AKALA ni Alexa ay makakapagpahinga siya matapos silang iwan ng mama ni Jamela. Kanina pa kasi niya inii-imagine ang sarili sa kamang nakalaan para sa kanya. It was a four poster antique bed. Tila bagong barnis pa sa paningin niya ang kamang iyon habang ang bedsheet at pillow cases naman ay puting-puti. Ang kaso, hindi nangyari ang inaasam niyang pamamahinga dahil sa kakulitan ng kaibigang si Jam.
“Ano, bakit hindi ka na sumagot diyan?”
“Abala ang isip ko kung bakit mas pinili mong mag-aral sa Manila kaysa dito samantalang may mga magaganda namang universities dito sa Bulacan, sabi mo nga.”
“Why? What’s wrong?”
“Buhay-reyna ka rito, Jam. Look at this bed, para tayong sumakay sa time machine at napadpad sa era ni King Henry I ah. At isipin pa lang na isa lang itong tinutuluyan natin sa walong silid ng bahay na ito.”
“Siguro dahil nakakasawa rin naman kung mula pagkabata ay puro ito ang mga nakikita ko. But don’t change the topic. Tinawagan ko na si Don Gregorio at ang sabi niya, mamayang hapon ay makipagkita raw tayo sa kanya sa plaza.”
“Sinong Don Gregorio?”
“Ano ka ba, Alex? Kanina ko pa sinasabi sa iyo ang tungkol sa kaibigan kong iyon!”
“Nakakatakot naman kasi eh. Bakit kailangang matanda ang ipapakilala mo sa akin?”
Tumawa ito nang malakas. “Basta mamaya, makikilala mo na siya.”
Sasagot pa sana siya nang tumunog ang cellphone ni Jam. Kinuha nito iyon sa suot na pantalon at saka sinagot.
“Liam! I see…all right, no problem!” Sandali pa itong nakipagkulitan sa kausap hanggang sa matapos ang tawag. “Lex, labas tayo,” baling nito sa kanya pagkababa ng telepono.
“Saan tayo pupunta?”
Ngumiti nang makahulugan ang kaibigan. Wala siyang nagawa kundi paikutin ang mga mata nang hatakin siya nito. ‘Goodbye muna, antique bed!’
TULAD kanina ay nilakad nina Jam at Alexa ang daan papunta sa plaza. Ang sabi kasi ni Jam ay may battle of the band daw roon. Excited itong magpunta pero dahil wala siyang hilig sa musika at idagdag pa ang pagod niya sa biyahe, hindi niya maitago kay Jam ang pagsimangot. Kahit anong pilit ng kaibigan ay hindi niya mapagaan ang mood niya. Mas gusto muna niya talagang magpahinga kaysa ang lumakad.
Nang marating ang plaza ay saka niya nalimutan ang kanyang tantrums. Napakaraming tao doon at abala ang lahat sa kanya-kanyang cheer. Hindi magkamayaw ang tuwa sa bawat isang manonood kaya nahawa na rin siya.
Inilibot niya ang mga mata at pinagmasdan ang paligid. Tulad ng kalsada ay napapalibutan din ng banderitas ang covered court. Nasa bleachers ang mga nanonood. Sa pinakagitna ng bulwagan ay ang isang improvised stage kung saan may mga naka-set up na musical instrument. Sa isang gilid naman naroon ang iba’t-ibang grupong obvious na participants ng nasabing patimpalak.
Nakipagsiksikan sila ni Jam sa mga taong nadaraanan hanggang makarating sa unahang bahagi ng bleacher kung saan malapit nilang makikita ang magtatanghal. Kasalukuyang nag-iikot ang kanyang mga mata nang makaramdam siya ng panunubig. “Jam, I need to pee,” aniya sa kaibigan nang mapalingon ito.
“What?” tanong nito sa malakas na tinig. Napakalakas kasi ng hiyawan sa paligid, idagdag pa ang tugtog ng mga instrument na umeere sa kabuuan ng covered court kaya hindi na halos sila magkarinigan.
“Ang sabi ko, kailangan kong maghanap ng rest room. Meron ba noon dito?”
Saglit na luminga si Jam at saka itinuro sa kanya ang isang maliit na pinto sa sulok ng court. Ang akala niya ay sasamahan siya nito pero dahil may hinahanap itong tao ay maghihintay na lang daw ito roon.
Muli siyang nakigitgit sa mga taong nadaraanan. Naroong natulak siya, natapakan at natisod pero hindi na niya iyon pinansin sa kagustuhang makababa. Nang sa wakas ay marating na niya ang huling baitang ng bleacher ay nawala naman ang pintong itinuro ni Jam. Nang balikan niya ng tingin ang kaibigan ay nawala na rin ito. Napakunot ang kanyang noo. Gayunman ay hindi na siya tumayo nang matagal roon dahil talagang nananakit na ang kanyang puson.
Kalalakad ay may nakita siyang isang maliit na pinto sa isang bahagi ng court. Nang makitang rest room ay agad niyang nilakad ang papunta roon. Madali siyang pumasok doon at binuksan ang pinakamalapit na cubicle sa pinto. Nang matapos manubig ay binuksan na niya ang maliit na pinto ng cubicle. Noon siya napatili nang malakas pagkakita sa mga lalaking nasa loob rin ng rest room.
MABILIS na itinaas ni Liam ang zipper ng kanyang pantalon nang bigla na lang may babaeng lumabas sa isa sa mga cubicle sa loob ng rest room. Nanlalaki ang mga mata niyang napabaling sa babae.
“Hoy, huwag ka ngang maingay diyan! Ano ba’ng ginagawa mo rito?” sita niya nang bigla itong sumigaw.
Napakunot ang noo niya nang tila matitigan ang anyo nito. Ang babae naman ay hindi makaimik habang ang mga mata nito ay nakatutok sa kanya. Tila ito namatanda habang nanlalaking mabuti ang mga matang itinatago ng suot nitong salamin. Palipat-lipat ang tingin nito sa kanya at sa apat na lalaki pang nasa loob din ng rest room. Nang balingan niya ang mga naroon ay may malisya sa ngiti ng mga ito kaya hindi nag-iisip na humakbang siya palapit sa babae, upang igiya ito palabas ng rest room. Ang kaso, hindi na niya iyon nagawa dahil nabigla siya nang isang malakas na sampal ang ibigay nito. Salo ang pisngi ay hindi makapaniwalang pinukol niya ito ng nagtatakang tingin.
PULANG-PULA ang mga pisngi ni Alexa sa sobrang kahihiyan. Kanina, dahil sa pagmamadali ay hindi na niya napagtuunan ng pansin ang mga taong naroon at agad na niyang pinasok ang isang cubicle. Huli na nang matuklasan niyang panlalaki pala ang rest room na iyon. Nang mapatili siya ay sinita siya ng lalaking nakatayo malapit sa kanya. Tuloy ay natahimik siya. Nang ilibot niya ang paningin sa loob ng restroom ay nakita niyang malisyoso ang tingin na ipinupukol ng mga iyon sa kanya. Tila siya itinulos sa pagkakatayo. Nang akmang lalapit sa kanya ang lalaking sumigaw kanina ay agad niya itong sinampal. Nagulat ito at nahaplos ang bahagi ng mukhang nasaktan. Gulat na tumingin ito sa kanya. Bago pa nito magawang magalit ay madali na niya itong tinalikuran.
“Hoy! Sandali nga!”
Nagulat siya nang hindi pa nakalalayo ay agad na may humaklit sa kanyang braso. Nang lingunin niya ay nakita niyang iyon ang lalaki kanina sa loob ng restroom. “Bitiwan mo nga ako!” sigaw niya rito sabay piksi.
“Bakit mo ‘ko sinampal?” pigil ang galit na tanong nito. Mahigpit nitong hinawakan ang siko niya saka siya iginiya sa isang tabi.
“Ano ba?! Sabing bitiwan mo ‘ko!” Inipon niya ang lakas para makawala sa lalaki pero dahil hindi niya inaasahang bibitiwan siya nito ay napalakas ang puwersa niya. Mabilis na tumilapon ang salamin niya sa kanyang paanan. Inis na yumuko siya upang pulutin iyon pero muntik na siyang mahilo nang yumuko rin ang lalaking kaharap at nagkauntugan sila.
“Naku, Miss. Ikaw naman kasi eh.” Inalalayan siya ng lalaking tumayo at saka ito muling yumuko para kunin ang kanyang salamin.
“Ako pa ngayon?” inis niyang sikmat dito.
“Teka, ano ba ang atraso ko? Ikaw nga itong agad na nanampal eh.”
“Dahil lalapitan mo ako para bastusin!”
He took one step backward and stared at her. “Ikaw? Babastusin ko? Paano mo namang naisip ‘yan?” nakangisi nitong sagot.
Nag-init ang pisngi niya sa direktang pamamahiyang iyon. Sa tingin niya ay iniinsulto siya ng kutong-lupang ito. “Antipatiko!” Hinablot niya ang salamin dito saka ito tinalikuran pero muli itong umagapay sa kanya.
“At ikaw pa talaga ang galit? Hindi ka man lang hihingi ng tawad sa ginawa mo sa akin?”
Marahas siyang bumaling at saka ito tinitigan. Napakunot ang noo niya nang mapagmasdan ang anyo nito.