Madilim. Walang ingay.
Pero may mga boses. Malalabo, nagsasalubong, hindi ko maintindihan.
“Gabo, bilisan mo.”
“Hindi mo na siya maaabutan.”
“Nandito siya. Naririnig mo ba?”
Tumakbo ako sa isang madilim na pasilyo, walang dulo, walang katapusan. May isang pinto sa unahan—kulay puti, may bakas ng dugo sa doorknob.
Hinawakan ko. Dahan-dahan kong pinihit.
Sa loob, nakita ko siya.
Si Pia.
Pero hindi siya nakatingin sa akin. Ang mata niya, wala nang sigla.
Bago ako makagalaw—
Biglang humawak ang isang malamig na kamay sa balikat ko.
“Gabo… patay na siya.”
Napabalikwas ako ng bangon, hingal na hingal. Basang-basa ng pawis ang katawan ko.
“T*ngina…” Mabilis kong dinampot ang cellphone. Walang bagong messages. Walang missed calls.
Pero hindi pa rin nawawala ang kaba ko.
Napahawak ako sa mukha. Tumingin sa paligid. Tahimik. Masyadong tahimik.
Mula sa kusina, may narinig akong tunog ng kutsarita na hinahalo sa kape. Bumaba ako, mabigat ang hakbang.
Sa mesa, may isang babae na tahimik na umiinom ng kape. Hindi man lang lumingon nang dumaan ako.
Ang nanay ko—Clarissa Martinez.
Ang babaeng iniwan ako noon—pero nandito siya ngayon. At hindi ko alam kung bakit.
Huminga ako ng malalim. Pilit na pinapakalma ang sarili.
“Bakit nandito ka pa?”
Hindi agad siya sumagot. Tahimik lang siyang tumingin sa paligid, parang tinatandaan ang bawat sulok ng bahay—ang bahay na matagal na niyang tinalikuran.
“Tahimik pa rin dito,” mahina niyang sabi.
Napangisi ako, pero wala itong halong saya. “Ano bang inaasahan mong makita? Welcome party?”
Tumingin siya sa akin, diretso sa mata. “Wala nang oras para sa drama, Gabo. May mas importanteng bagay kang kailangang malaman.”
Napaatras ako nang bahagya. May kung anong hindi ko gusto sa tono ng boses niya—hindi ito lambing ng isang ina, hindi rin ito galit.
Direkta. Walang emosyon.
Parang isang babala.
Pero babala tungkol saan?
“Gabo, may hindi ka naiintindihan.”
Pinanood ko siyang ibinababa ang tasa ng kape, pinapahiran ang gilid ng labi na parang may mahalaga siyang sasabihin. Parang inaasahan niyang mauupo ako, makikinig, magpapatawad.
Tumawa ako nang mapait. “Pfft. Talaga? At kelan ko dapat ‘to intindihin? Noong iniwan mo kami? O noong nagdesisyon kang wag na lang akong balikan?”
Napasinghap siya, pero hindi sumagot. Mahirap yatang ipagtanggol ang sarili kapag totoo ang akusasyon.
“Bakit ngayon?” patuloy ko, habang tinutulak ko siya sa isang sagot. “Bakit pagkatapos ng maraming taon, bigla kang susulpot dito na parang may halaga pa ‘ko sa’yo?”
Napayuko siya. Para bang iniisip kung paano ipapaliwanag ang hindi maipaliwanag.
Wala siyang sagot.
At iyon ang pinakamasakit.
“Alam mo kung ano ang mas nakakainis?” Ngumisi ako, pero ramdam ang poot sa tono ng boses ko. “Alam kong may dahilan ka, pero hindi mo pa rin masabi.”
Nagtaas siya ng tingin. “Hindi ganun kadali—”
“Ah, hindi pala ganun kadali?” Sinuntok ko ang mesa, bahagyang umalog ang tasa ng kape niya. “Ako kaya? Madali ba ‘kong iwan?”
Walang reaksyon sa mukha niya. Pero kita ko sa mata niya ang pagkapit sa huling patak ng pride na meron siya.
“Hindi kita iniwan,” aniya, mahina pero matigas.
Natawa ako. “Hindi mo nga ako iniwan, pero ni hindi mo rin ako binalikan.”
Nagtagpo ang tingin namin. Dalawang taong parehong puno ng sugat na hindi magkatugma kung sino ang may kasalanan.
Pero sa huli, pareho silang may talo.
Bigla, bumalik sa’kin ang isang lumang alaala.
Pitong taong gulang palang ako noon. Nasa bintana ako ng bahay, pinapanood ang daan sa labas. Sinabi ng Tatay ko, “Hintayin mo lang, anak. Uuwi rin siya.”
Hindi siya bumalik.
Dumaan ang Pasko. Hindi siya bumalik.
Dumaan ang mga taon. Hindi siya bumalik.
Kaya ano itong ginagawa niya ngayon, umuupo sa harap ko, nagmamagaling na parang may karapatan siyang bigyan ako ng sagot?
Huminga ako nang malalim. Nilunok ang pait sa lalamunan ko. “Ano bang gusto mong sabihin? Na may dahilan ka? Na may paliwanag? Tapos ano? Gagawin mo ulit?”
