Past. . .
AYA'S POV
“Isang kahig, isang tuka na nga lang tayo! Saan ka pa nakakuha ng lakas ng loob na magbisyo, Arturo?! Para sa pag-aaral ni Aya ang pera na ‘yon, bakit mo naman nilustay para lang sa sugal?”
Pagdating na pagdating ko sa bahay ay bunganga kaagad ni Mama ang naabutan ko. Ayon sa narinig ko, nag-aaway sila ni Papa dahil na naman sa bisyo nito.
“Papalitan ko naman ‘yon, Ma. Sa isang buwan pa naman ang bayaran sa school ni Aya, magagawan ko pa ‘yan ng paraan na palitan.”
“Sa paanong paraan? Magsusugal ka ulit at aasa sa kakapiranggot na pag-asang mananalo ka? Ibabaon mo lang lalo ang pamilya natin sa utang, e!”
“Nandito na ako!” Para matigil sila sa pag-aaway, pumasok na ako ng bahay. Good thing, naagaw ko ang atensyon ng mga magulang ko kaya natahimik sila sandali.
“Nag-aaway na naman kayo?” tanong ko.
“Ang papa mo naman kasi, talagang pinakialaman pa ‘yong pambayad mo sa school sa katapusan, at ipinangsugal. Kitang ang gastos na nga sa school na pinapasukan mo dahil graduating ka na, e. Ngayon, saan tayo kukuha ng kapalit no’n?!”
“Kumalma ka na, Miriam. Manghihiram ako sa kumpare ko—”
“Mangungutang ka na naman? ‘Yan ang sinasabi ko sa lintek na bisyo na ‘yan!”
Umalis na si Mama pagkatapos no’n. Mukhang papasok na siya sa trabaho. Call center agent si Mama at kadalasan ay panggabi ang shift niya. Si Papa naman ay natanggal sa trabaho. Kasalukuyan siyang nag-a-apply at naghihintay na lang ng tawag.
“Pa, bakit mo naman pinanggsugal ‘yong pambayad ko sa school?” Nang tuluyang makaalis si Mama ay masinsinan kong kinausap si Papa. “Akala ko ba ay hindi ka na ulit magsusugal?”
“Nagbabaka-sakali lang naman ako na baka manalo ako, anak. Isang bagsakan kasi ng taya, tapos ang prize ay 100k, siyempre, nasilaw ako. Ang laki ng pera na ‘yon kung sakaling nanalo ako. Naisip ko no’n na hindi na kakayod nang sobra ang Mama mo sa pagbabayad ng utang natin.”
“Kaso, natalo ka naman.” Ibinaba ko ang suot kong bag at pasalampak na naupo sa sofa. “Sana ay hindi na ito maulit, Pa. Ayokong mag-away na naman kayo ni Mama at bigla na lang siya ulit maglayas dahil sa pagiging mabisyo mo. Mangako ka sa akin, Pa.”
“Oo naman.” Naupo sa tabi ko si Papa at ginulo nang bahagya ang buhok ko. “Kumusta naman ang future teacher namin? Ga-graduate ka ba?”
“Pipilitin na maka-graduate!” pabiro kong sagot. “But seriously, okay naman ang lahat. Feeling ko naman po ay makaka-graduate ako ngayong taon kasi sure akong pasado naman ang mga grades ko.”
Hinarap ko si Papa bago ngumiti nang malawak. “Hindi na ako makapaghintay na dumating ang araw na ‘yon, Pa. ‘Yong pangarap ko na makapagsuot ng graduation gown at togang itim, abot-kamay ko na po.”
“Natutuwa ako para sa iyo, Aya. Malapit mo na talagang maabot ang mga pangarap mo, at bilang ama mo, proud na proud ako sa iyo. Natutuwa ako dahil sa kabila ng mga sinasabing hindi maganda ng mga tsismosang kapitbahay natin na hindi ka yayaman sa pagiging guro, pinili mo pa ring tapusin ang kurso na nasimulan mo. I’m so happy for you.”
Bahagyang nawala ang ngiti sa aking labi nang muling maalala ang pangmamaliit sa akin ng iba dahil education ang kinuha kong course.
May ilan na nagsasabing ang talino ko raw tapos sa pagti-teacher lang ang bagsak ko. Pipili na lang daw ako ng kurso sa kolehiyo, doon pa sa kursong mababa ang suweldo.
Siguro nga ay mababa nga ang suweldo ng mga teachers sa Pilipinas kumpara sa ibang mga profession like lawyer at doctor. Pero hindi naman tungkol sa suweldo ang nasa isip ko no’ng piliin ko ang pagiging teacher. Pinili ko ang profession na ito kasi gusto kong ako ang maging source ng knowledge ng mga batang gustong matuto.
Gusto kong bigyan ng karunungan ang mga batang may pangarap sa buhay at ang mga batang gusto talaga mag-aral pero kapos sa pera.
Oo nga’t pangarap ko rin naman na maging successful sa buhay. Sinasabi nila na sa pagiging guro, hindi yayaman ang isang tao.
Someday, I will be able to prove them wrong. Those misconceptions they have in teaching, baka ‘yon pa ang maging dahilan ng ilan kung bakit isa ang pagiging teacher sa pinakamagandang propesyon sa buong mundo.
---
“Bakit Educ ang kinuha mo? Siguro wala kang choice, ‘no?”
“Puwede ring hindi siya passer kaya napunta sa course ng mga tanga.”
“Filter-an mo bibig mo, Cyn! Course na lang ng mga walang choice ang itawag natin sa kanila.”
“Para namang mga high school itong mga Law student na ito! At talagang may bago na naman silang binu-bully, huh?”
Ramdam ko ang panggigigil ng kaibigan kong si Jazz habang bumubulong sa akin na parang bubuyog.
“Angasan nga natin.” Niyaya ko si Jazz patungo sa table ng mga mahahanging law student na ito. “Law student pa man din kayong tatlo, tapos kayo pa itong ang kakapal ng mga mukha para mambully ng isang Educ student. Hindi pa ba naituturo sa inyo ang tungkol sa Republic Act 10627 or The Anti-Bullying Act? Written in Section 6, The Prevention Program that this will be applicable to all students regardless of level of risk or vulnerability of bullying.”
“Now, future lawyers… May kapal pa rin ba kayo ng mukha na ipagpatuloy ang pambu--bully n’yo sa isang estudyante? Kayo ang dapat mas nakaaalam na mali ang ginagawa n’yo kasi mga future lawyers kayo. Pero hindi, kayo pa itong nambu--bully. I pity this university if they allow the three of you to graduate this year.”
As I finished my lecture, umalis na rin kami ni Jazz doon at bumalik na sa classroom para may balikan lang na mga gamit.
“Paano mo nalaman ‘yon? Ang galing mo roon, ah!”
“Recently, nahilig ako sa pagbabasa ng law books. And then, natandaan ko lang ang tungkol sa batas na ‘yon. Kahihiyan kasi sa university kung hahayaan nilang g-um-raduate ang gano’ng klaseng mga estudyante. Mga napaghahalataan na asado lang sa isa’t isa kaya nakapasa sa mga taon nila sa kolehiyo. Tsk!”
“Huwag ka na rin magulat kung ganiyan ang kalakaran dito, Aya. Pera-pera lang, alam mo na.”
Nang makuha ang mga gamit namin, naupo muna kami ni Jazz sa isang bench. “Ano palang oras ang balik mo sa klase?”
“Tapos na ang duty ko sa high school, bukas na ulit. Uuwi na ako ngayon nang maaga para makapaghanda ng visual aids para bukas.” Napahilamos ako sa mukha. “Tapos may need pa pala akong check-an na mga papel mamaya. Hindi ko na alam uunahin ko.”
“Laban lang, future teacher!” Tinapik niya ang balikat ko habang natatawa. “Kaya din hindi ako natuloy na i-pursue ang teaching, e. Sobrang hirap at kakainin ang oras mo para matapos lahat ng kailangang gawin. Mahina ako sa pag-aayos ng schedule para sa sarili ko, hiwalay sa trabaho. Pero ikaw, alam kong kayang-kaya mo ‘yan. Naniniwala ako sa iyo, Aya!”
Pilit akong ngumiti. “Sana nga.”
Entrepreneurship ang kinuha ni Jazz imbes na samahan niya ako sa Education. Naiintindihan ko naman ang reason niya kung bakit nag-decide siya na piliing ‘wag nang sumama sa akin na i-pursue ang teaching.
Public speaking is not her forte. Hirap si Jazz na mag-explain sa harap at ‘yon ang number one reason kung bakit ayaw niya ang teaching career.
Medyo nagtampo lang ako sa kaniya that time kasi hindi niya ako sinabihan na Entrepreneur pala ang kukunin niya. Noong nag-entrance exam kasi kami, napagkasunduan namin that time na pareho kaming mag-e-Education. Sinabi niya sa akin na ita-try niya at ako naman, umasa ako at natuwa.
Pero nang enrollment na, doon ko lang nalaman na sa Entrepreneur siya nag-enroll imbes na Education. Ang dahilan niya, bigla siyang nag-hesitate na piliin ang Education dahil nga baka hindi pa siya pa-graduate-in nito.
“Una na ako, huh? May presentation pa kami ng business plan sa AVR. Chat na lang tayo mamaya! Ingat ka pag-uwi!” aniya at naglakad na paalis.
Ako naman ay tumayo na rin sa bench kung saan ako naupo kanina at tinahak na ang daan palabas ng campus. Nag-text ako kay Papa na sunduin kako niya ako rito ngayon, kaso ay wala pa rin akong natatanggap na reply mula sa kaniya. Kung hindi siguro tulog ‘yon ngayon, baka busy si Papa sa panonood ng pelikula ni FPJ.
Ka-badtrip, ayoko pa namang mag-commute.
“Aya!” Nang tuluyan akong makalabas ng gate, ikinagulat ko nang may tumawag sa pangalan ko. “Uuwi ka na ba agad? Kain muna tayo!”
Hinatak niya ako sa isang street food vendor, siya ay abala na tumutuhog ng fishball at mukhang inaaya niya akong gawin ‘yon.
“Tapos na ba ang klase mo?”
“Hindi ako pumasok..” Humarap siya sa akin upang ipasubo ang tinuhog niyang kikiam. “Nag-drop na ako, Aya.”
Nasamid ako bigla. Buti na lang ay nakainom ako agad ng buko juice. “Ano ka ba naman, Carlo! Bakit ka nag-drop?!”
“Pero nag-enroll naman ako sa TESDA. Kumuha ako ng Electronics, at least doon ay kalahating taon lang tapos graduate na.”
Nginitian niya ako na para bang balewala lang sa kaniya ang apat na taon na sinayang niya sa college.
“Hindi ko pala kayang tapusin ang pagti-teacher, kaya mag-aasawa na lang ako ng teacher.”
“Makipag-break kaya ako sa iyo?”
“Ito naman, biro lang!” He then held my hand, pinaharap niya ako sa kaniya.
“Ang mahalaga ngayon, may malinaw nang daan kung saan tayo patungo. Sana kahit magkahiwalay ang landas na tatahakin natin, sana manatili ang tayo.”
My eyes crinkled at the corners. “Oo naman, Carlo. Ikaw at ako lang… hanggang sa dulo.”