Masyadong maingay sa kinaroroonan nila ni Winsley ngayon kaya hindi niya magawang mag focus sa paligid niya. Wala siyang nakikita ng malinaw dahil sa pakislap-kislap na pailaw sa paligid. Masyado siyang naiilang sa suot niya na kabaliktaran naman ang dulot sa kasama niya. Para itong tuwang-tuwa dahil sa ginagawa niyang paulit-ulit na paghila sa maikling palda niya.
Loko! Ano ba ang gustong ma-achieve ng loko na 'to?
Pumayag siya na isuot ang damit na binili para sa kaniya ni Winsley dahil sa pera. Binayaran kasi siya nito ng dagdag na sampong libo kung sasamahan niya ito at isusuot iyon. Hindi naman iyon ganoon kahirap gawin kaya pumayag na rin siya. Naisip niya na tama lang ang ginagawa ni Winsley na pagpe-presyo sa mga ginagawa niya dahil siguradong makakaipon siya ng malaki kapag natapos na ito sa kaniya. Kahit papaano ay mabubuhay siya ng masagana pagkatapos ng mga gagawin niyang pagtitiis.
"Hey miss. Mukhang nahihirapan ka sa suot mo ah. Gusto mo bang..."
Hahawakan sana siya ng isang lalaki pero hindi pa man nakakasayad ang kamay nito sa balat niya ay naawat na iyon ni Winsley. Matalim ang tingin na ibinigay nito sa lalaking nasa harap niya na mukhang umiiwas naman sa gulo at biglang nalang tumalikod.
"Ano bang problema mo?" Inirap niya si Winsley. Nang ma-pwesto ito sa likuran niya ay nagpakawala siya ng isang ngisi.
He's still care. Siguro kahit konti ay mayroon parin itong nararamdaman para sa kaniya. Alam niya kasi ang ganoong pagtitig nito. Ginagawa nito ang bagay na iyon kapag nagseselos ito. Katulad lang nang dati.
Binilisan niya ang paglalakad papasok sa bar. Dumiretso siya sa center island kung saan naghahalo nang drinks ang isang gwapong bartender. Agad siyang nakaisip ng gagawin upang inisin si Winsley. Paniguradong hindi ito papayag na may kausapin siyang lalaki kaya naman kung tama ang hinala niya...
"Excuse me, can I have a ladies drink please..." Naupo siya sa umiikot na upuang naka-pwesto sa harap ng lamesa.
Nginitian naman siya ng bartender at nagsimula ito sa pag-aasikaso ng in-order niya. Pagkaupo ni Winsley sa tabi niya ay eksaktong inabot naman ng bartender ang ni-request niya. Tamang-tama ang timing niyon para sa plano niya.
Pagkuha niya sa basong kinalalagyan ng alak ay pasimple niyang hinaplos ang kamay ng bartender tapos kinindatan niya pa ito. Nahihiyang napangiti tuloy ito sa kaniya.
"May girlfriend ka na?" tanong niya dito.
"Ah w-wala," nauutal na sagot nito.
"Alam mo, single din ako ngayon," aniya.
Natigilan siya ng biglang hablutin ni Winsley ang hawak niyang baso ay inumin nito ang laman no'n. "Do your job! Serve us!" sabi nito sa bartender. Halos mabasag ang basong ibinagsak nito sa lamesa kaya pinakatitigan niya itong mabuti.
I knew it!
Kitang-kita niya sa mga mata nito ang pagka dis-gusto nito sa ginagawa niya pero imbes na siya ang unang awayin nito ay iyong bartender ang pinagbabalingan nito ng inis. Maybe he still care?
"Ano bang attitude 'yan? Napaka rude mo naman sa tao," sita niya dito.
Dahil may tumawag sa bartender ay tinalikuran na sila nito.
"Ano ba kasing ginagawa mo? Are you flirting with him? Ano ha? At sa harap ko pa talaga?"
"Excuse me. Ang sabi mo hindi ba isuot ko itong damit na ito at samahan ka. Wala naman doon ang nagbabawal na makipaglandian ako hindi ba?"
"Wala ka bang logic ha? Sinabi kong samahan mo ako! Ang ibig lang sabihin noon ay sa akin lang ang buong atensyon mo!" sigaw nito.
"Fine..." Pinaikot niya ang upuan niya at hinarap ito. "Ok na ba ito? Sa'yo na po ang buong atensiyon ko." sarcastic niyang sabi.
"Ewan ko sa'yo!" Ito naman ang tumalikod sa kaniya kaya napangiti siya.
Nagseselos ba siya?
