Chapter 11

1734 Words
"Ma, ano na naman 'to? Talaga bang wala nang pag-asa para magkaayos kayo ni Papa?" Nagtatakbo ako palapit kay Mama, hinawakan ko ang mga kamay niya at nagsimulang makiusap. "Kahit man lang para sa akin, Ma. Please, 'wag na kayong maghiwalay. Nakikiusap po ako." Ngunit ang tanging natanggap ko lang kay Mama ay itinulak niya ako palayo sa kanya. Ayoko mang tingnan siya ngayon, ngunit kusang bumagsak ang tingin ko kay Mama… para lang salubungin ang masasamang tingin na kanyang ipinupukol sa akin ngayon. "Hindi kita kayang pagbigyan, Aya. Tapos na ang lahat sa amin ng papa mo! Pirma na lang niya sa divorce paper ang kulang… at malaya na ulit ako." Ngunit nagbago ang ekspresyon sa mukha ni Mama nang tingnan niya muli ako, bigla itong umamo. "Pwede naman tayong magsimula ng panibagong buhay nang wala ang papa mo, Aya. Hindi natin siya kailangan, hmm?"  Kinukumbinsi ba ako ni Mama para… para sa kanya ako sumama? Paano pala si Papa? Hahayaan kong mag-isa ang papa ko, gano'n ba? 'Yon ba ang gustong mangyari ni Mama?! Alam kong darating ang araw na ito… na sa oras na mapalayas ni Mama si Papa… maiipit ako sa isang sitwasyon kung saan kailangan kong mamili sa kanilang dalawa… kung kanino ako sasama. Kung mananatili ba ako sa poder ni Mama? O kay Papa ako sasama?  Tulad ng sinabi ni Papa sa akin kahapon, higit na magiging maayos ang buhay ko kung mananatili ako sa poder ng mama ko. Si Mama kasi ay mayroong matinong trabaho, hindi ko pa kailangang umalis ng bahay dahil nga sa bahay na tinutuluyan namin, mas may karapatan si Mama sa titulo ng bahay. Pera niya ang halos ginastos niya para mayari ang bahay, dahil nga si Papa ay minsan nang nalulong sa sugal at nawalan pa ng trabaho. At kung kay Papa naman ako sasama… walang kasiguruhan ang buhay ko. Hindi naman ubrang sa lansangan ako magpalipas ng ilang gabi. Siguradong makakasama 'yon sa baby ko… ngunit naisip ko rin na… kung mananatili ako sa poder ni Mama… hindi imposibleng pilitin na naman niya akong ipalaglag ang baby ko. Hindi… hindi ko 'yon hahayaang mangyari! Umiling ako. "Hindi." Mariin kong pinakatitigan si Mama. "Kung wala na rin lang pag-asa na maayos ang relasyon n'yo ni Papa… edi, sige. Mukhang mabuti pa nga kung maghiwalay na lang kayong dalawa!" Lumapit ako kay Papa at kumapit sa braso niya. "At kung pamimiliin ako kung kanino ako sasama… doon ako sa taong suportado ang pagbubuntis ko."  "Pag-isipan mo nang mabuti ang desisyon mo, Aya. Bibigyan kita ng isang araw---" "Hindi na, Ma. Buo na ang desisyon ko," sambit ko. "Kay Papa ako sasama."  "Aya---" "Sige. Sana lang ay hindi mo pagsisihan na sa papa mo ikaw sumama." At tuluyan nang pumasok sa loob si Mama.  Pasunod na sana ako sa kanya para kuhanin ang mga gamit ko, nang maramdaman ko ang kamay ni Papa na hinawakan ang akin. "Napag-usapan na natin ang tungkol sa bagay na ito, Aya… hindi ba? Mas mahihirapan ka lang kung sa akin ka sasama---" "Pa…" Bago ako nagpatuloy sa pagsasalita, humugot ako ng isang malalim na buntong-hininga. "Mas mahihirapan ako sa buhay ko 'pag nanatili ako sa poder ni Mama. Nakalimutan mo na po ba? Gusto ni Mama na ipaglaglag ko ang bata sa sinapupunan ko. Paano magiging madali ang pagbubuntis ko sa bahay na 'yan… kung mismong sarili kong ina, tutol sa pagbubuntis ko? Nagbago na ang ihip ng hangin, Pa… Hindi ko kayang ipalaglag ang batang ito." "Ngunit nag-aalala ako," malungkot na sambit ni Papa. "Wala akong kahit singko ngayon sa bulsa… ano ngayong ipapakain ko sa iyo? Saan tayo tutuloy nito?" Kahit pilit, pinili kong ngumiti. "May natitira pa naman po akong pera galing sa sinahod ko sa trabaho ko bilang online tutor, Pa. Kakasya na sa atin 'yon para gamitin pang-renta ng isang mumurahing apartment." Nilingon ko ang naibagsak kong plastic bag. "At ayan, oh? May pagkain na tayo!" Natawa na lang sa akin si Papa. At 'yon ang pinakamahalaga sa lahat… ang makitang masaya si Papa sa kabila ng napakalungkot na nangyari sa aming pamilya. --- Sa kabutihang palad, nakahanap kami ni Papa ng mumurahing apartment. Kalapit lang ito halos ng bahay na tinitirhan ng kapatid ni Papa. Dahil nga mura, ano pa bang dapat naming asahan sa isang apartment na mura ang renta? Masakip sa loob, mainit pa. Kasya naman kaming dalawa ni Papa, pero bentilador talaga ang isa sa mga kagamitan na kailangang-kailangan namin. "Hayaan mo't 'pag nakahanap na ako ng magandang trabaho, lilipat tayo sa mas malaki-laking tirahan. Sa ngayon, kailangan na muna nating magtiyaga sa ganito, Aya," rinig kong sabi ni Papa. Abala siya ngayon na inaayos ang papag kung saan kami hihiga, nilalagyan niya 'yon ng karton bago patungan ng banig. Ako naman ay naupo na muna sa mahabang upuan na gawa sa kawayan. Kumpara sa dati naming bahay, itong tinutuluyan namin ay doble ang init na ibinibigay. Bukod sa maliit na nga, iisa lang din ang bintana. Kaya't ang sariwang hangin na pwedeng magmula sa labas ay hindi maayos na nakakapasok sa loob nito. "At mukhang kailangan ko na rin talagang magtrabaho," muli nitong sambit. "Okay na rin na hindi ibinigay sa iyo ng mama mo ang laptop na ginagamit mo sa pag-o-online tutor, 'nak. Kailangan mo ng pahinga para sure na walang komplikasyon na mangyayari sa pagbubuntis mo."  "Sayang nga lang po ang pwede kong kitain sa trabahong 'yon, Pa." Napahinga ako nang malalim. "Pero… kailangan ko rin pong kumilos. Hindi po pwedeng tumanga na lang ako rito sa bahay hanggang sa makapanganak ako. Ngayon pang nasa ganito tayong kalagayan… hindi po ako mapapakali hanggang wala po akong bagong trabaho, Pa." "Aya---" "Pa, kapag naman po kabuwanan ko na ay mag-li-leave na po ako sa trabaho. Pero ngayong hindi pa naman gano'n kalaki ang tiyan ko, hayaan n'yo na po akong gawin ang gusto ko. Nang makapag-ipon din po ako para sa kakailanganin ng baby ko."  Naisip ko kasing hindi dapat umikot ang buhay ko sa apat na sulok ng apartment na ito. Kailangan ko ring kumita ng pera, ayoko nang iasa pa ang buhay ko kay Papa, lalo sa panahon ngayon. Gusto kong pagtrabahuhan ko ang gagastusin ko para sa magiging anak ko. Tapos na ang mga taon na aasa ako sa mga magulang. Ngayon, ako naman ang kikilos para mabuhay ako… dahil sa pagkakataon na ito, mayroon na akong anak na bubuhayin sa sariling pawis at dugo. --- "Gusto ko nga po sanang magpa-ultrasound, Pa." Habang kumakain ay nagsalita ako. Namumuwalan pa ang bibig ko dahil talagang sarap na sarap ako sa inilutong adobong sitaw ni Papa. "Kaso mahal yata ang magpa-ultrasound, kaya kako 'wag na lang. Hayaan ko na lang ang sarili ko na masorpresa sa araw ng panganganak ko… kung lalaki ba o babae ang laman nito."  "Kung gusto mo talaga, anak… hayaan mo't manghihiram muna ako ng pera---" "Huwag na nga, Pa! Sinabi ko lang naman sa iyo na gusto kong magpa-ultrasound… pero kung wala talagang pera, okay lang din naman sa akin." Ibinaba ko ang kutsarang hawak, tiyaka ako lumagok ng kaunting tubig. "Okay na ako, Pa. Huwag mo nang mas ilubog pa lalo ang sarili mo sa utang, 'no! Baka mahirapan tayo n'yan sa pagbabayad."  "Ako naman ang magbabayad---" "Papa!" "Oo na, hindi na," natatawa nitong sabi. "Gusto ko nga rin sanang malaman kung anong gender n'yang apo ko. Kaso ayaw mo naman na mangutang ako pang-ultrasound mo… kaya sige, sabay na lang tayong masorpresa kung anong gender niya sa araw ng panganganak mo." "Gano'n na nga, Pa." Ngumiti ako't marahang hinimas ang tiyan ko. "Tiyaka ayos lang naman sa akin kung lalaki man ito o babae, e. Mamahalin ko pa rin naman siya kahit anong gender niya, 'no!" Wala akong pakialam sa gender, basta anak ko 'to at galing sa sarili kong sinapupunan, handa ko siyang mahalin nang buong puso. Noong unang araw na malaman kong nabuntis ako ng lalaking nanamantala sa kahinaan ko, hindi maitatangging diring-diri ako sa sarili ko at galit na galit sa batang wala namang kasalanan sa mga kamalasang nangyari sa buhay ko. Mali ako sa part na itinuring ko ang sanggol sa tiyan ko na bunga ng isang malaking kasalanan. Ngunit ngayon, dahil ipina-realize sa akin ni Papa ang lahat… talaga ngang nag-iba bigla ang ihip ng hangin. Hindi ko na matingnan bilang isang kasalanan ang batang nasa sinapupunan ko… kung hindi ay isa siyang biyaya na handog sa akin ng Diyos. Isang biyaya na lubos kong ipinagpapasalamat na ibinigay siya sa akin. "Nga pala, 'nak…" Napalingon ako kay Papa nang magsalita siya. "Bakit ka nga pala may dalang grocery kahapon? Ano bang naisip mo't nag-grocery ka nang gano'n kaaga?"  "Ahh." Napayuko ako. "Ang totoo kasi n'yan, Pa… may plano ako kahapon." Alanganin akong napatingin sa kanya. "Balak ko kasi talagang magluto at i-setup kayo ni Mama sa isang date sa bahay. Nagbabaka-sakali lang naman ako na baka 'pag ginawa ko 'yon, maging malambot na ulit ang puso ni Mama sa iyo. Baka sakaling magbago ang isip niya na mag-divorce na kayong dalawa." Nagsimula na naman akong panggilidan ng luha, ngunit dahil nasa harap ako ng pagkain, sinikap kong hindi ito bumagsak. "Salamat sa effort na ginawa mo, Aya," nakangiting sabi ni Papa. "Hindi man natuloy ang plano mo, nagpapasalamat pa rin si Papa kasi buti ikaw, may malasakit ka na gumawa ng paraan para manatiling buo ang pamilya natin." Pumait bigla ang timpla ng mukha niya. "Samantalang ang mama mo… mali ko lagi ang nakikita niya. Wala siyang ibang nakikita kung hindi ang pagkukulang ko… at 'yon ang ginamit niyang dahilan para manlalaki siya." Lumungkot din ang mukha ko. Kung tutuusin, naging mabuting ama si Papa sa akin. Mas naging mabuti siyang magulang sa akin kaysa kay Mama. Si Papa 'yong lagi kong kasama para pasayahin ako, para harapin ang mga problema ko, para alagaan, para pagsabihan sa mga mali ko, at para mahalin ako. Samantalang si Mama… wala rin siyang nakita sa akin kung hindi ang mga pagkakamali ko, ni hindi ko nga rin kayang mag-open kay Mama ng problema dala ng takot na baka pagalitan niya lang ako, at no'ng malaman niyang buntis ako, kulang na lang ay itakwil niya ako bilang anak. Kaya 'yong sinasabi niya sa akin na sana hindi pagsisihan na kay Papa ako sumama… hindi ko talaga 'yon pagsisisihan. Ang pagsisisihan ko ay kung sa kanya ako sumama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD