chapter 4

1781 Words
Sumulyap ulit siya sa nakabukas kong laptop kaya napasunod ang tingin ko roon. Lalong nanlamig ang pakiramdam ko nang mapagtanto kong nakabukas ang isa sa mga latest kong sinusulat. Isang sulyap lang at kahit may kalayuan ay alam na alam ko kung anong eksena ang nakasulat doon, isang maalab na tagpo sa pagitan ng isang mapusok na bida at ng kaniyang bawal na pag-ibig. "Interesting read," saad ni Marco. Kalmado man ang kanyang boses ay iba naman ang gustong ipahiwatig ng kakaibang kislap sa kanyang mga mata. Doon na sumabog ang lahat ng emosyon ko. Ang gulat ay mabilis na pinalitan ng nag-aapoy na galit, isang depensa para hindi niya mahalata na ang puso ko ay parang sasabog na sa pinaghalong kaba at hiya. Bigla nga ay hindi ko na alintana na tanging maikling towel lang ang nakatakip sa katawan ko at tumutulo pa ang basa kong buhok. Dapat ay fresh ang pakiramdam ko dahil kakagaling ko lang maligo, pero biglang pinagpawisan ako. "Wala kang karapatang basahin 'yan!" bulyaw ko, kahit medyo piyok dahil sa panginginig. "At sino ang nagbigay sa 'yo ng permiso na pumasok at maghalungkat sa gamit ko? Pamilya ka ba? Close ba tayo? Hindi dahil pinapasok ka ng mga bata ay may lisenya ka nang magpaka-spy sa loob ng kwarto ko!" Nanggagalaiti ako sa inis at matapang pang humakbang palapit sa kanya. Sa galit ko ay tila ba wala na akong pakialam sa height difference naming dalawa. Kahit na hanggang balikat niya lang ako ay pakiramdam ko ako si David na kayang patumbahin ang katulad niyang parang si Goliath. Nanatili siyang kalmado, ni hindi man lang kumurap sa pagsusungit ko. Mas lalo akong nanggigil. Iyong 'Manang' side ko, gusto na siyang palayasin gamit ang walis tambo, pero iyong 'Midnight Mist side ko ay takot na takot na baka mabuko ang pinakatatagong sikreto ng buhay ko. Gulong-gulo ang pakiramdam ko na tila ba ay binabangungot ako nang gising. Ni sa hinagap ay hindi sumagi sa isip ko na sa ganitong paraan mabubuking ang katauhan ko bilang si Midnight Mist. At lalong hindi ang isang Marco Axel Laraza ang makakatuklas niyon! Hindi ko man kilala ang lalaking ito bilang best friend ng pamangkin ko, ay kilalang-kilala ko naman siya bilang nag-iisang tagapagmana ng mga Laraza, ang pamilyang tinuturing na isa sa tatlong pamilyang haligi ng ekonomiya ng buong bansa. Hindi lang siya kilala dahil sa yaman at impluwensya ng kanyang pamilya, kilala rin siya bilang pinakabatang bilyonaryo na nakapagpatayo ng sariling kompanya nang walang tulong mula sa kanyang mga magulang. Kung gaano siya kagaling sa negosyo ay gano'n din karaming mga babae ang nali-link sa kanya. Hindi na rin iyon nakapagtataka dahil sobrang gwapo nito at para itong literal na hinugot mula sa mga sinusulat kong pantasya. At ngayon ay nasa harapan ko ito, taglay ang kaalamang maaaring tatapos sa tahimik kong buhay at maglalagay sa'kin sa sitwasyong pinangingilagan ko. Wala pa man ay parang nakikinita ko na ang matatanggap kong tingin mula sa banal-banalan kong mga kamag-anak at mga kakilala ng pamilya ko. "I didn't mean to pry, Tita Claudia," malumanay na sagot ni Marco sa galit kong pahayag. Tinawag niya pa talaga akong 'Tita'. Ang sarap niyang saksakin ng ballpen. "Naka-on ang screen pagpasok ko. Mahirap hindi mapansin ang mga salitang nandoon. Masyadong... agaw-pansin at vivid." "Lumabas ka. Ngayon din!" matigas kong utos sa kanya habang nakaturo sa pinto. Sa sobrang gigil ko ay muntik pang lumaylay ang tuwalya ko kaya mabilis ko itong hinigpitan muli. Bwesit na bwesit na ako sa isip ko lalo na at nahuli ko pa ang pagdako ng tingin niya sa bahaging muntikan nang ma-expose. "Wala akong pakialam kung anong nabasa mo o kung anong iniisip mo," galit kong pagpapatuloy upang makuha ang atensiyon niyang napako sa bandang dibdib ko. "Lumabas ka bago ako mag-eeskandalo at sabihing nambabastos ka ng matanda!" Purong pananakot lang ang lumabas sa bibig. Hindi ko naman magagawa iyon dahil ako iyong mas malalagay sa kahihiyan. Bahagya siyang tumawa. Parang gustong manayo ng balahibo ko dahil maikli at paos na tawang pinakawalan niya. Sa halip na sundin ako at lumabas na ay humakbang siyang palapit sa'kin. Muntikan pa akong napaatras, mabuti na lang at mabilis kong naawat ang sarili dahil pagpapakita ng kahinaan kung gagawin ko iyon. Huminto siya nang isang dangkal na lang ang pagitan namin. Amoy na amoy ko ang pinaghalong pabango niya at ang body wash na ginamit ko. "Matanda?" naaaliw niyang ulit gamit ang baritono niyang boses. "I don't see anyone old in here." Pahapyaw niya pang pinaraanan ng tingin ang paligid namin, tila sinusuri ang bawat sulok ng silid ko bago muling ibinalik ang naaaliw niyang titig sa akin. Isang titig na tila inaasar ako habang pasimpleng binabasa ang bawat hibla ng aking pagkatao. "If you're referring to yourself... I don't see age, Tita," dugtong niya pa habang biglang naging seryoso ang ekspresyon sa mukha. "All I see is a stunningly beautiful woman who happens to be a damn hot tita." Naramdaman ko ang mabilis na pag-akyat ng dugo sa aking mga pisngi kasabay ng lalong pagbilis ng kabog ng dibdib ko. May kakaiba sa pagbigkas niya sa salitang tita na parang gustong magpanginig sa mga tuhod ko. Kailangan ko pang ipaalala ulit sa sarili ko na kaibigan siya ng pamangkin ko upang bumalik sa huwisyo ang utak ko. Ako ang mas matanda kaya dapat ay ako iyong mas may awtoridad sa pagitan naming dalawa. Ako ang dapat na nagpapaamo sa kanya at nagpapasunod. Pero sa harap ng lalaking ito, ang pagiging 'tita' ko ay tila naging isang titulong walang saysay dahil mas mabilis pa sa kidlat na nagagawa niyang baligtarin ang sitwasyon kahit wala pa naman siyang ginagawa talaga. "Lumabas ka na!" mariin kong asik sa kanya sa halip na bigyang tugon ang kanyang mga sinabi. Sinundan ko pa ang sinabi ng matalim na tingin upang ipakita sa kanyang seryoso ako. "Galit ka ba dahil pumasok ako, o galit ka dahil sa natuklasan ko?" kunot-noo niyang tanong at makahulugan pang sinulyapan ang nakabukas na laptop. "Are you angry because I walked in without permission, or are you angry because I found out that behind that conservative 'Tita' image lies such a vivid and provocative imagination?" pagpapatuloy niya habang seryoso ang mukha. Mas nilinaw niya pa talaga! Kuhang-kuha ng batang ito ang gigil ko! Wala namang kakaiba sa ekspresyon niya sa mukha, pero biglang nangati ang kamay kong sapakin siya roon. Pero nakakahiya naman sa kagwapuhan niya kung padadapuin ko roon ang kamay ko... tsinelasin ko na lang kaya siya! "Wala kang alam tungkol sa akin, Marco," malamig kong usal. Hindi ko masabi kung ang bahagyang panginginig ng kamay ko ay dahil sa lamig o dahil sa tindi ng mga emosyong nararamdaman ko. "Kahit kaibigan ka ni Kelvin ay hindi tayo personal na magkakilala kaya umalis ka na rito at kalimutan mo ang natuklasan mo," matigas kong pagpapatuloy habang pilit na nilalabanan ang akmang panginginig ng boses ko. Unti-unting nagbago ang seryosong bukas ng mukha ni Marco at napalitan ng isang mapagkumbabang ekspresyon. Gano'n pa man ay naroon pa rin ang pilyong kislap sa kaniyang mga mata na tila ba normal na lang sa kanya. Itinaas pa niya ang kanyang dalawang kamay na tila sumusuko. "Sige, aalis na ako. Ayokong maparusahan ng isang Tita na kasing-sungit mo," wika niya habang dahan-dahang umaatras patungo sa pinto. "I'm sorry. Hindi ko intensyong sirain ang gabi mo. Napag-utusan lang ako..." Iminuwestra niya pa ang dala niyang paper bag na pinaglagyan ng tupperware na may lamang mga pagkain galing sa birthday ni Kelvin. Bahagyang lumuwag ang paghinga ko nang makita kong nasa may pintuan na siya. Pero bago niya tuluyang pihitin ang seradura ay lumingon siya sa akin nang may malawak na ngiti— iyong ngiting alam mong may hawak siyang alas laban sa sa'kin. Muli ay kumabog nang malakas ang dibdib ko at wala sa sariling napahigpit ang kapit ko sa pagkakabuhol ng tuwalyang suot. "Pero hindi pa tayo tapos mag-usap, Tita Claudia," nangingislap ang mga mata niyang wika. "Sa susunod na magkita tayo ay pag-uusapan natin nang masinsinan ang tungkol sa 'Midnight Mist' na 'yan. Marami akong tanong... at sa tingin ko, mas magiging masaya ang usapan natin kung wala nang tuwalya na nakaharang." Nanlaki ang mga mata ko at muling kumulo ang dugo ko, at dahil hindi ako katangkaran ay pakiramdam ko ay mabilis umakyat lahat sa ulo ko! "Wait!" mabilis niyang pigil sa'kin nang akmang babatuhin ko siya ng tsinelas na mabilis kong napulot sa sahig dahil sa inis. Itinaas pa niya ang dalawang kamay na tila sumusuko, pero ang mapanuksong kislap sa mga mata niya ay hindi nawawala. Mahina siyang natawa habang nakatingin sa reaksiyon ko. Sigurado akong pulang-pula na ngayon ang mukha ko. "I mean... I'd prefer it if you were properly dressed," mahinahon niyang paglilinaw sa naunang pahayag, bagaman ang tingin niya ay tila may sariling isip na muling pumasada sa katawan ko. "Your towel is proving to be quite the distraction, Claudia. Not that I'm complaining, but we'd both be much safer if you were covered up, rather than... well, giving me such a clear view of how incredibly sexy you are." Ngali-ngali akong yakapin ang sarili upang magtago mula sa mainit iyang mga titig. "Lakas ng loob mong tawagin akong Claudia! Tita Claudia sa 'yo, Marco! Tita!" sigaw ko habang mas hinihigpitan ang kapit sa tuwalya ko. "And stop looking! My eyes are up here, you brat!" Imbes na matakot, mas lalo lang siyang ngumisi. "I am looking at your eyes. They're very... expressive when you're angry." "Lumabas ka na! Out! Ngayon na!" Itinuro ko ang pinto gamit ang suot kong tsinelas. "This is the last time you'll ever see me. Kapag magtatagal ka pa nang isang minuto ay ipapakulam na kita sa probinsya! Get out of my house!" Biglang sumeryoso ang mukha ni Marco, nawala ang pilyong ngiti at napalitan ng isang malalim at mapanuring titig. "The last time? I don't think so," mahina niyang wika, ang boses ay naging paos at seryoso. "Magkikita ulit tayo... at mag-uusap, Midnight Mist," tila siguradong-sigurado niyang pahayag. Literal na nayanig ang buo kong pagkatao dahil sa huli niyang tawag sa'kin. Walang saysay kung ide-deny ko pa ang tungkol kay Midnight Mist. "You... you're crazy! Get out!" bulyaw ko sa kanya, pero sa pagkakataong ito, wala na ang bagsik ng boses ko. Napalitan na ito ng tarantang pag-iwas. Ngumiti siya nang tipid, isang ngiting nagsasabing alam niyang nanalo siya sa round na ito. Bahagya pa siyang sumaludo bago dahan-dahang tumalikod patungo sa pinto. "See you soon... Tita," huling hirit niya bago tuluyang lumabas, iniwan akong nakatayo sa gitna ng silid ko, nakatuwalya, may hawak na tsinelas, at tuluyang nawala sa huwisyo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD