SHE was stunned while looking at the man in her front. Bakit ba hindi niya ito napagmasdan kanina? He was tall, about two feet taller than her. He had fair complexion, expressive eyes and pointed nose. But what was noticeable about him was his hairstyle. Mahaba iyon at nakapusod pa sa batok nito. Natukso tuloy siyang silipin kung hanggang saan ang buhok na iyon ng lalaki sa likuran. It was actually unruly, some strands were falling in his forehead, pero nakapagtatakang neat pa rin ang dating niyon sa kanya.
Kinutya niya ang sarili sa naisip. Kailan pa naging neat para sa kanya ang isang lalaking mahaba na nga ang buhok ay nasasabitan pa ng kung anu-ano sa leeg nito? Bukod roon, parang miyembro din ng kung anong kulto ang lalaki dahil sa itim na outfit nito. Itim ang suot nitong t-shirt, gayundin ang pantalon at sapatos na sa tingin niya ay boots.
Nagulat siya nang pumitik sa hangin sa tapat mismo ng kanyang mga mata ang lalaki.
“Miss, natulala ka na riyan?”
Bilang takip sa kahihiyan ay tinabig niya ang kamay nito. “Bastos ka ngang talaga!” nagpupuyos ang loob niyang sabi.
“Teka nga lang sandali, magkaintindihan lang tayo.” Pinagkrus ng lalaki ang mga braso sa dibdib saka muling yumuko sa kanya. “Sa pagkakatanda ko ay pumasok ako sa rest room nang biglang may isang manang na pumasok doon at nagtitili. Lalapitan ko sana siya para iiwas sa mga lalaking naroon sa loob pero sinampal pa niya ako. Ngayon, ano ang masasabi mo sa kuwento ko, Miss?”
“Ang pangit ng kuwento mo! Walang kuwenta kaya diyan ka na!” Mabilis na niya itong tinalikuran.
Nang lingunin niya ito ay hindi naman ito sumunod pero nakatingin pa rin ito sa kanya habang napapailing. Mabilis na niyang sinuyod ang karamihan ng mga taong nasa bleacher kanina para hanapin si Jam. Ang problema, nahihilo na siya ay hindi pa rin niya ito makita-kita. Nang makakita ng isang bakanteng puwesto sa bleacher ay nanghihinang napaupo na lang siya.
Luminga siya sa paligid sa pagtatangkang hanapin ang lalaki kanina pero sa dami ng tao sa paligid, siguro ay hindi na niya makikita iyon. Kung bakit may bahagyang panghihinayang siyang nadama sa dibdib ay hindi niya alam.
NAKALIMUTAN lang ni Alexa ang tungkol sa lalaking nakaitim nang isa-isang nagperform ang mga kalahok na banda. Nakakabingi ang ingay ng pinaghalong sigawan ng tao at malakas na tugtog na nililikha ng mga musical instruments ng bawat bandang nagtatanghal. Panay pa rin ang libot niya nang paningin sa paligid sa pag-asang matanawan si Jam pero hindi niya talaga ito makita. Natuon ang pansin niya sa stage nang pumailanlang sa ere ang isang malamig ngunit buong-buong tinig ng isang lalaki.
I keep on blaming my self, I should have eaten my pride,
How can I convince you, It’s just a matter of time…
Lumipad ang tingin ni Alexa sa lalaking umaawit sa entablado at agad na kumunot ang kanyang noo. Inalis niya ang salamin at pinunasan iyon gamit ang ladlaran ng suot niyang t-shirt saka iyon muling isinuot sa mga mata pero hindi nabago ang nakita niya kanina. Ang vocalist ng banda ay walang iba kundi ang lalaking nakabangga niya sa rest room. Ang lalaking nakaitim mula ulo hanggang paa. Kung gayon, iyon pala ang dahilan kung bakit ganoon ang oufit nito.
It’s been cold Alexa nights since we drifted apart,
cold Alexa nights since you walked out that door…
Saglit siyang natahimik habang pinagmamasdan ito sa malayo. She had to sway her head a little. Sa ganoong paraan ay nagawa niyang saglit na ilayo ang paningin sa lalaking kumakanta. He definitely had a good voice. How come she could now appreciate music, huh?
Sa bandang gitna ay pumasok ang isang vocalist pa ng grupo. Ito naman ang kumakanta sa rap version ng awiting iyon na hinango sa sariling istilo ni Francis Magalona. Simula lang pala iyon dahil sa bandang gitna ay naging maharot na ang tema ng tugtog. Nang matapos ang pagtatanghal ay umabot ng anim ang bilang ng kantang inawit ng grupo.
Hindi niya napigilan ang sariling makisali sa mga taong nagtayuan upang pumalakpak. Nang na-realize ang ginagawa ay saka lang siya napaupo. Noon siya muling napatingin sa stage at laking gulat niya nang mapansing tila sa direksiyon niya nakatingin ang lalaki kanina. A certain smile slowly broke his lips. Then his hand waved at her and she was suddenly confused. Ngingitian na rin sana niya ito nang maramdaman niyang may nakatayo sa kanyang likuran. Nagulat siya nang malingunan ang nakangiting si Jam. Nakataas din ang kamay nito habang kumakaway. Noon niya napagtantong hindi naman pala siya kundi ang kaibigan ang kinakawayan ng lalaking nakaitim. Bahagya siyang nakaramdam ng inis at pagkapahiya dahil doon.
TULAD nang inaasahan, nanalo ng first prize ang grupo ng lalaking naka-itim. Agad na hinatak ni Jamela si Alexa papunta sa backstage matapos mag-perform ang lahat ng banda. Kailangan daw nilang i-congratulate ang kaibigan nito.
“Alex, this is Don Liam Gregory. Liam, this is my friend, Alexa . Finally, naisama ko na rin siya rito sa atin,” nakangiting sabi ni Jam habang papalit-palit ang tingin sa kanila.
Her friend got a sharp glance from her. “Siya si Don Gregorio?” tanong niya na may langkap ng inis.
“Ako nga, bakit? May problema ka?”
Ito naman ang sunod niyang tiningnan ng masama. Ang paghanga niya rito kanina lang ay dagling naglaho. ‘Napaka-antipatiko namang pala talaga ng lalaking ito!’
“Kinakausap ba kita? I’m talking to my friend!” singhal niya rito dala nang pagkapahiya.
“And I’m talking to my dog tag,” pamimilosopo naman nito sabay hawak sa suot nitong metal na kuwintas.
“Hindi nakapagtataka dahil mukha ka namang dog eh.” Inirapan niya ito.
“Wait here, magkakilala na ba kayo?” nalilitong tanong ni Jam.
“Sinampal niya ako kanina sa restroom.”
“Binastos niya ako sa restroom kanina.”
Halos magkapanabay ang sagot nila ng lalaki.
“What? Nagkita na kayo kanina?”
“Mamaya ko na lang ikukuwento sa iyo sa bahay,” aniya sabay hatak kay Jam pero hinagip ng lalaki ang isa nitong kamay.
“Ngayon na at baka ibahin mo pa ang version.”
Nanlaki ang mga mata niya rito. “Sinasabi mo bang sinungaling ako?”
Nagkibit ito ng balikat na lalo lang niyang ikinainis.
“Tama na nga iyan. Tigilan niyo na ang pag-aaway,” awat ni Jam. Bumaling ito sa lalaki. “Liam, siya si Alexa. Siya ‘yung sinasabi ko sa iyo na kaibigan ko.”
Saglit na natigilan ang lalaki. Hinayon siya nito ng tingin na ikinairita na naman niya. “Ikaw si Alexa?”
“Para ka palang sirang plaka,” bulong niya.
“Kaya naman pala titig na titig ka sa akin nang kumakanta ako ng Cold Alexa Nights kanina. Feeling mo naman, para sa’yo ‘yung kanta.”
“Ano’ng sinabi mo?” Hindi niya napigilang tapikin ito sa isang braso. Alam niyang nang-iinis ito at ang tinutukoy nito ay ang pagkatigagal niya kanina habang inaawit nito ang Cold Alexa Nights. Kung gayon ay kanina pa pala siya nito natatanaw mula sa stage?
“Tingnan mo itong kaibigan mo, Jam, masyadong bayolente.” Inilahad pa nito ang isang kamay habang nakatingin kay Jam.
“Teka, tigilan niyo na muna ang pag-aaway, okay. Hindi ko ine-expect na ganito pala ang magiging unang meeting ninyo. Alex, siya ‘yung sinasabi ko sa’yo kagabi. Siya si Don Liam Gregorio.” Sinimangutan niya ito. ‘Inulit mo pa ang panloloko mo, Jam. Naku, malilintikan ka sa akin mamaya.’ “Okay. Nice meeting you.” Nginisihan niya si Liam at saka muling hinatak ang kamay ni Jam.
Nang lingunin nilang dalawa ang lalaki ay napapailing ito habang nakataas para sa isang alanganing ngiti ang sulok ng mga labi. Hindi niya alam kung bakit biglang kumabog ang puso niya nang magtama ang kanilang mga paningin.