Nagpalipat-lipat ako ng tingin sa papalayong likod ni Jocelle at sa mukha ni Marco.
"What?" tumaas ang kilay niyang tanong nang mapansin ang ginagawa ko.
"Sino iyon?" pasimple kong tanong, kunwari ay hindi ako tsismosa na nagdududa sa past nilang dalawa.
Hindi ko pwedeng isantabi iyong coldness niya habang kausap iyong babae kanina. Nanibago ako roon dahil hindi naman siya gano'n kapag kinakausap ako. Hindi siya malamig kapag kaharap ako kundi ay sobrang nakakabwesit!
"Someone I grew up with," kibit-balikat niyang sagot bago binuksan ang pintuan ng sasakyan. "Get in," utos niya sa'kin.
Hindi naman ako gumalaw sa kinatatayuan at patuloy pa ring pinagmamasdan ang mukha niya.
"Hindi kayo mukhang magkababata lang," komento ko sa halip na sundin ang huli niyang sinabi. "Mag-ex kayo 'no?"
Nagpakawala siya nang mahinang tawa bago ako maingat na itinulak pasakay ng sasakyan.
"Hindi ka makasagot dahil totoo, 'no?" pangungulit ko habang napipilitang sumakay ng kotse. "Hindi ba maganda iyong break-up kaya cold iyong pakikitungo mo roon sa tao?" usisa ko pa nang tuluyan akong makaupo.
Nangingiti pa rin siya habang naiiling na kinabit ang seatbelt ko. Ako naman ay talo pa ang curious na batang naghihintay ng paliwanag niya tungkol sa kanilang dalawa no'ng Jocelle.
Hindi pa rin humiwalay ang tingin ko sa kanya nang isara niya ang pinto at umikot siya patungong driver's seat.
"Ano na? Tama ba ako?" patuloy kong tanong nang makasakay siya ng kotse.
"Why, Claudia?" naaaliw niyang tanong. "Is the great Midnight Mist looking for inspiration, or are you actually interested in my dating history?" nakangisi niyang dagdag bago binuhay ang makina ng sasakyan.
"Inspiration?" maang kong pag-uulit. "Sa inyong dalawa?! Kadiri!" pairap ko dugtong habang inaayos ang seatbelt ko. "Nagtatanong lang ako. At pwede ba, mas matanda ako sa'yo kaya huwag mo akong tawaging Claudia. It's Tita Claudia." Bahagyang tumaray iyong boses ko sa bandang dulo.
"Ten years lang naman ang tanda mo sa'kin," balewala niyang sagot.
"Eleven years and two months," pagtatama ko.
Napansin ko ang paglaki ng ngiti niya habang nakatutok ang atensiyon sa kalsada.
"Paano mo nalaman?" tanong niya habang panandaliang sumulyap sa direksiyon ko. "Sinearch mo ba?" nanunukso niyang dugtong.
"Hindi ah!" mabilis kong tanggi. "K-kaibigan ka ng pamangkin ko kaya hinulaan ko lang na 'di kayo nagkakalayo ng edad," paliwanag ko. Medyo nautal pa ako dahil ang totoo ay tama siya na sinadya ko talagang alamin.
"Grabeng hula naman iyan, Tita Claudia, spot on," pumapalatak niyang tugon.
"Tsk! Nagkataon lang kaya huwag mong bigyan ng ibang kahulugan," mataray kong saad.
"Sinabi mo, eh," mapang-asar niyang tugon. "Pero gusto ko lang linawin na hindi ko naging girlfriend si Jocelle. Sabay lang kaming lumaki at medyo close ang pamilya namin pero hanggang doon lang ang relasyon na'min."
"Bakit ka nagpapaliwanag? Wala akong pakialam doon," masungit kong sagot.
Hindi ko maipaliwanag iyong magaan na pakiramdam na lumukob sa'kin dahil sa narinig kaya dinaan ko na lang sa pagsusungit. Masaya ba ako dahil walang namagitan sa kanilang dalawa?
Imposible! Walang ibang nakapagpapasaya sa'kin kundi pgkain at updates ng pinapanood kong mga anime!
"Kung wala kang pakialam ay may pakialam ako," seryosong pahayag ni Marco na ikinatigil ko. "Ayokong ma-misinterpret mo ang koneksiyon ko sa kahit na sinong babae. Ngayon pa lang ay gusto kong linawin sa'yo na single ako... wala akong girlfriend at wala akong nililigawan. Nagkaroon ako ng girlfriend dati pero walang seryoso at halos five months na akong walang dini-date, gano'n na rin katagal kami hiwalay ng huli kong naging girlfriend."
Habang nagsasalita si Marco ay nakatanga lang akong nakatingin sa kanya. Wala akong ideya kung bakit kailangan niya pang sabihin lahat ng iyon sa'kin.
Nililito niya ako, eh! Kani-kanina lang, ang pinoproblema ko ay ang tungkol sa sikreto kong nanganganib dahil sa kanya, pero ngayon ay dumagdag na itong kakaibang kabog ng puso ko.
"Ang dami mong sinabi," paismid kong tugon upang pagtakpan ang kakaiba kong naramdaman dahil sa mga narinig. "Napansin ko lang naman na medyo cold iyong pakikipag-usap mo roon sa kababata mo kaya napatanong ako. Malay ko bang wala palang 'I-love-you-goodbye' na nagaganap."
Huminga ako nang malalim, sinusubukang pakalmahin ang t***k ng puso ko na parang sumasali sa marathon. Hindi pa magawang mag-move-on matapos marinig ang audit ng dating history ni Marco. Ito rin kasing si Marco, talo pa ang isang HR na nagpapaliwanag ng benefits package, pero wala naman akong ibang napala kundi ay pagkakagulo ng disposisyon ko.
"Was I cold? I didn't even notice," saad ni Marco. Saglit pa niya akong sinulyapan habang nakapaskil sa mga labi niya iyong nakakairita niyang ngiting kayang pabilisin ang t***k ng puso ko. "That's just how I usually am with people. Maybe you're just too sensitive, Tita Claudia. Or maybe you're just paying too much attention to how I treat other women." Ramdam ko iyong panunukso sa boses niya habang sinasambit iyong huling mga sinabi.
Biglang uminit ang ulo ko, syempre kasama na roon ang buo kong mukha. Siguradong pulang-pula ako ngayon.
"Excuse me? Sensitive? Ako?" Tinuro ko pa ang sarili ko. "Kahit mag-frozen delight ka pa sa harap nila, wala akong paki! Gumana lang iyong observation skills ko kaya huwag kang feeling."
"Right. Observation skills," pumalatak niyang usal habang bakas sa mukha ang pagkaaliw. "Then maybe you should use those skills of yours right now to notice how we're like the leads in a scene at this very moment— I'm the lead actor, and you're my incredibly grumpy leading lady."
"Leading lady mo ang mukha mo! Mag-drive ka na nga lang!" asik ko sabay baling sa bintana, pilit na itinatago ang pisngi kong parang sasabog na sa sobrang init.
Ang kapal talaga ng mukha ng Laraza na 'to upang maisip na nasa set kami ng isang high-budget rom-com, eh ang totoo ay para akong hostage sa loob ng sasakyan niya habang nanganganib ang career ko bilang si Midnight Mist. Pero letse, bakit ba ang hirap huminga? Masyado bang maliit itong sasakyan o sadyang kinakapos lang ako ng oxygen dahil sa mga pinagsasabi ng kasama kong loko-loko?
Ilang minuto pa ang lumipas at pamilyar na ang mga kanto na nadadaanan namin. Papasok na kami sa subdivision. Bigla akong nataranta nang matanaw ko ang pamilyar na street light malapit sa amin. Tsaka ko lang naalala na baka makita kaming magkasama ng kahit na sino sa pamilya ko.
"Tigil! Diyan lang sa kanto! I-stop mo ang sasakyan!" utos ko nang matanaw ko na ang gate ng bahay namin. Muntik ko pang maabot ang manibela sa sobrang pagmamadali.
"Why? I should drop you off right at your doorstep. Mas safe doon, and it's the gentlemanly thing to do," nagtataka niyang sagot habang bahagyang binabagalan ang takbo ng sasakyan.
"Anong gentlemanly?!" nanggagalaiti kong bulalas. "Marco, makinig ka..." Pinilit kong huminahon habang seryoso siyang hinarap. Nakasalalay ang katahimikan ng buhay ko sa mismong pamamahay namin kaya handa akong makiusap sa kanya "Kapag nakita ka ng mga tao sa bahay— lalo na ng mga pamangkin kong maliliit ay siguradong iisipin nila na boyfriend kita! Ayokong ma-interrogate bigla kapag umabot iyon sa iba naming mga kamag-anak!" Hindi ko na nilinaw masyado na mga tsismosa at pakialamera ang tinutukoy kong mga kamag-anak.
Tumawa siya, iyong tawang talagang nakaka-high blood dahil parang wala siyang pakialam sa reputasyon ko.
Iyong ilaw sa pinakamalapit na poste ang tanging nagbibigay liwanag upang maaninag ko pa ang mukha niya sa gitna ng dilim.
"So, you're ashamed of me now?" nakataas ang kilay niyang tanong. "O baka naman natatakot ka lang na kapag nakita nila ako, lalo silang maniwala na tayo na talaga?" mapang-asar niyang dagdag.
"Mas lamang na mapagkamalan pa nila akong nakahanap ng batang lalaki sa dating app," nanggigigil kong sabi na may kasamang pandidilat.
"Nakalimutan mo yatang best friend ako ng pinsan mo, kaya kilala ako ng mga kamag-anak mo at pamilya," nakangisi niyang wika.
Natigilan naman akong napakurap-kurap habang nakatitig sa gwapo niyang mukha. Nawaglit sa isip ko ang tungkol sa bagay na iyon, mabuti na lang pinaalala niya.
Pero agad ding nalukot ang mukha ko nang maisip na posible pa ring mabigyan ng ibang kahulugan 'pag makita kaming magkasama na kami lang dalawa.
"Kahit na," mariin kong sabi. "Ayokong makita tayong magkasama ng kahit na sino. Mahirap nang ma-issue, Marco. Hindi mo pa kilala iyong mga tao rito sa'min." Hindi ko na dinagdag na nangunguna sa tinutukoy ay iyong Tita Rica ko na may kulto ng mga concern citizen kuno tapos iyong kawalan ko lang ng love life ang main concern nila.
Sumagi pa sa isip ko iyong ilang mga kumare ni Mama na kaanib rin sa kulto ni Tita Rica. Halos nasa iisang subdivision lang kami ng mga iyon. Sa sobrang 'concern' nila sa love life ko ay siguradong magiging malaking issue 'pag makarating sa kanila ang balitang hinatid ako ng isang lalaki.
"I don't see the problem, Claudia," pahayag ni Marco habang dahan-dahang itinitigil ang sasakyan sa gilid, ilang metro lang ang layo mula sa gate namin. "Kumain lang naman tayo at walang mali kung ihatid kita pauwi. Magkakilala naman tayo, 'di ba? Bakit kailangang magtago na parang may ginagawa tayong masama?"
"Ibang klaseng imahenasyon meron ang mga kapitbahay namin dito!" inis kong sabi bago sumilip sa labas upang siguraduhing walang ibang taong napapadaan. "Hindi madaling magpaliwanag sa mga marites naming kapitbahay. Kapag nakita nilang hinatid mo ako, bukas ng umaga, kasal na tayo sa kwento nila!"
Muli siyang natawa, nahahati ang atensiyon ko sa nakakaasar niyang tawa at mga ngipin niyang kitang-kita ko ang puti sa dilim ng loob ng kotseng nakapatay ang ilaw.
Sa sitwasyon namin ngayon ay mas nagmumukha talagang may iba kaming ginagawa sa loob ng madilim na sasakyan. Gano'n pa man ay mas okay nang ganitong nakapatay rin iyong mga ilaw rito sa loob upang makasiguro akong hindi kami makikita kung meron mang nakatingin ngayon sa sasakyan.
"Then let them talk. Hindi ko naman ikamamatay kung isipin nilang 'tayo' na nga." mapanukso niyang sabi.
"Ikaw, hindi! Pero ako, mamatay ako sa stress!" Mabilis kong kinalas ang seatbelt ko. Muntik ko pang maipit ang daliri ko sa sobrang taranta. "Sige na, baba na ako. Salamat sa pagkain. At please lang, Marco, tigilan mo na ako. Sobra-sobra na 'tong kaba ko ngayong gabi."
"Wait," pigil niya sa akin bago ko pa mabuksan ang pinto. "You're forgetting something."
"Ano na naman?" inis kong baling sa kanya.
"Hindi ikaw iyong masusunod sa'ting dalawa," aniya, at sa pagkakataong ito ay wala na ang mapanuksong ngisi sa mga labi niya. Seryoso na ang kaniyang tingin, iyong tipo ng tingin na parang binabasa ang bawat laman ng utak ko. "I'm sorry, but I can't promise to stay away, Claudia. I don't usually walk away from things—or people— that I find this intriguing."
Hindi ako makagalaw habang nanatili ang kamay ko sa hawakan ng pinto. Intriguing? Ano ako, mystery novel? Ramdam ko ang pamumuo ng pawis sa noo ko kahit na naka-full blast ang aircon ng sasakyan niya. Gusto kong sumagot, gusto ko siyang barahin at sabihing hindi ako isang puzzle na kailangan niyang lutasin, pero parang may bumara sa lalamunan ko.
"And another thing," dagdag niya pa, sabay abot ng baba ko upang ilapit ang muka ko sa kanya. "Kanina ko pa 'to gustong gawin."
Iyon lang ang naging babala ko, bago ko naramdaman ang paglapat ng mga labi niya sa nakaawang kong mga labi.