“KUNIN mo muna ang square root nito before you proceed,” wika ni Alexa habang isinusulat sa isang graphing notebook ang ibig niyang sabihin. Matiyaga namang nakikinig si Jamela. Lunch break nila iyon at naroon sila sa bleachers ng gym habang nag-aaral ng Math lessons.
“Eh paano ito? Hindi naman ito perfect square, ‘di ba?” tanong ni Jamela na itinuturo naman ang numerong fifty na nakasulat sa sarili nitong kuwaderno.
“Yes but you can still get the square root of that number. Look for the factors of fifty that are perfect squares and then squeeze them out. Ganoon lang kadali.”
“Factors? Hmm…twenty-five and two? Tama ba?”
“Tama! Kunin mo na ang square root ng factor na perfect square,” utos niya sabay abot ng ballpen dito.
“Sus, chicken feed! Teka, ano ba ang square root ng two?”
Hinampas niya ng notebook sa balikat si Jam. Natatawa namang nakipaghampasan din ng notebook ito sa kanya.
“Bakit ba nananakit ka?!”
“Perfect square ba ang two?” natatawa niyang tanong.
“Joke lang! Alam ko namang twenty-five ang tinutukoy mo.”
Napailing siya. “Hay naku Jam, uminom ka nga ng gatas sa gabi para hindi laging ganyan ang eksena natin,” natatawa niyang kantiyaw dito.
“Ang angas ng lola! Magaling kang magturo kaya naintindihan ko po, ‘no!”
“Okay, so ano’ng sagot kung talagang naiintindihan mo?”
“Sus! Eh ‘di two square root of five! O ano? Sabi sa’yo eh!”
Napalakas ang tawa niya doon. “Lurkey, baligtad! Five square root of two dapat dahil nga…”
“Yeah, right! Dahil nga, hindi naman perfect square si two kaya wala siyang pampiyansa para lumabas ng selda niya. Alam ko kaya iyon, nagdyo-joke lang ako, ano!”
Natawa na naman siya. Selda kasi ang itinawag niya sa radical symbol para madali iyong matandaan ni Jam. Aniya pa, ang perfect square lang ang may pampiyansa upang makalabas ng selda at ang lahat ng hindi ay maiiwan sa loob.
“Natatandaan mo naman pala eh.”
“Joke nga lang! Masyado ka kasing seryoso eh,” nakangiting tugon ni Jam. “Ops, wait lang sis, lalapitan ko lang si Melai,” wika ni Jam sabay tayo.
Sinundan niya ng tingin si Jam habang palapit ito kay Melai. Kaklase nila ito sa dalawang subject pero hindi tulad ni Jam ay nodding terms lang sila nito.
Kasalukuyan niyang inaalisa ang kabuuan ng kaibigan ni Jam nang makarinig siya ng tunog. Napalinga siya upang hanapin ang pinagmumulan noon at natagpuan niya iyon sa ilalim ng bag ng kaibigan. Message tone iyon ng cellphone ni Jam. Kinuha niya iyon at tinawag ang kaibigan pero hindi naman siya marinig nito. Mayamaya ay nawala ang tunog ng cellphone. Ibabalik na sana niya iyon sa dating kinalalagyan nang muling mag-ingay. Tuloy ay napilitan na siyang basahin ang message na naroon.
hoy, ang tagal mo namang sumagot! San ka ba?
Napataas ang kilay niya sa text na iyon. Hindi na sana niya papansinin ang texter pero sunud-sunod ang tunog ng cellphone ni Jam. Agad siyang nairita nang makitang anim sa walong mensahe ay iisa naman ang laman. Binuksan niya ang dalawa pa at lalo na siyang nainis.
ano na? wen k uwi d2?!
basta agahan mo ha. lagot k sakin best pg na-l8 k!
Bukod doon ay may tatlong missed calls pa ang numerong ni hindi naman nakarehistro sa cellphone ni Jam. Napangiti siya sa ideyang pumasok sa isip niya. Agad siyang gumawa ng message at ni-reply ito.
ang pangit mong magtxt, lam m un? simpangit mo!
Napangiti siya nang mabasa ang salitang ‘sent’ sa screen ng mekanismo. Ibababa na niya iyon nang muling tumunog.
wag kn reply kng wala k sasabihing matino jan! mas pangt k!
Napakunot ang noo niya sa nabasa. Muli siyang nag-type ng isasagot sa texter at pagkuwa ay ibinaba ang cellphone sa bench na kinauupuan.
wag k n mgtext kng hndi k namn pala nghhntay ng reply! tse!
Pinaypayan niya ng magkabilang kamay ang sarili na tila ba may hanging nakukuha roon. Napapitlag siya nang biglang tumunog ulit ang cellphone. Tumatawag ang texter! Hindi niya sana sasagutin iyon pero mukhang determinado ang kung sino mang taong iyon na kausapin si Jam. Sa huli ay sinagot din niya ang tawag.
“Hello?” anas niya habang nakatingin kay Jam na abala pa din sa pakikipag-usap kay Melai.
“Hello…”
Nagulat siya. Boses-lalaki ang caller. Akala pa naman niya ay babae iyon.
“Hello?”
“Ano?” nabiglang sagot niya. Hindi niya maunawaan kung bakit biglang tumahip nang mabilis ang puso niya.
“Ikaw, Jam ha! Ang laki talaga ng epekto ng Maynila sa’yo! Ganyan ka nang magsasagot sa akin ngayon!”
Saglit siyang natigilan pero agad ding nakaisip ng paraan. Pinindot niya ang ilong at saka nagsalita. “Eto naman, joke lang po,” aniya. Mahirap na at baka mapasama pa si Jam sa kung sino mang herodes na ito.
“What happened to your voice?” mayamaya ay tanong nito.
“May ano eh…may sipon ako kaya ganito. Pasensiya na…”
“All right. Anyway…”
“Chappy! Chappy ka…hello? hello?” Mabilis niyang pinindot ang call end at saka pinatay ang cellphone. Muntik na siyang mapasigaw sa pagkagulat nang makitang nasa likod na pala niya ang nakangiting si Jam.
“Why? Bakit ganyan ang hitsura mo?” tanong nito. “Para kang naengkanto. Okay ka lang?”
“Oo naman.”
“Bakit hawak mo ‘yan?” Ngumuso pa ito para ituro ang cellphone nitong nasa kamay niya.
“May tumawag kasi eh…”
“O? Ano ang ginawa mo? Sinagot mo ba?”
Kibit-balikat ang naging tugon niya kay Jam.
“Maloko ka talaga kahit kailan! Nakatuwaan mo na namang mang-inis ng mga caller ko, ano!” Natawa ito pero hindi naman nagtanong pa. Ilang saglit lang ay nalimutan na niya ang tungkol sa caller lalo pa at nangulit na naman si Jam tungkol sa Math lessons nila.