Prologue
Sa buhay hindi mo alam ang susunod na magyayari kahit planuhin mo pa ang lahat. Tulad nang nangayari sa akin. Nasira ang buhay ko sa isang hindi inaasahang pangyayari. Hindi man direkta pero alam kong disappointed ang mga magulang ko dahil sa resulta ng isang pagkakamali.
Napailing na lamang ako at natawa. Ngunit agad din akong napasimangot nang muli na namang humilab ang tiyan ko.
Grabe, ang sakit.
"Pa!" malakas na tawag ko kay papa. Napahinga ako nang malalim. Ramdam ko ang pagbuhos ng malamig na pawis mula sa noo ko. "Manganganak na yata ako!"
Napuno ng aking sigaw ang buong bahay.
"Ano?" Natatarantang tumakbo si Papa papasok sa kwartong kinaroroonan ko. Nang makita akong namimilipit kaagad itong napatakbo sa labas para tawagin si Mama.
Pinagtulungan nila akong ilabas sa bahay at isakay sa tricycle ni Papa hanggang sa makarating kami sa ospital. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. Sobrang sakit ng tiyan ko na halos hindi ako makahinga. Nawawalan din ako ng lakas at tagaktak ang pawis sa buong kong katawan.
"Huminga ka nang malalim, hija," utos ng doktor sa akin. Nasa delivery room kami. Seryoso itong nakatingin sa akin at ang kasama nitong nars habang nakataas ang dalawang kamay na may suot na gloves.
Sinunod ko ito.
Shit, ang sakit na!
Hindi ko na kaya. Ilalabas ko na ang baby ko.
"Kanina pa ako hinga nang hinga, Doc. Ilabas n'yo na ang anak ko. Aray!" Nang muling humilab ang tiyan ko, halos tumirik ang mata ko sa sakit.
"Umire ka nang malakas, huh. Lakasan mo!"
Tumango ako.
Tulad ng sinabi ng doktor umire ako nang malakas. Hanggang sa umalingawngaw sa aking pandinig ang iyak ng aking anak.
Tila lumulubo ang puso ko sa narinig at ang pinipigilang luha ay biglang bumuhos.
Nagkamali man ako. Hinding-hindi ko pa rin ipagpapalit ang kasiyahan sa pagiging ganap ko nang isang ina.
"Kambal ang anak mo, Aya." Tinig mula kay papa na masayang pinagmamasdan ang dalawang sanggol na nasa aking harapan.
Tumango ako. Hirap sa pagsasalita.
Bago ako tuluyang mawalan ng malay ay nagawa ko pang sulyapan ang dalawang sanggol na dinala ko ng siyam na buwan sa aking sinapupunan.
Nagising ako nang dahil sa ingay na tila ba nagkakagulo. Una kong nabungaran si papa. Nagulat din ako dahil nakasakay ako ng wheelchair.
Ano ang nangyari?
"Aya, anak! Ayos ka lang ba?”
Hindi ko pinansin ang tanong ni papa, bagkus tinanong ko ito, "Pa, ano’ng meron?" Luminga ako at nakitang nagtatakbuhan ang lahat. Maging si papa ay mabilis ang mga hakbang patungo sa labas ng hospital na iyon.
"Nasusunog ang ospital," aniya, "kaya nagmamadaling inilikas ng mga otoridad ang mga pasyente."
"Ano—" Natahimik ako. "Ang mga anak ko, pa?" Biglang nanggilid ang luha sa aking mga mata nang tiningnan ko si Papa. "Nasaan sila?"
Natahimik si papa.
Hindi ako mapakali. Kailangan kong makita ang anak ko.
Sinubukan kong tumayo ngunit masakit ang buo kong katawan. Nanghihinang napaupo akong muli. "Pa, gumawa tayo ng paraan! Kailangan kong makasiguro na nakaligtas ang mga anak ko!"
"Oo, anak," sagot ni papa.
Doon dumating ang isang nurse habang karga ang isang sanggol. "I'm sorry, Miss Ballesteros," nakayukong tugon nito. Basag ang boses. "N-Nagawa naming mailigtas ang anak mo. . . ngunit isa lang sa kanila ang naka-survive."
"A-Ano’ng ibig mong sabihin?" Tuluyan nang umagos ang luha sa aking pisngi. "P-Patay na a-ang anak k-ko?!"
"I'm sorry to say, pero. . ." Sinalubong ng mga mata ko ang mga mata nito. "Nadamay sa pagsabog ang isa n'yo pong anak."
Dahil sa narinig ko, hindi ko na napigilan pang mapahagulgol. Ayokong maniwala sa sinasabi niya. Hindi ko kaya. Bakit ako pa ang nakaligtas? Sana ang anak ko na lang ang iniligtas nila at hinayaan na nila akong mamatay!
"Anak…" Ramdam ko sa boses ni papa ang matinding awa para sa akin.
"Pa, hindi ko kaya!" humihikbing sambit ko. "Nakaligtas nga ako sa nasusunog na ospital pero para din nila akong pinatay, dahil ang anak ko. . ." Hindi ko halos maituloy ang sasabihin. "Abo na lang ngayon. . ."