“Anong ibig sabihin nito?” Maluha-luha akong pumasok sa loob ng bahay. Batid kong nagulat ang mga magulang ko sa biglang pagpasok ko sa bahay… sa biglang pag-eksena ko sa away nilang dalawa. “Wala naman sigurong… hiwalayan na magaganap, ‘di ba?” Agad akong lumapit kay Papa. “Maaayos naman ‘yang pinag-aawayan n’yo ni Mama… hindi po ba?”
Kahit alam kong malabo, umaasa ako na sasagutin ako ni Papa ng oo. Kahit kasinungalingan lang… sana oo ang isagot niya sa akin. Ngunit alam kong kahibangan itong naiisip ko nang sa isang iglap, sumama bigla ang tingin ni Papa kay Mama. “Mukhang hindi na, Aya,” sagot nito, “dahil mukhang… buo na ang desisyon ng mama mo.”
“Ano ba kasing nangyayari?!” Hindi ko na napigilan pang ilabas lahat ng galit sa katawan ko, naisigaw ko na nang tuluyan. “Talaga bang hindi na tatantanan ng kamalasan ang buhay natin?! Nabuntis na ako nang maaga, oh! Hindi na nga ako naka-graduate sa college dahil sa katangahan ko! Tapos ngayon… ano? Maghihiwalay kayong dalawa? Buong pamilya na lang ang mayroon ako ngayon, e! Sisirain n’yo pa? Ipagkakait n’yo pa sa akin ‘yon?!”
“Sabihin mo ‘yan sa mama mo!” bakas pa rin sa tono ni Papa ang labis na pagkamuhi. “Kung may natitira pang hiya sa katawan ‘yang mama mo, sana hindi siya pumatol sa company driver daw ng kumpanya nila… ‘di ko akalain na kalampungan niya rin. Kung hindi ko pa sila nahuli sa office nila na naglalampungan sila roon nang patago, edi tumagal pa lalo ‘yang panloloko sa atin ng mama mo, Aya!”
Hindi ko hinihingi kay Papa na ikwento niya sa akin ang buong pangyayari. May isang side sa akin na gusto kong malaman… pero lamang ‘yong side na ayaw kong malaman. Natatakot kasi akong malaman ang buong katotohanan… dahil ayokong kagaya ni Papa, mas madagdagan ang galit ko kay Mama. Hangga’t maaari ay pinipigilan ko ang sarili kong magtanim ng sama ng loob sa mama ko… pero pagkatapos kong marinig ang sinabi ni Papa… gusto kong kagaya niya, magalit din ako sa sarili kong ina.
“Magalit man kayong mag-ama sa akin, wala akong pakialam. Buhay ko ito, wala kayong karapatan na pakialaman ang kahit anong gusto kong gawin sa buhay ko—”
“Kami lang naman ang pamilya mo, Miriam! Ako lang naman ang asawa mo, at si Aya lang naman ang anak mo. Ano nga ba namang karapatan namin na magalit, e pamilya mo lang naman kami, ‘di ba?!”
“Hoy, Arturo!” galit na asik ni Mama. “Bago mo ipagduldulan sa akin na asawa kita, siguraduhin mo muna kung talaga bang naging mabuti kang asawa sa akin at kung naging responsable kang padre de pamilya!” Ngumisi siya. “Ipinagmamalaki mo sa akin na kasal tayo sa simbahan? Talaga ba, Arturo? Hindi sana ako hahanap ng kaligayahan ko sa iba kung pati luho ko ay nasusustentuhan mo. Kaso hindi, e! Ako pa itong sumusustento sa iyo… at ‘yong pangako mo sa akin bago tayo ikasal… na gagawin mo akong reyna ng buhay mo at ipagtatayo ng palasyo… siguro busog na busog ka dahil ikaw rin ang kumain ng sarili mong pangako!”
“Kaya utang na loob, ‘wag n’yo akong kunsensyahin sa ginawa ko. Kayo rin ang gumawa ng dahilan para hanapin ko ‘yong kaligayahan kong hindi ko na nararamdaman sa apat na sulok ng bahay na ito!” Napigil ko ang aking paghinga nang dumako ang tingin sa akin ni Mama. “Ilang beses akong nag-expect sa iyo, Aya… pero wala kang ibang ginawa kung hindi ang bigyan ako ng disappointment. Chance mo na sanang makabawi sa akin no’ng graduation mo sa college… pero anong ibinigay mo sa akin, ha? Imbes na diploma, ‘yang bata sa sinapupunan mo ang iniregalo mo sa akin! Hindi ko kayang maging proud na may anak akong disgrasyada!” At matapos akong barilin ni Mama ng mga masasakit na salita, agad siyang pumasok sa kwarto, malakas niyang isinara ang pintuan.
Naiwan akong umiiyak na halos mailuhod ko na ang aking mga tuhod dala ng panghihina ng aking katawan. Sana man lang ay bago binitiwan ni Mama ang mga salitang iyon sa aming dalawa ni Papa… inaalala niya man lang muna sana ‘yong nakaraan… na minsan sa buhay niya, naging masaya ang pamilya namin. Kahit alaala na lang ‘yon ngayon, sana inisip niya man lang ‘yon bago siya gumawa ng isang bagay na siyang wawatak sa buo naming pamilya… na tila ba marriage certificate na lang ang nagdudugtong sa mga magulang kong matagal nang walang pagmamahal sa isa’t isa.
“Tumayo ka na riyan, Aya,” rinig kong sambit ni Papa. Sa tono ng boses niya, ang kalmado niya… na para bang hindi man lang siya naapektuhan sa mga sinabi ni Mama kanina. Wala ba siyang narinig… o sadyang nagbingi-bingihan lang siya?
“Pa, gano’n na lang ba ‘yon? Hahayaan mong maghiwalay na lang kayo ni Mama? Wala ka man lang bang gagawin para magbago ang isip ni Mama… para piliin niya tayo kaysa sa kabit niya?”
“Hindi na ako umaasang magbabago pa ang isip ng mama mo.” Naglakad si Papa paupo roon sa sofa, sinundan ko siya’t naupo rin katabi niya. “Sapat na ang mga sinabi niya kanina para tanggapin kong isa sa mga araw na darating, lalapit sa akin ang mama mo para pakiusapan akong pumirma sa divorce na ifa-file niya.” Malungkot na ngiti ang gumuhit sa labi ni Papa. Kahit na tuyo na ang mga luhang dumaloy sa pisngi ko, muli itong nabasa dahil sa panibagong rumagasa. “Lahat ng sinabi ng mama mo… totoo naman. Wala akong karapatan na kwestyunin ang desisyon niyang humanap ng iba… para hanapin ang kaligayahang hindi ko naibigay sa kanya. Sa mahigit na dalawang dekada ng pagsasama namin at pagtatiyaga niya na pakisamahan ang boring na lalaking kagaya ko, hindi ko siya masisisi kung maghanap man siya ng iba. Ako ang nagkulang, hindi ang mama mo.” Maluha-luha ang mga mata ni Papa na sinalo ang mga tingin ko. “Kaya anak… ‘wag kang magalit sa mama mo.”
Nakakatuwang isipin na sa kabila ng mga masasakit na salitang tinanggap ni Papa mula kay Mama, nagawa niya pang ipagtanggol ito sa akin at pakiusapan akong ‘wag magalit sa mama ko. Ngunit hindi ‘yon gano’n kadali. Hindi gano’n kadali para sa akin na maintindihan ko ang rason ni Mama kung bakit siya bumagsak sa isang desisyon na ipagpalit ang legal niyang pamilya para lang sa isang lalaking mas bata kay Papa at isang company driver. Kung galit man siya kay Papa, sana kahit ako na lang ang inisip ni Mama. Sana kahit ako na lang ‘yong naging dahilan para lang ‘wag na silang maghiwalay.
“Hindi ko kayang makita na maghiwalay kayo, Pa.” Naiiyak kong naitakip ang likod ng palad sa aking mga mata. “Pareho ko kayong mahal, e. Kaya ano na lang ang mangyayari sakaling maghiwalay na kayong dalawa? Kanino ako sasama?”
“Aya…” Pilit na inalis ni Papa ang palad kong nakaharang sa aking mga mata. “Kung dumating man ang araw na pamiliin ka kung sino sa amin ng mama mo ang sasamahan mo… nakikiusap akong sa mama mo ikaw sumama.”
“Bakit naman—”
“Kumpara sa akin, mas magiging magaan ang buhay mo kung mama mo ang kasama mo, anak. Lalo ngayong buntis ka, kailangan mo ng taong mag-aalaga sa iyo. At hindi ang sarili ko ang nakikita ko para alagaan ka. Wala akong trabaho, wala akong pera… wala akong kahit na anong ipagmamalaki. Sakaling palayasin ako ng mama mo sa bahay, malamang sa malamang ay makisiksik na lang ako sa bahay ng kamag-anak ko.” Sobrang lungkot ng mukha ni Papa ngunit nagawa niya pang matawa. “Kaya hinihiling ko sa iyo na mas mabuting manatili ka sa poder ng mama mo, Aya.”
Pagkaraan din na sabihin ‘yon, nagpaalam sa akin si Papa na mayroon lang daw siyang kailangang puntahan. Habang ako… nanatiling nakatulala na lang. Mukhang pagod na ang katawan kong umiyak, mukhang ubos na rin ang tubig ko sa katawan kaya’t ang tanging nagawa ko na lang sa mga oras na ito ay ang tumulala na lamang. Matapos kong marinig ang mahabang litanya ng papa ko, para bang nagsilbi itong pahiwatig na maghihiwalay na nga sila ni Mama, mawawala na rin si Papa sa bahay na ito. At mukhang kahit anong gawin ko, wala na akong magagawa na talaga para baguhin ang isip ng mama ko.
—
Kahit na hindi sigurado, gusto kong makipagsapalaran pa rin. Maaga akong umalis ng bahay para mamili sa palengke. Balak kong mag-setup ng date para kina Mama at Papa. Umaasa akong sa gagawin kong ito ay bumalik ulit ‘yong spark na sinasabi ni Mama na nawala na raw.
Sakto rin na umalis si Mama, si Papa naman ay nasa kapitbahay at tinutulungan ang kaibigan niyang magpakain ng mga alaga nitong manok. Pagkakataon ko na ito para makapag-setup, makapagluto ng masasarap na putahe para sorpresa ko sa kanilang dalawa. Hiling ko lang talaga ay sana gumana ito… sana kahit papaano ay mapalambot ko ang nilalamig ng puso ng mama ko.
“Thank you po!” Agad kong kinuha ang mga pinamili ko sa bagger at naglakad na ako palabas ng isang supermarket. Nilakad ko na lang ang pauwi sa bahay namin dahil walking distance lang naman itong supermarket kung saan ako namili ng mga ingredients na kakailanganin ko sa pagluluto. Doon ako kinakabahan, e. Sa pagluluto. Hindi ako gano’n kagaling pero… gagalingan ko na lang sa panonood. Baka effective ‘yon.
Nang malapit na ako sa bahay namin, kumunot ang noo ko nang makita sa labas ng bahay si Papa… nakatayo siya roon kasama ang ilang bag na inihahagis… ni Mama? Agad akong lumapit kay Papa—
“Tatawagan na lang kita para pirmahan ang divorce na ifa-file ko. Makakaalis ka na, Arturo.” Ang mga salitang narinig ko kay Mama ang tila nagbigay sa akin ng dahilan para tuluyang manginig ang mga kamay ko, nabitiwan ko ang dalawang plastic bag na hawak.
Muli na naman akong nahuli… sa hindi ko na mabilang na pagkakataon. ‘Yong plano kong sorpresahin ang mga magulang ko na mag-date… na-late na naman ako ng dating. Huli na ang lahat para sa plano ko.