Chapter 6

2524 Words
CHAPTER 6: INSIGNE Rhys's POV Sa gubat kami nagpalipas ng magdamag, wala kaming choice dahil madilim na nang magkamalay ako, alam namin pareho ni Zion na delikado ang gubat kapag gabi na. Hindi ko rin namalayan na nakatulog pala ako ulit pagkatapos ng pag-uusap namin kagabi. Agad akong bumangon nang maramdaman ko ang init ng araw na tumama sa mukha ko, umaga pa lang pero matindi na ang init na dulot nito. Napansin ko rin ang mga prutas na nakahain sa tabi ko. Ganito ba talaga kapag maguim, pinagsisilbihan? Nagpalinga-linga ako pero wala sa paligid si Zion, iniwan na yata ako ng lokong 'yun. Babantayan niya na naman kaya ako sa malayo? Nag-kibit balikat ako, hindi ko na muna 'yun inintindi. Mas nangingibabaw ang gutom ko kaya nagsimula akong kumain. "Haie." Paglingon ko, bumungad sa akin ang malapad na ngiti ni Zion. "Saan ka galing?" tanong ko. Nakita ko na naman ang nakakaasar niyang ngisi habang papalapit sa akin, nagsisisi na naman akong nagtanong ako. Umupo siya sa putol na kahoy na pwesto niya rin kagabi saka nagsalita, "Nagmasid ako sa paligid. Sinigurado ko na wala na ang mga taong humahabol sa iyo, Haie." Kumpara sa boses niya na laging masigla at pansin ang energy, medyo malumanay siyang magsalita ngayon. Bigla na naman tuloy akong napaisip, sino kaya talaga ang mga taong 'yun... aware naman ako na kaya sila galit sa akin ay dahil nalaman nilang sumpa ako at dinukot ang Reha dahil lumapit siya sa akin at nahawa ito ng kamalasan 'kuno' na dala ko, pero hindi ko lang ma-gets 'yung part na bakit parang ang OA na nila to the point na ganoon sila ka-desperado na mapatay ako. Siguro naman hindi sila hunghang para hindi maisip na hindi ako ang nagpa-dukot sa Reha. Saka iba ang kilos nila, parang sanay na sila sa pakikipaglaban. Parang alam na nila ang mga gagawin kapag may hinahabol silang target, hindi naman siguro ganoon kumilos ang isang normal lang na tao. Hindi ko kilala ng lubos ang mga taong nakatira sa viyon ng Aporra, pero napagmasdan ko naman sila nu'ng araw ng Festival... parang hindi ko ma-imagine na gagawa sila ng ganu'n. Ibig kong sabihin... natural na magalit sila, pero ibang usapan na kasi ang nangyari kahapon. Malinaw na malinaw na ang mga taong humabol sa akin kahapon ay napag-utusan lang na patayin ako. Tumigil ako sa pagkain at tinitigan ko ang kausap ko. "Zion, anong tingin mo sa akin?" Nanlaki ang mata niya sa sinabi ko pero agad siyang umiwas ng tingin. Hindi ako sigurado pero para siyang nahiya sa tanong ko, kumunot ang noo ko dahil doon. "Ah... Haie, siguro mas mabuti na huwag ko na lang sagutin ang tanong mong 'yan." Hindi ko inaalis ang tingin ko sa kanya. "Kailangan ko ng sagot, gusto kong malaman kung anong tingin mo sa 'kin... kagaya ka rin ba nila na sinumpang prinsesa ang tingin sa 'kin?" Nag-aalala lang kasi ako dahil sa sinabi niya kagabi... tapat siya sa Reha bilang Flame Knight, pero bilang mamamayan ng Igapire ay hindi siya sang-ayon sa plano nito sa amin ng kakambal ko. Iniisip ko lang na baka ganoon din ang tungkol sa mga ginawa niya para sa akin, napipilitan lang siya gawin ang mga ito dahil sa utos sa kanya. Bumalik ang tingin niya sa akin pero halata na naiilang pa rin ito. "Ah! Akala ko kung ano na." Tapos tumawa siya. Kumunot ulit ang noo ko, ano ba ang pagkaintindi niya? "Haie, sa totoo lang... hindi ako naniniwala sa sumpa na 'yun. Wala pa naman napapatunayan na minalas ang isang pamilya dahil lang sa may anak silang kambal. Kasabihan lang ng matatanda 'yun, wala akong pakialam doon." Ngumiti siya sa akin saka nagpatuloy sa pagsasalita, "Alam ko na darating din