraan nang pagkukwento ni Jella. Pati tuloy ako naging invested na sa love life no'ng Rhia at Bruno nang wala sa oras.
Naubos na iyong ininom ko lahat pero parang hindi pa matapos-tapos ang kwento ni Jella.
"Mabait iyong Daddy ko, sobra!" namimilog ang mga matang pagbibida niya sa'kin pagkatapos ng ilang sandali. "Siya ang the best daddy para sa'kin!"
Hindi ko alam kung kailan at paanong napunta ang usapan namin sa Daddy niya.
"Anong tingin ni'yo po sa Daddy ko, Tita Clau?" tanong pa niya pa sa gitna nang pananahimik ko.
Nabitin tuloy ang huling subo ng in-order kong pasta. Maang akong napatingin sa nakangiti niyang mukha habang pilit na iniintindi kung para saan ang tanong niya at ano ang posibleng tamang sagot para doon.
Hindi naman iyon pangmatalinong tanong pero bakit parang ang hirap sagutin nang diretso lalo na at iyong nagtatanong ay parang ang taas ng expectation doon sa sagot ko.
Hindi ko alam kung paanong simulan ang magiging sagot ko. Nakaka-pressure pa dahil hindi bumibitaw ng tingin sa'kin ang dalagita habang hinihintay ang sagot ko.
"Ahmm... okay naman," medyo alanganin kong sagot habang nangangapa pa nang idudugtong. "Sa tingin ko ay responsible naman siyang ama at medyo... workaholic." Sinundan ko ng ngiti ang sinabi upang hindi mahalatang hindi ako sigurado sa sarili kong sagot.
"Gwapo po ang Daddy ko, 'di ba?" nangingislap ang mga matang tanong niya.
Muntikan pa akong nasamid dahil sa gulat pero agad ding nahamig ang sarili. Pinanatuli kong pormal ang ekspresyon kahit na gustong-gusto ko nang mapangiwi sa takbo ng usapan namin.
Sa kislap na naroon sa kanyang mga mata ay halatang inaasahan niyang sasang-ayon ako sa kanya. Hindi maganda ang kutob ko ngiti niya ngayon.
Pero bago pa ako makapagbigay ng sagot ay napansin ko ang biglang pagbabago ng maaliwalas na ekspresyon sa mukha ni Jella nang mapadako ang tingin niya sa direksiyon ng entrance ng cafe. Bigla siyang natigilan at bahagyang tumiim ang anyo.
Nagtataka tuloy na napasunod ang tingin ko sa anumang nakakuha sa atensiyon ng dalagita.
Pagkalingon ko ay nakita ko si Jocelle at ang kasama nitong babae kanina sa boutique at kasalukuyang papunta na ang mga ito sa kinaroronan namin. Imposible namang hindi iyong mesa namin ang pakay ng dalawa gayong naroon sa kasama kong dalagita tingin nila. Nakangiti nga iyong kasama ni Jocelle at maging ito ay gano'n din. Napakunot-noo akong nagpalipat-lipat ng tingin kay Jella at sa mga paparating.
Kung paanong tila masaya ang dalawang babae ay bigla namang nagbago ang mood ni Jella. Kung kanina ay tila tuwang-tuwa pa ito habang nagkukwento at tinatanong ako nang kung anu-ano, ngayon ay sumeryoso na ito.
Ilang sandali pa at nasa tapat na namin si Jocelle at ang kasama nitong babae.
"Jella, I didn't expect to see you here," magiliw na kausap ng kasama ni Jocelle sa kasama ko.
Napakurap-kurap ako dahil hindi ko lubos maisip na kakilala ito ni Jella. Ang liit naman masyado ng mundo para amin.
"Paalis na rin po kami," casual na sagot ni Jella habang hindi tumitingin sa babae.
Tumayo na ito kaya napatayo rin ako. Tsaka pa lang nalipat sa'kin ang atensiyon ng dalawang babae. Awtomatiko ang pag-asim ng ekspresyon ni Jocelle nang makilala ako.
"Who's this, Jella?" tanong ng kasama ni Jocelle sa dalagita habang nakatuon sa'kin ang malamig nitong mga titig.
"She's Daddy's special friend," walang gatol na sagot ni Jella sa babae.
Bago pa rumihistro sa utak ko ang kahulugan niyon ay naramdaman ko ang pagkapit ni Jella sa braso ko.
"S-special friend?" napakurap-kurap na pag-uulit ng babae. Patda ang eksepresyon nito na para bang may narinig na hindi nito inaasahan.
May kung anong talim din sa tono nito na kumuha sa pansin ko. Kasunod din niyon ay ang pakiramdam na tila malalagay ako ngayon sa isang alanganing sitwasyon.
"Yes," walang gatol na sagot ni Jella, bahagya pang humigpit ang pagkakahawak sa braso ko na para bang may gustong patunayan sa kaharap.
Ako naman ay nalilitong nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa ng babae habang lihim na inaaral ang sitwasyon. Tantiya ko ay halos kaedaran ko lang iyong babaeng kasama ni Jocelle, mas bata nga lang itong tingnan dahil halatang maalaga ito sa mukha at katawan tapos parang may sarili pa itong stylist at tagaayos.
Samantalang ako ay pinanindigan na ang pagiging manang sa ayos at pananamit. Hindi naman talaga ako konserbatibo manamit, kaso ayoko ring agaw-pansin masyado kaya sinadya kong magsuot ng mga damit na hindi magbe-blend lang sa background sa gitna ng maraming tao.
"I've met you before..." saad ni Jocelle habang sinuyod ako ng mapanuring tingin. "Ikaw iyong kasama kahapon ni Marco Axel," dugtong pa nito. May nahagip akong disgusto sa tono niya habang nagsasalita.
"Jella dear, alam ba ng Daddy mo na kasama mo ang babaeng ito ngayon?" balewala pa nitong baling kay Jella bago pa ako makatugon sa nauna niyang pahayag na tila ba hindi siya interesado sa anumang opinyon ko. "Alam mo namang maraming mga nagkalat na oportunista sa paligid... iyong mga nagpapanggap na malapit sa kakilala natin para magsamantala," makahulugan nitong pagpapatuloy.
Nagpanting ang tainga ko, pero pinigilan kong magbigay ng reaksiyon dahil baka sabihin na masyado akong apektado gayong wala namang binanggit na pangalan.
Kahit noong una pa naman ay hindi ko na gusto ang ugali ng kababatang ito ni Marco. Ngayon ay pinatunayan lang talaga nito na meron talaga itong tinatagong ugali.
"Kilala ni Daddy si Tita Clau," sagot ni Jella. Hindi nagbabago ang ekspresyon nito kahit si Jocelle na ang kausap. "In fact, she's invited to have dinner with us at our house!" anunsiyo pa ng dalagita.
Nanigas naman ako bigla at gulat na napatingin sa dalagita. Hindi ako na-inform kung kailan ako naimbitahan sa sinasabi niyang dinner. Ang alam ko ay hanggang meryenda lang ang usapan namin at ihahatid niya ako sa pupuntahan ko.
Alas tres pa lang ng hapon, masyado pang maaga para sa hapunan pero sa tono ni Jella ay para bang pumayag na akong mag-dinner kasama siya.
Akmang bubuka ang bibig ko para itama ang sinabi ni Jella -dahil wala naman talaga sa usapan ang hapunan, lalo na sa bahay nila- pero makahulugang pumisil sa braso ko ang kamay ng dalagitang nakakapit doon. Lalo ring humigpit ang kapit niya na tila ba isang pakiusap na sakyan ko na lang ang agos ng kung anuman ang pinaplano niya.
"Is that so?" usal no'ng kasama ni Jocelle habang pilit ang ngiti. Kahit si Jocelle ay bakas sa mukha ang inis dahil sa sinabi ni Jella pero hinayaan lang nito na ang kasama ang magsalita.
"Dinner at the mansion," pagpapatuloy ng babae. "Well, I didn't know your Dad was that welcoming to... new faces."
Huminga ako nang malalim habang pinilit na makisakay sa anumang pakulong ito ni Jella. Mamaya ko na lang lilinawin sa dalagita na hindi ako pwedeng gabihin kaya hindi na aabot hanggang dinner itong drama namin.
Tahimik lang akong nakiramdam sa sitwasyon nang muling nagsalita ang dalagita na may kasama pang matamis at mapang-asar na ngiti sa dalawa naming kaharap, "Actually, Daddy was the one who insisted, 'di ba, Tita Clau?" baling niya sa'kin. "Sabi niya, it's about time we have someone special for dinner again," dagdag pa niya.
Parang nakakatakot na talaga ang dalagitang ito. Kaya niyang umastang kapani-paniwala lahat ng kanyang mga pinagsasabi.
Bigla ay napaayos ako nang tayo nang mahagip ng tingin ko ang titig ng kasama ni Jocelle na tila ba sinusuri ang bawat hibla ng suot ko, hinahanap kung saang banda mahanap iyong bagay upang maging 'special' sa paningin ni Jella at ama nito. Pakiramdam ko ay isa akong piyesa sa chess board na itinulak ni Jella sa gitna ng labanan nang walang pasabi.
Naging malinaw na sa'kin ang laro ng dalagitang ito, ginagamit niya ako para sa pansarili niyang intensiyon.
Kung dati ay si Jocelle lang iyong hayagan ang disgusto sa'kin ngayon ay dalawa na sila ng babaeng kasama nito na hindi ko kilala.
"If you'll excuse us, Mommy... mauuna na pi kami ni Tita Clau," maya-maya ay pahayag ni Jella na muntikan ko nang ikinaubo dahil sa gulat.
Hindi pa naman siguro ako nabibingi at talagang tinawag niyang Mommy iyong kasamang babae ni Jocelle!
Ibig sabihin niyon ay ito ang ina niya at dating asawa ng kanyang ama! Habang muling inaanalisa ang nangyayari ay ramdam kong napasubo na naman ako sa mas alanganing sitwasyon kaysa roon sa pagpayag kong maging fake girlfriend ng Daddy niya.
Bakit ba kasi hinahayaan kong maging director ng buhay ko ang dalagitang ito? Nadadala ako sa maamo niyang mukha at matatamis na ngiti!