CHAPTER 1
Kanina pa tumutunog ang kaniyang cellphone, kalalabas lang niya mula sa banyo kaya minabuti niyang kunin ito at sagutin iyon.
"Hello Nay."
"Hello anak, kumusta ka naman diyan, Ayos ka lang ba? Mababait ba naman ang mga kaklase mo?"
Nag-aalalang tanong sa kaniya ng kaniyang ina.
Nandito siya ngayon sa siyudad ng Manila upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo.
Walang kakayahan ang kaniyang mga magulang na tustusan ang kaniyang pag-aaral dahil sa kakarampot na lupain lamang sila umaasa sa pagsasaka, pero pursigido siya at gagawin niya ang lahat makapagpatuloy lang siya sa pag-aaral, at sa awa ng Diyos, natanggap siya bilang scholar sa isang pribadong unibersidad dito sa manila.
Hindi niya sasayangin ang pagkakataon na ito, kaya mag-aaral siyang mabuti.
"Opo Nay, huwag po kayo mag-alala okay lang po ako dito."
Sagot niya sa kaniyang ina upang mapawi ang pag-alala nito sa kaniya.
Ito kasi ang unang beses na malayo siya sa mga magulang,mahirap pero kailangan niyang magsakripisyo. Marami pa siyang pangarap sa buhay at hindi niya sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa kaniya.
"Mag-iingat ka diyan anak ha? Kumain ka sa tamang oras. Alagaan mo ang sarili mo,alam mo naman na nasa malayo kami."
Mangiyak ngiyak na sabi pa sa kaniya ng ina.
"Hay naku nay! Kayang-kaya ko po ito, kayo po ang mag-iingat diyan lagi. Yung gamot po ninyo ni Tatay ha, huwag po ninyo kakalimutan inumin."
"Oo anak, huwag mo kami alalahanin ng tatay at kapatid mo dito."
Narinig niya ang pagsinghot ng kaniyang ina at alam niya na umiiyak na naman ito.
"Sige na po nay, may gagawin lang po ako saglit."
Pagpapaalam na niya dahil baka pati siya mahawa sa pag-iyak nito.
"Sige anak."
Iyon lang at nawala na ito sa kabilang linya.
Saka naman siya napa buntung-hininga.
"Laban lang! kaya ko ito!"
Pagpapalakas niya sa kaniyang sarili.
"Belle, may gagawin ka ba mamaya?"
Napalingon siya sa nagsalita at tumambad si Joyce ang isa sa ka boardmate niya. Pumasok ito sa loob ng kaniyang kuwarto.
"Bakit?" Tanong niya.
"Gusto mong sumama sa amin na manood ng sine? Kasama sina Bea at Francine." Tukoy nito sa mga kasama nila sa boarding house na ito.
"A-ano kasi.."
"Sige na, libre ka namin. Kami na ang bahala sayo."
Pamimilit pa ng kaibigan.
"Gusto ko sana, kaso may exam pa kasi kami sa isang subject ko bukas."
"Ganun ba, sayang naman."
Napasimangot pa ito.
"Pasensiya ka na talaga."
"Pero sa susunod, sasama ka na sa amin ha?"
Napangiti na ito.
"Oo, sige."
Tanging naisagot na lamang niya upang tigilan na siya nito.
"Yes!" Sabi pa nito saka siya niyakap.
Napangiti na lang siya sa ginawa nito.
Kahit papaano naman, kasundo niya ang mga ka boardmate niya dahil mababait
din naman ang mga ito.
Katatapos lang ng kaniyang klase ng makaramdam siya ng gutom, kaya dumiretso na siya sa Canteen upang doon kumain. Konti pa lang ang mga estudyante noon na kumakain kaya naghanap siya agad ng mesang bakante at iniwan ang mga gamit doon saka nagpunta sa counter upang doon mag-order.
Nilagang baka ang napili niyang kainin, sakto sa maulan na panahon. Hawak ang tray na naglalaman ng kaniyang order ay bigla siyang nabangga ng kung sino.
Nabitawan niya ang tray at naibuhos sa lalaking nakabangga sa kaniya. Tumapon lahat ang laman niyon sa harap nito.
"Outch!" Sigaw ng lalaki sa kaniya habang sapu-sapo ang hinaharap nito na nalapnos na yata dahil sa mainit na sabaw.
"S-sorry! Sorry.. hindi ko sinasadya!
Natatarantang sabi niya.
Hindi niya alam kung hahawakan ba niya ito or ano.
"Sorry? Look what you've done!" Bulyaw nito sa kaniya.
Nakatingin na sa kanila noon ang ibang mga kumakain at pinapanood sila.
"S-sorry! Sorry! I didn't mean it!"
"Come on!" Marahas siya nitong hinawakan sa kamay at hinila siya papunta sa CR.
"S-saan mo ako dadalhin! Ano ba!"
Piksi niya pero malakas ang lalaki. Hinila siya nito sa loob ng CR at isinara iyon. Hinapit siya sa baywang saka siya sinibasib ng halik sa labi.
Halos dumugo ang labi niya sa tindi ng paghalik nito sa kaniya.
"Bastos!"
Binigyan niya ng malakas na sampal ang lalaking pangahas na bigla na lang manghahalik sa kaniya.
First kiss pa naman niya iyon!
"I'm–!"
"Bastos! Bastos ka!" Malakas na itinulak niya ang lalaki at patakbong lumabas ng CR habang umiiyak.
Pana'y ang agos ng kaniyang mga luha habang pabalik ng Canteen upang kunin ang kaniyang mga gamit.
Uuwi na lang siya sa boarding house at doon na lang kakain.
Narinig pa niya ang pagtawag sa kaniya ng ilang mga kaklase pero hindi na siya nag-abalang lingunin ang mga iyon.
Isa lang ang alam niya, ang makaalis sa lugar na iyon.
"Ginawa mo talaga iyon? Gago ka pala eh!" Nakatawang tinapik siya ni Jake sa balikat. Ang nag-iisa niyang kaibigan.
Katulad din nito na kabilang sa alta-sociedad ang pamilya.
"Nagsisisi nga ako kung bakit ko iyon nagawa."
Nakasimangot na sagot niya.
Nandito sila noon sa ilalim ng mga puno at naghihintay ng oras para sa susunod na klase.
"Siya iyon diba?" Napatingin siya sa itinuturo ng kaibigan at hindi nga ito nagkamali. Ito ang babaeng pangahas niyang hinalikan kahapon.
Mag-isang naglalakad sa hallway.
"Lapitan mo na,bilisan mo!" Halos ipagtulakan siya ng kaibigan. Dali-dali naman siyang naglakad at sinundan ang babae.
"Miss–wait!"
Tawag niya sa babae, at ng makita siya nito bigla naman nitong binilisan ang paglalakad.
Hinihingal siya ng maabutan niya ito.
"Ano bang kailangan mo sa akin?" Inis na hinarap siya nito. At saka lang niya napansin na may maamo pala itong mukha. May matangos na ilong , singkitin na mga mata, may manipis at mapulang labi na hinalikan lang niya kahapon
"Gusto ko lang sana humingi ng tawad sa ginawa ko sayo kahapon." Malumanay na sabi niya.
"Tapos?" Napahalukipkip pa ito.
"Hindi ko sinasadyang gawin iyon sayo, nabigla lang ako!"
Aniya.
"Sa tingin mo maniniwala ako sayo?"
Nakataas kilay na sabi pa ng babae.
"Please! Maniwala ka sa akin hindi ko iyon sinasadya."
"Paniwalaan mo yang sarili mo!"
Inis na sabi nito saka nagmamartsa siyang iniwan sa hallway.
Wala siyang nagawa kundi sundan na lang ito ng tingin.
"Anong sabi?"
Nakatawang tanong ni Jake sa kaniya ng pabalik na siya sa kinaroroonan ng kaibigan.
"Suplada!"
Nakasimangot na sagot niya.
"Kahit naman sino hindi matutuwa sa ginawa mo, pansin ko nga may pagka concervative din ang isang iyon eh!"
"Ako din."
"Baka kung sa ibang babae mo iyon ginawa, wala pang isang oras nasa social media ka na!"
Siya si Ram Villegas, Mr.Heartthrob Campus.
Halos lahat ng kababaihan sa Campus nagkakandarapa mapansin lang sila, bigyan lang niya ng atensyon, tapos dededmahin lang siya ng isang babaeng ni hindi niya alam kung saan naggaling?
"Anong plan mo?"
Seryosong tanong ng kaibigan.
"Hihingi ako ulit ng tawad sa kaniya."
"As if naman papansinin ka pa nun."
"Baka nakakalimutan niyang ako si Ram Villegas."
Biro niya sa kaibigan at nagkatawanan sila sa sinabi nito..
Pareho kasi sila ng iniisip.
Alas-sais pasado na noon ng matapos ang huli niyang klase.
Medyo madilim na noon ang paligid.
Habang naglalakad siya palabas ng gate, naagaw ng pansin niya ang isang maitim at magarang kotse, habang nakatayo doon ang taong pinakaiiwasan niya.
Nakangiti pa ito sa kaniya habang nakatitig ng mariin.
Iiwasan na sana niya ito pero bigla siya nitong nilapitan.
"Hey! Pauwi ka na?"
Nakangiting tanong nito na siyang dahilan upang lumabas ang dalawang malalalim na biloy nito sa magkabilaang pisngi. Nagpadagdag pa iyon sa kaguwapuhan ng binata.
"Miss–"
Ulit nito ng hindi niya ito pansinin.
"Ihahatid na kita sa inyo."
"No,thanks!"
Aniya at nagpatuloy na siya sa paglalakad. Sumabay naman sa kaniya ang lalake.
"Miss–hindi safe ang naglalakad sa isang kagaya mo ng ganitong oras."
Pangungulit ng binata sa kaniya.
"Ano bang problema mo ha?"
Tumigil siya sa paglalakad at nagsasalubong ang mga kilay na hinarap niya ang lalaki.
"Wala, gusto ko lang sana mag sorry sa nagawa ko."
Sagot nito.
"Kaya mo ako sinusundan ganun ba?" Mataray na tanong niya.
"Yes, and gusto ko rin na makipagkaibigan sana sayo."
Nakangiting sabi pa nito.
Abah! At nagpapa cute pa ang loko!
"Sorry pero marami na akong kaibigan!"
Irap niya at nagpatuloy na siya sa paglalakad.
"Miss!"
Tawag pa nito sa kaniya pero hindi na niya ito pinansin.
"Manigas ka!"
Aniya at sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi.
"Hoy bakla, isang araw lang ako nawala ah, ano yung naririnig kong tsismis tungkol sayo?"
Nakatawang tanong sa kaniya ni Carla. Ang nag-iisa at baklang kaibigan niya.
Pareho sila nito ng kursong kinukuha. Unang araw pa lang ng klase noon ay agad na nakapalagayan na niya ito ng loob. Magkasundo kasi sila sa lahat ng bagay.
"Ha?" Nagsasalubong ang kilay na tinignan niya ang kaibigan. Saglit niyang itinigil ang pagbabasa ng libro, nasa library sila noon.
"Totoo ba yung tsismis?"
Ulit nito.
"Tsismis? Saan? Kanino?"
Sunud-sunod na tanong niya.
"Tungkol sa inyo ni Ram Villegas."
Bulalas nito.
Napalingon ang mga estudyante na nasa loob ng library sa kanila.
"Anong tungkol sa amin? Ni hindi ko nga siya kilala. Sino ba yun?"
Maang na tanong niya.
"My god bakla! di mo talaga kilala si Ram Villegas?"
Nanlalaki ang mga matang sabi nito saka kinilig bigla.
"Tatanungin ko pa ba sayo kung kilala ko?"
Nakabusangot na sabi niya.
"Si Ram Villegas yung Mr. Hearttrob ng campus, yung nabuhusan mo ng mainit na sabaw ng nilagang baka kahapon!"
Diretsang sabi nito sa kaniya.
"Ha?"
"Oh naalala mo na? Tapos bigla ka daw niya hinila at dinala sa CR! Tapos nag lock pa daw kayo. My god anong nangyari? Hinalikan ka ba niya? Masarap ba siyang humalik?"
Kinikilig na hinampas pa siya nito sa braso.
Bigla niyang naalala ang eksena na ginawa sa kaniya ng lalaking yun kahapon.
Ang malambot nitong labi na marahas na humalik sa kaniya.
Nakakainis dahil first kiss pa naman niya iyon.
"Hoy bakla! okay ka lang?"
"O-oo!"
"Ano, masarap ba siya humalik?anong lasa? Diyos ko! hindi ko maimagine kung paano na lang kapag ako ang hinalikan niya baka nahimatay na ako sa sobrang kilig.!"
Tumitili na sabi nito.
"Quiet!" Sita ng librarian sa kanila.
"Sorry po!" Nakayukong napa peace sign pa ang baklitang kaibigan.
"I kwento mo na sa akin yung nangyari kahapon, sige na."
Mahina na ang boses nito pero tila kilig na kilig parin ang itsura.
"Wala nga!"
"Mamatay?"
"Ewan ko sayo!"
"Hoy bakla! Ako lang ang nag nag-iisang kaibigan mo na mapagkakatiwalaan mo noh! Gusto mo bang kurutin kita diyan sa singit ha?"
"Kasi wala naman talagang nagyari na halikan."
Pagkakaila niya.
"Mamatay nga?"
Pangungulit nito.
"Oo na!" Inis na sabi niya.
"Oh my God! masarap ba siya humalik? Anong lasa?"
Nagwawala na ito sa sobrang kilig.
"Mr. Punzalan! Hindi ito chikahan area, kung tapos na kayo sa ginagawa niyo pwede na kayo lumabas at hindi kayo nakakaistorbo sa iba."
Sita ng librarian sa kanila.
Agad naman na inayos niya ang mga gamit at ibinalik sa lagayan ang libro.
"Pasensiya na po kayo Maam Lara."
Paumanhin niya sa librarian.
Napatango naman ito.
Kilala na kasi siya nito dahil kapag vacant niya, dito siya sa library madalas naglalagi.
"Kaya hindi nakakapagtakang tumandang dalaga na yang si Ms. Lara kasi ganiyan ugali!"
Nakabusangot na sabi ni Carla paglabas nila sa library.
"Hayaan mo na, yang bunganga mo kasi walang kapreno-preno!"
Sita niya sa kaibigan.
"Bakit ba, eh sa kinikilig nga ako. Ano mag kwento ka na kasi dali!"
"Wala naman ako ikukwento sayo!"
"Kung masarap ba siya humalik, anong lasa ganern!"
"Baliw ka talaga!"
Kinurot niya ito sa tagiliran at napahagikgik naman ito.
"Ano, mesherep be?"
Maarteng tanong nito at may papikit-pikit pang nalalaman.
"Hindi nga!"
"Ha? Bakit naman hindi?"
Kunot-noong tanong ng kaibigan.
"Hinila nya ako patungo sa CR at ini lock iyon tapos bigla na lang niya ako hinalikan kaya sinampal ko siya!"
Diretsang kwento niya.
"Sinampal? As in sinampal mo siya sa face?"
"Oo, eh bastos yun eh! Bigla na lang nanghahalik!"
Gigil na sabi niya ng maalala na naman ang tagpong iyon kahapon.
"My god! bakit mo naman ginawa yun kay papa Ram!"
Nagpapadyak ito.
"Eh alangan naman na matuwa ako? Binastos niya ako, kaya dapat lang sa kaniya yun!"
"Ihhh..! dapat inenjoy mo na lang sana!"
"Gaga! Halika na nga, baka ma late pa tayo sa susunod na klase natin!"
Hinila na niya ito sa braso.
"Bakla!"
Tumitiling napasunod naman ito sa kaniya.