Nagising akong wala na si Papa sa loob ng apartment na tinutuluyan namin. Mag-aalala na talaga dapat ako at sisimulan na sana siyang hanapin… nang madako ang mga mata ko sa lamesa… nakita kong mayroong papel doon na nakapatong.
Umalis ako nang maaga para maghanap ng trabaho sa bayan. Kasama ko ang Tito Delfin mo, 'wag mo na ako hanapin, ha? Kumain ka na riyan, ipinagluto na kita bago ako umalis.
Papa
Dahil sa nabasa ko ay naudlot ang balak kong mataranta sana dahil buong akala ko ay nawawala si Papa. Tulad ng binanggit niya sa papel, naabutan ko nga ang maliit naming lamesa na may nakahanda nang kanin doon, pritong itlog at pancit canton.
Tag-tipid kasi kami ngayon sa ulam, lalo't wala pang nahahanap na trabaho si Papa. Ako naman ay hindi makapagtrabaho dahil nga resigned na ako sa dati kong pinapasukan… at wala na rin naman akong laptop na gagamitin sa pagtuturo sa online class.
Kaya ngayon ay tengga ako rito sa loob ng mainit na apartment na ito, nililibang ang sarili ko sa panonood sa maliit na TV… na akala mo ay langgam lang ang nanonood. Flat screen kasi ang TV namin sa bahay kaya 'di ako sanay or naninibago akong panooran ang TV na kaharap ko ngayon. Aaminin ko, wala pa man isang linggo ang nakakalipas buhat nang pinalayas kami ni Mama sa bahay, nami-miss ko na agad roon. Parang gusto ko nang umuwi… ngunit alam kong hindi pwede. Ayaw kong iwan si Papa dahil lang hindi ako gano'n kasanay manirahan sa isang masikip na lugar.
"My success will not be possible without the hard work I made through the years. That's the only recipe to be as successful as me."
Laman ng balita ngayon sa TV ang isang young CEO, na siyang tinaguriang pinakabata ngunit pinakamayaman at pinaka successful na CEO sa buong Southeast Asia. Natatakluban ang kanyang bibig ng isang itim na face mask habang nagsasalita, ang mga mata niya naman ay kulay brown… at mukhang nakakatakot titigan.
Noon ko lang din naalala na kaya pala pamilyar ang mukha niya sa akin… ay dahil… siya 'yong gwapong CEO na kinahuhumalingan ni Jazz noon pang college kami. Ang lalaking din na 'yan ang naging dahilan kung bakit pinilit ako ni Jazz na sumama sa kanya sa bar noong gabing 'yon para daw makita niya ang lalaking kinahuhumalingan… na kamalasan lang naman ang naidulot sa akin.
Ilang araw… linggo… at buwan na rin ang lumipas matapos ang pangyayaring 'yon, ngunit tila ba sariwa pa rin ang lahat sa isip ko. Bawat pangyayari ay tila ba tandang-tanda ko pa… at 'yong galit ko sa lalaking nanamantala sa akin noong gabing 'yon ay nananatiling umaapaw pa rin.
"Hindi talaga gano'n kadaling kalimutan na lang ang lahat sa nakaraan," ang naibulong ko sa sarili.
Agad kong pinatay ang TV nang sa gayon ay maibsan man lang kahit papaano ang sakit na nararamdaman ko… habang naaalala ko ang mapait kong nakaraan. Kinuha ko ang phone ko sa aking bulsa, binuksan ko ang f*******: at t-in-ype ko ang pangalan ni Jazz sa search box.
Matapos ng huli naming pag-uusap… 'yon pa 'yong araw ng graduation namin, na hindi ko nagawang attend-an… ay buhat no'n, wala na akong naging contact sa kanya. Iyong dating f*******: account ni Jazz na friend ko sa f*******: ko, biglang hindi ko na lang mahanap. Kung hindi niya d-in-elete ang account, malamang ay d-in-eactivate niya… para siguro gumawa ng bagong account.
Sinubukan ko rin siyang contact-in gamit ang phone number na naka-save sa phone ko, cannot be reached naman. Tapos nang puntahan ko siya sa bahay nila, wala na akong naabutan kung hindi ang isa sa mga kasambahay nila. Sinabing lumipad raw pa-ibang bansa sina Jazz right after the graduation… nang hindi man lang ako sinasabihan.
No results found.
I tried searching Jazz on f*******: gamit ang real name niya… ngunit wala akong account na natagpuan. Hindi ko alam kung hindi na ba siya gumagamit ng f*******:… or baka gumamit siya ng f*******: name para mahirapan akong hanapin siya?
Kaya lang bakit naman gagawin 'yon ni Jazz? Sigurado naman akong hindi kami nag-away bago kami mawalan ng koneksyon sa isa't isa… kaya ano pa bang pwedeng dahilan kung posible man na… tinataguan ako ng kaibigan ko?
O baka… napa-praning lang ako?
---
"Kumusta po ang paghahanap n'yo ng trabaho, pa?" bungad kong tanong kay Papa pagkapasok na pagkapasok niya.
Buong akala ko ay may dalang good news si Papa pag-uwi niya… ngunit base pa lang sa itsura niya ngayon… mukhang hindi maganda ang nangyari sa buong araw niya.
Naupo si Papa sa mahabang upuan na gawa sa kawayan, lukot na lukot ang kanyang mukha na ginulo ang buhok sa mismong harap ko.
"Sabihin mo nga sa akin, Aya…" Nanatiling nakayuko si Papa, sapo-sapo ang kanyang ulo. "Ano ba sa palagay mo ang trabahong dapat kong apply-an? 'Yong trabaho sanang nagha-hire ng hindi high school graduate."
Hindi ako kaagad nakasagot sa papa ko. Ayaw kong mas dagdagan pa lalo ang lungkot niya ngayon kung sasabihin ko sa kanyang… sobrang hirap talagang humanap ng matinong trabaho kung ang aplikante, e hindi man lang nakatapos ng high school. Sa panahon kasi ngayon, mataas na rin ang standards ng mga employers. Kung noon ay tumatanggap pa sila ng mga aplikanteng kahit hindi tapos ng high school, ngayon ay sobrang higpit na.
At 'yon ang paulit-ulit na nagbibigay ng stress kay Papa sa tuwing nag-a-apply siya sa trabaho. Dahil wala siyang maipakitang high school diploma. Kaya kung minsan, sumasama na lang si Papa na um-extra sa kaibigan niya na mag-pahinante sa tubig, driver ng truck at minsan ay taga-hakot ng batya-batyang isda sa palengke. Ang mga trabahong nabanggit ko naman ay hindi permanente, kasi gaya nga ng sabi ko, ine-extra-han lang nina Papa 'yon.
Sa pagpapahinante sa tubig, kakailanganin lang si Papa pamalit sa isang pahinante na um-absent sa araw na 'yon kasi nagkasakit o nagkaroon ng emergency. Sa pagda-driver naman sa truck, gano'n din. At 'yong taga-hakot ng batya-batyang isda sa palengke… tiyaka lang makaka-extra sina Papa 'pag may dumagsang mga isda sa laot. 'Pag wala… edi walang trabaho.
"Okay lang 'yan, pa. Makakahanap din tayo ng paraan para maka-survive sa araw-araw," pagpapalakas ko sa loob niya.
"Aya…" Mangiyak-ngiyak na hinarap ako ni Papa. "Minsan na akong nagkulang sa mama mo… sa iyo… dahil hindi ako naging mabuting padre de pamilya ng pamilya natin. Kaya nga tayo nasira… dahil sa akin. Dahil sa kapabayaan ko, dahil hirap akong makahanap ng trabaho, kaya ako hiniwalayan ng mama mo. Hindi ko kayo kinayang buhayin nitong nagdaang taon…" Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko. "Hindi ko na hahayaang mangyari pa 'yon ulit, Aya. Sa pagkakataon na ito, gusto kong maging responsableng ama para sa iyo. Ayaw ko nang maramdaman na pabigat lang ako sa buhay mo… na ako 'yong tatay mo pero ako 'tong pinapalamon mo…"
"Papa…" Nakagat ko ang ibaba kong labi para pigilan ang sariling maiyak. "Ni minsan, hindi sumagi sa isip ko na nagkulang ka sa akin. Ni minsan, hindi ko inisip na hindi ka naging responsableng ama para sa akin. Kuntento na ako… na nararamdaman kong mahal mo ako, na palagi kang nariyan para pagaanin ang loob ko at itama ang mga pagkakamali ko sa buhay. Kuntento na ko roon, pa… kuntento na ako sa buhay ko basta't magkasama tayong dalawa."
"Aya naman!" Pinunasan ni Papa ang pisngi ko, na batid kong kanina pa basa dahil hindi ko na nakontrol pa ang sarili kong maiyak. "Hindi naman pwedeng maging kuntento ka na sa buhay mo dahil magkasama tayong dalawa. Anong kakainin natin, ha?" Nagawa niya pang tawanan ako. "Kung ano-ano na 'yang natutunan mo sa panonood ng K-Drama, ha!"
Nahawa na lang tuloy ako kay Papa na tumawa. Para man kaming abnormal na kanina ay abala pang nag-iiyakan… tapos biglang magtatawanan… ang mahalaga na lang sa akin ngayon ay nakagawa ako ng paraan para pasayahin si Papa… at pansamantala niyang makalimutan ang hindi ko na mabilang na rejections na natanggap niya sa ilang beses na sumubok siyang mag-apply ng trabaho.
"Ang mama mo pala, nakita ko kanina sa mall," ani Papa habang abalang ipinagtitimpla ako ng gatas sa maliit naming kusina. "Kasama 'yong bago niya."
"Magsisisi rin 'yon si Mama na ipinagpalit ka niya sa mas bata nga sa iyo, ngunit 'di hamak naman na mas pogi ka roon!" pambobola ko sa papa ko. "Kaya smile ka lang, pa! Sabihin na nating talo ka sa kanya sa edad kasi mas bata nga naman siya sa iyo… pero kung itsura ang labanan…" Kinindatan ko si Papa. "Wala siyang laban sa iyo, 'no!"
"Nasasabi mo 'yan kasi 'di mo pa nakikita 'yong lalaki." Iniabot na ni Papa sa akin ang natimpla na niyang gatas.
"Ang seryoso mo naman masyado, pa." Lumungkot ang boses ko. Hinigupan ko nang kaunti 'yong baso bago ko inilapag sa sahig, nilapitan ko si Papa at niyakap. "Huwag ka nang malungkot, okay? Ang isipin na lang natin ay mga magagandang bagay lang simula ngayon. Kung sa kanya masaya si Mama, hayaan na natin sila, pa. Masaya rin naman tayo, ah!" Hinarap ko siya. "Kasi ako… kahit hindi na natin kasama si Mama ngayon, masaya naman ako kasi kasama kita."
Mapait akong nginitian ni Papa. "Sana magawa ko ring maging masaya kagaya mo, Aya… kagaya mo na kayang sumaya nang wala na sa tabi natin ang mama mo."
Pilit akong ngumiti bago ko kinuhang muli ang gatas at ininom ito. Agad kong inilagan ang mga tingin ni Papa, at yumuko. Kung alam mo lang, pa… kung alam mo lang kung ilang gabi ko nang iniiyakan na hindi na natin kasama si Mama… at ipinapakita ko lang na kahit tayong dalawa na lang ang magkasama… gusto kong ipakita sa iyong masaya pa rin ako… kahit kabaliktaran no'n ang nararamdaman ko.