Isa... dalawa... tatlong araw. Bilang na bilang ko bawat araw na nagdaan simula no'ng matuklasan ni Marco ang pinakaingat-ingatan kong sikreto.
Sanay ako sa puyatan dahil sa trabaho ko, pero ibang klaseng pagkapuyat ang dinanas ko nitong mga nakaraang araw.
Ilang beses ko nang sinaktan iyong Marco na iyon sa isipan ko. Hindi ako makatulog nang maayos dahil sa kanya, palagi siyang laman ng isipan ko hindi dahil sa sobrang gwapo at bango niya tapos sarap niyang pagpantasyahan kundi ay dahil sa pagkabahala ko sa natukalasan niya tungkol sa pagiging Midnight Mist ko.
Umabot na ako sa punto kung saan ay naisipan ko na siyang ipakulam. Nadagdagan pa mga kasalanan ko dahil pinagdasal ko nang madisgrasya siya tapos magka-amnesia at makalimutan iyong natuklasan niya.
"Tita! Tita Claudia!"
Napakurap-kurap ako at napatitig sa matabang pisngi ng pamangkin kong si Mikael. Hindi ko alam kung gaano na ito katagal sa harapan ko habang tila wala sa sariling nakatunganga akong nakaupo rito sa sala namin.
"Bakit?" mataray kong tugon nang makabawi at biglang naalala ang atraso nito sa'kin.
"Tita, ano ulam ni'yo?" singit bigla ng kapatid nitong si Kim.
Napadako ang tingin ko rito at tulad no'ng nakaraan ay kasama na naman ng dalawang magkapatid si Aivy. Silang tatlo iyong salarin kung bakit nakapasok sa silid ko si Marco at aksidente nitong natuklasan ang tungkol sa katauhan kong si Midnight Mist.
Anak ng ikatlo sa aming magkakapatid itong si Mikael at Kim tapos sa ikaapat naman itong si Aivy. Pinakamatanda sa kanilang tatlo itong si Mikael pero hindi naman magkalayo sa magkasunod lang na edad nina Kim at Aivy kaya magkasundong-magkasundo ang mga ito sa kalokohan.
Mabuti na lang talaga at iyong kakambal nitong si Aivy ay hindi sumasama sa kanila dahil kung nagkataon ay madadagdagan pa ang mga pasaway na palaging nagagawi rito sa bahay namin.
"Hindi ba kayo pinakain sa inyo?" masungit kong tanong.
Mali ko naman talaga kung bakit hindi ako nag-lock ng pintuan kaya nagawa nilang patuluyin sa silid ko si Marco, pero gusto kong may mapagbuntunan ng sisi.
Pero ang nakakainis lang ay parang hindi naman tumatalab sa tatlong ito ang pagtatalak ko no'ng nakaraang araw dahil sa ginawa nila. Isang araw lang silang hindi nagpapakita rito sa bahay, tapos heto at parang walang nangyaring dumayo na naman sila.
Limot na agad nila iyong kasalanan nila samantalang ako ay halos minumulto na no'ng nangyari... malapit na rin akong multo na tatagos na lang bigla sa mga pader nitong bahay namin dahil sa stress at anxiety.
"Galit na naman siya..." bulong ni Aivy sa katabing si Kim.
Bumubulong pero dinig ko naman. Sinadya pang iiwas sa'kin ang tingin na para bang 'pag ginawa nito iyon ay hindi ko na sila mapapansin gayong kaharap lang nila ako.
"Eh, paano walang jowa," ganting bulong naman ni Kim. Kung magbulungan ang dalawa ay parang wala ako sa harapan nila.
Minsan talaga ay ang sasarap pagpipilipitin sa leeg ng mga bubwit na ito.
"Wala kaming ulam," bigla ay padabog kong pahayag upang putulin ang bulungan ng dalawang batang malapit nang umubos sa pasensya ko.
"Bakit po?" mulagat na bulalas ni Mikael. Isa pa 'to eh, kung makapag-react ay para bang sobrang imposibleng mawalan kami ng ulam.
"Inubos ko na lahat," nakasimangot kong pagsisinungaling. "Kaya wala nang natira." Alam kong may natira pang ulam pero gusto ko lang makaganti kahit konti sa ginawa nila.
Pakiramdam ko ay kulang pa iyong pagtatalak ko no'ng nakaraan at ginawa kong pagsumbong sa mga magulang nila kaya sila pinagalitan. Hindi naman sa pinagdadamutan ko sila, pero kapag pagkain ang usapan ay alam kong mas dadamdamin pa nila iyon kaysa galit ko kaya ito ang magiging parusa nila. Imposible naman kasing kulang sa kain ang mga ito dahil bilog na bilog silang tatlo.
"Bakit mo po inubos?" dismayadong bulalas ni Mikael. Parang sobrang laking kasalanan nang ginawa ko.
Hindi naman ito ginugutom sa kanila pero palaging pumupunta rito sa bahay upang makikikain. Kaya ito mas lalong nagiging tabachingching dahil pinapabayaan sa kusina .
"Kasi nagutom ako," balewala kong sagot at pahalukipkip na sumandal sa sofa na kinauupuan ko.
Nanghahamon ang tinging binigay ko rito habang nanatili ang mataray na ekspresyon sa mukha.
"Bakit ka po nagutom?" curious na singit ni Aivy. Kung makatingin ito sa'kin ay tila ba takang-taka ito na nagutom ako.
"Kasi sobrang nakakapagod ang trabaho ko kaya kailangan kong kumain nang marami," sagot ko.
Tila nakakaintindi pa itong tumango-tango at humarap sa dalawang kasama bago nanatili ang tingin kay Mikael.
"Kuya Mikael, palagi kang gutom," saad nito habang nakatingin sa pinsan. "Wala ka namang trabaho," inosente pa nitong dugtong.
"Gano'n talaga," sagot ni Mikael. "Sabi ni Mama ay dahil lumalaki ako," tila proud pa nitong dugtong at iniliyad ang dibdib pero unang umusli ang tiyan.
"Oo nga, Kuya, malaki na ang tiyan mo," nakangiting sang-ayon ni Kim at hinimas pa ang bilog na tiyan ng kapatid.
Napatingin din doon si Aivy at nakihimas na rin habang puno ng pagmamalaki namang nakangiti sa dalawa si Mikael.
Matatawa sana ako kung hindi ako ngayon problemado. Inaamin ko na ang cute nitong mga pamangkin ko lalo na ganitong nag-uusap-usap na parang hindi apektado ng magulong mundo.
Ako kasi, sa pagdaan ng bawat segundo ay damang-dama ko ang unti-unting pagguho ng mundo ko. At lahat iyon ay dahil kay Marco.
Gusto kong kumbinsihin ang sarili na masyadong maraming pinagkakaabalahan sa buhay ang isang Marco Axel Laraza para bigyan ng oras ang natuklasan nito, pero tuwing naalala ko ang mga huli niyang sinabi at maging ang ekspresyon niyang tila nangangakong babalikan ako ay bigla rin akong nanlulumo.
Nabalik sa kasalukuyan ang atensiyon ko nang marinig ko ang pagbukas-sara ng pintuan namin sa may kusina.
Ilang sandali pa ay sumilip mula roon ang kapatid kong si Flor. Ito iyong sumunod sa'kin at katulad no'ng iba kong mga kapatid ay nasa likuran lang iyong tinitirhan nitong bahay kasama ang sariling pamilya.
Malalaki na iyong mga anak nito at abala sa pag-aaral kaya minsan lang pumapasyal dito sa bahay kahit na ilang hakbang lang iyong bahay nila mula rito sa bahay ng mga magulang namin kung saan ako nakatira ngayon at posibleng dito na rin ako tatanda kapag hindi na makapag-asawa.
"Ate Claudia, hindi ka po ba busy ngayon?" tanong sa'kin ni Flor nang mamataan ako.
Nang marinig no'ng tatlong bata ang boses ng kapatid ko ay excited na nagsilapitan ang mga ito sa kanya. Salubong ang kilay na pinanood ko na halos mag-agawan ang tatlo kung sino ang unang magmamano kay Flor.
"Tita Flor, may ulam po kayo?" tanong agad ni Mikael na sinegundahan din ng dalawang kasama nang kaparehong tanong.
