chapter 6

1841 Words
Ilang minuto lang iyong binyahe namin ni Flor at narating na namin ang paaralan ni Eliz. Naabutan namin ang pamangkin kong hinihintay ang pagdating namin. Itinago ko ang saglit na pagkamangha nang makita ang pamangkin ko. Pakiramdam ko kasi ay sobrang tagal kong hindi nakalabas ng silid ko kaya hindi ko ito nakita at ngayon ay heto' t dalagang-dalaga na ito . Nang magmano ito sa'kin ay tila lalo kong naramdaman iyong edad ko. May dalaga na akong pamangkin! Fourteen years old pa lang naman ito pero ilang taon na lang at pwede na itong mag-boyfriend... o baka nga meron na dahil alam na kung paano mag-ayos. Mukhang mauunahan pa ako nitong mag-asawa balang araw. Maikukumpara na naman ako ng mga pakialamera. Sana ay unahin na munang kunin ni Lord ang mga matatandang iyon, masyado na nila akong napeperwisyo. Matapos kausapin saglit ang anak ay nagmamadali nang umalis si Flor dahil malapit na itong mahuli sa trabaho kaya si Eliz na iyong kasama ko papasok ng paaralan. Sa isang private school nag-aaral itong pamangkin ko kaya hindi na nakakagulat na kilalang personalidad iyong ibang mga nakakasalubong naming mga magulang habang papunta kami sa venue ng PTA meeting. "Tita Claudia, salamat po pala sa pagpayag na um-attend ng meeting," kiming kausap sa'kin ng pamangkin ko habang magkaagapay kaming naglalakad. "May suhol 'to galing sa Mama mo," pabiro kong sagot. Mukhang hindi yata ako pwedeng joker dahil hindi man lang natawa ang pamangkin ko. Sa halip ay isang naiilang na ngiti ang naging tugon niya, iyong ngiting parang gustong matawa na tila natatae. Sakto namang napadaan kami sa isang glass window at nahagip ng tingin ko ang repleksiyon ng sariling mukha. Lihim akong napangiwi dahil parang ang sungit pala ng dating ng ekspresyon ko. Tiyak na hindi pabiro ang dating no'ng sinabi ko kaya hindi alam nitong pamangkin ko kung ano dapat ang magiging reaksiyon. Bago pa ulit may mamagitan na usapan sa'min ni Eliz ay biglang may tumawag sa pangalan niya. "Eliz!" Sabay kaming napahinto sa paglalakad at napalingon sa pinanggalingan ng boses. Isang dalagitang kaedaran ni Eliz ang nakita kong mabilis na naglalakad palapit sa'min. "Jella, bakit?" tanong ni Eliz dito. Hindi ito agad sumagot sa tanong ng pamangkin ko sa halip ay sumulyap ito sa'kin kaya napasunod din ang tingin ng pamangkin ko. "Tita Claudia ko nga pala," pakilala sa'kin ni Eliz. "Tita, classmate ko, si Jella." Walang ekspresyon ang mukhang nakipagtitigan ako kay Jella. Hindi ko ito nginitian o binati man lang, hinintay kong mauna ito. Kay ganda nitong bata, mukhang may ibang lahi. Gano'n pa man ay halata ring may taglay itong kasungitan. Pero siguro naman ay matino ito dahil mukhang malapit silang magkaibigan nitong pamangkin kong bata pa pero masyado nang sineseryoso ang buhay. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isipan ng dalagita habang nakipagtitigan sa'kin. Sa kabila ng edad nito ay tila ba sanay na sanay itong nakipagtagisan ng tingin sa mas nakakatanda, ni hindi nga ito kumurap. Hindi na ako magugulat kung isa ito sa mga spoiled heiress na nag-aaral sa paaralang ito. "Good afternoon po," bigla ay pormal nitong bati sa'kin. Akala ko ay hindi na ito magsasalita matapos ang ilang segundong pakipagtitigan sa'kin. "Good afternoon," tumikhim kong tugon. Siguro dahil palagi akong nakakulong sa silid ko ay hindi na ako sanay makiharap sa ibang tao kaya nakaramdam ako ng pagkailang sa titig ng dalagitang kaharap. "May kailangan ka ba, Jella?" agaw ng pamangkin ko sa atensiyon ng classmate nito. Lihim ko iyong pinagpasalamat dahil hindi na ako komportable sa curiosity ng tingin ni Jella. Para kasing first time lang nitong nakakita ng tao. O baka naman may mali sa ayos ko na napansin nito? Nakita kaya niya ang bahid ng puyat sa mga mata ko dahil sa kakaisip sa problema ko kay Marco? Ayaw ko mang isipin ay may parte sa'kin ang hindi maiwasang kabahan at kahit imposible ay ramdam ko ang pagkabahala na baka may ideya ito na ako si Midnight Mist. Lihim akong napamura sa isip ko. Kasalanan lahat ni Marco kung bakit napapraning na ako ngayon! Habang pilit na pinapakalma ang napapraning kong isipan ay wala sa sariling napasulyap ulit ako sa repleksiyon ko sa glass window na malapit sa kinatatayuan namin ni Eliz. Medyo gumaan ang paghinga ko nang sa tingin ko ay wala namang kakaiba sa ayos ko. Naroon pa rin ang pamilyar kong high-neck blouse na abot hanggang lalamunan ang butones... standard uniform ng mga kagalang-galang at matinong tita. Ang buhok ko ay maayos ang pagkaka-pusod, walang hiblang nakawala, parang ang buhay ko na pilit kong ginagawang plantsado at walang gulo. Habang nakatingin sa repleksiyon ko ay hindi ko na pinapakinggan ang pag-uusap na naganap sa pagitan ng pamangkin ko at sa classmate nitong si Jella. Tinuon ko ang buong atensiyon sa repleksiyon ko sa salamin na sobrang kagalang-galang at hindi halatang nagsusulat ng mga kwentong nangangailangan ng matinding parental guidance. "Tita, may problema po ba?" untag bigla sa'kin ni Eliz na muntikan ko nang ikinapiksi dahil sa gulat. "Kanina ko pa po kayo kinakausap," dugtong pa nito. May pag-alala akong nabanaag sa mukha nito habang nakatingin sa'kin. "Nakatingin lang po kayo sa salamin..." pagpapatuloy ni Eliz habang napasulyap din doon sa salamin. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong napapamura sa isipan ko sa araw na ito. At muntikan ko nang nagawa talagang magmura nang malutong nang mapansing maging si Jella ay nakatingin na rin sa'kin gamit ang mga mata nitong puno ng kuryusidad. "Wala, Eliz. Tinitingnan ko lang kung maayos ba ang... kwelyo ko," palusot ko habang pilit na tinatago ang kaba. Mabuti na lang at hindi pumiyok ang boses ko habang nagsisinungaling. "M-medyo tumabingi kasi," dugtong ko pa na sinabayan nang pag-aayos ng kwelyo ko. Pilit ko pa ring binabalik ang awtoridad ko bilang nakatatanda kahit sadyang nahihirapan akong magpanggap na 'huwarang ehemplo' gayong sa utak ko ay parang tuksong nambubulabog ang boses ng lintik na si Marco. 'Behind that conservative Tita image lies such a vivid imagination.' Pesteng bata 'yun! Dahil sa sinabi niya, pakiramdam ko ay transparent ang suot kong damit. Hindi ko rin magawang balewalain ang pakiramdam na tila ba nababasa iyong mga sinusulat ko ng bawat taong napapadako ang tingin sa'kin. Kaparaningan to the highest level na yata itong pinagdadaanan ko! "Tita, sigurado po talaga kayo na wala kayong dinaramdam?" tanong ulit ni Eliz habang titig na titig sa mukha ko. "Namumula po kayo." "M-mainit lang, Eliz. Ang init dito sa school ni'yo, parang impiyerno," palusot ko habang paypay nang paypay gamit ang kamay ko. Pero bago pa ako tuluyang mabawi ang nawawala kong composure ay biglang tumunog ang phone ko sa loob ng bag. Ginawa ko iyong excuse upang maibaling sa ibang bagay ang atensiyon ko. Kinuha ko ang tumunog kong cellphone. Isang hindi ko kilalang numero ang kasalukuyang tumatawag sa'kin. Kahit na wala akong ideya kung sino ito lalo na at wala akong ibang pinagbibigyan ng numero ko ay napilitan akong sagutin ang tawag upang iwasan ang pang-uusisa ng pamangkin kong si Eliz. Baka kasi may follow-up question pa iyong mga tanong nito. "Hello..." pormal kong kausap sa tumatawag. Inihanda ko na ang sariling makipag-usap nang mahaba-haba sa kung sino mang tumatawag upang tuluyang maalis sa'kin ang atensiyon ng dalawang dalagitang kaharap. Kahit ahente pa ito ng funeral ones na nag-o-offer ng kabaong na buy one take one ay papatulan ko na talaga ito. "You look stunning in that reflection, Tita. But I still prefer the towel." Bigla akong natigilan at tila nakalimutang huminga nang marinig ang pamilyar na boses ni Marco. Hindi dahil sa tantalizing ang timbre nito na parang may hatid na kiliting nanunuot sa kaugatan ko kundi ay dahil sa kaakibat nitong panganib sa itinatago kong sikreto. Lord, ito na ba ang tinatawag nilang judgment day? Paano ito gayong may dadaluhan pa akong PTA meeting ng pamangkin ko? Mabilis kong hinamig ang sarili upang hindi magmukhang nakakaduda sa harapan ng pamangkin ko at classmate nito. Pasimple kong inilibot ang paningin sa paligid , pilit na hinahanap ang pamilyar na bulto ng lalaking kumuha ng kapayapaan ng isip ko. Sobrang coincidence naman kung nandito rin ito ngayon! Pero hindi rin malabo gayong alam na alam nito kung ano ang kasalukuyan kong ginagawa. Palagay ko ay nasa malapit lang ito at nakamasid sa'kin. "Hello? Putol-putol po kayo, 'di ko masyado narinig ang sinabi ni'yo, " kunwari ay nagbingi-bingihan kong sabi. "Nagbebenta po kayo ng insurance?" Lalo akong nas-stress dahil bigo akong mamataan ito sa paligid. Dumarami na rin ang mga paroo't paritong mga magulang at estudaynte kaya mas pahirapang mahanap siya. Narinig ko ang mahinang tawa ni Marco, indikasyon na alam nitong nagsisinungaling lang ako. "Is that so, Tita? Then let me speak clearly," aliw na aliw niyang sabi sa kabilang linya. "I was just calling to offer you a special 'Life Extension' plan. It's a premium package for people with... very active imaginations. Very little coverage, but maximum exposure. Interested?" May gana pa talaga siyang sakyan ang imbento kong pahayag. Literal na uminit ang bumbunan ko. Life extension?! Maximum exposure?! Halatang may ibang kahulugan ang mga salitang iyon na may kinalaman tungkol sa natuklasan niyang sikreto ko. "Ay, naku! Sir, hindi ko po kailangan ng sementeryo plan niyo!" mataray kong sagot. "At lalong hindi ako interesado sa 'special coverage' na sinasabi ni'yo!" mariin kong dugtong. "But it's a lifetime contract, Tita Claudia," pilyo niyang saad. "No exit clause." Parang sinasabi na rin niyang hindi niya ako lulubayan ar hindi ko rin siya matatakasan. "Inyong-inyo na po 'yang plan ni'yo!" medyo tumaas ang boses kong sagot. Pansin kong napapasulyap na sa'kin iyong ibang napapadaan pero nawalan na ako ng pakialam. "Huwag ni'yo na akong tatawagan ulit, kundi isusumbong ko kayo sa pulis!" banta ko pa sa kausap bago mabilis kong pinindot ang end call bago pa ako tuluyang mawala sa huwisyo. "Tita? Sino po 'yun? Bakit po kayo galit?" tanong ni Eliz, ang inosenteng mukha ay puno ng pag-aalala. "Wala 'yun, Eliz. Isang makulit na scammer lang," sagot ko habang mabilis na isinisilid ang phone sa bag ko na tila ba doon ko ikukulong ang kaluluwa ni Marco. "Nagbebenta ng kung anu-anong insurance para sa kabilang buhay. Mga budol-budol talaga ngayon, pati katinuan ng tao, gustong nakawin." Inayos ko ang suot kong salamin at pilit na ibinalik ang aking 'Strict Tita' aura. Itinaas ko ang aking baba at pinasadahan ng kamay ang pagkaka-pusod ng buhok ko upang masigurong nasa ayos pa rin ito. "O, halina kayo. Baka mahuli pa tayo sa PTA meeting," aya ko sa dalawa bago pa ulit may makapagsalita sa kanila. "Bilisan na natin at baka maunahan pa tayo sa upuan sa harap. Ayokong sa likod maupo, baka hindi ko marinig ang magsasalita sa harapan," patuloy kong litaniya at nagpatiuna nang humakbang. Habang naglalakad ay napangiwi ako dahil kahit sa sarili kong pandinig ay nagtunog matandang tita na talaga ako! Napaka-high pitch ng boses ko, napaka-authoritative, at parang bawat salita ko ay may kasamang lecture. Letse talaga ang epekto ng Marco na iyon, pati ang internal monologue ko, nagiging neurotic na!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD