Nang matapos nilang kumain nina Gelo at Ivy ay naghiwalay-hiwalay na sila. Dumaan muna si Bea sa puntod ng parents niya at ng kapatid niya. Paminsan-minsan ay dumaraan siya rito lalo pa kung kailangan niyang maglabas ng sama ng loob.
"Hindi po maganda ang araw ko ngayon..." panimulang kuwento niya rito.
"Feeling ko ay hindi matapos-tapos ang inis ko," tumingala siya upang pigilan ang luha na papatak mula sa mga mata niya. Nais niyang sumbatan ang mga ito dahil maaga siyang iniwan ng mga ito. Ngunit useless din kung gagawin niya iyon. Lalo pa at alam niyang hindi naman ito babalik sa pagkabuhay. Nakatatakot din naman kung babalik ang mga ito mula sa hukay.
"Napaka-antipatiko." angil niya.
"May tumulak kasi sa akin. Mabuti na lang at hindi nangudngod ang nguso ko sa sahig. Kung hindi ay baka kasing kapal na ng labi ni Angelina Jolie ang labi ko." naiiling na natatawa siya sa sinasabi niya.
"Okay naman sana kahit kasing kapal niyon ang labi ko. Magiging kissable lips. Ang problema ay kung ganoon nga ba kaganda sa labi niya." muli siyang tumawa.
Simple lang silang pamilya. Madalas magtawanan. Magkulitan at mag-asaran. Siyempre nagkakatampuhan din naman ngunit bihirang-bihira. Mas lamang ang masasayang ganap sa kanila.