"Tita, kalma lang," tumatawang wika ni Kelvin at inakbayan pa ako.
Kahit na twenty-five ito at mas matanda ako ay mas matangkad pa ito sa'kin. Kailangan ko pa ngang tumingala rito kapag kinakausap ito.
Hindi ko alam kung ano ang pinapainom na gatas dito ng pinsan kong si Ate Rochelle at ganito ito katangkad.
"Girlfriend mo ba iyong ipakilala mo?" bigla kong naitanong.
Dahil sa trust issue ko ay nawaglit sa isip ko na maaaring babae ang ipakilala sa'kin nitong pamangkin ko at hindi lalaki.
Mas lalong lumakas ang tawa ni Kelvin at nakuha na nga namin iyong atensiyon no'ng mga napapadaang bisita.
Kilala siya ng mga ito kaya karamihan ay nangingiti na lang din kahit hindi alam kung ano ang nakakatawa. May ilan namang napapasulyap sa direksiyon ko, at mukhang kinikilala kung sino ako.
Hindi ko tuloy mapigilang palihim na sipatin ang sarili kong ayos, at muli, isang malalim na buntong-hininga ang kumawala sa akin. Paano bang hindi? Sa haba ng paldang maong ko at sa plain na polo-shirt na pilit na naka-tuck-in, mukha na akong official solicitor ng parokya na handang kumatok sa bawat bahay para sa darating na fiesta. Kulang na lang ay bitbit na clipboard at sobreng may listahan ng mga donasyon, kompleto na ang 'Manang-on-the-Go' starter pack ko.
Yung ayos ko ay ang tipong hindi matatanggihan kasi baka sumama ang loob ng buong samahan ng mga kababaihan sa barangay. Siguro iniisip no'ng ibang bisita rito na ako ang president ng 'Anti-Landi Society' sa sobrang desente ng dating ko.
"Kelvin, kung hindi mo nililigawan o girlfriend iyang ipapakilala mo ay hindi ako interesado," pabuntonghininga kong usal. Ibinalik ko na ang atensiyon sa usapan namin ng pamangkin ko bago ko pa mas kawawain ang sarili dahil sa ayos ko.
Nangangati na tuloy akong umuwi. Nasa kabilang kanto lang naman iyong bahay namin, pwede nang lakarin. Kapag mabigyan ng pagkakataon ay pupuslit na ako mamaya pauwi. Tutal ay nakakain na naman ako, hindi masarap iyong lumpia nila. Makunat ang balat ng lechon, at sobrang tamis no'ng ilang mga dessert! At panghuli ay ang daming imbitadong mga pakialamera sa single life ko!
"Best friend ko 'yong tinutukoy ko, Tita," saad ni Kelvin. "Kaya gusto kong makilala mo rin."
Natigilan ako at naningkit ang mga matang tumuon sa kanya.
"Best friend?" matabang kong pag-uulit. "Kailan ka pa nagkaroon niyon?" nagdududa kong tanong.
Maraming kaibigan itong si Kelvin, hindi ko lang maalala kung sinu-sino ang mga iyon dahil tuwing pinapakilala niya sa aming mga tiyahin at ibang mga kamag-anak niya ay lagi akong lutang. Pero wala akong natatandaang may nabanggit siyang best friend. At hindi ko rin napansing may palagi siyang kasamang kaibigan, gano'n naman 'pag mag-best friend laging magkakasama sa kalokohan.
Masyado ba akong naging abala sa trabaho kaya hindi ko na nabibigyang pansin ang paligid? Minsan napapaisip ako, tao pa ba ako o isa na lang furniture sa bahay na namin? Imagine, nitong huli ko lang napagtanto na may girlfriend na pala iyong pinakabunso kong kapatid na si Cris. Palagi pa raw nasa bahay namin iyong babae, pero sa tagal ko yatang nakakulong sa kwarto, akala ko ay bunga lang ng guni-guni ko ang mga naririnig kong boses sa labas. No'ng nakaraang araw ko lang ito pormal na nakilala. Konti na lang, baka i-report na ako ng pamilya ko na missing person, hindi lang nila alam, busy lang akong maging diyosa ng erotica sa apat na sulok ng kwarto ko.
Sa labas ay isa akong desente at tipikal na Tita pero lingid sa kaalaman ng lahat ay ako si 'Midnight Mist', kilalang erotic writer. Sigurado akong pamilyar ang pangalan ko sa mga mahihilig sa nobelang kasing-init ng bagong saing na kanin. Siguradong nabinyagan na ng mga salita ko ang imahinasyon ng bawat mahihilig magbabad sa mga kwentong 'bawal' pero masarap.