Kapag nag assume na naman siya ay baka masaktan na naman siya kaya hahayaan niya na lang ang mga bagay bagay na lumagay sa pwesto nito. Kung pinaglalaruan lang ni Winsley ang damdamin niya ngayon ay handa narin siyang makipaglaro dito. Sisikapin niyang hindi masyadong magpaka-attach dito at iisipin niya na isang malaking paghihiganti lang ang lahat ng ginagawa nito.
Iyon ang isasaksak niya sa isipan niya para naman kahit ano ang gawin nito ay hindi siya umasa.
"Winsley, is that you? Oh my God. Hindi ko inaasahan na makikita kita dito..."
Napataas ang kilay niya ng makita ang paglapit ng isang sopistikadang babae. Kung maiksi ang suot niya ay mas maiksi pa ang suot nito. Halos lumuwa narin ang malulusog na dibdib nito na medyo walang sinabi sa kaniya na tama lang ang laki. Tumayo ito sa harapan ni Winsley at binigayan nito ng halik sa pisngi ang lalaki na mukhang gulat na gulat naman sa nakita.
"Morissette?"
"Akala ko hindi na tayo ulit magkikita e. Kasama mo ba siya? Can I borrow you with her?" anito sabay ngiti sa kaniya.
Magsasalita sana siya para magpakilala dito pero bigla nalang tumayo si Winsley at hinila papalayo ang babae na agad naman itong inangklahan sa braso.
Parang may humahampas sa dibdib niya habang pinagmamasdan ang dalawa. Kung ang dating Winsley lang niya ang kasama niya ngayon ay sigurado siyang hinding-hindi siya nito iiwanan. Pero katulad nga ng inaasahan niya. Madali lang para dito ang talikuran siya. Nakikipaglaro lang naman kasi ito sa kaniya. Ewan ba niya. Kahit paulit-ulit niya iyong isinasaksak sa ulo niya ay hindi naman iyon pumapasok. Siguro, dahil iyon sa umaasa parin siya kahit papaano. Kaya niya hinahanap ang mga dating ginagawa nito sa kaniya dahil kahit papaano ay gusto niya ulit maramdaman ang mga iyon.
"Ladies drink."
Napatingin siya sa bartender na naglapag ng isang baso ng ladies drink sa mesang nasa harap niya.
Ngintian niya ito atsaka dinampot ang ibinigay nito at ininom ng tuloy tuloy. Dahil magaan lang sa tiyan ang pambabaeng inuming iyon ay sunod siyang um-order ng isang matapang na inumin. Agad naman siyang pinagsilbihan ng bartender. Halos magkulay pula na ang hinahalo nito. Nang ilapag nito ang basong may lamang nakalalasing na inumin ay bahagya pa iyong umapoy na nakatawag ng atensyon niya.
"Ano ang tawag sa inuming ito? Mukhang nananapak e." she giggled.
"Devil's breath."
"Owwww... Sounds bad..." Binuhat niya iyon at pinakatitigang mabuti tapos walang pakundangan niya iyong ininom.
Sa sobrang tapang ng alak na pumasok sa katawan niya ay hindi niya napigilang mapapikit. Biglang uminit ang tiyan niya. Dahil hindi naman siya sanay mag-inom ay agad siyang nakaramdam ng pagkahilo na ikinatawa pa niya.
"Ayos ka lang? Hindi mo naman first time hindi ba?" tanong ng bartender.
"Anong first time? Haha. Bigyan mo pa ako ng Devil's breath na iyan. Ang sarap ng lasa. Habang tumatagal ay tamis nalang ang naiiwan sa dila ko."
"Sa tingin ko tama na ang isa sa'yo. Baka kasi magwala ka na sa pangalawa." Tumatawang sagot nito sabay kuha sa kamay niya ng basong hawak niya.
"Hindi ba bartender ka. Dapat ay hindi ka nagsasalita ng ganiyan. Dapat nagtitimpla ka lang ng mga inumin at hindi ka nakikialam sa mga costumer mo. Ako ang magsasabi kung ayaw ko na."
"But I don't think..."
"Shhhh... Nakita mo ba ang lalaking kasama ko kanina? Boyfriend ko siya. Pero iyon at iniwanan niya ako para sa ibang babae. Sa tingin mo ba hindi ko deserve ang alak na iyan? Ngayon na alam kong iyan lang ang makakawala ng sama nang loob ko?" pag-papaawa niya dito.
Hindi niya alam kung saan niya nakuha ang mga sinabi niya pero talagang gusto niya pa ng alak na natikman niya e kaya naman handa siyang gumawa ng kwento para dito.
"Fine... Pero isa nalang ah!"