Naramdaman kong tumutulo ang mga luha ko habang nagbabalik tanaw sa nangyari noon sa isla. Medyo nagulat pa ako ng abutan ako ng tissue ni Eula.
"Salamat." Ani ko sa kanya. Pinunasan ko ang mga luha ko.
"I'm sorry, Richelle." Narinig kong saad ni Eula na hindi ko na nasagot dahil hindi ko alam ang sasabihin ko. Nagtaka kasi ako kung bakit siya nagsorry sa akin. Nakita ko ding nagpunas siya ng luha niya.
Magpapatuloy na sana ako sa pagkwekwento ko nang may bigla akong naisip. "Bago ko ituloy ang pagkwekwento ko, Eula, ay gusto ko munang malaman yung side mo. Yung version mo ng mga nangyari noong nagbakasyon si Johan at ikinasal kayo. Gusto kong malaman kung magkapareho kayo ng sinabi sa akin ni Johan." Giit ko.
"Ha?" Parang biglang natatarantang tugon ni Eula na ipinagtaka ko lalo. "Hindi ba pwedeng kung ano na lang yung sinabi ni Johan ay yun na lang ang paniwalaan mo?" Dagdag pa niya.
"Gusto ko ding malaman ang side mo." Ani ko. "Hindi ako magpapatuloy kung hindi ko malalaman ang kwento mo." Dagdag ko pa ng maramdaman kong tila may gustong itago si Eula. Lalong lumakas ang kutob ko na mukhang I need to know something from her. "Naging honest ako sayo kaya sana maging honest ka din sa akin, Eula. Tutal naparito ka para alamin ang kwento namin ni Johan, might as well malaman ko din ang kwento ninyo. Let us be fair to each other." Ani ko pa.
Ilang sandali na natahimik si Eula. Tila nagiisip siya ng malalim. Tila pinagiisipan kung ano ang sasabihin niya. Hinayaan ko lang muna siya. Mayamaya ay napansin kong huminga muna ng malalim si Eula bago siya nagsalita.
"Hindi nagsinungaling si Johan sayo noong sinabi niya na wala siyang girlfriend sa Pilipinas. Totoong wala siyang girlfriend dahil kahit kailan ay hindi naman siya nanligaw sa akin. Kailanman ay hindi niya ako naging girlfriend. Wala siyang niligawan at wala din siyang naging girlfriend dito sa Pilipinas." Panimula ni Eula na ikinakunot ng noo ko. "Magkatabi lang ang bahay namin at bahay nina Johan. Kung titignan mo nga ay halos isang bakuran lang dahil wala namang partition. Hindi naman kasi uso sa barrio namin dati na may sari-sariling bakod at gate ang mga kabahayan. Magkasing edad kami ni Johan. Magkalaro at magkababata mula pa noong mga musmos pa lang kami. Magkakaibigan din ang mga magulang namin. Madalas akong ibilin ng Nanay ko sa Mama ni Johan pag umaalis siya na hindi ako kasama. Anak na din ang naging turing sa akin ng Mama at Papa niya. At dahil wala silang kapatid na babae ay ako ang itinuring nina Johan at ng mga kapatid niya na parang kapatid nilang babae. Ate Eula na ang naging tawag sa akin ng mga nakababatang kapatid na sumunod kay Johan. Nag-iisang anak din ako gaya mo, Richelle. Lumaki ako na kahit anong gusto ko ay ibinibigay sa akin ng mga magulang ko. Spoiled at bratinela. Yan ang tawag sa akin ng mga kapitbahay namin. Dahil nga close ang mga family namin ni Johan ay naging tampulan na kami ng tukso ni Johan ng mga pamilya namin pati na ng mga kapitbahay namin na kami ang magiging mag-asawa ni Johan pagdating namin sa tamang edad. Yung panunukso na yon ang natanim sa isip ko at sa puso ko na naging pangarap ko na din habang nagdadalaga ako. Inasam ko na magiging asawa ko si Johan. Sino ba naman kasing babae ang nakakakilala kay Johan ang hindi maghahangad na mapangasawa ng isang Johan Buenaventura? Gaya nga ng sinabi mo kanina na mabait, responsable, masipag, humble at hindi pretentious si Johan. Kahit ano ay gagawin niya para sa pamilya niya. Kumbaga, wala ka ng hahanapin pang iba dahil halos nasa kanya na ang lahat ng qualities na pwedeng hangarin ng isang babae sa magiging asawa niya. Bukod sa may itsura si Johan at nakapagtapos pa ng pagaaral. Alam mo bang siya ang nagpaaral sa sarili niya ng magcollege siya?" Tanong sa akin ni Eula na tinugunan ko ng pagtango.