ang araw na ikakarangal ka ng ating bansa bilang isang Savenis." Umirap ako. "Parang mas ayos na sa akin na maging sumpa na lang kaysa riyan sa sinasabi mo." Hindi siya sumagot sa akin, nakita ko lang siya na tumingin sa malayo habang nakangiti pa rin. Ang tangos pala ng ilong niya, tapos ang haba ng pilik-mata niya, makinis din ang balat niya at maputi ang kutis niya, halatang iniingatan niya ang katawan niya kahit palagi siyang nakikipaglaban at nabibilad sa araw. Flame Knight lang siya pero mukha siyang Sivenis. Bigla akong natauhan nang mapansin kong ilang segundo na pala akong nakatingin sa kanya. Bahagya kong iniling ang ulo ko, ano ba ang mga sinasabi ko? Dala pa yata ito ng pagod, eh. Para mabura sa alaala ko ang mga iniisip ko ay nagtanong akong muli, "Kung wala na ang mga taong may gustong pumatay sa akin, ano nang gagawin natin?" Binalik niya ang tingin sa akin. "Sa ngayon, mas mabuti kung umuwi ka muna sa bahay n'yo. Baka nag-aalala na ang Selang nag-alaga sa inyo, Haie." Yumuko ako saka sumagot, "Tama ka, siguradong nag-aalala na talaga 'yun. Mula nang magka-usap kami ng Reha, hindi pa kami ulit nag-uusap ni In-ma tapos hindi pa ako umuwi kagabi." Nagulat ako nang may makita akong kamay na nakalahad sa harap ko. "Halika na... ihahatid kita sa inyo, Haie." Pag-angat ng ulo ko, bumungad sa akin ang mukha ni Zion habang nakangiti. *** Naging maayos at payapa naman ang naging paglalakad namin. Kahit malayo, hindi namin halos naisip ang pagod at hindi gaano ininda ang init ng tirik na araw dahil nag-uusap kami at minsan ay nag-aasaran pa. Napagkwentuhan namin ni Zion ang nangyari kahapon habang hinahanap niya ako. Ang sabi niya, instinct ang naging susi para mahanap niya ako kahit pa nasa loob ako ng malawak na kagubatan at kahit pa raw hindi siya pamilyar sa pasikot-sikot dito. Sabi pa niya, hindi raw problema para sa kanya kahit first time niyang pasukin ang gubat na ito dahil pare-pareho lang naman daw ang itsura ng gubat at tanda niya naman kung saan niya ako iniwan. Gusto ko sana magreklamo kasi alam ko naman niyayabangan lang ako ng kausap ko, pero pinili ko na lang mag-oo para hindi siya mapahiya. Maraming bagay pa kaming napag-usapan at kung ano-ano pang kalokohan ang isinisingit ng kasama ko sa bawat topic namin, kaya kahit paano ay naging magaan na ang loob ko na kausap siya. Maingat pa rin naman kami sa paglalakad kahit puro kami kwentuhan dahil hindi namin sigurado na ligtas kami, baka kasi may nagmamasid sa amin at naghahandang sumugod. Alam kong hindi sila titigil hanggat hindi ako napapatay. Hanggang sa namalayan ko na lang na ang daang tinatahak namin ay malapit na sa amin. Nang matanaw ko na ang bahay namin ay agad kong nakita si In-ma na abala sa pagdidilig ng halaman niya kaya patakbo akong lumapit sa kanya. "In-ma!" bati ko. Nang marinig niya ang boses ko ay lumingon siya agad sa akin, binitawan ang hawak na pandilig at patakbo rin akong sinalubong. "Anak!" Agad akong niyakap ng nanay ko paglapit niya sa akin. Namiss ko siya ng sobra. "Sobra akong nag-alala sa iyo, Rhys. Kumusta ka? Napaano ang sugat sa braso mo?" Agad akong inusisa ni In-ma sa buong katawan kaya natawa na lang ako. "Wala po ito, In-ma. Kayo po, kumusta? May nanakit ba sa inyo?" Inusisa ko rin ang katawan niya pero sa tingin ko ay wala namang naka-abot na masamang tao rito, wala ring sira o sunog ang kabuuan ng aming bahay, at walang kahit kaunting bakas na may naganap na labanan dito. Salamat naman at ligtas ang In-ma ko. "Ayos lang ako anak, hindi ako napaano. Ikaw nga ang inaalala ko, hindi ka umuwi kagabi kaya sobra akong nag-alala. Akala ko hindi na kita makikita." Nangingilid na ang luha sa mga mata ni In-ma kaya para hindi siya tuluyang maiyak ay tumawa ako ng bahagya. "Halika sa loob In-ma, doon natin ituloy ang pag-uusap." Sumulpot naman sa tabi ko ang bagong dating na kasama ko, nakalimutan ko na may asungot nga pala akong kasama. "Anak, sino siya?" "Ah! Oo nga pala, In-ma... siya po si Zion Fronius, isang Flame Knight. Siya po ang nagligtas sa akin." "Kumusta po kayo," bati naman ni Zion kay In-ma. "Iniligtas ka niya? Rhys, ano ba talagang nangyari?" Dahil hindi na naman mapakali ang In-ma ko, niyaya ko na muna siyang pumasok sa loob ng bahay kasama si Zion para doon na ituloy ang pag-uusap. Umupo kami sa sala, magkatabi kami ni In-ma habang katapat namin si Zion. "Ano ba talaga ang nangyari sa iyo, Rhys?" paulit-ulit niyang tanong. Kinuwento ko kay In-ma ang mga nangyari, humingi rin ng tawad si Zion dahil nahuli siya ng dating para iligtas ako pero pasasalamat ang naging tugon ni In-ma sa kanya. Kinuwento rin ni Zion ang nangyaring kaguluhan sa Kastia, pati na rin ang pagdukot sa Reha at Quina. Bago pa makapagkwento ng kung ano ang kasama ko ay iniba ko na agad ang usapan, "Ano naman ang nangyari rito sa bahay pag-alis ko, In-ma?" "Wala namang kakaiba, umalis na rin ang Reha nang umalis ka. Pagkatapos ay hinintay ko na ang pag-uwi mo hanggang sa makatulog na ako sa sofa." "Kung ganon, wala na siya rito sa gubat nang madakip siya," sabi ko. "Siguradong ang plano ng kung sinong nasa likod nito ay sakto sa pagpunta ng Reha dito para sa iyo maibintang ang nangyari, Haie," ani Zion. "At sinabay nila ang paglusob sa Kastia dahil alam nila na ang karamihan sa kawal ay kasama ng Reha pagpunta rito," sagot ko naman. Maparaan ang taong may gawa nito, at tiyak na may mata rin siya sa loob ng Kastia dahil alam niya ang kilos ng mga nakatira roon. "Kung hindi ako dumating, malamang pati ang Sivenis nakuha nila." Napapikit ako, hindi talaga siya papayag na hindi siya magiging bida sa kwento. Hinawakan ni In-ma ang mga kamay ko. "Rhys... umalis ka na dito, nasa panganib din ang buhay mo. Ngayong alam na ng mga tao ang tungkol sa 'yo, hindi lang ang mga dumukot sa Reha at Quina ang puwedeng manakit sa 'yo," aniya. Alam ko ang tungkol sa bagay na sinasabi ni In-ma kahit hindi niya 'yan sabihin. Sumagot ako, "Pero saan naman ako pupunta... anong gagawin ko, In-ma?" Sumingit sa usapan si Zion, "Ililigtas natin ang iyong mga magulang at tatalunin ang kung sinong may gawa nito. Iyon lang ang tanging paraan para maging ligtas ka rin, Haie." Naging masama ang tingin ko sa kanya dahil sa sinabi niya. "Bakit mo naman naisip na sasama ako sa plano mong 'yan? Problema n'yo 'yan, hindi ako kasali." "Kasali na kayo dahil nasa panganib din ang buhay n'yo, Haie," seryosong sagot niya sa akin. Kumalma ako ng kaunti. "Alam kong nasa panganib din ang buhay ko, pero puwede ko naman iligtas ang sarili ko at si In-ma na hindi nangingialam sa problema ninyo sa Kastia. Ikaw ang dapat magligtas sa kanila dahil Flame Knight ka, trabaho mo 'yon." "Rhys!" Sinaway ako ni In-ma. "Bakit, may mali ba sa sinabi ko, In-ma? Madami naman silang kawal na puwedeng magligtas sa kanila. Samantalang tayo ay mga sarili lang natin ang maaasahan natin na magliligtas sa atin, kaya dapat lang na huwag na tayong sumali sa problema nila." "Haie, walang insigne ang mga kawal ng Kastia. Alam niyo naman siguro ang alamat," singit ni Zion. Kumunot naman ang noo ko nang idamay niya ang alamat ng aming lahi. "Hindi lang ako ang may insigne sa buong bansa, madami kayo. Kaya huwag n'yo na akong idamay." "Pero, Rhys... magulang mo sila," ani In-ma. Sa kanya naman ako tumingin. "In-ma, kayo ang magulang ko, sa kanila lang ako galing... magka-iba 'yun." "Haie, kailangan ka nila ngayon." Naiinis na ko sa pagpupumilit ni Zion. "Tumahimik ka nga! Sinabi ko na... kung gusto mo ikaw na lang, huwag mo na akong idamay." Tumayo ako at pumasok sa kwarto ko. Bakit ba sakin nila inuubliga ang bagay na 'yan? Maibalik ko lang ang buhay ko sa normal ay tapos na ang problema ko, wala na akong ibang dapat intindihin. Humiga ako sa kama at ipinatong ang kaliwang kamay sa aking noo, iniangat ko ito nang maalala ang tatak ng insigne rito. Ayon sa sinaunang Alamat, naging kaaway ng aming lahi ang mga nilalang na nanggaling sa ilalim ng lupa. May inggit sila sa amin dahil kahit apoy ang aming kapangyarihan—na isang tanda ng galit at kasamaan para sa mga normal na tao—ay nagawa naming mamuhay sa mundong ibabaw at sila ay nanatili sa ilalim. Noong panahon na iyon ay may isinilang na kambal. Dala ng inggit, isang nilalang na galing sa ilalim ng lupa ang sumanib sa isa sa kambal. Ang batang sinaniban niya ang nagturo sa mga Espis na gumawa ng mali, naging daan ito para maka-angat sa mundong ibabaw ang ibang kasama niya sa ilalim. Tinawag silang Ignium o demonyo. Lahat ng naimpluwensyahan niyang gumawa ng mali ay sinasaniban ng mga umaangat na Ignium mula sa ilalim, ito ang paraan nila para makakahinga at makagalaw dito sa ibabaw. Ito na rin ang naging simula ng pagturing sa kambal bilang sumpa... Naghasik sila ng lagim at binalak na sakupin ang buong mundo. Sa nangyaring sakuna, ilang makapangyarihang Espis ang nanguna at nagligtas sa sangkatauhan sa kamay ng mga Ignium na kumitil ng libu-libong buhay ng aming lahi. Sila ay may simbolo ng hugis hayop sa parte ng kanilang katawan. Pinaniniwalaan na ang simbolong ito ang nagbigay sa kanila ng kapangyarihan na matalo ang masasama, pinangalanan nila itong Insigne. Sa kabila ng kapangyarihang taglay nito, hindi lahat ay biniyayaan ng ganitong simbolo. Ang mga Espis na may taglay nito ay tinawag na Magnis na ang ibig sabihin daw ay 'Mahika ng Apoy.' Hanggang ngayon ay buhay pa ang alamat na 'yun, kaya may paniniwala pa rin ang lahat na Magnis lang ang may kakayahan na magligtas sa mundo kapag dumating ang araw na may mangyari muling gulo. Ang itsura ng Insigne ay gaya ng isang birthmark. Sabi nga sa alamat ay makikita ito sa alinmang parte ng katawan ng Espis. Dahil isa rin akong Magnis, ang Insigne ko ay nasa kaliwang kamay ko. Kasing laki ito ng barya. Naalala ko pa nang magising ang kapangyarihan nito sa akin... hating gabi kasabay ng pagtuntong ko ng 13 years old, sobrang init at hapdi ng kaliwang kamay ko. Mula noon sinabihan na ako ni In-ma na darating ang panahon at magagamit ko ito sa kabutihan, na kapag may mga masasama ay ililigtas ko ang mga mahihina. Ang cool, 'diba? Pero hindi ko pinangarap maging bayani, hindi ako 'yung tipo ng tao na itataya ang buhay para sa iba. Lalo pa kung may nakadikit na bansag sa iyong pagkatao bilang isang sinumpang prinsesa. Kung nauulit man ngayon ang nangyari sa alamat, wala akong plano na gayahin ang mga Magnis sa sinaunang kwento. Alam ko na maiinis sa akin si In-ma dahil hindi ko siya sinusunod, pero hindi ko maatim na iligtas ang mga taong nag-abandona sa akin. Hindi sapat 'yung rason na sa kanila ako nanggaling para tulungan ko sila. Bumaling ako ng higa, nakadapa na ako at sinubsob ko ang sarili ko sa unan. Para akong bata na nagmaktol... "Gusto ko lang naman mabuhay sa paraan na gusto ko, pero bakit hindi iyon maibigay sa akin?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD