CHAPTER TWENTY-THREE

1809 Words
Walang nagbago sa ayos ng silid ni Margaret nang makapasok si Arielle. Ganoon pa rin ang ayos ng mga kasangkapan nito. Nang mamatay ang kinakapatid niya ay wala munang pinagalaw sa mga gamit nito. Madalas pa ring pinapalinis ng kaniyang ina ang silid na gaya ng dati, na para bang anumang araw ay darating ito. Babalikan sila. Humakbang siya palapit sa kama nito. Parehas silang queen-size ang kama. Mahilig ito sa kulay pink habang siya naman ay hindi gaano sa matitingkad na kulay. Kung ang kama nito ay pink at floral, ang kaniya naman ay plain beige or mocha. Sa laki lang ng gamit madalas sila nagkakaparehas lalo at paminsan-minsan ay naiisip nilang matulog sa silid ng isa’t isa. Magmo-movie marathon sila hanggang umaga. Naglalaro ng kung ano-ano. Bibili ito ng mga Korean foods at mag-aala mukbangers sila. Wala siyang hilig sa social media or sa kung anong trend pero kapag may kasama kang kagaya ka ni Margaret na kayang gawing enjoyable ang isang gawain, mahihila ka. Sunod niyang nilapitan ang cabinet nitong punong-puno ng iba’t ibang klase ng pallet ng make up, iba’t ibang shade ng lipstick, lip tint, at mga lip liner. Naalala pa niyang minsan ay ginagawa siya nitong model at kapag nagustuhan ng mommy nila ay pare-parehas silang magme-make up. Margaret even said na nagbabalak itong gumawa ng channel total marami itong pwedeng i-content. And she was right about that. Margaret loved music. She was skilled in using cosmetics. Fashionable din ito pagdating sa pananamit. And they were both good in cooking. Maliliit pa lang sila ay madalas nilang kulitin si Nana Ising sa kusina. Pero hindi niya alam kung nagawa ba nito iyon. Simula nang makilala nito si Nico ay sa lalaki na nagsimulang umikot ang buhay nito. ‘Ganitong music ang mga gusto ni Nico.’ ‘Gusto ni Nico na ganito ang suot ko.’ ‘Ayaw ni Nico na matitingkad na kulay. Hindi daw bagay sa akin.’ ‘Mas gusto ni Nico na kumain sa labas kesa ang magluto ako. Agaw-oras daw.’ ‘Lalabas kami ni Nico kaya ikaw na lang muna ang magluto nito.’ ‘Hindi muna ako makakasamang manood ngayon…’ Ilan lang ito sa madalas katwiran sa kaniya ni Margaret noon. Noong una ay nagkikibit-balikat lang siya sa mga naririnig niya pero ng magtagal, kahit wala pa siyang nagiging kasintahan ay alam niyang red flags iyon. Ngunit huli na ang pagsasabi niya. Ginawa na ni Margaret mundo ang dapat ay tao lang. Dito na nagsimulang pumili ng kaniyang daan si Margaret. Ang dating pag-ibig na nagdagdag ng saya at sigla sa mga mata nito ay siya ring umagaw dito ng kakayahang magpatuloy at mabuhay. Maaari nga palang mangyaring ang minsang nagpapasaya sa’yo ang siya ding sumira sa iyo. Tumingala si Arielle upang pigilin ang namumuong luha sa mga mata niya. Umiyak na siya nitong mga nagdaang linggo. Hinayaan niya ang sariling lumuha nang lumuha pero hindi na ngayon. Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay pinalis niya ang luha sa mga mata at sunod na nilapitan ang study table nito. May mapait na ngiting sumilay sa kaniyang mga labi nang maalalang maraming beses na sabay silang nag-aaral. Sabay silang nagre-review o kaya naman ay tulong sila sa mga project. Hindi man sila parehas ng course, sinisikap nilang matulungan ang isa’t isa. Hinila niya ang upuan at umupo roon. Marahan niyang hinaplos ang hanggang ngayon ay maayos na nakasalansang mga notebooks ni Margaret sa isang munting shelf sa ibabaw ng table nito. Sa kagustuhang magbalik-tanaw ay naisip niyang buklatin isa-isa ang mga notebook. Mas organized siya kesa kay Margaret pero kahit papaano ay sinisikap nitong maging masinop. Napangiti siya nang makitang may nakalagay na sticky notes ang mga notebook nito. ‘Assessment in the third week…’ ‘Notes for Finance…’ ‘Group project…’ ‘Bawal tamarin, Margaret. Nagsisipag si Kimmy kaya dapat ikaw din.’ Napakagat-labi siya nang mabasa ang laman ng huling sticky notes. Margaret used to think of her whenever she felt bored or unmotivated. Minsan magugulat na lang siya dahil bigla itong tatakbo papunta sa kwarto niya para lang kulitin siya na tulungan itong mag-review. “Kimmy, help me out!” Nakasilip sa may pinto habang naka-pout si Margaret. “What?” tanong niya. Abala siya sa pagsasaulo para sa quiz nila kinabukasan. “Tinatamad akong mag-aral ay may quiz kami bukas sa Finance.” “May quiz din ako bukas, Marj,” ungot niya dito. Nagpadausos ito sa hamba ng pinto. “Kahit anong basa ko ay walang pumasok sa utak ko, Kimmy.” Tinitigan niya ang kinakapatid na hanggang ngayon ay nagpapa-beautiful eyes pa rin sa kaniya. Nagpakawala siya nang malalim na buntong hininga.”Okay, fine. Dalahin mo ang mga notes mo dito at sabay tayong mag-aral.” “Talaga?” nangingislap ang mga matang tanong ni Margaret. “Oo nga.” “Yes! The best ka talaga,Kimmy!” Tumalikod si Margaret na pakembot-kembot pa. At gaya ng dati, sa tuwing wala ito sa mood mag-aral, sabay nilang nire-review ang isa’t isa. That’s when she really believed that two heads are better than one. Isang bagay na hindi niya na maiibalik pa. “Hindi na ba ako sapat para pasiglahin ka?” bulong ni Arielle habang isinasara ang notebook ng kapatid. Hindi niya mapigilang hindi sumama ang loob. Dati-rati ay sa kaniya ito lumalapit. Sa isang iglap lang, wala na ang lahat. Ngunit kahit anong maramdaman niya, hindi na niya maiibalik pa ito. Ibinalik niya ang notebook sa dating pwesto. Sunod niyang binuklat ang medyo mahabang notebook. Kung hindi siya nagkakamali ay sulatan iyon ng composed lyrics ni Marj. Minsan pinapakita sa kaniya nito ang mga ginawa pero minsan ayaw nito. Binuklat-buklat niya iyon at hindi nga siya nagkamali. “Sana man lang ay ipinarinig mo sa akin ang lahat ng ito,” may hinanakit na aniya sabay sara ng notebook. “Palagi mong sinasabi sa akin na iparirinig mo ang mga kanta mo. Paano ko na maririnig kung wala ka na?” Pakiramdam niya ay lalong bumibigat ang dibdib niya. Ipinilig niya ang ulo at ibinalik ang notebook. Hindi talaga tama na pumasok na siya sa silid na iyon. Akmang tatayo na siya nang sa kasulok-sulokan ng munting shelf ay may kumislap. Natigilan siya nang mapagmasdan kung ano ang kumikislap. Paru-paro. Inabot niya ang kumikislap na paru-paro. Gawa iyon sa metal. Nang hilahin niya iyon ay nahila din ang makapal na pink notebook. Hindi pamilyar sa kaniya ang notebook at wala ring nakalagay kung ano iyon. Dala ng kuryosidad ay kinuha niya ang notebook. Blangko ang unahan at likod na cover nito. Ang tangi lang disenyo ay ang naka-braid na ribbon na siyang nakatali sa notebook. Dahan-dahan niyang inalis ang pagkakatali at binuklat ang notebook. Walang nakasulat sa unang pahina. Ang tanging sumalubong sa kaniya ay mga larawan. Ang unang larawan ay si Margaret at ang biological mother nito. Maliit pa si Marj at malakas pa ang mama nito. Parehas silang nakangiti habang nakatalikod sa simbahan. Sa ayos nila at base na rin sa background ay mukhang katatapos lang nilang magsimba. “Magkasama na siguro kayo diyan,” bulong niya habang hinahaplos ang