Chapter 14

1022 Words
“IKAW naman pala ang may kasalanan eh!” natatawang sabi ni Jam habang nagkukuwento siya. Kasalukuyan silang nasa verandah habang kumakain ng okoy. “Sukat ba namang ikaw na nga ang pumasok sa comfort room ng lalaki, tapos ikaw pa itong galit? At saka bakit mo sinampal si Liam?” “Malay ko ba kung ano ang gagawin niya? Pakiramdam ko kasi, babastusin niya ako eh,” nakalabi niyang sabi. “Pakiramdam mo. Eh sure ka bang iyon ang talagang gagawin niya?” Natahimik siya. May punto naman talaga si Jam. Ang totoo, nakahiyaan na lang niya kaninang humingi ng paumanhin kay Liam dahil na rin sa nakitang pag-uugali nito. Katwiran niya, agad rin naman siyang sininghalan ng lalaki kaya hindi niya nagawang magpaliwanag. “Sandali nga, sa halip na siya, bakit hindi ang atraso mo ang pag-usapan natin?” Naalala niya ang kapilyahang ginawa nito. “Anong atraso? Wala akong utang sa’yo, ha,” nakangiting tugon ni Jam habang isinasawsaw sa suka ang okoy na hawak nito. “Bakit mo ako pinaniwalang mayaman ang Liam na ‘yan? At Don Liam Gregorio pa ang ipinangalan mo para isipin ko talagang mayaman siya, ha.” Natawa si Jam. “FYI, my friend, iyon talaga ang buong pangalan niya – Don Liam Gregory Sebastian. Isa pa, alam kong papansinin mo si Liam kapag naisip mong mayaman siya. O ‘di ba, aminin mo, na-excite kang makilala siya, ‘di ba?” Dobleng simangot ang isinagot niya rito. Bahagya siyang napadiretso sa kinauupuan nang dumukwang ito para alisin ang kanyang suot na salamin. “Since wala naman tayo sa school, alisin mo na ang glasses mo. Nagmumukha kang matanda dito eh.”  “Hindi puwede. Hindi ako komportable kapag hindi ko suot ‘yan.” Muli niyang kinuha ang salamin kay Jam at saka iyon isinuot. “Basta ikaw, Jam, tigilan mo ang pagrereto sa akin ng mga kaibigan mo okay. Hindi ko trip ‘yang Liam na ‘yan. Antipatiko na, foor pa!” “As in foor talaga?” “As in capital F. Hindi ko siya papansinin kahit kailan kaya itigil mo na ang kalokohang ‘yan, okay.” Nagkibit ng balikat si Jam. “Sinabi mo eh.”   ANG akala ni Alexa ay nalimutan na ni Jam ang tungkol sa pagrereto ng kaibigan nitong si Liam sa kanya pero nagkamali siya. Kinabukasan ay inaya siya nitong lumabas. Kaibigan daw nito ang presidente ng kabataan sa barriong iyon kaya nag-alok raw ito ng tulong na magkakabit ng banderitas sa loobang bahagi ng San Isidro. Natural ay excited siya. Hindi pa niya iyon nararanasan sa tanang buhay niya. Bandang alas-dos nang gumayak sila ni Jam. Dahil inaasahan niyang papanhik sila ng hagdan sa pagkakabit ng banderitas sa mga poste ay isang maikling shorts na maong lang ang isinuot niya. Tinernuhan niya iyon ng body hugging na blouse at sneakers. Si Jam din naman ay halos kapareho niya ang suot, mas disente nga lang tingnan ang shorts nito dahil halos hanggang tuhod na iyon. “Wow, ang ganda naman ng long mo,” biro niya rito. “Hindi ako palalabasin ni Mama kapag nakita akong naka-shorts eh. Alam mo na, unica hija,” tugon nito. Ilang sandali pa ay palabas na sila ng bahay. Nilakad lang nila ang papunta sa simbahan ng barrio na kung tawagin daw ay ‘bisita.’ Doon ay naabutan nilang abala sa paggawa ng banderitas ang isang grupo ng kabataan. Sinalubong sila ng isang babaeng ipinakilala ni Jam bilang Bianca. Ito pala ang presindente ng pamunuan na nangangasiwa sa paghahanda para sa kapistahan ng San Isidro. “Pasensiya ka na kung ngayon lang kami,” ani Jam. “Ayos lang, papatapos na ang mga banderitas kaya sa pagkakabit na lang kayo tumulong.” Iginiya sila nito palapit sa grupo. Ipinakilala nitong isa-sa ang mga kasama at nginitian naman niya ang mga iyon. Isa sa mga lalaking gumagawa ang tumayo at lumapit sa kanya. “Hello, Alexa. My name is Spring and this is Falls,” biro nito sabay turo sa isang kasama nitong mukhang liliparin ng hangin sa kapayatan. Nakisabay siya sa tawanang ng grupo. Nang inilibot niya ang paningin ay natuon iyon sa isang lalaking ipinakilala ni Bianca bilang Jolo. Kung kutis at porma nito ang pagbabasehan ay mukhang may kaya ang lalaki. Kahit isang wrist watch lang ang suot nito ay mukhang signatured din iyon. Pati ang rubber shoes nito ay maporma din. Nang magkatinginan sila ni Jam ay bahagya siyang napahiya rito. Nginitian lang siya nito pero alam niyang kabisado ng kaibigan ang itinatakbo ng utak niya. Hindi na sila nag-aksaya ng oras dahil mayamaya lang ay iniutos na ni Bianca ang pagkakabit ng mga banderitas. Hinati sila nito sa dalawang grupo at isinama nito si Jolo sa kanila ni Jam. Anim sila lahat samantalang pito naman ang nasa kabilang grupo. “Ako na ang papanhik para magkabit. Hawakan ninyong mabuti ang hagdan, mga pare,” wika ni Jolo sa tatlong lalaki pa nilang kasama. Isinandig nga ng mga ito ang hagdan sa isang poste. Dalawa ang naghawak ng hagdan habang ang isa sa mga ito ay tumulong sa kanila sa paghahawak ng banderitas. Nang makailang kawayan na sila nang nakakabitan ay tila napapagod na si Jolo. Bago ito pumanhik ng hagdan ay tumabi ito sa kanya at nagbiro. “Pinagpapawisan na ‘ko, Alexa, baka naman puwedeng punasan mo ang pawis ko sa likod para sipagin naman ako.” Nagkantiyawan ang mga naroon at nakiisa naman sa mga ito si Jam. Hindi naman siya nainis dahil mukha namang mabiro lang talaga si Jolo. Hindi naman niya nararamdamang binabastos siya nito. Napalingon siya kay Jam nang sikuhin siya nito sa braso. “Bakit hindi ka naiinis kay Jolo samantalang kay Liam, asar na asar ka?” Nilinga niya ito. “Si Jolo, palabiro lang talaga samantalang antipatiko ang Liam mong iyon,” ganti naman niyang anas dito. “Oh my God, speaking of the dog.” Napasimangot siya nang makita ang paparating na si Liam. Malayo pa ay nakangiti na ito at nakikini-kinita na niya ang pang-iinis ng kumag.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD