CHAPTER 8: AGREEMENT
Rhys's POV
Hindi kaagad naniwala si Zion sa sinabi ko, pero nang ma-proseso na ito ng utak niya ay agad siyang nag-aya na puntahan namin si In-ma para ibalita rin ito sa kanya.
Kagaya ng reaksyon ng Flame Knight ay hindi rin makapaniwala si In-ma, tinago ko ang saya na naramdaman ko nang makita ko ang ngiti sa mukha ang nanay ko.
"Sigurado ka na ba rito, anak? Hindi ka ba napipilitan?" Bungad na tanong sa akin ni In-ma pag-upo namin sa sofa.
Umupo rin si Zion sa tapat namin.
Ngumiti ako kay In-ma bago sumagot, "Opo, napag-isip-isip ko kasi kagabi na wala rin naman akong choice kundi harapin ang problema. Alam kong hindi magtatagal ay babalikan ako ng mga taong gustong pumatay sa akin. Kaya hindi ko hahayaan na madamay kayo, In-ma. Kung hinahanap man nila 'ko, uunahan ko na sila."
Yakap ang naging sagot sa akin ng nanay ko. Ngayon ko lang naramdaman na ganito ka-init ang yakap niya sa akin, talagang napasaya ko siya at sobrang saya ko rin dahil doon.
Pagbitaw namin sa yakap ay humarap ako sa lalaking kasama namin. "Zion, tipunin mo ang mga Flame Knight na mayroon ding insigne. Kailangan din nilang sumali sa laban na ito."
Bahagyang lumungkot ang mukha niya. "Haie, kagaya ng sinabi ko... bukod sa akin, wala ng iba pang Flame Knight ang may insigne."
Kumunot ang noo ko. "Kung gan'on, ano pang silbi nila bilang Flame Knight?"
Hindi niya ako sinagot, pumikit ako at napakagat sa labi para kalmahin ang sarili ko. Bumuntong hininga rin ako saka nagsalita muli, "Ang Sivenis ba? Maaasahan ba natin siya?"
Umiling si Zion. Oo nga pala, kinuwento na sa akin ng Reha ang tungkol sa anak niyang iyon... wala rin pala siyang silbi.
Hindi pa 'ko nagsisimula sa mga plano ko, sumasakit na agad ang ulo ko. "Ganito pala ang sitwasyon, ang lakas pa ng loob mong ayain ako na iligtas ang mga 'yon? Ano ba tingin mo sa sarili natin, Diyos? Sasabak tayo sa laban na tayo lang dalawa? Iniisip mo bang matatalo natin sila nang gan'on lang kadali, nagpapatawa ka ba?!"
"Rhys," ani In-ma, hinawakan niya 'ko sa braso para kumalma ako.
"Nakakainis kasi siya, In-ma! Sino bang matinong tao ang mag-iisip na kagaya ng pag-iisip niya?!"
"Rhys, kaya nga siya lumalapit sa 'yo kasi ganito nga ang sitwasyon... wala siyang ibang maaasahan kundi ikaw lang. Akala ko ba nagdesisyon ka nang tumulong sa kanya?"
"Oo, sinabi ko 'yun. Pero hindi ko naman akalain na kami lang pala dalawa ang haharap sa kaaway. Kabaliwan 'yon, In-ma!"
"Haie, hindi... maari naman tayong maghanap ng ibang tao na mayroon ding Insigne, 'yung kaya tayong tulungan. Hindi ko naman sinabi na tayo lang dalawa, ang gusto ko lang ay sumama ka sa paglitas sa mga magulang ninyo."
Napalingon ako sa kay Zion nang sabihin niya 'yon, ilang segundo ang lumipas bago ko naintindihan ang sinabi niya. "Sinasabi mo bang maglalakbay pa tayo para lang maghanap ng makakasama?"
"Iyon lang ang tanging paraan, Haie," seryoso niyang sagot.
Hindi ako makasagot sa suhestiyon niya, hindi ko alam kung ano pang kabaliwan ang laman ng utak niya.
"Rhys, sinabi mo nang tutulong ka. Huwag mo nang bawiin."
Wala na... ipit na 'ko sa nangyari, paano pa 'ko tatanggi nito kung nakikita kong nalulungkot na naman si In-ma. Bakit nga ba hindi ko inintindi na sinabi ni Zion tungkol sa Insigne ng mga Flame Knight. Incommo!
Kagaya ng sinabi ni In-ma, nasabi ko na. Kaya wala na 'kong nagawa kundi pumayag na lang sa gusto ng lalaking 'yon na maglakbay kami para maghanap ng iba pang Magnis.
Agad kaming pinagayak ni In-ma ng mga gamit namin para sa paglalakbay, at pagkalipas ng isang oras ay natapos namin 'yon.
Sa pag-alis namin, muntik nang bumaha ng luha dahil sa iyak ng nanay ko... Siya itong nagpilit sa akin na sumama kay Zion sa paghahanap ng ibang Magnis, siya rin pala itong iiyak dahil daw malalayo ako sa kanya ng matagal.
Sakay ang aming kabayo, nagsimula ang paglalakbay namin bago mananghali. Mainit at tirik ang araw kaya nakakapagod at nakakapanlata.
Kulay itim ang gamit kong kabayo at brown naman ang kay Zion.
Hindi kami dumaan palabas ng gubat, hindi kasi makakabuti kung makikita ako ng mga tao sa Viyon. Siguradong pag-uusapan na naman ako at baka magkaroon na naman ng gulo.
At kapag nagkagulo na naman, baka magbago pa isip ko na tulungan si Zion na iligtas ang Reha at Quina...
May pagkakataon na humihinto kami para makapagpahinga ang kabayo namin, pagkatapos ay maglalakad muna kami ng sandali bago sila sakyan ulit.
Pawis na pawis na ko, nakakasuko talaga ang init!
"Tingin ko, ang evis ang lalong nagpapa-init sa pakiramdam natin," sabi ko.
"Haie, mainit lang talaga. 'Wag mo nang idamay ang walang kasalanan," sagot ni Zion.
Kahit nasa unahan ko siya at hindi siya tumingin sa akin ay umirap pa rin ako. At kahit kailan talaga, walang kwenta mga sagutan ng Flame Knight na ito. Incommo!
"Hoy, Alipin... saan tayo magpapalipas ng gabi?"
Lumingon siya sa akin bago sumagot, "May dalawa tayong choice, Haie," aniya, itinaas niya ang isang daliri, "Una, puntahan ang kaibigan ko at makiusap sa kanya kung puwede tayong makituloy." Sunod niyang itinaas ang isa pa niyang daliri saka nagpatuloy magsalita, "Pangalawa, kung hindi papalarin, sa gubat ulit ang bagsak natin." Tapos ay sumakay na siya sa kabayo.
Napabuntong hininga ako. "Saan ba bahay ng kaibigan mo? Malayo pa ba?" sabi ko. Sumakay na rin ako sa kabayo ko.
Bago niya patakbuhin ang kabayo niya ay may tinuro siyang daan. "Sa dulo ng daan na 'yan, may makikita tayong talampas. Siguro bago mag dilim ay nandoon na tayo."
Hindi na ako sumagot, sumunod na lang ako kay Zion nang patakbuhin niya ang kabayo niya.
Kagaya nga ng sinabi niya ay nakarating kami sa talampas bago mag dilim, papalubog pa lang ang araw.
Bumaba siya sa kabayo at nagsimula ulit maglakad, pinigil ko siya nang lumiko siya paakyat sa talampas.
"Diyan nakatira ang kaibigan mo?" tanong ko.
Ngiti ang naging tugon niya sa akin at nagpatuloy ulit sa paglalakad.
Hindi ko in-expect na sa gubat din pala nakatira ang sinasabi niya, akala ko dadaan lang kami sa talampas na sinasabi niya.
Nang makarating kami, bumungad sa akin ang isang simple at maliit na bahay. Tingin ko mas luma ito tingnan kaysa sa bahay namin ni In-ma.
Kumatok ang kasama ko sa pinto at lumabas ang isang lalaki, "Zion ikaw pala! Anong masamang hangin ang nagdala sa 'yo rito bakit ka—"
Naningkit ang mata ko nang hindi na naituloy ng lalaking kaharap namin ang sasabihin niya dahil napatingin siya sa akin.
"Zion, bakit... Bakit kasama mo ang sumpa na 'yan?!"
Napabuntong hininga nalang ako, hinimas ko nalang ang kabayo ko para mawala ang atensyon ko sa kanya.
"Siya ang dahilan kung bakit—"
"Frances! Magbigay ka ng galang sa Prinsesa! Kalapastanganan 'yang ginagawa mo!" suway ng kawal na kasama ko sa kaibigan niya.
Base sa itsura ng kaibigan ni Zion na si Frances, palagay ko mabilis ng kumalat ang balita tungkol sa akin at sa sumpa.
"Galang? Paano ko gagalangin ang dahilan kung bakit magulo ngayon ang bansa? Alam mo na ba ang balita? Nagkakaroon ngayon ng kaguluhan sa mga Viyon dahil sa paghahanap sa sumpang 'yan! Hindi mo ba napapansin? Sinisira niya ang bansa, kasalanan niya bakit ito nangyayari."
Tumingin ako sa kaibigan ni Zion saka nagsalita, "Ang galing mo naman, nandito ka sa talampas pero na-abot ng radar mo 'yung chismis sa Viyon?"