larawan ng kinakapatid. “Mayayakap mo na siya gaya ng hiling mo noong bata ka pa.” Hindi niya na napigilan pa ang pagbagsak ng luha lalo na ng dumako ang mata niya sa larawan nilang apat. Siya, si Margaret, ang mommy at daddy nila ay pare-parehas nakangiti. “Sana pwede pang ibalik ang lahat.” Ilang saglit pa niyang tinitigan ang larawan nila bago muling binuklat ang pahina. Puro sulat na iyon na may date sa itaas. Binuklat-buklat pa niya ang iba pang pahina at noon niya napagtantong diary iyon ni Margaret. Hindi pa nagtatagal nang simulan ito ni Margaret. Halos noong nakaraang taon lamang. Muli dala ng kuryosidad ay binasa niya ang unang entry nito. Dearest, Kanina nag-celebrate kami ng birthday ni mommy. Gaya ng dati ay tinatawag niya ako kapag picture-taking na pero kahit ilang taon na akong nakatira kasama nila, nahihiya pa rin ako. Pakiramdam ko ako lang nagpapasira ng image nila. Pero kahit ganoon, palaging to the rescue si Kimmy. Hindi siya papayag na hindi ako kasama… Gusto niy— “Kimmy, anak!” Napapitlag si Arielle nang marinig ang papalapit na tinig ng ina. “Andito na kami ni daddy mo!” malakas na tawag nito. Base sa dating ng boses nito ay papunta pa lang ito sa silid niya. Sumulyap siya sa nakabukas na pinto. “Bumili kami ng favorite cake mo!” Hindi na itinuloy ni Arielle ang pagbabasa. Dali-dali niyang isinara ang notebook at bago pa makapag-isip ng ayos ay bitbit niya ang notebook nang lumabas ng silid. Sinigurado niyang maayos ang silid ni Margaret bago mabibilis ang hakbang na bumalik siya sa sariling silid. Eksaktong itinatago niya sa drawer ang diary ni Marj ay kumatok ang mommy niya sa pinto. “Kimmy!” “I’m here,” tugon niya bago dali-daling binuksan ang pinto. Bumungad ang nakangiting mukha ng ina na dagling napalitan ng pagtataka nang mapagmasdan siya. “Hi, mommy.” “Hello, sweetie.” Bumaba ang tingin nito sa suot niya. “Sabi ni Nana Ising kanina ka pa daw dumating. Bakit hindi ka pa rin nagpapalit?” Bumaba din ang tingin niya sa suot na uniporme. Pinigilan niya ang mapangiwi. “Sorry, my. May ginawa lang po ako.” “Anak, alam kong sinisikap mong maghabol sa klase mo, but please, don’t push yourself too much. Baka mamaya ay ikaw naman ang magkasakit niyan.” May intak sa dibdib tuwing nakikita niyang nag-aalala ng ganito ang mommy niya. “Sorry, my. Hindi ko po gustong nag-aalala kayo ng sobra.” Nakangiting inabot ng kaniyang ina ang pisngi niya. “Magulang mo kami kaya normal lang iyon. But to tell you, sweetie. Naniniwala akong mas pinatatatag tayo nang mga nangyayari kaya kapit lang. Hindi man ngayon, bukas o sa makalawa, kailanman iyan, magiging maayos din ang lahat.” She pushed a small smile. “I’ll try my best to hold on, mommy. For you and for daddy…” “And most of all, for yourself. ‘Wag na ‘wag mong kakalimutan ang value mo, na kahit anong hindi magagandang pangyayari, you are still loved and cared. You deserve it. You deserve peace of mind.” Her mother’s words were always full of wisdom. Kaya siguro kahit anong dumadaan dito ay nagagawa nitong kayanin. “I’ll remember that.” “Good. Well, magbihis ka na at bumili kami ng daddy mo ng favorite cake mo. Sabay-sabay na tayong magmeryenda sa baba.” “Okay. Magpapalit lang po ako nang mabilis na mabilis.” “Sure, honey.” Nang maisara niya ang pinto ay mabilis siyang nagbihis. Bago lumabas ay sinilip niya muli ang drawer kung saan inilagay ang diary ni Margaret, ang munting pasilip sa puso at isip ni Margaret. *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD