Chapter 11

1065 Words
MAHABANG pilapil nga ang tinawid nina Jamela at Alexa pero kakatwang hindi nakababagot iyon dahil na rin sa kagandahan ng paligid. Siguro, kung ganito araw-araw ang tanawing makikita niya ay mawawala ang lahat niyang problema at alalahanin sa buhay. The mere sight of the farm brought too much excitement in her veins. Perhaps, this was what people call serenity. Nang matapos ang mahabang pilapil ay pinasok nila ang isang barrio kung saan may mga banderitas na nakasabit sa matataas na kawayan. Sa kanila rin naman sa lungsod ay may ganoon kapag kapistahan pero iba pa rin pala kung sa probinsiya mo makikita ang banderitas. May karagdagang pang-akit iyon sa paningin. Sa wakas ay natapos na rin ang mahaba nilang paglalakad nang huminto si Jam sa isang mataas na gate. “Ito ang bahay ninyo, Jam?” nanlalaki ang mga matang tanong niya. The house was huge though somewhat old. Maging ang bakuran ay napakalaki at maaari pa yatang pagtayuan ng dalawa pang bahay. “Actually, matandang bahay na ito. Namana pa ito ng mama ko sa mga magulang niya na minana naman mula sa mga ninuno pa nila. Pinapaayos lang nila palagi para hindi magmukhang antique.” “What’s wrong with that? Ang iba nga ay gumagastos pa ng malaki para sa mga antique na gamit, ‘di ba?” “Iba naman kasi kapag bahay, baka mapagkamalang haunted house,” natatawang tugon ni Jam. Natigil lang ang tawanan nila nang may lumapit na isang matandang babae upang buksan ang mataas na gate. “Magandang araw, Manay,” ani Jam bago yumuko upang magmano sa matanda. Ginaya niya ito. “Tinanghali na kayo, ah.” “Sa pilapil kasi kami nagdaan, Manay. Gusto kong maranasan ni Alexa ang mamilapil,” natatawa na naman nitong sabi. Kunwa ay sinimangutan niya ito. Akala pa naman niya ay iyon talaga ang daan pauwi sa bahay nito. Kaya naman pala may mga tricycle na nagdaraan kanina habang naghihintay sila nang magbubukas ng gate. “Ganoon ba? Hindi bale, ininit ko naman ang mga pagkaing iniluto ng mama mo. Siya nga pala, tumawag ang kaibigan mo kanina. Kahapon ka pa raw niya hinihintay ah.” Natigilan si Alexa sa narinig at naalala ang tawag na para dapat kay Jam pero siya ang sumagot. “Si Liam po? Iyon nga kasi ang sabi ko sa kanya. Pabayaan mo siya, Manay. Matuto siyang maghintay,” ani Jam. “Oo, saka ‘yung isa pa. Si Sandro. Hindi raw makakauwi sa fiesta dahil nagbakasyon sa tiyahin niya sa Maynila. Ikaw na lang daw ang magsabi kay Liam.” Isang buntong-hininga ang naging tugon ni Jam sa sinabi ni Manay. Mukhang mahalaga para rito ang Sandrong iyon. Marahil ay isa rin nitong matalik na kaibigan. Nahinto ang pag-uusap ng mga ito nang marating na nila ang harap ng bahay. Sumalubong agad ang isa pang babaeng sa tingin niya ay ina ni Jam. Tulad kanina ay nagmano rin sila rito. Magiliw ang mama ni Jam. Sabi pa nga nito ay Tita Melba na lang daw ang itawag niya rito. Matapos ang kumustahan ay pumanhik na sila. Nakakatuwa ang yari ng bahay pagkat ang dirty kitchen at dining room niyon ay nasa itaas. Kung hindi dahil sa mga modernong gamit na nasa paligid ay tila nga haunted house pala ang kabuuan niyon. Hindi niya tuloy maiwasan ang maalala ang isang horror story na napanood niya noon. Dahil sa mahabang biyahe ay naging magana ang pagkain nilang magkaibigan. Halabos na hipon, itlog na maalat, pritong bangus at burong talangka ang inihain sa kanilang almusal. Nakumpleto pa iyon nang ilabas ni Manay Lucing ang ginayat na manggang hilaw at kamatis. Ang pritong bangus naman ay may kapares na kinilaw na labanos. “Kailan ba ang fiesta, Jam?” tanong niya nang silang dalawa na lang ng kaibigan ang naroon. Saglit kasing nagpaalam ang dalawang matanda para dalhin sa kanilang silid ang mga gamit nila. “Sa Sabado na, ang Flores de Mayo naman ay sa susunod pang Sabado.” “Masaya siguro ang fiesta rito, noh?” “Aba’y oo naman! Kaya nga noon pa kita iniimbitahang magpunta rito nooh eh. May peryaan dito, may mga larong pam-barrio at iba pang activities kapag fiesta.” “Talaga? Excited na ako!” “Mas mae-excite ka kapag nakita mo ang mga boylet dito, friend. Kaya kung ako sa’yo, alisin mo na ang salamin mong ‘yan para makita naman nila ang magaganda mong mata.” Dumukwang ito para alisin ang salamin niya pero agad niya itong inawat. “Ano ka ba?” Inayos niyang muli ang salamin sa mga mata. “Hindi ako nagpunta rito para sa boylet ‘no.” “Oo nga pero paano kung may makita ka?” “Mayaman ba?” Natawa si Jam. “Ikaw talaga Alex, paano kung mayaman nga pero mukha namang aso?” “Well, I love dogs.” “Seryoso ka?” Siya naman ang tumawa. “Puwede kong ipaayos ang mukha niya kung mayaman talaga siya.” “Kahit matanda?” “Kahit walang ngipin, my friend.” Napabuga ng hangin si Jam. “Jeez! Hindi ko alam na ganyan ka ka-imposible! Ayos lang sa’yo ang isang lalaking mukhang aso basta mayaman?” “Kaysa naman magkaroon ako ng asong mukhang tao, mas nakakatakot naman iyon, ‘di ba?” “Sira ka talaga!” “Joke lang!” Inirapan niya ito. “Natural ay napakahirap namang makasama sa buhay ng taong mukhang aso, ‘no! Ang point ko lang, iyon ang basis ko ng paghahanap ng boyfriend. Kaya kung may binabalak kang kalokohan sa akin, Jam, itigil mo na at kalimutan, okay.” Napangiti si Jam habang titingin-tingin sa kanya. “Gusto mo talaga ng mayaman, friend?” “Oo nga, ang kulit!” “May kilala ako, mayaman talaga. Don nga ang tawag sa kanya ng lahat dito sa barrio namin eh. Gusto mong ma-meet?” “Hey, hindi naman iyan ang ipinunta ko dito ‘no. Ang sabi mo, sasagala lang ako.” “Oo nga pero may kakilala kasi ako na papasa sa panlasa mo eh. Sayang naman.” She rolled her eyes. “Oo na.” “Tiyak na magugustuhan mo siya, Alex. Don na, guwapo pa.” “At matanda?” “Nah! Basta, hintayin mo na lang at makikilala mo rin siya.” Nakangiti nitong tinapos ang pagkain.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD