NANG sumunod na araw ay isinama ulit ni Jam si Alexa sa lakad ng grupo. Nagulat siya nang marating ang bahay ni Bianca. Sa harapan pa lang ng bakuran ay makikita na ang naggagandahang mga arko na gawa sa dahon ng niyog.
“Iyan ang mga gagamitin sa Flores?”
“Hindi. Para sa fiesta ‘yan. Tuyo na ang mga ‘yan kung sa Flores de Mayo pa gagamitin,” nakangiting tugon ni Bianca.
“Para saan ‘yan kung ganoon?”
“May Miss Gay contest bukas at doon ‘yan gagamitin.”
Na-excite na naman siya. Paano kaya magsagawa ng Gay Contest sa probinsiya?
“Hindi iyan ang ipinunta natin dito, Alex. Halika sa loob, hinihintay na tayo ni Ka Lita.”
“Sino iyon?”
“Mother ni Bianca. Siya ang tumatahi ng mga gown na ginagamit ng mga sumasagala dito kaya maaga niya tayong pinapunta.”
Hindi na siya sumagot nang hatakin siya ni Jam. Nagulat sila kapwa ng kaibigan nang makita si Liam sa sala nina Bianca. Kausap nito ang isang babaeng nasa katanghalian ang edad. Hindi mahirap hulaang ito si Ka Lita dahil may nakasukbit pang medida sa leeg nito.
“Narito na pala ang partner mo, Gregorio,” wika ng matanda.
Nagkatinginan sila ni Jam.
“Ano’ng ibig niyang sabihin?” bulong niya rito.
“Si Liam yata ang konsorte mo sa Flores, eh.”
Nagulat siya. Hindi iyon nabanggit ni Jam sa kanya. Tuloy ay para siyang binuhusan ng tubig sa narinig. Nang sulyapan niya si Liam ay blangko ang ekspresyon ng mukha nito.
“Nasukatan ko na si Gregorio kaya ikaw naman ang isusunod ko. Ikaw ba si Alexa Marie, hija?”
“Ako nga po.” Atubili siyang lumapit sa matanda. Alangin ang ngiting isinukli niya rito.
Saglit siya nitong tinanong sa kung anong yari ang gusto niya at sa tulong nina Jam at Bianca ay nakabuo naman sila ng isang magandang konsepto. Hanggang matapos ang pagsusukat ay hindi niya magawang tingnan si Liam pero ito ay alam niyang nakamasid sa kanya.
“Puwedeng magtanong, Bianca?” tanong niya rito nang iwan sila ni Ka Lita. Tumango si Bianca kaya nagpatuloy siya. “Hindi naman sa nagrereklamo ako. Hindi rin ako nag-e-expect dahil ang totoo, napasubo lang ako sa kaibigan kong ito…” Saglit niyang nilingon si Jam. “Pero…sa pagkakatanda ko kasi ay ako ang Reyna Elena. Hindi ba at bata ang kanyang konsorte, si Prinsipe Constantino, tama ba?”
Saglit na natigilan si Bianca at napatingin kay Jam. Ang kaibigan naman niya ay tila trumpo sa pagkakaupo.
“Jam?”
Nag-angat ito ng paningin at kasabay niyon ay napakamot ito ng ulo. “Friend, hindi ko kasi nasabi sa’yo kagabi ang pagbabago sa plano eh.”
“Anong plano?”
“Tumawag kasi sa akin si Melai at sinabi niyang pinayagan na daw siya ng parents niyang pumunta rito para sumagala.”
Mabilis niyang nakuha ang ibig nitong sabihin. Alam naman niyang simula pa lang ay talagang ito na ang kinukuha ni Jam para sumagala bilang Reyna Elena. Nang maramdaman ng kaibigan na hindi siya palagay kay Melai ay muli itong nakipag-usap sa huli. Pero ang buong akala niya ay hindi na ito pupunta roon.
“Iyon naman pala, ano ang ginagawa ko rito?” Sinikap niyang ngumiti nang tipid kahit ang totoo ay naiinis na siya.
“Hindi available ang partner ni Liam dahil nagkasakit daw sa balat kaya ikaw ang kokonsortehan niya.”
So that was it. Kung nagkataong available ang partner ni Liam ay hindi na siya sasagala. Well, it was not actually a big deal to her. Naiinis lang siya na hindi agad iyon sinabi ng kaibigan. Hindi niya naiwasan ang sumama ang loob. Nag-excuse siya at saka tumayo. Mabilis na humabol si Jam sa kanya at sa terrace na sila ng bahay nag-abot nito.
“Alex, makinig ka muna sa akin.”
“Sinabi mo na lang sana agad, Jam! Ano ka ba naman? Wala namang kaso sa akin kahit hindi ako sumagala sa pa-Flores ninyo. Nandito ako para makarating dito sa lugar niyo at hindi problema sa akin kahit hindi ako makasama diyan.” Hindi niya naitago ang hinanakit.
“Alam ko naman iyon pero kasi…kasi…”
“Kasi ano?”
“Si Liam ang may idea na huwag nang sabihin sa’yo eh.”
Agad na nag-init ang ulo niya pagkarinig sa pangalan ng lalaki. “Si Liam? Bakit? Ano ang intensiyon niya at ginawa niya iyon? Gusto niya akong gantihan? Gusto niya ‘kong asarin, ganoon?”
“Hindi naman sa ganoon, Alex—”
“Eh ano pala kung hindi? Bakit kailangang ilihim niyo ‘yan sa akin?”
“Bakit ba ganyan ang reaksiyon mo? Siguro, natatakot ka na naman sa akin.”
Kapwa sila napalingon ni Jam kay Liam na bigla na lang sumulpot doon.
“Excuse me?” naniningkit ang mga matang aniya rito.
“Ang sabi ko, OA ang reaction mo. Hindi ka dapat mainis dahil lang nalaman mong hindi na ikaw ang magiging Reyna Elena.”
Napaawang ang kanyang mga labi sa tindi ng inis na umakyat sa ulo niya. Alam ba ng lalaking ito ang pinagsasasabi nito? At sino naman ang nagbigay dito ng ideyang gusto niyang maging Reyna Elena?
“Ayaw mo ‘kong partner? Bakit? Dahil ba natatakot ka sa akin?” dagdag pa nito.
“Excuse me, lalaki! Anong takot ang pinagsasasabi mo diyan? Bakit naman ako matatakot sa’yo, aber?”
“Dahil may crush ka sa akin. Alam mong hindi ka magiging komportable sa okasyon kapag ako ang naging konsorte mo.”
“Wow, bilib din naman ako sa lakas ng dating mo! Feeling guwapo ka na nga, hindi ka pa nananalamin! Look at yourself, you will pass as a beggar, tapos sasabihin mong may gusto ako sa’yo?”
“Ikaw naman, sumobra sa pananalamin. Tingnan mo ang glasses mo at walong patong na yata. Kung hindi nga lang nalaglag ang salamin mo noong unang beses na magkita tayo ay hindi ako maniniwalang ikaw ang sasagalang sinasabi ni Jam. Aba, mas puwede kang gumanap na Manang Bola sa Batibot o kaya ay manghuhula kaysa sumagala eh.”
Noon siya tuluyang nainis. “Napakayabang mo talagang lalaki ka! At ikaw? Akala mo mabango kang tingnan? Malay ko ba kung anong insekto na ang namamahay diyan sa mahaba mong buhok?”
“Marami ka pang sinasabi, aminin mo nang may gusto ka sa akin!”
“The nerve!”
“Aminin mo na!”
“Wala akong gusto sa’yo at iyan ang bagay na isinusumpa kong hindi kailanman mangyayari!”
“Kung ganoon, gawin mo ang dapat mong gawin. Pumareha ka sa akin sa darating na Sabado at ipakita mo sa kanilang wala ka ngang interes sa abs ko.” Itinaas pa nito ang kamisetang suot at saka ipinagyabang sa mga naroon ang katawan nitong tila nilagyan ng mumunting pandesal.
“Game! Kapag napatunayan ko naman sa’yo ang sinasabi ko, manghihiram kang talaga ng mukha sa aso!”
“Game!” nakatawa namang tugon ni Liam.
Wala siyang nagawa nang makipagpalitan ito ng high five kina Jam at Bianca. Nagtatakang tingin naman ang sumalubong sa kanila nang lumabas sa terrace si Ka Lita dala ang merienda nila.
“May narinig yata akong nag-aaway,” wika nito. Nagkatinginan sila at halos magkakasabay na nagsabi ng ‘wala.’