"Pero nakapagdesisyon na ako, pa. Hayaan mo na akong magtrabaho… kaysa naman tumanga ako rito sa bahay nang ilang maghapon, 'di ba?"
Ngayong umaga, binanggit ko kay Papa sa kalagitnaan ng pag-aalmusal namin ang plano kong magtrabaho ulit. Kagabi lang ay nakatanggap ako ng email galing sa dati kong kaklase, inaalok niya akong mag-apply sa pinagtatrabahuhan niya. Nangangailangan daw kasi sila ng isa pang empleyado, at ako ang naisip niya dahil noong nakaraang araw… nagkausap kami sa messenger at naikwento kong umalis na ako sa trabaho sa pagiging online tutor.
"Hindi ba't napag-usapan na natin ang tungkol sa bagay na ito, Aya? Hayaan mong ako ang kumayod para mabuhay tayo---"
"E, wala ngang tumanggap sa inyo!" hindi ko na napigilan pang ilabas ang inis ko kay Papa. "Hanggang kailan tayo tatanga pareho rito, pa? Sabihin mo nga sa akin, may eksaktong araw ba kung kailan ka matatanggap sa trabaho? Kung kailan ka magkakaroon ng trabaho?"
Batid kong nasaktan ko si Papa sa mga nasabi ko sa kanya, na aminado naman akong hindi ko sinasadya. Masyado akong nilamon ng galit dahil sa pagtutol na naman niyang hayaan akong magtrabaho.
"Ang ibig ko lang naman pong sabihin…" Nagsimulang huminahon ang boses ko. "Nanghihinayang po ako sa trabahong iniaalok sa akin ng dati kong kaklase. Kung tatanggihan ko 'yon, para ko na ring tinanggihan ang grasya. Sa sitwasyon natin ngayon, pa… Kahit buntis pa ako, pilay, o may sakit… hindi ko 'yong titingnan na excuse para makapagtrabaho ako. Kailangan natin ng pera, e. Hindi tayo mabubuhay pareho kung tatanga lang tayo rito sa maliit na apartment na 'to."
"Naiintindihan ko." Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Papa. "Pasensya ka na kung nagiging pabigat na naman ako. Ginagawa ko naman ang lahat para matanggap ako sa trabaho, kaya lang mukhang next time na mag-apply ako ulit… baka kailanganin ko nang gumawa ng pekeng high school diploma." Bakas sa mukha ni Papa ang labis na kalungkutan ngunit sa kabila no'n, nagawa niya pang pekein ang kanyang tawa.
"Isa lang hihilingin ko sa iyo, anak," dagdag ni Papa. "Ipangako mo sa akin na titigil ka sa trabaho sa oras na magkaroon ng komplikasyon sa pagbubuntis mo o 'pag nahihirapan ka na. Sa lalong madaling panahon, hahanap ako ng trabaho para naman kahit paunti-unti ay makaipon tayo… at sa oras na mangyari 'yon, pwede ka ng huminto sa pagtatrabaho. Okay ba 'yon?"
Nakangiting tumango ako sa kanya. "Pangako, pa."
Natutuwang ipinagpatuloy ko ang pagkain sa almusal at mabilis 'yong tinapos. Hindi pa naman gano'n kalaki ang tiyan ko kung kaya't sigurado akong hindi ako pahihirapan ng baby ko sa unang dalawa o tatlong buwan ko sa office… sakaling matanggap ako. Pero sisikapin kong matatanggap ako sa trabaho… sayang din ang income, e.
Talagang mag-iipon ako para sa baby ko… at para na rin sa aming dalawa ni Papa. Hindi ko kayang tumagal sa gan'tong klase ng apartment… kaya sa lalong madaling panahon, lilipat kami sa malaki-laki. Pwede rin namang magpagawa na lang kami ng sariling bahay… 'pag malaki-laki na ang perang naiipon ko.
---
"We'll give you a call if your application gets approved," nakangiting sambit sa akin ng babaeng nag-assist sa akin palabas ng interview room.
"Thank you." Nginitian ko ito bago naglakad palabas ng malaking building na pinuntahan ko.
Natapos din ako sa interview. Gaya ng sinabi no'ng babae, maghihintay na lang ako ng tawag sa kanila kung tanggap ako sa trabaho. May halong kaba at excitement ang nararamdaman ko. Kinakabahan ako sa magiging resulta, at the same time, nakaramdam ako ng excitement kasi kung papalarin man akong matanggap, ang trabaho ko ay isang event organizer. Mapa party, anniversary, kasal, binyag… at kung ano-ano pang event ay magiging parte ako upang i-organize 'yon.
Hiling ko lang ay sana matanggap ang application ko. Sinabihan naman ako ni Jane, 'yong dati kong kaklase, na okay lang daw na wala akong maipakitang college diploma sa kanila. Since siya ang naglapit sa akin, hindi na raw ako hahanapan. Kumpyansa rin siyang matatanggap ako, at 'yon ang isang bagay na pinanghahawakan ko ngayon.
"Aya!"
Nasa labas na ako ng building, kasalukuyan akong nag-aabang ng jeep pauwi sa bahay nang may tumawag sa pangalan ko. Hinihingal na si Jane ang inabutan ko, na 'di ko mawari kung bakit niya pa ako tinawag.
"May nakalimutan ka bang sabihin sa akin?"
"Huwag ka na raw maghintay ng tawag." Hinihingal pa rin siya at saglit naghabol ng hangin sa harap ko mismo. "Narinig mo ba ako?"
"Ha?" Napakurap ako. "Narinig naman kita, Jane."
"Pero bakit naman ganyan ang reaksyon mo? Hindi ka ba masaya?"
"Dapat ba akong maging masaya… o dapat maging malungkot?"
"Ano?" kunot ang noo na tanong niya.
"Sinabi mo kasi sa akin na 'wag na ako maghintay sa kanila ng tawag. Good news ba 'yon, o bad news?"
"Ay!" Napakamot siya sa likod ng kanyang batok. "Hindi ko pala natapos 'yong sasabihin ko. Sorry, na-excite!"
Kumunot ang noo ko sa kanya. "Ano ba kasi 'yang sasabihin mo---"
"Huwag ka na raw maghintay ng tawag sa kanila, Aya. Kasi…" Abot-tenga ang ngiting ibinigay niya sa akin. "Tanggap ka na!"
"Tanggap saan?"
Ngunit bumalik sa pagkalukot ang mukha niya. "Seryoso ka ba, Aya?"
"Joke lang!" Tinawanan ko siya. "Pero…" At hindi ko na nga pinigilan pa ang sarili kong paimpit na tumili, dala syempre ng tuwa na agad-agad rin akong natanggap sa trabaho. "Thank you talaga sa tulong mo, Jane! Tatanawin ko itong malaking utang na loob sa iyo!"
"Kahit 'wag na!" Mahina niyang pinalo ang braso ko. "Sapat na 'yong mga naitulong mo sa akin noong college tayo, Aya. Tinupad ko lang 'yong ipinangako ko sa iyo noon na 'pag pinakopya mo ako sa exam, babawi ako." Natawa siya nang bahagya sa sariling sinabi, bago siya nagpatuloy. "Ito na 'yong pambawi ko sa iyo!"
"Sira ka talaga!" At nahawa na rin akong matawa sa kanya. "Hindi naman na bago sa isang classroom na mayroong kopyahan na nagaganap. Pero… salamat talaga, ha? Kailangan na kailangan ko talagang kumita ng pera, e."
"Naiintindihan ko." At nakita kong bumagsak ang mga mata niya sa tiyan ko. "Basta 'pag naghahanap ka na ng ninang n'yang anak mo… alam mo na kung sino ang una mong tatawagan, ha?"
"Ikaw," natatawa kong sabi. "Kailan pala ako mag-uumpisa?"
"Bukas na agad." Tinapik niya ang balikat ko. "Goodluck sa first day, Aya! Sabihan ako kung nahihirapan kang mag-adjust. Akong bahala sa iyo!"
Nginitian ko siya't tinanguan bago ako tuluyang nagpaalam kay Jane para sumakay sa jeep na saktong huminto sa harap ko. May tricycle sana kami ni Papa para gamitin niya 'yon na pansundo at hatid sa akin sa bago kong trabaho… kaya lang pati ang tricycle namin ay hindi ibinigay ni Mama kay Papa. Si Mama nga naman kasi ang nagpundar no'n, malamang siya ang mas may karapatan doon.
Di bale, magpupundar na lang kami ng sarili, 'no! Ngayon pa't natanggap agad ako sa trabaho, tapos nabalitaan ko pang malaki-laki rin ang monthly salary, tiyak kong makakaipon agad ako nito ng malaki.
---
First day ko sa trabaho, hindi ako mapakali na tingnan ang sarili ko sa salamin. Kung ang iba ay gumigising nang maaga para maaga silang makapasok sa trabaho as it's their first day at work… ibahin n'yo ako sa kanila. Gumising lang talaga ako nang maaga para may sapat akong oras na makipagtitigan sa sarili ko sa salamin.
Hindi ko magawang makuntento sa itsura ko, sa ayos ng buhok at sa suot kong formal attire. Para kasing may mali lagi. May isang pagkakataon na 'pag titingnan ko ang sarili ko sa salamin, mukha naman akong presentableng tingnan. Pero sa pangalawang pagkakataon na titingnan ko ang sarili ko… bigla na lang kukulot ang kilay ko't mag-aayos na naman ako.
"Ihatid na kita sa trabaho mo, Aya. Tara na, baka ma-late ka pa."
"Saglit lang po," ani ko habang inaayos ang buhok ko.
Hindi ko alam kung magsusuot na lang ba ako ng headband, maglalagay ng clip sa gilid ng buhok ko… o hahayaan ko na lang na walang ayos ito? Grabe, gan'to pala pakiramdam 'pag first day sa trabaho, ano?
"Maganda ka na, anak. Tama na ang pagtitig sa salamin, baka matunaw mo na n'yan ang sarili mo."
"Papa naman!" Inis ko siyang hinarap. "Nakahiram ka po ng tricycle kay Ninong Jayson?"
"Oo, para naman hindi ka na ma-hassle kung mamasaheros ka pa."
"Aysus." Lumabas na ako at sumakay sa loob ng tricycle.
Mabilis na pinatakbo 'yon ni Papa kahit na hindi naman ako nagmamadali. Mayroon pa naman akong kalahating oras pa na natitira bago mag alas-otso, e.
"Text mo ako 'pag pauwi ka na, ha?"
"Opo!" At nagpaalam na ako bago pumasok sa loob ng building.
Nasa second floor ang office namin kaya abala akong naghihintay na bumukas ang elevator. Nakakatamad kasi gumamit ng hagdan, hindi ko bet mag-exercise ngayong umaga, e.
Kalaunan ay bumukas na rin ang elevator. Papasok na dapat ako roon nang biglang may bumunggo sa akin. Nawalan ako ng balanse, at buong akala ko ay makikipaghalikan na ako sa sahig… buti na lang ay nasalo ako ng lalaki rito sa loob ng elevator.
"Okay ka lang?" nag-aalala nitong tanong.
Kikiligin na sana ako ngunit… umatras ang tangka kong pagba-blush nang makita ko ang isa niyang kamay… ay nakadantay sa likod pangsalo… 'yong isa naman ay nakapatong sa s**o ko---
Agad akong umayos ng tayo para lumayo sa manyak na 'to. "Bastos ka!" Itinakip ko ang bag ko sa dibdib ko. "Kaya mo ba ako sinalo, ha?! Para ma-chansingan mo ako?!"
"Uhm, hindi ko sinasadyang---"
"Hindi sinasadya?! Sa rami ng pwede mong hawakan… 'yon talaga---" Napahinto ako sa pagsasalita, tiningnan ang lalaking ito nang masama. "Saang department ka?"
"I'm from event organizer team---"
Nanlaki ang mga mata ko. At talagang katrabaho ko pa siya, ha?! "I will let the team leader know about this!" At saktong pagbukas ng pintuan ng elevator, nagmamadali akong lumabas paalis doon.
Hindi ko mapapalampas na hindi masususpinde ang lalaking 'yon pagkatapos niya akong chansingan! Hindi ako papayag!
"Jane, sino boss n'yo rito?"
"Wala pa siya, e." Nakakunot ang kilay ni Jane na nakatingin sa akin. "Bakit mo biglang hinahanap si Sir Dwine?"
"May chumansing kasi sa akin… nagkataon na katrabaho pa natin dito. Aba, hindi ako papayag na hindi masuspinde kahit isang linggo lang ang lalaking 'yon pagkatapos ng ginawa niya sa akin!"
"Totoo ba?"
"Oo nga!" inis kong sagot.
"Halika." Kinuha niya ang kamay ko at hinatak papasok sa isang office. "Dito natin hintayin si Sir Dwine."
Tumango na lamang ako at naupo sa sofa. Ilang minuto kaming naghihintay ni Jane dito… nang biglang may isang lalaki ang pumasok sa loob ng opisina.
"Good morning, Sir!" rinig kong bati ni Jane dito. "May mahalagang concern daw pong ilalapit si---"
"Jane!" tawag ko rito. Hindi makapaniwalang tinitingnan ko ang lalaking pumasok sa office… sa office ng namamahala sa deparment namin. "S-Siya si S-Sir Dwine?" alanganin kong tanong habang nakadikit ang tingin ko roon sa lalaking chumansing sa akin sa loob ng elevator.