Nanigas ang buong katawan ko. Sa loob ng tatlumpu’t anim na taon ng pananatili ko sa mundong ito, akala ko ay sa mga isinusulat ko lang mararanasan ang ganitong klaseng eksena.
Pero imposible namang nanaginip lang ako dahil gising na gising ang bawat cells ko sa katawan. Dilat na dilat maging ang mga mata ko habang ramdam ko ang mainit at mapang-angking mga labi ni Marco.
Tila may kung anong malilit na kuryenteng nanulay sa bawat himaymay ng katawan ko na dulot ng halik. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman, bigla ay parang umangat ako mula sa kinauupuan. Naglaho ang lahat sa paligid at tila ba sumentro kay Marco ang ikot ng mundo.
Ilang sandali akong natigilan dahil sa sobrang shock pero no'ng makabawi na ay hindi ko naman magawang manulak o lumayo mula sa pangahas na mga labi ni Marco.
Agad kong napansin ang magaan at banayad na pagdampi ng mga labi niya na tila ba tinitingnan niya muna kung tatakbo ako o mananatili.
Sinisigaw ng matinong bahagi ng utak ko na gawin iyong nararapat at iyon ay ang pigilan ang kapangahasan ni Marco, pero mas nanaig iyong kuryusidad ko. Sa edad kong ito, nakakahiya mang aminin, pero ito ang kauna-unahang pagkakataon na may humalik sa akin. At nalintikan na dahil tila naguguluhan ko ito at may kung anong parte sa akin ang nagsasabing hahanap-hanapin ko ito. Ang halik ni Marco ay maingat pero mapanukso, seryoso pero may nakatagong panggigigil na pilit niyang kinokontrol. Sa mga nobela ko, madalas kong isulat na 'wild' ang mga ganitong eksena, pero ang halik ni Marco ay iyong tipong mas mapanganib dahil ramdam ko ang tensyon sa bawat dampi.
Gusto kong namnamin bawat segundo at mabigyang paliwanag ang aking mga nararamdaman.
Ngayon ko lang napatunayan na ang halik pala, hindi literal na matamis ang lasa. Pero may kung anong sarap na humahaplos sa pagkatao mo na hindi lang basta taste buds ang basehan. Hindi ito tungkol sa panlasa kundi ay tungkol ito sa pakiramdam na tila ba may kung anong natutunaw sa loob ko sa bawat segundong magkadikit ang mga labi namin. Isang lasa na tanging puso lang ang nakakaintindi.
Ilang sandali pa at mas lumalim ang halik at tuluyan akong napabitaw mula sa hawakan ng pinto ng sasakyan. Ang traydor kong mga braso ay natagpuan kong yumapos sa batok ni Marco habang naramdaman ko ang paghapit niya sa'kin palapit.
Damang-dama ko ang init na dumadaloy mula sa kaniyang mga labi patungo sa akin. Kakatapos pa lang naming kumain pero kakatwang ang gamit niyang mouthwash ang naaamoy kong humalo sa bawat singhap ko. Ang malambot pero determinadong paggalaw ng kaniyang labi ay tila humihingi ng permiso, isang tahimik na pagsakop na nagpabagsak sa lahat ng depensang itinayo ko nitong mga nakaraang araw. Ang kamay niyang nasa baba ko ay dahan-dahang lumipat sa gilid ng aking panga, ang kaniyang hinlalaki ay banayad na humahaplos sa aking pisngi.
Naramdaman ko ang pagkawala ng lakas sa aking mga tuhod kahit na nakaupo ako. Ang kaba na kanina ay nasa dibdib ko lang ay kumalat na sa buong katawan ko, dahilan para mapahigpit ang kapit ko sa kanyang batok. Ang bawat dampi ng kaniyang mga labi ay tila nagsasabing hindi siya titigil, na mayroon siyang gustong patunayan sa akin na hindi kayang ipaliwanag ng kahit anong salitang English o Tagalog.
Ilang segundo— o baka minuto— ang lumipas bago siya dahan-dahang humiwalay. Hindi niya agad inilayo ang kaniyang mukha. Nanatiling magkadikit ang aming mga noo, sapat na para maramdaman ko ang kaniyang mainit na hininga sa aking balat.
"Now that," bulong niya gamit ang paos na boses. Pareho kaming dalawa na naghahabol ng aming mga hininga, "is how a leading man claims his leading lady.
Napakurap-kurap ako. Ang utak ko ay parang nag-short circuit. Gusto ko siyang sampalin, gusto ko siyang sigawan, pero ang tanging nagawa ko ay ang mapahawak sa sarili kong mga labi na tila ba nandoon pa rin ang bakas ng kaniyang halik.
"Marco..." ang tanging salitang lumabas sa bibig ko, pero tila ba wala na iyong kasunod.
"Don't look at me like that, Claudia. You're making me want to do it again." Mapaglaro man ang kaniyang tinig pero ang kaniyang titig ay nananatiling matalim at seryoso at puno ng isang emosyong pamilyar man sa mga sinusulat ko, ay hindi ko pa rin matukoy kung ano sa reyalidad. "Nevermind..." tila sumusuko niyang dugtong sa naunang sinabi.
Bago ko pa maintindihan ang ibig niyang sabihin ay muli niyang binihag ang mga labi ko. Sa pagkakataong ito ay mas mapusok at naging mas mapag-angkin ang bawat hagod ng mga labi niya.
Hindi ko tuloy mapigilang mapasinghap na agad naman niyang sinamantala, at tagumpay na pinasok ang malikot niyang dila sa bibig ko. Isang tunog ang kusang kumawala mula sa lalamunan ko nang magsimulang galugarin ng dila niya ang bawat sulok ng bibig ko.
Hindi lang basta paghalik ang kasalukuyan niyang ginagawa, parang gutom na gutom siyang kinakain ang mga labi ko. Tumagal din ng ilang minuto ang kanyang kapusukan bago niya tuluyang pinakawalan ang tila namamaga kong mga labi.
Naghahabol ako ng hininga habang nakatitig lang sa mamasa-masa niyang pulang mga labi.
Nang mapansin ko ang mabagal na pagdila niya sa paligid ng kanyang bibig na tila ba nalalasahan ako room ay tsaka pa lang bumalik ang huwisyo ko.
Tuluyang tumino sa'kin ang bigat no'ng hinayaan kong mangyari.
Mabilis kong binuksan ang pinto ng sasakyan nang hindi man lang siya tinitingnan. Muntik na akong madapa sa pagbaba dahil sa panginginig ng aking mga binti . Dire-diretso ang lakad ko patungo sa gate, hindi lumilingon, hindi humihinga nang maayos habang tila nabibingi sa lakas ng kabog ng sarili kong puso.
Pagpasok sa bahay ay hindi ko pinansin ang pagbati ng mga maliliit kong pamangkin at maging si Nanay na kakalabas lang ng kusina ay nilampasan ko at dire-diretsong tumungo sa hagdanan. Takbo ang ginawa ko paakyat sa kwarto at mabilis na sinara ang pinto. Pagka-lock ng pinto ay isinandal ko ang likod rito at dahan-dahang napa-slide pababa hanggang sa mapaupo ako sa sahig.
"Hinalikan ako ni Marco,"wala sa sariling kong usal sa kawalan.
Hinalikan ako ng isang lalaking mas bata sa akin, at ang lalaking nakakaalam sa sikreto ko na may plano pa yata akong i-blackmail gamit iyon.
Sa edad na thirty-six ay naisahan pa ako ng lalaking mahigit isang dekada ang kinatanda ko!
Itinakip ko ang dalawang palad ko sa aking mukha bago marahas na napahilamos gamit ang mga iyon.
Paulit-ulit kong minura si Marco sa isipan ko. Tagumpay nitong nagulo ang tahimik kong mundo sa loob lang ng ilang segundo. At ang mas ikinagagalit ko sa sarili ay ang katotohanang hindi ko man lang siya pinigilan o itinulak man lang palayo!
"Hindi ka lang basta naisahan, Claudia. Nagpaubaya ka pa at in-enjoy iyong halik!" inis kong kausap sa sarili habang nanggigigil na sinasabunutan ang sariling buhok.
Isang malaking pagkakamali. Isang napakalaki at nakakahiyang pagkakamali na hindi dapat nangyari sa isang babaeng nasa rurok na dapat ng katinuan sa edad na thirty-six. Dapat ay master na ako sa pag-iwas sa mga ganitong patibong, pero bakit parang ako pa ang kusang lumapit sa pain?
At ang masakit pa, sa loob ng tatlong dekada at kalahati, ngayon lang ako nakaramdam ng ganoong klaseng kuryente. Iyong tipong nakalimutan ko ang pangalan ko, ang address ko, at pati ang katotohanang bilyonaryong may hawak ng leeg ko ang humahalik sa akin.
"Pesteng Marco Axel Laraza na 'yun," pagmumura ko ulit. "Akala mo naman kung sinong guwapo... eh guwapo naman talaga, pero hindi iyon ang point!"
Marahas akong tumayo at nagsimulang maglakad nang pabalik-balik sa loob ng kwarto ko. Hindi naman kaliitan ang silid ko pero sa pagkakataong ito ay biglang sumikip ito para sa'kin lalo na tuwing naalala ko iyong huling pagkakataong nakapasok dito si Marco.
Iritable akong nagpapadyak ng mga paa dahil hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin ang init sa mga labi ko, ang kakaibang t***k ng puso ko na ayaw magpaawat. Galit ako, oo. Galit ako dahil pinatunayan niya ang sinabi niya— na siya ang masusunod sa aming dalawa. At galit ako dahil sa halik na iyon, tila ba binura niya ang lahat ng "boundaries" na pilit kong itinatayo mula pa noong unang araw na mag-krus ang landas namin.
Pero kailangang matigil ito. Ngayon din.
"Hindi ka pwedeng magpadala, Claudia. Isipin mo ang trabaho mo. Isipin mo ang sikreto mo," paalala ko sa sarili ko habang nakaharap sa salaming nasa vanity table ko.
Napangiwi ako sa repleksiyon ng hitsura ko roon. Para akong teenager na galing sa unang date, medyo magulo ang buhok, namumula ang pisngi, at litong-lito ang mga mata.
"Ginamit lang niya iyon para lalo kang malito," matigas kong kausap sa repleksiyon ko sa salamin. "Strategist 'yun, bilyonaryo 'yun. Parte lang 'yun ng laro niya para mapasunod ka."
Kailangan kong gumawa ng paraan. Una, kailangang block ko muna ang number niya. Pero hindi, baka lalo siyang mag-eskandalo at pumunta rito sa bahay. Pangalawa, kailangan kong i-delete ang lahat ng access niya sa kahit anong account ko. Pero nasa kanya na ang file ko!
Matapos siyang makapasok sa kwarto ko at matuklasan ang tungkol kay Midnight Mist ay inuna kong ginawa ang pag-secure ng mga account ko. Kaya nga nalaman ko agad na may ilang mga files na naipasa sa isang private email.
Sa gulo ng isip ko ay nakalimutan ko kaninang itanong sa kanya ang tungkol sa mga files na iyon!
Wala pa nga akong naisip na paraan upang mabawi iyon ay nadagdagan pa ang problema ko. Matapos iyong nangyaring halik ay hindi ko alam kung paano ko siya haharapin ulit nang hindi maalala kung paanong nanalasa ang dila niya sa loob ng bibig ko.
Tuwing naiisip iyon ay pakiramdam ko sinisilaban ang buo kong mukha dahil sa init.
Hahayaan ko na lang kaya iyong files sa kanya tapos mas pagtutuunan ko nang pansin ang gagawin kong pag-iwas.
Pero habang bumubuo ako ng mga planong pag-iwas ay isang mabigat na reyalidad ang tumino sa akin. Kahit anong iwas ang gawin ko, hawak niya pa rin ang alas. Isang click lang niya, isang "send" lang sa maling tao, tapos na ang katahimikan ko. At ngayong hinalikan niya pa ako, mas lalong naging komplikado ang sitwasyon.
Pabagsak akong humiga sa kama at itinakip ang unan sa mukha ko, pilit na pinapatay ang alaala ng mga nangyari kanina. Bukas, kailangang maging matatag ako. Bukas, kailangang mahanap ko ang paraan para mabawi lahat ng files na hawak ni Marco nang hindi na kailangang maulit iyong kanina. Dahil kung hindi ay baka bago pa matapos ang linggong ito, hindi lang ang sikreto ko ang nawala sa akin, kundi pati na rin ang huling natitirang piraso ng katinuan ko.