Chapter 37

2519 Words
CHAPTER 37: DILEMMA Rhys's POV "Ngayong maayos na ang lahat at wala nang samaan ng loob, pumunta na tayo sa dapat nating pag-usapan." Nakaharap silang tatlo sa akin. Bigla akong nakaramdam ng hiya, bakit ko ba naisip ang ganitong pagpupulong? Hindi naman ako marunong humarap sa tao. "Tungkol ba 'yan sa misyon natin, Haie?" ani Zion. Tumingin ako sa kanya, nakangiti siya sa akin na para bang sinasabi niya na, 'Nandito lang ako para suportahan ka,' kaya agad akong ngumiti pabalik sa kanya para magpasalamat dahil d'on. "Kagaya ng alam n'yo... kinuha ko kayong dalawa para makasama namin ni Zion na hanapin at iligtas ang Reha at Quina ng ating bansa. Sa ngayon, wala pa kaming kahit na isang hakbang na nagagawa dahil hindi ganoon kadali maghanap ng impormasyon tungkol sa kaaway lalo na ng makakasama namin na gaya ninyong may Insigne." Tahimik lang silang dalawa at nakatingin sa akin, nape-pressure ako kasi hindi ko na alam ang sunod na sasabihin. "Kaya sana..." ani Zion. Agad akong napatingin sa kanya nang magsalita siya. Paano na lang kaya kung wala ka? Pinagpatuloy niya ang kanyang sinasabi nang mapansin na nakatingin na kaming lahat sa kanya, "Kung may kilala pa kayo na ating makakasama, sabihin n'yo lang. At kung may alam din kayong kumakalat na balita tungkol sa dumukot sa ating mga Haie." Napakunot naman bigla ang noo ko nang may na-realize ako. "Teka, wala ba kayong napapansin?" "Napapansin na ano, Haie?" ani Zion. "Kumalat ang balita na dinukot ang Reha at Quina pero bukod doon ay wala nang iba pang balita na kumalat." Agad silang nagtaka sa sinasabi ko kaya tinuloy ko ang sinasabi ko, "Ang ibig kong sabihin, wala manlang bang nakapansin kung saan sila dinala? O kaya, ano nang hakbang ang ginagawa ng Sivenis para sa nangyaring ito? At bakit parang tayo lang ang nag-iisip na iligtas ang dalawa?" Nagpalitan silang tatlo ng tingin habang hindi nawawala sa noo ko ang kunot nito. Bakit ba ngayon ko lang 'yon naisip? "Haie, hindi kaya mahigpit lang talaga ang pagkakatago ng kaaway kaya walang nakakita sa kanila?" ani Cecily. "At maaring kumikilos lang ng palihim ang Sivenis at ayaw na niyang ipaalam pa sa ito sa iba para hindi na sila mabahala," sabi naman ni Cush. Tumingin ako kay Zion kasi opinyon niya ang hinihintay ko, at dahil hindi siya umiimik ay nagsalita na 'ko, "Ikaw ang pinaka malapit at pinaka nakakakilala sa mga Maguim na 'yon, ano ang masasabi mo?" Bumuntong hininga siya bago nagsalita, "Haie, ilang ulit ko nang sinabi sa 'yo na hindi ang gaya ng Sivenis ang may lakas ng loob na iligtas ang mga magulang niya." Ngumisi ako. "Kaya lahat ay inasa na lang niya sa 'yo? Dahil ba Flame Knight ka? Isang Heneral? O dahil sa ikaw lang ang may Insigne sa mga kawal? Zion, alin man d'on ang rason niya... ang hirap pa rin paniwalaan na basta na lang niya hinayaan ito. Mga magulang niya ang pinag-uusapan natin dito... kayo ba, makakaya n'yong iasa sa iba ang kaligtasan ng magulang ninyo at maupo na lang sa isang tabi?" Ganoon na lang ba siya kung makampante dahil alam niyang kasama ako ni Zion? Siya ang tagapagmana pero sa 'kin niya pinasa ang responsibilidad ng pagligtas sa magulang niya. Naturingang lalaki, duwag. Manang-mana sa tatay niyang walang kwenta. Kapal ng mga mukha, matapos akong itapon... ngayon ako ang uutusan na kumilos dito habang siya nakaupo at nagpapakasarap sa Kastia naghihintay na lang ng balita na tapos na ang problema. Tapos sa huli ako pa rin ang mukhang masama at siya ay bayani. Wala talagang kwenta ang lahat ng Maguim! Nakikita kong iniisip na nila ang sinasabi ko kaya pinagpatuloy ko ito, "Isipin ninyo, ilang buwan na kaming nasa misyon pero wala pa rin kaming nahahanap na impormasyon. Hindi ba siya naiinip? Hindi ba siya nag-aalala?" Seryosong tumingin sa akin si Zion. "Haie, sinasabi mo bang ang Sivenis ang may gawa nito?" "Malay natin kung ang hinahanap pala natin ay nasa Kastia lang din makikita..." Hindi nawawala ang ngisi sa aking labi. "Haie, hindi magagawa ng Sivenis ang sinasabi mo. Noon pa man, mabait na siya at palagi siyang nakangiti sa lahat. Hindi siya ang tipo ng tao na gagawa ng gaya nito," ani Zion. "Sigurado ka? Gaano mo ba siya kakilala? Palagi ba kayong magkasama? Baka naman nakangiti lang siya kapag nakaharap, pero kapag nakatalikod na kayo ay lumilitaw ang sungay niya." Napatayo si Zion. "Haie, walang saysay ang usapang ito! Ang Sivenis mismo ang nag-utos sa akin na hanapin ka at bantayan ka, dahil ramdam niya na may masamang balak ang Reha na gamitin ka sa mga sarili nitong kagustuhan. Nakalimutan mo na ba 'yon?" "Hindi, at salamat dahil sinabi mo 'yan kasi lalo mo lang pinatunayan na siya nga ang nasa likod nito. Pinabantayan niya 'ko sa 'yo nang sa gan'on ay alam niya kung nasaan ako at maari niya 'kong ipapatay kung kailan niya gusto. Hindi mo ba naisip? Wala na 'yung mga taong gustong pumatay sa akin, bakit? Kasi may iba siyang plano—" "Haie, tama na! Kakambal mo siya at hindi mo siya dapat pinagsasalitaan ng ganito sa harap ng nasasakupan ninyo, wala tayong sapat na ebidensya para—" "Hindi pa ba sapat ang paglapit sa akin ng Reha at kumbinsihin ako na bumalik sa Kastia para magmana ng trono bilang ebidensya? Tingnan mo ang mga pangyayari, lahat ay nagtuturo sa iisang rason... walang iba kundi trono at walang ibang puwedeng gumawa nito kundi siya lang." "Kahit ano pang sabihin mo, hindi ako maniniwalang ipapahamak niya ang inyong magulang para lang sa trono. Hindi siya gan'ong klaseng tao." Sabagay, bakit ko nga ba siya pinipilit na maniwala sa akin. Ang Sivenis ang pinaglilingkuran niya at ako ay ginagamit niya lang para makuha ang gusto nila. Palibhasa, hindi sila ang nilalait ng tao at hindi sila ang tinuturing na sumpa. Kapag natapos na ang problemang ito, wala na silang pakialam pa sa akin. At naiinis ako sa sarili ko dahil kahit anong gawin ko o isipin ko, isa pa rin akong sumpa. Nagkaroon ng katahimikan, walang bumibitaw sa matalim naming tinginan ni Zion. "Ah, sa tingin ko... tama na ang usapang ito. Kasi kung ang Sivenis nga ang may gawa, 'diba hindi naman mababago ang katotohanan na dapat pa rin nating iligtas ang Reha at Quina?" ani Cecily. "Tama siya, kailangan pa rin nating magplano para pigilan ang kung sinong may gawa nito sa kung anong mga masamang balak niya. At makilala na natin kung sino ba talaga ang nasa likod ng mga nangyayaring ito," dagdag pa ni Cush. Naunang umiwas ng tingin si Zion kaya napairap na lang ako. Napaka simple lang naman ng problemang ito pero pinapalala niya! Malinaw naman na ang Sivenis lang na 'yon ang puwedeng may gawa nito. Incommo, bakit ba lagi na lang kaming nauuwi sa pagtatalo? "Siguro sa susunod na ulit natin pag-usapan ito, mas makakabuti siguro kung magpalamig muna kayo," sabi ni Cecily. Tumingin ako sa kanya. "Sige, sa susunod—" "Sandali lang, Haie." Napairap na naman ako nang sumingit ulit si Zion. "Ano na naman ba 'yon?" "Hindi ko pa nasasabi sa 'yo ang naging pag-uusap namin ng Sumor." Naningkit ang mata ko sa kanya. "May kinalaman ba 'yan sa grupo natin?" "Wala, pero tungkol ito sa viyon ng Nislan." Napalunok ako, hindi ako interesado pero dahil nandito sina Cush at Cecily ay kailangan ko itong bigyan ng pansin. "Siguro, mas makakabuti kung isa kina Cecily at Cush ang magpaliwanag nito," aniya. Agad na nabaling ang tingin ko kay Cecily at gan'on din sina Zion at Cush. "Huh? Ako? Ah... ano..." Napayuko siya, hindi niya siguro alam kung ano ang sasabihin. "Sera, wala akong alam sa pagpapaliwanag kaya mas mabuti kung ikaw na ang magsabi," ani Cush habang nakatingin kay Cecily. Ngumiti ng pilit ang dalaga sa kausap saka nagpapalit-palit ng tingin sa amin. "Ano ba 'yon?" tanong kong muli. Nakikita ko na nahihiya siyang magsalita, siguro hindi siya komportableng ilapit sa amin ang problema ng viyon nila. "Haie, tungkol sa bagay na 'yan... ang totoo po ay nahaharap sa matinding krisis ang Nislan," aniya. Medyo nadismaya 'kong marinig 'yon, talaga yatang nakatadhana na 'kong magresolba ng problema ng iba pero sarili kong problema hindi ko maresolba. Pero ayos lang, may pakinabang naman silang dalawa kaya maluwag sa loob ko na tulungan sila. "Krisis? Anong ibig mong sabihin?" tanong ko na lang. "Isang grupo ng nefas ang palaging nagpupunta rito sa viyon namin para manggulo. Sapilitan nilang kinukuha ang mga bagay o pagkain na gusto nila, kapag may umangal... sinasaktan nila at minsan ay pinapatay. Sawa na kaming naaapi pero hindi namin sila kaya, walang may kayang pumalag sa kanila kasi wala naman kaming alam sa pakikipaglaban. Si Cush lang ang pag-asa namin at nagtatanggol sa amin pero sa dami nila ay hindi niya rin ito kayang talunin," sagot ni Cecily. Nakita ko ang pagkuyom ng kamao ni Cush, kitang-kita ang inis niya dahil wala rin siyang magawa para protektahan ang viyon niya. Habang si Cecily naman ay parang iiyak na. "Kilala n'yo ba ang grupong 'yon?" tanong kong muli. Kalimitan kasi sa mga nefas o masasamang tao ay atensyon lang ang gusto kaya sila nanggugulo. Maari rin naman na ginagawa nila ito para mabuhay sila. Magaling silang pipili ng nanakawan, pansin ko nga na maunlad ang Nislan at madaling atakihin. "Ang dinig ko, tinawag nila ang grupo nila bilang 'Uwak'... nagpapalipat-lipat sila sa mga karatig viyon pero ilang beses na silang bumabalik dito sa amin," ani Cush. "Hangga't may nakukuha sila rito at walang pumipigil sa kanila tiyak na hindi sila titigil," sabi ko. Kaya pala ganoon na lang kasaya ang mga tao nang makita nila 'kong dumating, umaasa silang kami ang pupuksa mga nefas na 'yon. Tinuturing talaga nila 'kong pag-asa. Nanlaki bigla ang mata ko at bahagyang napanganga nang may maalala 'ko. "Zion, hindi kaya ang grupong 'yan ang tinutukoy dati ni Frances na nanggugulo sa mga viyon?" Naalala ko 'yon, siya ang unang taong nilapitan namin ni Zion sa talampas para makituloy sana kahit isang gabi lang. Sa pagkaka-alala ko ay kaibigan siya ng kasama ko. Nang makita niya 'ko galit na galit siya tapos sinisisi sa akin ang kaguluhan na 'yon, nagdala na raw ako ng sumpa. "Maaring sila nga 'yon, Haie. Ilang buwan na rin ang nakalipas, may posibilidad ngang nakarating na sila rito," aniya. Naikuyom ko ang kamao ko. "Mga wayim, ako ang nasisisi sa kalokohan nila kahit wala akong ginagawa!" Tumingin ako kay Cecily. "Alam mo ba kung kailan sila babalik?" "Hindi po, pasulpot-sulpot lang sila," sabi niya. Napangisi ako bigla. "Mabuti, may oras pa tayo para turuan ang mga tao rito paano makipaglaban." "Ano po?!" Sabay na sagot ng tatlo, gulat na gulat ang reaksyon nila. Parang kakagatin na na nga 'ko ni Zion, eh. "Haie, mga residente ang pinag-uusapan natin dito," paglilinaw ni Heneral Zion. Hindi nawawala ang ngisi sa labi ko. "Alam kong malakas kayo ni Cush. Pero kahit tumulong pa kami ni Cecily sa laban, kulang pa rin ang apat para matalo ang grupo ng Uwak... malakas lang tayo, madami sila tapos may po-protektahan pa tayong mga residente. Masyado tayong dehado, kailangan din natin ng tulong nila. Saka isa pa, viyon naman nila ang dedepensahan natin... ano na lang 'yung tumulong naman sila. Palagi na lang tayong dalawa ang kumikilos wala naman tayong napapala—" "Haie!" "Oo na! Ang punto ko lang, sabihin na nating sapat na ang apat para matalo sila. Pero, aalis din tayo rito para ituloy ang paglalakbay at kasama na natin silang dalawa n'on. Paano kung sa pag-alis natin bumalik pa rin sila? Sino ang magtatanggol sa kanila kung wala na tayo?" "Haie! Cush! Duhe Zion!" Napatayo ako bigla nang madinig ko ang sigaw na 'yon mula sa labas. Agad na tinungo ni Cush ang pinto upang tignan kung ano ang sigaw na 'yon. Pagbalik niya ay may kasama na niya ang lalaking sumigaw. "Anong kailangan mo?" bungad kong tanong. "Haie, kailangan namin ang tulong n'yo... nakikiusap po ako sa inyo iligtas n'yo po ang mga kababayan namin," pagmamakaawa niya. "Bakit, ano bang nangyari?" tanong ni Zion. "Muli na namang nagpunta ang grupo ng nefas at nanggugulo po sila ngayon. Nakikiusap po ako sa inyo, tulungan n'yo po ako." Nagkatinginan kaming tatlo at agad kaming tumakbo palabas ng bahay. Dahil bawal pa 'ko mangabayo, ginamit namin ang karwahe. Si Zion ang magmamaneho sumakay naman kaming tatlo kasama ang lalaki. Mabilis naming napuntahan ang lugar kung nasaan ang grupo ng Uwak, kasalukuyan pa rin silang nanggugulo. Hindi pa man kami nakakalapit ng husto ay agad kong pinatamaan ng fire bolt ang lahat ng kalaban na makikita ko. "Fulmenis!" sigaw ko sa incantation nito. Agad na nagpulasan ang mga tao pagdating namin. Huminto ang karwahe at agad kong inutusan si Cecily na tulungan ang mga tao na makaalis agad sa lugar na ito dahil sinisiguro kong magkakagulo talaga rito ngayon. "Haie, sumama na lang kayo kay Cecily at sa iba pa na lumilikas. Hindi pa kayo magaling sa mga sugat n'yo kaya hindi pa kayo puwedeng lumaban." Bigla na lang hinarangan ni Zion ang dadaanan ko. "Inuutusan mo ba ko?!" inis kong tanong. Ngumiti siya sa akin ng pilit. "Hindi po, iniingatan lang kita aking prinsesa." Napaiwas na lang ako ng tingin at hindi na sumagot, hindi ko naman sinabi na ingatan niya 'ko dahil kaya ko naman ang sarili ko. "Aba, tama pala ang balitang nakarating sa amin narito nga ang sumpa," sambit ng isa sa mga kaharap namin. Madami sila sa bilang at napapalibutan na nila kami. "Umayos ka sa pananalita mo tungkol sa mahal na prinsesa, alipin." Dinig kong sagot ni Zion. "Hindi ako isang alipin. Kagaya ng prinsesa ay isa rin akong maguim, pinamumunuan ko pa nga ang isang hukbo ng mga kawatan... Ako si Reha Oscar, ikinagagalak ko kayong makilala." Niyuko pa niya ang kanyang ulo na akala mo natutuwa talaga kaming makita. "Reha Oscar? Kaninong kasinungalingan galing ang bansag na 'yan?" ani Zion. "Oy, ayusin mo rin sana ang pananalita mo tungkol sa akin. Baka nakakalimutan mo, ako ang susunod na magiging Reha ng bansang ito!" sagot ni Oscar. "Wala kaming pakialam sa 'yo, umalis na lang kayo para wala nang masaktan sa inyo," matapang na sabi ni Cush. "Aba, ang lakas naman ng loob mo para bantaan kami... Sino ka ba para magsalita ng ganyan? Isa ka lang namang hamak na alipin na nakatira sa viyong ito. Baka hindi mo nakikita... napapalibutan na namin kayo. Kaya kung gusto n'yong maging mapayapa ang viyong ito, ibigay niyo sa amin ang sinumpang prinsesa para walang dugo na dumanak dito." Ako? Anong kailangan nila sa akin? Agad na dumikit sa akin si Cush at Zion. Napakunot na lang ako ng noo at pareho silang tinignan. "Cush, ikaw ang bahala sa likod. Ako na bahala sa harap kasama ang Oscar na 'yan," bulong ni Zion. "Handa ka na?" tanong naman ni Cush. Teka, nag-plano sila pero sila lang dalawa? Anong silbi ko rito? "Teka—" Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko dahil mabilis silang sumugod kagaya ng pinag-usapan nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD