Matapos ang mahigit-kumulang dalawampung minuto, tumigil na rin ang kaguluhan. Nawala na ang mga putukan at mga sigaw. Medyo tumahan na rin kami. Tumayo naman si ina at binuksan nang kaunti ang nakapinid na bintana upang silipin ang nasa labas. "Donya Prancina, ayos lang po ba kayong lahat riyan sa loob?" narinig naming tanong ng isang guardia personal. Matulin namang sumagot si ina. "Oo. Ayos lang kami rito. Huwag kayong mag-alala. Kayo? Wala bang nasaktan sa inyo?" tanong naman nito. "May nasugatan pong dalawa naming kasamahan ngunit wala po kayong dapat na ikabahala sapagkat hindi naman po ganoon kalala," sabi naman ng guardia personal. "Ginagamot na po sila ngayon. Maaari na rin po ninyong buksan ang mga bintana at pintuan. Babalikan ko lang po sila roon." "Diyos ko! Salamat naman