Hindi siya sumagot.
At doon ko naramdaman na wala talaga akong halaga sa kanya noon.
Tumayo ako, biglang hindi ko na kayang manatili sa upuang ‘yon.
“Alam mo, kung gusto mong bumawi, huli ka na. Matagal nang wala ang batang inabandona mo.”
Nagpigil siya ng luha. Hindi ko alam kung totoong lungkot ‘yon o lungkot dahil hindi niya inasahan ang naging reaksyon ko.
Pero wala na akong pakialam.
Huminga siya nang malalim. “Kailangan mong bumalik sa Maynila.”
Napasinghap ako sa tuwa. “Put*ngina, yan pala ‘yon? ‘Yan pala talaga ang sadya mo?”
Nakatayo lang siya ro’n. Handa nang sabihin ang susunod na dahilan niya. Pero sa ngayon, gusto kong sunugin lahat ng tulay na meron kami.
“Babalik ka sa Maynila.”
Hindi na siya lumingon. Hindi na rin siya naghintay ng sagot. Para bang sigurado siyang susunod ako.
Kinagat ko ang labi ko, pilit na pinipigilan ang poot na bumabalot sa akin.
“Bakit?” tanong ko, puno ng pagdududa.
Hindi siya sumagot agad.
Tahimik. Ang tanging naririnig ko lang ay ang tunog ng sariling hininga ko.
Inilapag niya sa mesa ang isang bagay—isang puting sobre, lumang-luma na, may bahagyang punit sa gilid.
Para akong napako sa kinatatayuan ko.
Isang sulat.
At sa pamilyar na sulat-kamay, nakita ko ang pangalan ng sumulat.
Pia.
Lumiit ang mundo ko. Ang tunog ng lumang bentilador, ang langitngit ng sahig, ang mahinang huni ng kuliglig sa labas—lahat ng ingay biglang nawala.
Hinawakan ko ang sobre, nanginginig ang kamay ko.
Tumingin ako kay Clarissa, naghihintay ng paliwanag.
"Gabo…" Mahina ang boses niya. Pero matalim ang mga mata niya. "May hindi ka pa alam tungkol kay Pia."
Napaatras ako. Hindi. Hindi ko ito kailangan.
"Paanong… anong ibig sabihin nito?" Nanginginig ang tinig ko. Bakit may sulat si Pia?
"Hindi mo alam ang lahat," sagot niya, walang emosyong nakapinta sa mukha. "Basahin mo."
Nanginginig kong binuksan ang sobre. Mabigat ang papel sa kamay ko. Amoy lumang kahoy at alabok, parang matagal nang nakatago.
Ang unang linya, halos hindi ko mabasa.
"Mahal kong Gabo…"
Sumikip ang dibdib ko.
"Kung binabasa mo ito, ibig sabihin…"
Biglang tumunog ang pinto sa likod ko.
Mabilis akong napalingon. Wala namang tao.
Ngunit nananatili akong nakatayo, ramdam ang malamig na hangin na dumaan sa batok ko.
May bumigat sa loob ng silid, isang presensya na hindi ko maipaliwanag.
"Gabo," mahinang sabi nanay ko. "Dahan-dahan mong basahin."
Pero hindi ako makagalaw. Dahil pakiramdam ko, hindi lang kami dalawa sa kwartong ito.
Muling bumalik ang tingin ko sa sulat.
Pero bakit parang hindi na ito pareho?
Kanina lang, malinaw kong nabasa ang unang linya. Pero ngayon… ang tinta ay parang kumalat.
Ang sulat-kamay ni Pia—bakit parang hindi na sa kanya?
Namilog ang mata ko. Humigpit ang hawak ko sa papel.
"Mahal kong Gabo, kung binabasa mo ito, ibig sabihin…"
Pero ang sumunod na linya, hindi na ang iniwan ni Pia.
Hindi ko alam kung anong nangyayari. Guni-guni lang ba ito?
Lumunok ako, pilit na itinatama ang paningin ko.
Hindi ako maaaring natatakot sa isang sulat.
Pero bakit parang may bumubulong sa tenga ko?
Napakurap ako. Totoo ba ito?
Bakit biglang parang… hindi ko maalala ang mukha ni Pia?
Huminga ako nang malalim, pinipilit bumalik sa reyalidad. Pero bago pa ako makapag-isip, muling tumunog ang pinto.
Lalong lumamig ang likod ko.
"Huwag kang lumingon, Gabo."
Nanigas ang katawan ko.
Hindi iyon boses ni Clarissa.
Pero nanggagaling ito sa loob ng silid.
Ang mga kamay ko, nanginginig habang hinahawakan ang sulat ni Pia. Ang puso ko, kumakabog sa dibdib.
Walang gumagalaw sa paligid. Pero ramdam ko—hindi lang kaming dalawa ang naririto.
Muli kong ibinaba ang tingin sa papel.
May bago nang linya ang sulat.
"Huli ka na, Gabo."
Bumagsak ang sulat sa sahig. Napalunok ako.
At sa isang iglap, namatay ang ilaw sa buong bahay.