"Naikwento sa akin ni Johan noon na dahil nga lima silang magkakapatid ay hindi kaya nina Mama at Papa niya na pag-aralin silang lahat." Saad ko. "Nagworking student siya kesa huminto sa pag-aaral. Naging service crew siya sa isang fast food, messenger ng isang courier service then naging foreman sa isang construction company. Empleyado sa umaga, estudyante naman sa gabi. Hindi siya mapili sa trabaho kaya nga kahit pagiging farmer ay tinanggap niya para makapag-abroad siya. Naging katuwang siya ng Mama at Papa niya para mapagtapos sa pag-aaral ang mga kapatid niya." May pagmamalaki kong saad.
Tumango si Eula bilang pagsangayon sa mga sinabi ko at nagpatuloy na siya sa pagkwekwento niya. "Kilala mo na talaga ng lubusan si Johan." Ani ni Eula na medyo ikina-guilty ko. "Maraming babae sa barrio namin at mga kaklase naming babae dati ang nagkakagusto kay Johan. Na sa tuwing nalalaman ko ay halos awayin ko na ang nagkakagusto sa kaniya. Ngunit ni isa sa amin ay wala siyang pinansin. Naging mailap siya. Tila may hinahanap siya na wala sa ni isa man sa amin. Maski ako na itinutukso sa kanya ng aming mga pamilya ay hindi din niya niligawan. Nanatiling tila isang kapatid lang ang turing niya sa akin. Ilang beses ko ding sinubukang magpapansin sa kanya pero bigo ako. Diretsahan niyang sinabi sa akin na kapatid lang ang turing niya sa akin mula pagkabata namin kaya ibang lalake na lang daw ang gustuhin ko. Ang sakit di ba na sabihan ka ng lalakeng mula pagkabata ay pinangarap mong mapapangasawa na hindi ka niya kailanman maaaring magustuhan dahil kapatid lang ang turing niya sayo." Malungkot na saad ni Eula. Nakita ko ang pagtulo ng luha mula sa mga mata niya na agad din niyang pinunasan. "Inggit na inggit ako sayo habang kinukwento mo kanina yung mga ginawa ni Johan para maiparamdam niya yung pagmamahal niya para sayo dahil ni isa sa mga yon ay hindi niya ginawa mula ng ikinasal kami. Kanina pa kita pinagmamasdan at tinatanong ang sarili ko kung ano nga ba ang meron ka, Richelle, na wala ako at ang ibang babaeng nagkagusto kay Johan na kahit may asawa ka na ay ikaw pa rin ang piniling ligawan at hanggang ngayon ay ikaw pa rin ang piniling mahalin ng hinahangad namin na si Johan Buenaventura? Na hanggang ngayon ay hindi ka niya magawang bitawan kahit na kasal siya sa akin. Pinakasalan nga niya ako pero ikaw ang mahal niya, Richelle. Ikaw pa rin ang pinili niya at patuloy na pinipiling makasama." Naluluhang tanong ni Eula habang nakatingin siya sa akin. Napayuko na lang ako dahil ramdam ko ang kalungkutan at hinanakit sa boses ni Eula.
"Hindi mo kailangang sagutin ang tanong ko, Richelle. Kung tutuusin ay hindi mo naman ako kailangang pagbigyan sa gusto kong mangyari. Nagpapasalamat nga ako dahil andito ka. Pumayag ka na kausapin ako. Kasalanan ko kung masaktan man ako lalo sa kung anuman ang malalaman ko dahil ako naman ang nagpunta dito para alamin ang kwento nyo ni Johan." Ani ni Eula. Hinawakan pa niya ang isang kamay ko at pinisil ito. "Huwag kang magalala, ok lang ako. Matagal ko ng naihanda ang sarili ko sa pagkikita nating ito." Pag-aassure sa akin ni Eula.
"Hindi ako bumitaw sa pangarap ko na maging asawa si Johan kahit na nung nag-abroad siya. Mas nag-effort pa akong mapalapit sa pamilya niya lalo na sa Mama niya." Pagpapatuloy na kwento ni Eula. "Sinabi ko sa sarili ko na hanggat binata si Johan ay hindi ako mawawalan ng pag-asa. Gagawin ko ang lahat para mapansin niya ako dahil nga nakaset na sa utak ko na siya ang magiging asawa ko. Kaya noong unang nagbakasyon siya ay talagang nagpaganda ako. Pinarebond ko ang buhok ko. Nagpa-facial ako. Yung kilay ko pinaayos ko. As in todo makeover ang ginawa ko sa sarili ko. Pero sad to say, dinaan daanan lang ako ni Johan. Ipinagtutulakan na nga ako ng Mama niya sa kanya pero deadma lang si Johan. Oo tinitignan nga niya ako pero ni katiting na paghanga eh wala akong nakita sa mga mata niya. Hindi gaya kung paano ka niya tignan, Richelle, na kahit sa picture mo lang siya nakatingin ay kitang kita ko na punong puno ng pagmamahal ang mga mata niya. Pagmamahal niya na all these years ay sayo lang niya piniling inilalaan." Ani ni Eula habang nakatingin sa akin.