Natawa na lang si Flor sa gulo ng tatlo, habang lalong umasim ang ekspresyon ko sa mukha dahil pansin kong hindi sila ganito kapag ako ang kaharap. Oo at kinakausap nila ako at kinukulit pero hindi sila ganito ka-excited at ka-ingay na kulang na lang ay maglambitin kay Flor upang maglambing.
"Ano pong ulam ni'yo?"- Aivy.
"May kanin din po ba kayo?"- Kim.
Sabay-sabay nang nagsasalita ang mga ito pero ang nakapagtataka ay mukhang aliw na aliw pa sa kanila itong si Flor sa halip na makulitan at maingayan. Kung ako ang kinakausap nila nang ganyan ay kanina ko pa sila nabulyawan.
"Pumunta kayo sa bahay," sagot ni Flor sa hindi matapos-tapos na tanong ng mga ito tungkol sa ulam. "Naroon si Kuya Niño ni'yo, magpahain kayo..."
Hindi na kailangan pang magdalawang salita ni Flor dahil bigla ay nag-unahan na sa pagtakbo palabas ang tatlo. Basta kain ang usapan ay mabilis pa sa alas-kwatro ang tatlong iyon lalo na si Mikael na kahit malusog ay maliksi pa ring kumilos.
Nang muling dumako sa'kin ang tingin ni Flor ay tsaka ko lang sinagot ang tanong niya kanina, "Day off ko ngayon," wika ko.
Wala naman talagang eksaktong day off ang trabaho ko dahil hawak ko ang oras ko kaya pwedeng-pwede ako mag-day-off kahit anong araw o oras ko gusto at walang limitasyon kung gaano pa kahaba basta natapos ko lang iyong kailangan kong update.
"Pwede ba akong makisuyo, Ate?" tanong ni Flor.
Napaayos naman ako nang upo at tinuon na sa kanya ang buong atensiyon.
"Kailangan ko pa kasing bumalik sa trabaho," pagpapatuloy niya. Tsaka ko lang napansing suot niya pa iyong uniform nila sa pinagtatrabahoang kompanya.
"May PTA meeting sa school nila ni Eliz," dugtong niya sa naunang pahayag. "May emergency naman sa kompanya nina Raffy kaya kailangan niyang pumunta sa site nila sa kabilang siyudad." Nag tinutukoy niyang Raffy ay kanyang asawa.
Parang may ideya na ako sa gusto niyang ipakiusap kaya inunahan ko na, "Flor, si Mama na lang kaya ang pakiusapan mong dumalo sa PTA meeting," suhestiyon ko. Halos hindi nga ako lumalabas ng silid ko kaya huwag niyang asahang gugustuhin kong lumabas ng bahay.
"Iyon nga, Ate, may pinuntahan sila nina Tita Rica kaya hindi rin siya pwede," problemadong sagot ng kapatid ko. "Kaya ikaw iyong huling pag-asa ko," nakikiusap niyang dagdag.
"Importante kasi ngayon iyong meeting," dagdag pa niya bago pa ako makapagpahayag nang pagtanggi. "Sige na... please. Ngayon lang talaga, promise bibilhan kita ng paborito mong kape."
Kumunot ang noo kong napatitig sa kanya.
"With doughnuts pa galing sa pinakapaborito mong pastry shop," pahabol niya.
"Hindi ako si Mikael na nasusuhulan ng pagkain," paingos kong wika kahit ang totoo ay nakumbinsi na niya ako roon pa lang sa kape.
Kahit palagi kong nasusungitan iyong makulit na si Mikael ay aminado akong sa'kin nito namana ang pagkamahilig sa pagkain, natriple nga lang iyong taglay na katakawan ng batang iyon! Hula ko nga ay may third floor na ang tiyan niyon.
"Sige na, Ate, kawawa naman si Eliz doon kung walang darating na guardian," aniya.
"Oo na, magbibihis lang ako," nakasimangot kong pagpayag. "Nangongonsensya ka pa eh," bubulong-bulong kong dugtong habang tumatayo mula sa kinauupuan.
"Thank you, Ate," masaya niyang bulalas. "Isasabay na kita papunta sa school ni Eliz."
Inirapan ko lang siya at umakyat na sa silid ko upang magbihis. Kailangan ko rin sigurong lumabas ng bahay at libangin ang sarili ko upang hindi ako mabaliw sa kakaisip doon sa problema ko.