Lalong nag-init ang tingin niya sa akin. "Anong gusto mong palabasin? Nag-iimbento ako ng balita?!"
Nagkibit-balikat ako. "Ikaw may sabi niyan, hindi ako."
Susugod sana siya sa akin pero pinigil siya ng kasama ko, naging hudyat 'yon para magsalita ako ulit, "Paano ko naman naging kasalanan ang mga sinabi mo? Paano ko nasisira ang bansa kung nandito ko sa harap mo ngayon at kausap mo? Paano ako masasangkot sa isang gulo na wala naman ako sa pinangyarihan? Malabo yata ang mga binibintang mo, wala nga akong ideya sa mga sinabi mo."
Alam ko naman ang ibig niyang sabihin, gusto ko lang sumagot ng pabalang para lalo siya mainis.
Hindi nawawala ang galit na tingin niya sa akin. "Oo, siguro nga wala kang alam, pero malaki ang kinalaman mo rito. Isa kang sumpa, hindi ka pa nakakatuntong sa palasyo maski sa ibang viyon nagawa mo na itong sirain."
Inirapan ko siya, nagtuloy siya sa pagsasalita.
"At ang lakas ng loob mo na lumapit pa sa iba pagkatapos ng binigay mong sumpa sa Reha! Sa tingin mo sa bansag mo bilang isang sumpa, may tatanggap kaya sa 'yo? Umalis ka! Hindi ka dapat nandito sa Igapire, sana pinatay ka na lang pagsilang mo pa lang. O sana, hindi ka na lang talaga isinilang."
Padabog niyang isinara ang pinto. Humarap ako kay Zion. "Ang bastos naman ng kaibigan mo. Pinagsaraduhan ka ng pinto," sabi ko.
"Haie, ako na po ang humihingi ng tawad—"
"Halika na, kailangan pa nating humanap ng matutulugan ngayong gabi." Nauna na akong kumilos sa kanya palayo sa bahay ng kaibigan niya.
Hindi naman nagtagal ay nakakita din ako ng pwesto na puwede naming pagpahingahan ngayong gabi.
Ipinaglatag ako ni Zion ng mahihigaan ko. Pinagpahinga na niya ako at binilinan na hintayin ko siya dahil hahanap siya ng kakainin namin, pati na rin sa mga kabayo. May dala naman kaming pagkain, pero kailangan namin magtipid kasi hindi namin alam kung hanggang kailan kami magpapalaboy-laboy.
"Iniisip mo pa rin ba ang mga sinabi ni Frances kanina, Haie?" Napalingon ako kay Zion nang bigla siyang magsalita, hindi ko napansin na dumating na pala siya, ang bilis naman.
Habang hawak pa rin ang mga prutas at bungang kahoy na kanyang pinitas, seryoso niya akong tinitigan. Hindi ko alam kung para saan ang titig niyang iyon pero ako na ang unang umiwas.
"Iniisip ko lang kung totoo ang sinabi niya kanina na may nangyayaring kaguluhan nga sa mga viyon. Kung meron man... tiyak na ang mga nanggulong 'yon ay ang parehong tao rin na gustong pumatay sa akin, at ang dumukot sa Reha at Quina. Bakit ba nila ito ginagawa?"
Inihanda niya sa lapag ang mga pagkaing dala niya, ipinatong niya ito sa isang tela. Kumuha siya ng isang kahoy na puwedeng tumagal para sa siga upang magsilbing liwanag at init namin sa gabi. Matapos niyang maihanda ang mga 'yan ay muli siyang umupo sa tapat ko, nasa gitna naming dalawa ang mga pagkain.
Pagkatapos niyang gawin ang mga 'yon ay naupo siya saka sinagot ang tanong ko, "Sa tingin ko... para lalo kayong kamuhian ng mga tao."
"Bakit?"
"Para lalong tumatak sa isip nila ang sumpang dinulot mo, Haie."
"Isipin mo, kung trono nga ang habol ng mga taong gumawa nito... bakit pa sila nag-aksaya ng panahon na ihayag ang lihim tungkol sa pagkatao ko at gawin akong masama sa paningin ng tao kung balak din naman nila akong ipapatay? Puwede niya naman akong mapatay ng malaya sa gubat na walang nakakakita o makakaalam ng gagawin niya, hindi ba't advantage na nila 'yon?"
Biglang naging kumplikado ang lahat, trip lang ba niyang pahirapan ang sarili niya? O talagang may iba siyang plano? Kung meron man... ano?
"Hindi ko rin alam, Haie. Basta ang alam ko lang ngayon ay nasa panganib ang buhay mo, pati na ang Sivenis, at kailangan nating mailigtas ang Reha at Quina sa lalong madaling panahon."
"Huwag ka masyadong mag-alala sa dalawang 'yon, tiyak na hindi nila papatayin ang Reha at Quina hanggat buhay kami ng prinsipe, siguradong gagamitin nila ang pagdukot na 'yon para tayo mismo ang lumapit sa kanila. Sigurado talaga 'kong may iba silang balak."
"May ideya ka ba kung ano pang puwedeng dahilan, Haie?"
"Wala pa. Pero alam mo, naiinis talaga ako sa ginagawa nila na pagmukhain akong masama. Wala naman akong balak na makipag-agawan sa trono, kung iyon lang talaga ang gusto nila... kanila na 'yun."
Nakaka-frustrate lang na dinadamay nila ako sa bagay na... in the first place, wala akong balak ma-involve. Wala nga akong pakialam sa pamilya ng Reha, sa trono pa kaya? Gusto ko na rin tuloy maniwalang sumpa talaga ako dahil ang malas ko sa part na nadadamay ako sa problema ng Kastia.
Nakakainis, malayo na nga ko sinusundan pa rin ako ng gulo.
"Urgh!" Hindi ko napigilan ang sarili ko sa inis, binato ko ng fire ball ang puno di kalayuan sa inuupuan ko.
"Kumalma ka, Haie. Sa ngayon lamang sila dahil hindi pa natin sila kilala, pero kapag nalaman na natin kung sino sila... lagot sila sa atin!"
Nag-make face ako saka sumagot, "Tina-try mo bang i-cheer up ako? Tigil mo na, ang creepy," sabi ko.
"Kaysa naman hindi kita awatin. Mamaya masunog mo pa ang paligid ng gubat na ito, lalong malaking problema 'yon," aniya.
Hindi na ako sumagot, bigla ko lang kasi naalala ang isang bagay...
Tumingin ako sa kanya. "Zion, may kapatid ba ang Reha o Quina na may nais sa trono? Posible kasing isa lang sa pamilya nila ang may gawa nito."
"Pasensya na, Haie... pero walang kapatid ang Reha. Ang Quina naman, Savenis siya ng ibang bansa na pinagkasundo ng kasal sa Reha. May sarili silang kaharian at kahit minsan hindi ko pa nakitang bumisita ang mga kamag-anak ng Quina dito sa bansa natin, kaya imposible na sila ang may gawa ng nangyayaring ito."
Napabuntong hininga ako, kung hindi nila kamag-anak... sino?
Sumasakit na ulo ko kakaisip kung sino puwedeng may pagnanasa sa trono.
Tumayo ako kaya nagtaka si Zion. "Bakit, Haie? May problema ba?"
Hindi ako tumitigil sa pagbuntong hininga. "Ang sakit na kasi ng ulo ko sa kakaisip ng mga rason bakit ako pinaparusahan ng ganito. Gusto ko lang munang mapag-isa para maglakad-lakad."
"Mag-iingat ka lang, Haie. Sigaw ka kaagad 'pag kailangan mo ang tulong ng pogi mong taga-bantay."
Maglalakad na sana ko pero nagpanting ang tenga ko sa narinig ko kaya sinagot ko siya, "May iba bang inutusan ang Sivenis na taga-bantay ko? Nasaan siya?" pang-aasar ko.
Proud na proud siyang ngumiti sa akin bago sumagot, "Huwag kang mag-alala, Haie... dahil nandito ako, hindi mo na kailangan ng ibang taga-bantay. Ako pa lang ay sobra-sobra na."
Inirapan ko siya, hindi na 'ko nag-abala pang sagutin ang kayabangan ng bwisit na 'to. Nagsimula akong maglakad palayo sa kanya.
"Pero seryoso, Haie... mag-iingat ka, 'wag ka masyadong lalayo!"
May pahabol siyang paalala pero hindi ko na pinansin.
Kapag talaga may problema ko, mas komportable akong maglakad-lakad sa gubat. Mas nare-relax kasi ang isip ko sa ganito.
Ang kaso, kahit gaano kalayo ang malakad ko... hindi nito masu-solusyan ang problema ko.
Napakamot ako ng ulo, gusto kong sampalin ang sarili ko dahil nagiging negative thinker na ko ngayon. Hindi bagay sa akin ang mag-drama. Sanay akong mawalan ng pakialam sa mga nangyayari sa paligid ko.
Nahinto ako ng bahagya sa paglalakad nang makarinig ako ng kaluskos. Lalo na namang nag-init ang ulo ko.
Sa bandang likuran ko narinig ang kaluskos, at may ideya na ako kung saan galing ang kaluskos na iyon.
Naikuyom ko ang kamao ko. "Hoy Zion, hindi ba sinabi ko gusto kong mapag-isa bakit ka sumunod—"
Paglingon ko, hindi si Zion ang nakita ko... kundi ang mga Espis na sa tingin ko ay mga taong may tangka na masama sa buhay ko.