Alas-otso na ng umaga nang maramdaman kong may gumagalaw sa tabi ko. Mabigat pa ang ulo ko, parang binuhusan ng tingga. Pagdilat ko, agad kong nakita si Frances na nakaupo sa gilid ng kama, nakakunot ang noo, hawak ang cellphone, at parang may mabigat na problema.
“Pre,” sabi niya, medyo garalgal pa ang boses. “Tingnan mo ’to.”
Nag-inat muna ako, sabay tiningnan ang screen ng phone niya na halos mapuno ng notifications. Halos puro missed call from Shiela.
“Grabe, mga trenta yata ’to?” sabi ko, halos hindi makapaniwala. “Bakit hindi mo sinagot?”
“Lasing ako, ano bang alam ko kagabi?” balik niya, sabay sapo ng noo. “At ang masama pa, may message siya… pare, break na daw kami.”
Napakurap ako. “Ha? Bakit naman bigla?” Napaisip ako. “Sandali, diba sabi mo kagabi break na kayo kaya nga nakipag inuman ka, diba?
Tumango lang siya. “Right… break na nga pala kami kagabi palang.”
Inabot niya sa akin ang phone. Binasa ko ang message ni Shiela:
“Ayoko na, Frances. Sawa na ako sa pag-intindi sa’yo. Lahat ng problema mo, ako parin ang nasasalo. Siguro tama na.”
Tahimik akong napasinghap. Si Shiela, kahit may pagka-drama, hindi naman ‘yon basta-basta nagpapadala ng mga ganitong linya. Kaya alam na alam ko kung ano ang dahilan nito. Babae na naman. Mukong kasi tong si Frances kahit saan pumunta, may chix na kasama.
“Hayaan mo nalang siya, Bon!” sigaw ni Frances, sabay bagsak ng katawan sa kama. “Marami pa namang iba d’yan. I can always have someone hotter than her. We can, diba?”
Napailing ako. “Hay nako, Pre. Matinong babae si Shiela, pero ikaw naman kasi ‘di marunong magpakatino. Ilang beses mo nang pinaghintay, tapos last night, imbes na mag-reply ka sa kanya, dito ka pa sa akin uminom.”
Tumitig siya sa kisame. “Ewan. Basta, hindi siya kawalan, okay? She's not the icing on my cake.” sabay ngiti na parang may kung anong iniisip. “Anyways, let's go somewhere mamaya. I got your back…”
“Uy! Uy! Alam na alam ko na ‘yan, ha, Frances… mambabae na naman ba tayo?”
“Natural. Wala na akong responsibility. I'm a single man. And I wanna spend the rest of my life eating shaved kitty…”
Napabuntong-hininga ako. How did I even end up with this man?. “Tara, almusal muna tayo. Lulutuin ko ‘yong natirang itlog sa ref.”
Pero bago pa ako makatayo, biglang tumunog ang doorbell. Sunod-sunod, parang may nagmamadali.
DING DING!
DING DONG!
DING DING!
Nagkatinginan kami ni Frances. Parehong napahinto.
“Pre,” bulong niya, “’wag mong sabihing…”
Tinignan ko siya nang matalim. “’Wag mong sabihing si Shiela—”
DING DONG!
Mas malakas pa. Halos mapatalon si Frances.
“Teka lang, pre, baka hindi siya! Baka si tita Pat lang ‘yon, nakalimutan ko ‘yong susi niya kagabi.”
Pero bago pa ako makatayo, sumilip ako sa bintana. At doon ko nakita.
“Lagot ka, pre,” sabi ko sabay pigil ng tawa. “Si Shiela nga!”
Nakita ko si Shiela sa labas, naka-pajama pa, halatang galing sa bahay lang, pero may dalang tote bag at mukhang galit. Nakatukod ang isang kamay sa bewang, habang ’yong isa ay nakahawak sa cellphone.
“Bon!” halos pasigaw ni Frances. “’Wag mong sabihing nakita niya ako rito kagabi? Patay!”
“Relax ka lang!” sabi ko, pinipigilan ang tawa ko kahit alam kong delikado. “Sige, tago ka muna. Baka kung ano isipin ni Shiela.”
“San ako magtatago?!”
“CR! Dali!”
Agad siyang tumakbo papunta sa CR, sabay isinarado ang pinto. Narinig ko pang binuksan niya ang shower para kunyaring naliligo.
Saktong gano’n, tumunog ulit ang doorbell.
“Bon! Alam kong nandiyan si Frances!” sigaw ni Shiela mula sa labas. “Buksan mo ‘to!”
Napakamot ako ng ulo. “Lagot tayo dito.”
Naglakad ako papunta sa pinto, pilit pinapakalma ang sarili. Binuksan ko nang dahan-dahan.
Pagbukas ko, ayun siya—nakatayo, mukhang kulang sa tulog, pero andun pa rin ‘yong matalim niyang tingin.
“Good morning?” bati ko, medyo kinakabahan.
“Morning?” balik niya, taas-kilay. “’Yan lang masasabi mo?”
“Ah… gusto mo ng kape?”
“Hindi. Gusto ko si Frances.”
Lunok. “Ah… si Frances?”
“Oo. ’Yong boyfriend kong sinagot mo pa kagabi!”
“Ah eh…” napatingin ako sa loob, tapos sa kanya ulit. “Wala siya dito.”
“Bon, seryoso ako. Nakita kong online siya kaninang madaling araw, pero hindi man lang nag-reply sa akin. At alam kong dito siya pumunta kagabi, kasi where else would he go?! ’Yong bote ng alak na may caption na ‘cheers pare’—ikaw lang naman ang binubulgar niyang kasabwat!”
Napangiti ako kahit pilit. “Ah, ‘yon ba? Eh kasi—uh—nalungkot siya, so…”
Hindi pa ako tapos magsalita nang biglang umubo si Frances mula sa CR. Malakas. Halatang sinadyang pigilan, pero narinig pa rin.
Napatingin si Shiela sa direksyon ng ingay.
“Bon…” mahina niyang sabi. “Sino ‘yon?”
“Ah…” Pinilit kong ngumiti, pero parang nanginginig na ‘yong labi ko. “Ah, ako ‘yon. Ubo lang. Allergic ako sa… kape.”
“Talaga lang, ha?” Lumapit siya, parang investigator. “Pwede bang silipin ang loob?”
Agad kong hinarang ang katawan ko sa pinto. “Wala ka nang kailangang silipin. Maayos ang lahat. Wala si Frances dito.”
“Bon,” boses niya lumambot ng kaunti. “Please. Sabihin mo kung andito siya. Hindi ako galit… gusto ko lang makausap siya.”
Ang problema, alam kong galit siya. ‘Yong mga mata niya, halatang puno ng luha na pilit lang niyang pinipigilan.
Hindi ko alam kung anong gagawin. Si Frances, malamang nakikinig sa loob, nanginginig sa takot. Si Shiela naman, parang bulkan na nag-aabang ng pagputok.
Bumuntong-hininga ako. “Shie… baka pwede muna kayong magpahinga pareho. Hindi magandang mag-usap ngayon. Hangover pa ‘yong isa.”
“Ah so andito nga siya!”
Ayun na. Alam kong tapos na ang pagtatago.
“Bon! Papasukin mo ako!”
Nagpumilit siyang pumasok pero hinarang ko pa rin. “Shiela, sandali! Baka may ibang makakita, ayokong magkapulutan pa ‘to ng kapitbahay!”
Pero habang nagtatalo kami, biglang bumukas ang pinto ng CR. Si Frances, lumabas nang nakatapis lang ng tuwalya, basang buhok, at mukhang hindi alam kung magtatago pa o magpapaliwanag.
“Shie…” mahina niyang sabi. “Hindi mo iniisip ‘yong iniisip mo.”
Tahimik. Walang nagsalita ng ilang segundo. Kahit bentilador, parang natigilan.
Tiningnan siya ni Shiela, tapos ako, tapos siya ulit. Kita sa mukha niya ang gulat at sakit.
“So tama nga ako,” sabi niya, halos pabulong. “Ang galing n’yo. Magaling kayong magtago.”
“Shiela, hindi ‘to—”
Pero bago pa matapos si Frances, tumalikod na si Shiela at mabilis na lumabas ng bahay. Hindi ko man lang siya naabutan. Ang tanging naiwan lang ay amoy ng pabango niya at katahimikan na parang biglang bumalot sa buong bahay.
Si Frances, napaupo sa sofa, hawak ang ulo, mukhang hindi alam kung iiyak o tatawa.
“Ang gulo, pre,” sabi ko sa wakas, sabay buntong-hininga. “Alas-otso pa lang, pero pakiramdam ko alas-diyes na ng gabi.”
“Bon,” sabi ni Frances, nakangiti nang mapait. “It’s okay. Kung akala niya babalikan ko pa siya. Susuyuin at bibilhan ng bouquet of flowers. Hell no!”
Napangiti rin ako. “Normal na umaga lang sa atin ‘yan, pre.”
Pero sa loob-loob ko, alam kong sa likod ng lahat ng kaguluhan, may isang bagay pa rin akong iniisip — si Tita Pat.
At sa isang iglap, gusto ko na lang sanang balik-balikan ‘yong mga gabing mas tahimik kaysa ngayon.
“Ang mabuti ka taposin mo na ‘yang pagligo mo at magluluto na muna ako. Baka umuwi si Tita Pat at mapagalitan pa tayo rito…”
Ngumiti siya sabay tingin sa akin. “Ikaw ha kagabi ko pa naririnig ‘yang tita Pat mo. Nakaka-amoy na ako ng medyo juicy.”
“Sira!” Tinulak ko siya papasok sa banyo. “Sige na ipagpatuloy mo na ‘yang pagligo mo!”