“NAY, kailangan ko po ng perang pambili ng project ko sa Math,” wika ng dose anyos na kapatid ni Alexa, si Harry. Nasa harap sila ng hapag-kainan at kasalukuyang naghahapunan nang mga sandaling iyon.
“Ako din ‘Nay, kailangan ko ng pambili ng folder at construction paper. Hanggang ngayon na lang po ang pasahan ng activity namin sa Science,” sudlong naman ni Anna, ang bunso nilang kapatid na siyam na taong gulang at kasalukuyan namang nasa Grade Three.
“Hayaan ninyo at darating na ang Tatay Romy ninyo mamaya nang kaunti. Mabibigyan niya kayo ng—”
“Yan din ang sinabi ninyo kagabi, ‘Nay eh,” ani Harry.
“Saka noong mga nagdaang gabi pa,” susog naman ni Anna.
Napayuko siya. Hindi na bago ang ganoon sa kanila. Malimit na iyong mangyari at pakiramdam nga niya ay tila lang isang eksena sa pelikula na puwedeng umulit-ulit.
“Pasensiya na kayo, mga anak. Pero nasabi ko na kay Tatay Romy ‘yan at ngayon nga ang ipinangako niya.”
Ibinaba niya ang mga hawak na kubyertos at saka dinukot ang kaunting pera sa bulsa. Walang kibong iniabot niya iyon sa dalawa niyang kapatid na agad namilog ang mga mata sa tuwa.
“Wow Ate, tumama ka sa jueteng?” nakatawang tanong ni Harry.
Ginulo niya ang buhok nito. “Hindi ‘no. Hindi ako marunong tumaya sa sugal at ‘yan din ang dapat ninyong tandaan. Walang suwerte! Hindi ‘yan totoo! Ang totoong suwerte ay nasa kamay ng tao. Nasa pag-aaral. Nasa pagtatrabaho kaya mag-aral kayong mabuti, okay?”
Tumango ang dalawa kaya itinuloy na niya ang pagkain. Nang balingan niya ang ina ay nakayuko ito at tila maiiyak. Hinawakan niya ito sa isang kamay at saka pasimpleng sinenyasan. Kahit gaano kasi kahirap ang pinagdaraaanan nila ay pilit nilang itinatago iyon sa dalawang nakababatang kapatid. Hindi pa sapat ang pang-unawa ng mga ito para mamulat sa totoong anyo ng kahirapan. Nagkasundo sila ng kanyang ina, kasama si Tatay Romy na sa harap ng mga bata ay pipilitin nilang gawing normal ang lahat.
Nang marahang tumango ang ina ay itinuloy na niya ang pagkain. Nakatawang pinagmasdan na lang niya ang masayang pagpapalitan ng kuwento nina Harry at Anna. Hindi niya napansing napahugot na pala siya ng malalim na buntong-hininga.
Ang mga ganitong eksena ang nagtutulak sa kanya para pagbutihin ang pag-aaral. Sa tuwing iisipin niya ang dalawa niyang kapatid at ang kanyang ina, tila may kung anong pakpak ang kanyang utak at madali niyang natututunan ang mga lessons nila. Malimit nga ay siya pa ang nagtuturo ng mga aralin sa kaibigang si Jam. Kung ito ang nagsisilbing wallet dahil may pera ito, siya naman ang utak ng pagkakaibigan nila dahil matalino siya.
Hindi niya malilimutan ang papuri ng isa niyang guro sa High School noon na exceptional daw ang angkin niyang husay. Matalas ang memorya niya sa pagkakabisa ng mga concept and theories, mabilis din ang pick-up niya sa pag-unawa ng mga aralin at higit sa lahat, talented din siya. Kahit anong bagay ay kaya niyang gawin mapa-drama, kantahan, sayawan o sports man.
Yes, sports. Kahit anong ball games ay kaya niya kaya naman hindi iilan ang nanghihikayat sa kanyang sumali sa iba’t-ibang sports group. Dangan nga lamang at wala siyang panahon sa pag-eensayo dahil para sa kanya, kung hindi pag-aaral ay kailangang pagtulong sa ina ang kanyang aasikasuhin. Gayunman ay nanatili sa puso niya ang sports. Kung may oras lang siya, marahil ay malimit siyang sasali sa mga event sa school nila.
Nagtayuan na ang mga kapatid niya tanda nang pagtatapos ng mga ito ng pagkain. Naiwan silang mag-ina sa hapag-kainan.
“Nay, akala ko ay nagkaintindihan na tayo?” nakakunot ang noong tanong niya rito na ang tinutukoy ay ang muntik na nitong pag-iyak sa harap ng kanyang mga kapatid kanina.
“Hindi ko mapigilan, anak. Nahihiya ako sa Tatay Romy mo kaya hindi ko masabi sa kanya ang pangangailangan ng mga kapatid mo.”
Sinikap niyang hindi mainis. Naisip niya kasing kung minsan ay wala na ring pinag-iba ang kanyang ina sa biological father niya. Nagsisinungaling na rin ito at nagpapaasa. But then again, she realized the difference of the two. Ang sabi raw ng tatay niya ay wala itong pamilyang naiwan sa America. Nang mapadpad ito sa Pilipinas dahil sa tawag ng tungkulin ay nakilala nito ang nanay niya kaya nang magtapat ito ay hindi na nagdalawang-isip na tinanggap ng kanyang ina ang panliligaw ng kanyang ama.
Malaki ang pagkakaiba ng pagpapaasang ginagawa ng kanyang mga magulang. Ang ama niya ay nagsinungaling sa ibang paraan at kadahilanan. Malinaw na panloloko ang tawag doon samantalang pagtatakip lamang ang ginagawa ng nanay niya ngayon.
“Hayaan ninyo at makakaahon din tayo,” aniya.
“Eh ikaw, saan mo kinuha ang perang ibinigay mo sa mga kapatid mo?” usisa ng ina.
“Baon ko po iyon pero hindi ko nagagalaw dahil wala naman kaming break sa umaga ni Jam.”
Iyon ang totoong pagsisinungaling. May isang oras silang bakante bago ang huling dalawang subjects at kung tutuusin ay iyon ang oras ng lunch nila pero dahil wala siyang pera, hindi niya nagagawang sumama sa kaibigan para kumain. Malimit ay idinadahilan na lang niya dito na kailangan na niyang mag-report bilang student assistant kay Mrs. Policarpio, isang matandang professor sa pinapasukan nilang unibersidad.
Madali lang naman ang trabahong ibinibigay ni Mrs. Policarpio. Bukod sa pagko-compute ng grade na ang gamit naman ay computer, kumakalap din siya ng sapat na data para sa susunod na mga lessons ng guro. Inaabutan siya nito ng isandaang piso bawat araw na pinupuntahan niya ito. Doon nanggagaling ang perang ibinibigay niya sa mga kapatid. Hindi lang niya magawang sabihin sa ina ang tungkol doon dahil tiyak na mag-aalala lang ito.
“Nahihiya na ako sa’yo, anak. Ni hindi kita matulungan sa pag-aaral mo. Tingnan mo at ikaw pa itong—”
“Nay, tama na ‘yan. Huwag na lang nating pag-usapan ang tungkol diyan. Ang importante ay maayos tayong lahat at walang kahit isang nagkakasakit,” sabi niya sabay hagod sa likod nito.
“Kung hindi lang tayo pinabayaan ng magaling mong ama ay hindi sana tayo nagkaganito, anak.”
Hindi na siya nagkomento. Alam na niya kung saan patutungo ang mga sinasabi ng ina. Tiyak na ilalabas na naman nito ang hinanakit sa kanyang ama na kinimkim nito sa loob ng halos dalawampu’t dalawang taon.
Gayunman ay may pangako siya sa sarili. Hindi siya titigil hanggang hindi nabibigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Hindi siya hihinto sa pagsisikap hanggang makapagtapos at makapaghanap ng magandang trabaho. Siguro naman, kapag may trabaho na siya ay mababago na ang buhay nila, at sigurado siya, hindi na bibilang ng taon ang gagawin nilang paghihintay sa araw na iyon.