Ang alam ng pamilya ko ay isa akong freelancer na palaging nakatutok sa computer. Akala nila, busy ako sa spreadsheets o sa pagiging virtual assistant, hindi nila alam, busy akong mag-assist sa mga fantasies ng libo-libo kong mga mambabasa. Totoo namang online ang trabaho ko tapos work from home, hindi ko nga lang sinabi na ang pino-process kong 'data' ay mga eksenang siguradong ikahihimatay ng mga tiyahin ko at mga kumare ni Mama. Daig pa naman ng mga iyon ang na-seminar ng mga santo sa sobrang banal-banalan. Konting pagkakamali lang ay malaking issue na agad na tila ba ititiwalag ka na sa puno ng pamilya. Nasisiguro kong hindi magiging 'welcome' ang alter-ego ko sa angkan namin, baka i-exorcise pa nila ang laptop ko!
Parang nai-imagine ko na kung paano magkakagulo ang buong angkan namin 'pag malaman nila ang mga sinusulat ko. Bawal ang makasalanang imahenasyon sa angkan namim, tiyak na itatakwil ako at madadamay ang mga magulang ko at mga kapatid!
Ayoko namang dahil sa akin ay magkaroon sila ng instant 'shame tour' sa bawat reunion. Alam ko namang mahal nila ako, pero ibang level ng stress ang maibibigay sa kanila ng sikreto ko. Maging ang mga pamangkin ko ay tiyak na hindi makakaligtas mula sa judgmental naming kamag-anak na ang 'Tita Claudia' nila ay ang reyna ng mga makamundong nobela.
Siguradong 'social suicide' ang aabutin ng pamilya ko kapag nabuking na ang Midnight Mist na 'yan ay nakatira lang sa iisang bubong kasama nila. Ayokong maging rason kung bakit hindi na sila makatingin nang diretso sa mata ng pastor o ng mga marites. Mas magiging habambuhay na mananatiling lihim ang pagiging Midnight Mist ko kung saan ako lang ang puyat, sila naman ay payapa ang buhay.
"Tita Claudia, nakikinig ka ba sa'kin?" Pukaw ni Kelvin sa naglalayag kong diwa.
Muntik ko nang nakalimutang kausap ko pala ito. Ito na nga ang sinasabi ko... isa sa mga dahilan kung bakit ayokong maglalabas ng silid ko, madalas akong lutang at nilalamon ng imahenasyon ko kaya kalimitin ay walang kwentang kausap.
"Gusto ko nang umuwi," bigla kong bulalas. "Naalala ko na may trabaho pa pala akong tatapusin," dugtong ko pa.
Ang totoo niyan ay bigla kong naalala na ngayon iyong update no'ng sinusubaybayan kong anime. Mas excited pa akong panoorin iyon kaysa makihalubilo sa mga bisitang nandito.
"Wait muna, Tita," pumapalatak na pigil sa'kin ni Kelvin.
Hindi ko napansing nagkusang humakbang na pala ang mga paa ko patungo sa exit nitong malawak nilang bakuram kung saan nagaganap ang magarbo niyang birthday celebration.
Hinawakan ako sa braso ng pamangkin ko kaya napilitan akong huminto at lumingon sa kanya.
"Nandito na iyong kaibigan kong ipakilala sa'yo," wika niya.
Tsaka ko lang napansin ang katabi niyang lalaki. Kumurap-kurap pa ako habang iniisip kung gaano na ito katagal sa kinatatayuan nito.
Hindi pa naman siguro ito gano'n katagal dahil imposible hindi ko agad ito mapansin gayong mas matangkad pa ito sa pamangkin ko.
"Tita Claudia, ito po si Marco iyong sinasabi ko sa inyong best friend ko," nakangiting pakilala sa'kin ni Kelvin sa lalaki. "Marco Axel Laraza po."
Parang hanging dumaan sa pandinig ko ang buong pangalang sinambit ng pamangkin ko dahil pasimple ko nang pinasadahan ng tingin ang kaibigan niya. Bilang si Midnight Mist, automatic na nag-scan ang mata ko at napapansin ang ilang mahahalagang detalye katulad ng malapad na balikat nitong balikat, chiselled jaw, at 'yong tipo ng tindig na humihingi ng sarili niyang bed scene sa susunod kong bestseller. May dala itong karisma na siguradong sold out kapag ginawa kong karakter. Iyong muscles nito, intensity ng mga mata, walang dudang walking sin ang isang ito. Ang lakas ng vibe nito na parang galing diretso sa hottest chapter ng nobela ko.
Pero bago pa tuluyang maglayag ang imahinasyon ko sa mapanganib na direksiyon ay mabilis kong inawat ang sarili. Huminga ako nang malalim habang pinapaalala sa sariling ko na kaedaran lang ito ng pamangkin ko, masyado pang bata upang isali ko sa malikot kong imahenasyon. Kaibigan ito ng pamangkin ko kaya bawal pantasyahan at baka tuluyan na akong makidlatan o magiging panggatong sa kabilang buhay!
Hindi naman ako ganito tuwing nakakakita ng magagandang lalaki, kaya walang rason upang malihis ako ng landas dahil lang sa batang kaharap.
"Hello po, Tita Claudia," nakangiting bati sa'kin ng batang laman ng isip ko at nanganganib na babagsak sa pantasya ko.
Parang nalunok ko ang sariling dila. Nanunuot sa pandinig ko ang swabe nitong boses na tila ba kinikilikiliti ang pandinig ko.
Nag-syntax error ang utak ko at hindi makapagdesisyon kung ano ang uunahing gawin. Ang tanggapin ba ang nakalahad na palad ng kaharap o ang batiin ito pabalik.
Hindi pa nakatulong sa nagpa-panic kong isip ang simpatiko nitong ngiti at mga matang tila nangungusap habang nakatingin sa mukha ko.
Upang hindi tuluyang ipahiya ang sarili ay binigyan ko na lang ito ng mabilis na tango bago hinarap ulit ang pamangkin kong kunot-noong nakamasid sa'ming dalawa ng kaibigan niya.
Apo pa naman siya ni Tita Rica, nananalaytay sa dugo niya ang pagiging tsismoso. Pinapormal kong lalo ang ekspresyon upang walang mapansin si Kelvin.
"Mauuna na ako," walang kangiti-ngiti kong kausap sa kanya. "May tatapusin pa akong trabaho," dugtong ko pa. Lihim kong pinapasalamat na hindi pumiyok ang boses ko.
Mukhang nagkakaroon lang ako ng problema sa pagsasalita kung ang gusto kong kausapin ay itong Marco na kaibigan niya. Pakiramdam ko tuloy ay kailangan kong lumayo sa batang ito kaya pigil na pigil ko ang sariling sumulyap sa direksiyon nito.
Hindi nakabubuti sa tita heart ko ang presensya ng batang ito kahit kaibigan pa ito ng pamangkin ko.
"Gusto ni'yo po ay ihatid ko na kayo," presenta ni Kelvin.
"Huwag na," mabilis kong tanggi. Sobrang bilis na parang reflex.
Ramdam ko kasi ang patuloy na paninitig sa'kin ng kaibigan niya kaya hindi ko napigilan ang tila pagkairita sa boses ko.
"Intindihin mo na lang ang mga... bisita mo," mas malumanay kong dugtong upang hindi magtaka si Kelvin sa biglang pagbabago ng mood ko.
"Ako na lang po ang maghahatid sa inyo, kung gusto ni'yo po," bigla ay singit ni Marco.
Napilitan tuloy akong lumingon dito para lang palihim na magsentimyento kung bakit ganito kagisig ang mga kabataan ngayon. Parang violation sa human rights ang ganitong ka-gwapong mukha sa harap ko.
Dahil nauna akong lumabas sa mundo kaysa sa kanya, feeling ko ay nagkakasala na ako sa bawat segundo na tinititigan ko ang panga niya. Isang malaking kasalanan sa batas ng mga Tita ang hangaan ang kagisigan ng kaedaran ng mga pamangkin, parang nanonood lang ako ng bawal na palabas sa tanghali.
Pero bago pa ako tuluyang mag-melting point ay mabilis kong sinuot ang 'masungit tita' mask ko.
"Kaya ko na ang sarili ko, iho," malamig kong pahayag. "Mauna na ako sa inyo," huli kong usal bago taas-noo at diretso ang lakad na tinalikuran sila.
Ramdam na ramdam ko ang mainit na titig ni Marco na nakabuntot sa likuran ko. Pakiramdam ko tuloy ay para akong kandidata sa Miss Universe na kailangang i-perfect ang pasarela! Ingat na ingat ako sa bawat paghakbang, tipong tinitimbang ko pa ang bawat milimetro ng semento
Bigla ay parang bumigat ang binti ko. Para akong penguin na pinipilit maging ramp model. Todo ingat ako sa bawat pag-step dahil baka bigla akong matalisod sa sarili kong palda. Hindi ko pa naranasan iyong organic encounter, baka ang ending ko ay 'emergency room encounter' dahil sa pagkasubsob sa semento.