"Pero---"
"Utang na loob, 'wag mo namang utusan nang ganyan ang anak mo, Miriam! Walang kasalanan ang sanggol sa sinapupunan ni Aya para magdesisyon ka na ipalaglag ang walang kamuwang-muwang na batang 'yon!" Hindi ko inaasahang pagsasalitaan nang gano'n ni papa si mama… ito yata ang unang beses na tinutulan ni papa si mama… para lang ipagtanggol ako.
"Walang karapatan ang sanggol sa loob ng tiyan ng anak mo para mabuhay! Hindi ko kayang tanggapin ang batang 'yan, Arturo!"
"Mas lalong hindi ako papayag na ipalaglag ni Aya ang sanggol," matigas na sambit ni papa. "Malaking kasalanan sa Diyos ang pagpapalaglag ng bata, Miriam. Gusto mo bang magkasala ang anak mo---"
"Tumahimik ka!" Ikinagulat ko ang biglang pagsigaw ni mama, dala ng sobrang galit at inis. "Ang gusto ko lang ay gawin ni Aya ang hindi ko nagawa noon… anong mahirap intindihin doon?!"
'Yong pagpipigil kong umiyak ay hindi ko na nagawa pang pigilan sa pagkakataon na ito. Matapos marinig mismo sa bibig ni mama na sobrang pinagsisisihan niya pala na binuhay niya pa ako… hind ko na alam kung saan pa ako huhugot ng lakas para makatayo nang tuwid.
"Huwag mo namang sabihin 'yan sa harap ng bata---"
"Bakit hindi?!" Nakayuko lamang ako habang patuloy na humahagulgol nang makita ko ang pares ng binti na mama at ito'y papalapit sa akin. Ang sunod na nangyari… ay marahas na inangat ni mama ang ulo ko para tingnan siya. "Dapat sa pagkakataon na ito ay naiintindihan mo ako, Aya. Hindi magandang tingnan sa isang babae na magluwal ng bata na walang ama! Kaibahan ko lang sa iyo ay nabuntis ako nang maaga, pero kaya kita hindi ipinalaglag ay dahil pinakasalan ako ng papa mo. Sa sitwasyon mo ngayon, mukhang malabo na panagutan ka ng lalaking bumuntis sa iyo dahil sa katangahan mo!" Mariin niyang dinuro ang noo ko. "Ano na lang ang ipapakain mo sa batang 'yan kung sakaling magdesisyon ka na buhayin 'yan? Sige nga! Hirap na hirap na nga ako sa kakatrabaho para magbayad ng utang at mga bayarin dito sa bahay buwan-buwan, magdadagdag ka pa ng palamunin!"
"May trabaho naman ako, ma---"
"At ipinagmamalaki mo sa akin 'yang trabaho mo na tutor ka online?! Sige nga, sa tingin mo sasapat 'yong kakarampot na kinikita mo sa pagtututor para buhayin 'yang anak mo? E, 'yang kakarampot mo ngang sweldo, hindi pa makatulong sa akin na bayaran ang mga bills natin sa bahay, e!"
Hindi na lang tuloy ako nagsalita. Aaminin kong sobrang baba talaga ng sahod ko kada buwan sa pinasok kong trabaho. Ano namang magagawa ko, 'di ba? Kaysa naman tumanga ako sa bahay, at least may pinakakakitaan ako. Gustuhin ko man na mag-apply ng ibang trabaho na 'di hamak na mas malaki sa pinapasukan ko ngayon, hindi ko naman magawa. Laging hanap ng mga employers sa akin ay college diploma… na hindi ko naman maipakita dahil hindi ko nga nakuha.
Magmakaawa man ako sa university na pinasukan ko para ibigay nila sa akin 'yong diploma, at the end of the day… uuwi akong luhaan at bigo. Hindi lang naman daw kasi ang hindi ko pag-attend sa graduation ceremony ang dahilan kung bakit hindi nila maibigay sa akin ang diploma ko… dahil ang isa pang dahilan ay hindi raw natanggap ng thesis adviser ko ang thesis paper na ipinasa ko. Noong gabing nag-stay ako sa campus para tapusin 'yon, ipinasa ko 'yon sa kanya pero nagulat na lang ako nang isang araw, sinabihan ako ng director na incomplete daw ang grade ko… naka INC ang research subject ko kasi hindi raw ako nagpasa ng thesis.
Baka naiwala ng adviser ko 'yon, baka may sumabutahe. Ewan ko. Nakakapanghinayang na 'yong pinagbuhusan ko ng pawis at dugo para lang matapos at makapagpasa on time, hindi ko rin pala mapapakinabangan.
"Ipalaglag mo 'yan!" ang huling sinambit ni mama bago siya tuluyang umalis sa harapan namin ni papa. Hindi ko pa rin mapigilang mapahikbi, dala ng takot at lungkot.
"Hindi ko hahayaang gumawa ka ng kasalanan, anak," rinig kong sambit ni papa sa kalagitnaan nang marahan nitong pagtapik sa aking balikat. "Magiging maayos din ang lahat, okay? Dala lang siguro ng init ng ulo kaya gano'n magsalita ang mama mo kanina." Kitang-kita ko ang panggigilid ng luha ni papa… ngunit nagawa niya pa rin akong ngitian. "Hayaan mo't kauusapin ko ulit ang mama mo mayamaya, 'pag malamig na ang ulo niya."
Tinanguan ko na lamang si papa bago ako pumasok sa kwarto ko at nagpahinga. Sa tingin ko ay kailangan ko talaga ng pahinga dahil parang sumama bigla ang timpla ng pakiramdam ko dahil sa naging eksena kanina.
Hay nako. Nakakapanibago na noong nalaman kong nabuntis ako ng estrangherong iyon ay halos pareho kami ng reaksyon ni mama. Ngunit binago ni papa ang pananaw ko sa buhay and he also helped me realize na hindi kailanman magiging solusyon ang pagpapalaglag para lang matawag kang dalaga.
Nasa wastong edad naman na ako para mag-asawa at magbuntis… ngunit sa kabilang banda, naiintindihan ko rin si mama kung bakit nais niyang tutulan ang pagbubuntis ko. Wala nga namang kalalakihang ama ang anak ko, ngunit anong magagawa ko? Desgrasyada ang nanay niya, nabuo siya sa isang malaking kasalanan. Ngunit ayaw ko nang dagdagan pa ang kasalanan ko sa Diyos… tutulan man ni mama ang pagbubuntis ko, itutuloy ko pa rin ito.
---
"Si mama po?" bungad ko kay papa nang makalabas ako ng kwarto, katatapos lang kasi ng class session ko ngayong araw. At ngayong oras lang din ako makakapag-agahan. Baka nga sumakit pa ang tiyan ko nito dahil nalilipasan ako ng gutom minsan, pero kaunting tiis lang talaga dapat para sa anak ko.
"Hindi mo na naman kinain 'yong prutas na dinala ko sa kwarto mo, 'no?"
"Pa, alam mo namang hindi ako mahilig da prutas." Naupo na ako sa upuan kung saan kaharap ko si papa at nagsimula na akong kumain.
"Makakabuti ang pagkain ng prutas para sa baby mo… para healthy siya paglabas." Nilagyan ni papa ng vegetables ang plato, isa pa sa hindi ko talaga paboritong kainin. "Hindi ko nakausap ang mama mo kanina, nagmamadali kasing pumasok."
Napatango na lamang ako at sinimulan nang kumain. Sana lang talaga ay hindi ako kamuhian ni mama o itakwil na anak niya sakaling hindi ako pumayag sa gusto niya. At sana dumating din 'yong araw na kung paano ko nagawang tanggapin ang sanggol sa sinapupunan ko, I hope the same story goes with her.
"Nga pala, Aya," untag ni papa sa kalagitnaan ng pagkain ko. Sandali siyang tumayo sa upuan at may kinuhang maliit na brown envelope sa lamesa sa sala. "Nakatanggap ako ng tawag sa police station para ibigay sa akin ito. Ipakita ko raw sa iyo 'yong taong pinagsususpetsyahan nila base na rin sa itsura ng lalaking inilahad mo sa kanila."
Kinuha ko mula sa kamay ni papa ang brown envelope, binuksan ko 'yon at kinuha sa loob ang ilang pirasong larawan ng isang lalaki. Ang unang litrato ay nakasuot ng cap at face mask ang lalaki na mukhang papasok sa isang mamahaling restaurant. Ang ikalawa naman ay face mask lamang ang suot nito habang nakaupo sa bench sa isang park. Kumbinsido na sana akong baka nga 'yon ang lalaking bumaboy sa akin, ngunit nang makita ko ang ikatlong larawan kung saan wala nang kahit na anong harang ang mukha ng lalaki, inilingan ko si papa.
"Sigurado kong hindi ito 'yong lalaki," kumpyansang sambit ko kay papa. "May palatandaan ako sa lalaking 'yon, pa. May nunal siya sa gitna ng kanyang ilong. Tandang-tanda ko 'yon… at tinandaan ko talaga para makilala ko siya sakaling hawak na siya ng mga pulis."
Tinanguan ako ni papa. "Maghintay na lang tayo ng tawag mula sa mga pulis sa mga susunod na araw. Naniniwala akong isa sa mga araw na lilipas, mabibigyan din ng hustisya ang ginawang pananamantala sa iyo ng lalaking 'yon."
'Sana nga.'
"Hindi ko naman hinihiling na panagutan ako ng lalaking 'yon o bigyan ng sustento. Ayos lang din sa akin na walang kalakihang ama ang anak ko… kung tulad lang din niya ang ama na makikilala niya," ang nasabi ko out of the blue. "Ang habol ko sa lalaking 'yon ay hustisya, dahil ang pera ay kaya ko namang pagtrabahuhan."
"Magtiwala ka sa Diyos, anak… makukuha mo rin ang hustisyang karapat-dapat para sa iyo."
Kung saan man ako dalhin nitong kagustuhan ko na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa akin, bahala na. Kukunin ko ang hustisya sa kahit paanong paraan pa… para patunayan sa lahat na ang hustisya, hindi pwedeng ipagdamot sa mga mahihirap.
---
"Kaya ba nitong mga nakaraang araw ay madaling araw ka na umuwi?!" Galing akong tindahan para bumili ng mantika nang kumunot ang noo ko habang papasok ng bahay. Galit na boses ni papa kaagad ang naabutan ko, malamang ay si mama ang kausap. Tungkol pa rin ba sa akin ang pinag-aawayan nila?
"Tapos ka na?"
"Miriam!" Nang makarating ako sa pintuan, nakita ko kung paano hinawakan ni papa ang magkabilang balikat ni mama, tiyaka 'yon marahas na niyugyog. "Halos dalawang dekada ang pinagsamahan nating dalawa… tapos anong sasabihin mo sa akin? Sa halos dalawang dekada na pinagsamahan natin, nagising ka na lang ng isang araw na sawang-sawa ka na sa akin… sa pamilya natin?!"
Nanlaki ang mga mata ko… at nagsimulang manggilid ang mga luha. Hindi naman siguro tama ang naiisip ko… 'di ba?
"Sasayangin mo ba 'yong halos dalawang dekada na pinagsamahan natin… para ipagpalit sa lalaking sa internet mo lang nakilala?! Nababaliw ka na ba talaga?!"
Ngunit sa kasunod na sinambit ni papa, tuluyan nang bumagsak ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.
Hindi ko yata kakayaning… maghiwalay 'yong dalawang taong nakasanayan ko nang makitang magkasama… sa iisang bubong sa loob ng dalawamput tatlong taon.