CHAPTER ONE
Walang tigil ang malakas na pagbuhos ng ulan pero walang pakialam si Arielle. Kasabay ng malakas na pagpatak ng ulan ay walang tigil din siya sa pagtakbo hanggang sa marating niya ang hinahanap na room. Pumasok siya sa loob at doon natagpuan niya ang pakay. May habag na gumapang sa loob ng dibdib niya nang mamasdan ang kapatid na nakaupo sa sahig, basang-basa, at umiiyak. Sa paligid nito naroon ang iba pang estudyanteng harap-harapang pinag-uusapan ang kapatid niya.
May bumangong inis sa dibdib niya dahilan para buo ang loob na hinarap niya ang mga kapwa estudyante na nakikiusyuso doon.
"Mga wala ba kayong magawa sa buhay ninyo kundi ang pag-usapan ang buhay ng ibang tao? Magsilayas nga kayo rito!" sigaw niya sa mga ito.
Aminado si Arielle na nawawalan siya ng kontrol sa sa sarili. Hinahayaan niyang manaig ang inis at galit sa puso niya pero hindi niya magawang kumalma lalo na at habang luhaan at basang-basang nakasalampak ang kapatid sa sahig, walang pakialam ang mga nasa paligid nito.
‘Ano bang mga klaseng nilalang sila? Mga wala talagang puso!’
Walang kumibo sa mga estudyanteng naroroon kaya pinanlisikan niya ng mga mata ang mga ito. “Hindi ba’t sinabi kong magsialisan na kayo?”
“Bakit ba?” mataray na tanong ng isa.
Tumaas ang sulok ng labi niya bago walang sabi-sabing itinulak ito.
“What the!” sigaw ng isang estudyante.
“Make another move or I’ll make your face kiss the floor,” she warned while making a step towards them.
Tumalim ang mga mata ng ibang mga estudyante na naroroon pero wala siyang pakialam. Isa lang ang mahalaga sa mga oras na iyon at walang iba kundi si Margaret.
“Aalis ba kayo o kailangan pang isa-isa ko kayong itulak palabas?” palaban pa niyang tanong.
Halo-halo ang naging reaksyon ng mga ito. May tila natakot, may akmang papatulan siya pero may ilang minabuti na lang tumalikod. Seryoso siyang itutulak ang mga ito palabas kung kinakailangan. Hindi na importante sa kaniya kung makasakit o siya pa ang masaktan. Ang mahalaga lang mapaalis sila at mailayo ang kapatid niya sa kanila.
“Mas makabubuti kung aalis na kayo,” sabat ng isang tinig babae.
“Alis! Alis! ‘Di ba may mga klase pa kayo! Bumalik na kayo sa inyo-inyong classroom,” pagtataboy naman ng isang tinig lalaki.
May ilan pa siyang naririnig na mga tinig na nagpapalis sa mga kapwa nila estudyante pero hindi niya masyadong napatuunan ng pansin. Nang ilan na lang silang matira doon ay bahagyang isinara ang pinto ng isa sa estudyanteng tumulong sa kaniya. Muli niyang hinanap ang kapatid na hindi pa rin kumikibo sa kinasasalampakan nito. May dalawang babae na ang kasalukuyang umaalalay dito pero tila wala itong pakialam.
Mabilis siyang lumapit sa kanila. Lumayo ng bahagya ang dalawang babae para bigyang espasyo silang dalawa.
"Best, basang-basa ka na. Baka sipunin ka, halika na umuwi na tayo.” Hinaplos-haplos niya ang basang buhok nito pero wala siyang nakuhang reaksyon mula rito. “Kung iniisip mo pa rin sila… Hayaan mo na lang sila. Isa pa, he doesn’t deserve you. Wala siyang kwentang lalaki. Please, tama na ‘wag ka nang umiyak... Halika na, iuuwi na lang kita." Sa kabila ng mahabang pang-eengganyo niya kay Margaret ay nanatiling luhaang nakatulala ito.
Naluluhang niyakap niya si Margaret. Best friend niya ito at sa kabila ng katotohanang anak si Marj ng ama sa ibang babae, tanggap, at mahal niya ito. Mga bata pa lang ay magkasama na sila palagi, sabay na lumaki, nagdalaga, at nangarap.
That's why for her, no matter what, she’s still her sister, not just in blood but in heart.
But because of that jerk, her sister was in despair. Margaret’s heart was in an intolerable state.
‘Walang hiya talaga ang lalaking ‘yun. Napakawalang kwenta!’ Alam ni Arielle na maling binigay lahat ni Margaret ang lahat ng meron ito sa baliw niyang boyfriend pero nagmahal lang naman si Margaret...
‘Ngunit maiidahilan nga ba iyon? Na nagmahal ka lang kaya hinayaan mo ang sariling lokohin ng iba? Na hinayaan mo siyang paikutin ka nang paulit-ulit?’ May intak sa dibdib ang mga salitang pumasok sa isip ni Arielle. Ano pa man ang mangyari, walang sinuman ang may karapatang lokohin at saktan ang kapatid niya. Gusto man niyang ipaunawa sa kapatid ang lahat ng nangyari, ayaw niya munang dagdagan ang sakit na nararamdaman nito. Nangyari na ang lahat at ang tangi na lang niyang magagawa ay ang damayan ito.
"Marj, tara na. Uwi na tayo,” pamimilit niya at sinubukang patayuin ito ngunit bigo pa rin siya.
Gustong-gusto na niyang maluha dahil sa sakit na nakikita niya sa mga mata nito kaya lang kailangan niyang pigilan. Hindi siya maaaring maging mahina sa harap nito. Hindi sa panahong kailangan nito ng karamay at masasandalan.
“Marj, naririnig mo ba ako?” masuyong tanong niya at hinaplos ang namumutlang pisngi nito ngunit nanatili itong walang kibo. Iyak lang ito ng iyak habang yakap ng mahigpit ang basang sarili.
Para itong batang iniwan ng mga magulang.
Tila ba bumalik ito sa panahon kung saan pareho silang naghahanap ng makakasama, parehas na nangungulila, nalulungkot, at naghahanap ng kakampi.
Ang panahon kung saan nakita niya sa mga mata nito ang kapares na lungkot na meron siya…
Sa panahong iyon una silang nagkita at nagkakilala.
“Marj, makinig ka sa’kin,” usal niya sabay pisil sa palad nito upang kunin ang atensiyon nito. “Maraming ibang lalaki diyan. Hindi lang siya. You—“
"Kim…” Ang mahina at tila paos na tinig ni Margaret ang nagpatigil sa kaniya sa pagsasalita. “Bakit ganoon? Bakit niya ako niloko? Ano bang nagawa ko? Kulang pa ba lahat ng ginawa ko para sa kanya para tratuhin niya ako ng ganito? Sabihin mo nga sa akin... Bakit basta niya na lang ako iniwan? Bakit kailangan niya akong ipagpalit?" Mula sa mahinang tinig ay unti-unting lumakas at tila nanunumbat ang tinig ni Margaret habang nagsasalita.
Hindi niya alam ang isasagot. Hindi lingid sa kaniya kung paano naging halos perpektong girlfriend ang kapatid. Ginawa nitong lahat para sa Nico na iyon… Lahat-lahat na kadalasan ay pinag-uugatan na ng hindi nila pagkakaunawaan o nang pagtakas nito sa bahay.
Kahit nga ang bagay na hindi pa dapat nito ginawa ay nagawa nito para sa lalaking iyon. Mga bagay na sinuklian lang nito ng sakit.
Unti-unti, ang kaninang habag na nararamdaman ni Arielle para kay Margaret ay napalitan ng mas malalim na galit sa mga taong tila pinaglaruan lang ang kapatid niya.
Lihim niyang pinakalma ang sarili bago muling binalingan ang kapatid. "Marj, mas makabubuti kung uuwi na tayo. Tara na, please…”
Sa wakas ay nagpatianod ito kaya naman sinikap niyang alalayan ito hanggang makatayo. Labis niyang ikinatuwa ang ginawi ng kapatid para lang matulala sa sunod na sinabi nito.
"I need to talk to him. We need to talk. Baka naguguluhan lang siya." Bigla ay sabi na lang ni Marj. Nakatulala ito na tila ba wala na ito sa sariling katinuan.
At hindi niya alam kung dapat ba siyang mainis o ano?
‘Leche naman…’
Parang gusto na niyang sigawan at sampalin ang kapatid. Nagbabakasakaling magising ito kapag ginawa niya iyon. Ngunit kahit gawin niya pa iyon, alam niyang hindi na makikinig sa kaniya ito.
"Marj, niloko ka na niya, eh. Tama na please… Magtira ka naman kahit konting pagmamahal dyan sa sarili mo."
Gusto na niyang bumigay sa pagpapa-alala dito. Simula pa noon, wala na siyang tigil sa pagpapaalala dito ngunit kung makinig man ito ay mabibilang sa daliri kung sumusunod.
“Hindi mo naiintindihan, mahal na mahal ko si Nico.”
Nang tuluyan silang napatayo ay wala sa loob na napabuga siya ng hangin dala frustration. Sinulyapan niya rin ang apat na natirang estudyante. Tahimik na nakamasid ang mga ito sa kanilang dalawa ni Marj. Malamlam at tila nakakaunawa ang tingin ng mga ito kaya alam niyang hindi pakay ng mga ito ang makialam sa kanila.
"Marj, umuwi na lang ta—“ Nagsasalita pa lang siya nang sa pagbalik niya ng tingin kay Margaret at bigla na lang itong tumakbo palabas ng room. “Hey, wait, Marj!" gulat na tawag niya dito.
Akmang tatakbo na rin siya upang habulin ito kaso hindi niya napansin ang paa ng isang nakatumbang silya. Bago pa niya iyon mapansin ay tumama na roon ang binti at napaupo na siya sa sahig habang hawak ang binting namimilipit sa sakit.
“Aww,” nakangiwing aniya habang hinahaplos ang binti. May gasgas siyang nakita pero hindi naman malala. Sobrang sakit nga lang talaga.
"Miss, okay ka lang?" tanong ng isang babaing lumapit sa kaniya habang sa tabi nito ay tahimik na nakamasid ang isa pang babae.
"Okay lang ako…" Tiningala niya ito at binigyan ng munting ngiti.
“Hindi ka ba na-sprain?”
Nilingon niya ang nagtanong at napagtantong may palapit sa kanila na dalawang lalaki. Kilala niya ang mga ito. Bukod sa mga classmates silang apat ni Margaret, sikat sa university nila ang dalawang lalaki na kapwa modelo.
Kevin Evans at Eugene Keith Balmaceda…
Samantalang kung hindi siya nagkakamali ay ang dalawang babae ay sina Daphne Montes, girlfriend ni Kevin at si Jasmine Aguilar, best friend ni Daphne at pinsan ni Keith.
Iyon lang ang natatandaan niya mula sa madalas din na pagkukwento sa kaniya ni Marj. Wala siyang hilig sa showbiz o kahit sa mga lalaki kaya kahit pa sikat sila, hindi niya masiyadong binibigyan ng pansin ang mga ito.
Hindi niya lang sigurado kung bakit hindi kasama ang mga itong lumabas ng silid.
"Miss, buti pa—“
"Okay lang ako, kailangan ko pang sundan ang k-kaibigan ko…" she muttered silently as she gave them a bitter smile.
Sinikap niyang makatayo ng ayos. Masakit ang mga paa niya pero mas masakit ang nararamdaman niya sa loob ng dibdib sa t’wing maaalala ang mukha ng kapatid na umiiyak at nagmamakaawa sa walang kwentang lalaking iyon. Paika-ika siyang humakbang at nang mawawalan ng balanse ay mabilis na dumalo sina Jasmine at Daphne.
“Sigurado ka bang ayos ka lang?” mayuming tanong ni Jasmine.
Nakangiting tumango siya. "Oo. Salamat." Bumitiw siya sa mga ito.
“Basang-basa ka rin,” may kaseryosohan sa tinig na puna ni Daphne.
Pinasadahan niya ng tingin ang dalawang babae bago ang sarili. Hindi niya mapigilang hindi makadama ng hiya ng ma-realize na para siyang basang sisiw. Pero hindi iyon ang mahalaga sa mga oras na iyon. She had to find Marj before she made damage.
"Okay ka lang ba talaga, Miss?" Napapitlag siya nang may magsalita sa likuran niya. Wala sa loob na napalunok siya ng sa paglingon ay nasa likod na niya si Eugene Keith.
Para kay Arielle, normal lang na lalaki si Keith ngunit hindi maikakailang sa maliit na distansiyang meron sila ay may kakaibang hatid ang presensya ng binata. Hindi rin maipagkakaila ang kagwapuhan nito. Idagdag pa ang mabangong amoy nito na malaya niyang naamoy.
‘Ako yata, amoy basahan na… Nakakahiya.’
Gusto niyang makadama ng hiya, umalis at magbihis kaagad pero hindi iyon ang tamang oras. Ipinilig niya ang ulo."Okay lang ako."
Tuluyan na siyang naglakad palayo sa grupo. Eksaktong paglabas niya ay nakita niya Margaret na tumatakbo.
And she's crying, again.
‘Oh geez! Sinabi ko na naman kasi sa'yo. Ano na naman bang ginawa ng walang kwentang lalaking iyon sa’yo?’
Nakuyom niya ang kamao habang pinagmamasdan ang kapatid na tumatakbo sa ilalim ng humihinang ulan.
“She has to get a grip,” she uttered firmly.
Akmang tatakbo na siya para sundan si Margaret nang muling lumakas ang pagbagsak ng ulan. Tiningala niya ang nagdidilim na kalangitan.
"Miss, ‘wag ka na muna kayang tumuloy…" pigil ni Jasmine.
“Lalakas pa iyan lalo,” sabat naman noong Kevin.
Umiling-iling siya.
"No, she needs me," mariing bulong bago walang sabi-sabing tumakbo.
Sinagasa ni Arielle ang ulan. Wala na halos siyang makita, sobrang labo na lahat dahil sa lakas ng ulan. Medyo masakit rin sa katawan ang bawat patak ng ulan. Ngunit lahat iyon ay hindi niya alintana. Kailangan niyang sundan si Marj, kailangang sundan ang kapatid niya… Kailangan nito ng makakausap. ‘Kailangan niya ako..’.
Narinig niyang may tumatawag sa likod pero hindi siya tumigil. Margaret needed her, and she had to be at her side.
Ayaw niyang maranasan nito muli ang mag-isa, ang lungkot ng maiwan, at ang sakit ng walang tumatanggap. Dahil kapag nakikita niya itong nasasaktan, mas nasasaktan lang din siya.
Nangako siya noon na mananatili sa tabi nito kahit anong mangyari. Kaya hindi niya basta-basta pababayaan ito ngayon.
Parehas silang basang-basa nang abutan niya ito sa likod ng building ng university. Nakaubob ito, nakayakap sa binti, at tahimik na umiiyak. Alam niya dahil sa pagtaas at baba ng balikat nito.
"Kambal..." tawag niya habang humahakbang palapit dito.
Kung anu-ano na lang tawag niya dito…
"Hindi ka nag-iisa dito,” pagpapatuloy niya. Nang makalapit siya ay niyakap niya ito. "Bes, makakaya mo ‘yan. Nandito lang ako…" Humahalo na ang mga luha niya sa ulan.
Dahan-dahan ay nag-angat ito ng tingin.
“Marj…”
"Kimmy, tinanong ko siya. Kung kahit minsan ba minahal niya ako? Kahit minsan ba noong kami pa pinahalagahan man lang niya ako?" Humihikbi ito habang nakatitig sa mga mata niya. "Akala ko, masakit na iyong nakita kong nakikipaghalikan siya kay Katrina pero mas masakit pala na marinig mismo sa bibig niyang kahit kailan, hindi niya ako minahal o pinahalagahan man lang...” Sumigok ito kaya naupo siya sa tabi nito at marahang hinaplos ang likod nito. Walang makapa na salita si Arielle. Blangko ang isip niya.
“Dalawang taon, Kimmy… Dalawang taon pero bakit ganoon? Bakit ganoon? Naramdaman kong minahal niya ako pero sinasabi niyang ginamit niya lang talaga ako. Kambal, ginamit niya lang ako..." Tuluyan na itong napahagulhol habang siya ay walang magawa kundi ang yakapin ito.
Kung pwede lang na siya na lang ang makaramdam ng sakit, kukunin niya ang lahat ng sakit. Okay lang kahit mahirapan at masaktan siya, ‘wag lang itong makitang nagkakaganito.
"Marj, ito ang tatandaan mo. He doesn't deserve you. Maganda ka, matalino, at maraming lalaki ang nagkakandarapa sa'yo... Hindi siya kawalan…” Nauunuawaan niyang hindi madali ang lahat pero kailangan nitong kayanin.
Humigpit ang yakap niya dito.
"Uwi na tayo..." bulong nito.
Bahagya siyang napalayo rito. "Marj?"
"Uwi na tayo... I want to rest." Margaret smiled bitterly, as if hiding the pain.
Tumango-tango siya. "Oo, uuwi na tayo…"
"Salamat sa pag-unawa. Salamat at palagi kang nariyan… Salamat, ate sa—“ Hindi na nito natapos pa ang sasabihin dahil nawalan na ito ng malay.
Wala ng malay sa bisig niya si Marj pero parang ang tagal bago nag-sink sa utak niya ang mga sinabi nito. Margaret called me 'ATE'. ‘Alam na ba niya? Paano? Kelan pa?’
“M-marj…” Sinubukan niyang gisingin ito pero tuluyan nang nawalan ng malay ito. Inayos niya ito ito sa bisig at ganoon na lang ang pagkabigla nang maramdaman ang mainit nitong leeg. Inaapoy na ito ng lagnat.
“Marj? Marj! Gising.”
Luminga-linga siya sa paligid. "Tulong! Tulungan ninyo kami!” Naka-ilang sigaw siya bago tuluyang may dumating para tulungan sila. Labag man sa loob na bitiwan ang kapatid, binitiwan niya ang kamay nitong kanina lang ay mahigpit niyang hawak upang mapangko ito ng guard.
*****