CHAPTER 9
Car date?
Hindi magkamayaw sa lakas ang t***k ng puso ko habang yakap niya parin. Parang lalabas na 'yon sa kinaroroonan.
Humiwalay siya ng yakap at sinuri ang mukha ko. Naramdaman siguro ang pagkatigil ko. "Are you okay?"
Wala sa sarili akong tumango.
Tipid siyang ngumiti at umayos na nang upo saka ako mas lalong pinakatitigan. "Do you want to eat? Bibili ako sa labas kung may gusto ka."
Mas lalo siyang gumagwapo sa paningin ko na kulang nalang ay kuminang siya sa harapan ko. Basa pa ang quiff niyang buhok na mukhang galing lang sa pagligo. Naaamoy ko rin ang pabango niyang halos balutin na ang ilong ko. Grey blazer suit ang suot niya na pinaresan ng maroon plain t-shirt sa loob at trouser pants. Bumagay sa kaniya ang suot dahil sa kalmang aura.
Para akong napipilan at naputulan ng dila, hindi makapagsalita. Gusto kong batukan ang sarili at sabihang umayos. Pinagpapawisan ako ng malamig kahit na malakas naman ang aircon dito sa loob.
Zia, ano ba?! Si Austen lang 'yan!
Oo, si Austen. Si Austen na mapapangasawa ko. Si Austen na halos guluhin na ang buong sistema ko.
Napapapikit ako, naiinis na sa sarili. Nakakabwisit, presensiya niya lang ay ganito na ang epekto sa'kin.
Tumingin ako sa kaniya. Pero huli na nang magsisi nang mapako na naman ako sa mata niyang kasingkulay ng kalangitan.
Titig na titig ang mga 'yon sa'kin na para bang wala nang ibang nakikita kundi ako lang. Mga matang maraming emosyon at sikretong tinatago. Mga matang kasinglalim ng karagatan na parang hinihele ako.
Tumikhim ako at umiwas ng tingin. Palagi talaga kapag napapatingin ako sa mga mata niya, nahihirapan na akong umiwas at hindi tumitig doon. "A-Ayos lang ako."
Kahit nakaiwas na ang tingin ko sa kaniya ay ramdam ko parin ang titig niya. "Sinong bumangga sa'yo?" Seryoso niyang tanong.
Doon ko lang siya nilingon. "Hindi ko alam." Huminga ako ng malalim. Sa tingin ko kasi ay kailangan niyang malaman ang totoo. "Habang nagmamaneho ako... napansin kong may sumusunod sa'kin. Hindi ko alam kung sino at kung ano ang dahilan." Kumunot ang noo ko. "B-Binilisan ko ang padadrive para maunahan siya kaya bumangga ako sa kotseng nasa harapan ko." Naalala ko si Louis. Hindi ko alam kung dapat ko pa bang sabihin sa kaniya kung sino ang nagdala at nag-alaga sa'kin dito. "Kaya naguguluhan ako... wala naman akong atraso sa kahit kanino para habulin ako ng taong 'yon."
Dumiin ang titig niya sa'kin pero parang napaisip ng malalim. Natulala siya. Bumubuka rin ang bibig na parang may gustong sabihin pero hindi magawa. Tinitigan ko siya ng mabuti.
"Don't worry, inaasikaso na ng parents mo kung sino ang taong may kailangan sa'yo."
Dahil sa sinabi niya ay naalala ko na naman sina Mom at Dad. Bumaba ang tingin ko at lihim na malungkot na ngumiti. Mukhang wala na talaga silang balak na bisitahin ako dito. Uuwi nalang ako na ni anino nila ay hindi ko man lang nasilayan, maiparamdam lang sa'kin ang pag-aalala nila.
Huminga ako ng malalim at tumingin sa kaniya. "Pwedeng iuwi mo na ako?"
Kumurap-kurap siya sa'kin. "But... are you already fine? Tatanungin ko muna ang doctor—"
"Please, Austen." Nagmamakaawa akong tumingin sa kaniya. Naguguluhan siya sa inaakto ko kaya hinawakan ko ang kamay niya. "Please... dalhin mo 'ko, kahit saan. 'Wag lang kanila Mom at Dad."
Tinitigan niya ako sa mata. Saka siya huminga ng malalim at marahang tumango. "Okay. Uuwi na tayo sa bahay natin."
Kinagat ko ang labi ko. Tangina! Nag-eemote pa ako pero bakit parang gusto kong ngumiti? Bwisit, kinikilig ako sa sinabi niya.
Para pigilan ang pag ngiti ay tumango nalang din ako sa kaniya at mabilis na tumayo at nagpaalam na mag-aayos na. Dere-deresto akong pumasok sa banyo saka tinakpan ang buo kong mukha gamit ang dalawa kong palad. Parang gusto kong magtatatalon sa kilig.
Bahay natin.. bahay natin?! Impit akong tumili ng maalala 'yon. Grabe! Para akong teenager na halos mangisay na sa kilig dahil napansin ako ng ultimate crush ko!
Inilingan ko nalang ang sarili habang ngiting-ngiti parin. Mabilis akong nag-ayos nang sarili at nagbihis.
Buti nalang at noong isang araw ay binilhan ako ng ilang pares ng mga damit ni Louis kaya may pamalit ako. Pinangako ko sa sarili ko na kapag nagkita kami ulit, magpapasalamat ako sa kaniya. Mukha kasing hindi ko na siya mahihintay. Kahit number niya ay hindi ko rin nakuha. Kaya aasa nalang ako sa tadhana na pagtagpuin ulit kami para makapagpasalamat ako sa kaniya.
Isang high-waisted jeans at white halter top ang pinili ko, sakto lang sa sneakers na suot ko. Tinext ko rin muna si Kelah na uuwi na ako at baka tumuloy pa siya sa pagbalik dito. Pagkatapos ay lumabas na ako na sinundan naman ni Austen.
Tinanong niya kung sino ang doctor ko kaya doon muna kami nagpunta at nagpaalam. Ang sabi ng doctor ay maayos na maayos naman daw ako, kahit noong isang araw pa. Nagbiro pa nga ang doctor na nag-iinarte lang daw ako para sunduin ang asawa ko, na nanunuksong nakatingin sa'ming dalawa ni Austen.
Natawa nalang kaming dalawa. Siguro nga nag-iinarte lang talaga ako, pati ang katawan kong nakikisama sa trip ko. Masyado yata akong nasarapan sa pag-aalaga sa'kin ni Louis na halos ituring akong nabaldado.
Ngayong nakapagdesisyon na akong umuwi ay pakiramdam ko mababawasan ang bigat sa dibdib ko. Ayaw ko mang aminin, nanatili talaga ako sa hospital na 'yon para hintayin sina Mom at Dad. Pero kahit yata mamuti na ang mga mata ko sa kahihintay, hindi nila ako pupuntahan. Kahit man lang ang isa sa kanila.
Ni text at tawag wala man lang ako natanggap. Mapait akong ngumiti at sumandal nalang sa bintana ng kotse ni Austen nang makasakay na kami. Parang wasak na wasak ang puso ko ngayon. Mas malala pa sa pagiging heart broken galing sa break-up.
Nakakainis at ang sakit isipin na kahit sa paraan nang pagtrato ng mga magulang ko sa'kin noon, umaasa parin akong mahal nila ako. Na nag-aalala parin sila sa'kin. Pero sa tagal na panahong umaasa ako, mukhang kailangan ko nang tumigil ngayon.
Malaki na ako, magkakaasawa na at kaya naring bumuo ng sariling pamilya. Hindi pwedeng dumepende lang ako lagi sa pagmamahal at pagmamalasakit na hindi naman kayang ibigay sa'kin. Kapag lagi akong ganito, baka habang buhay magiging mapait ang buhay ko.
Luminga ako sa paligid ng kotse ni Austen nang maboring nang tumingin-tingin sa labas. Mukhang bago lang ang kotse niya dahil nang nakita ko sa labas kanina, halos tumingkad 'yon sa kintab. Black BMW ang type ng sasakyan niya. Nakakatakot ring humawak dahil sobrang modern sa loob. Kahit ang pabango niya ay kalat na kalat lalo na at nasa loob kami. Parang ang sarap suminghot.
"What do you want to eat? May drive-thru tayong madadaanan." Salita niya nang ilang sandali.
"Kahit ano nalang." Tamad kong sabi.
Ramdam kong nilingon niya ako. "Are you okay? Kanina ka pa tahimik. Hindi ako sanay."
Nilingon ko siya at tinaasan ng kilay. "Hindi ka sanay? Close ba tayo?"
Umiling siya at natawa pero nakatutok ang atensyon sa kalsada. Hindi ko alam kung anong nakakatawa sa sinabi ko. Binasa niya ang labi gamit ang dila at amuse na sumulyap sa'kin. "Well... I guess you're okay now. Tinatarayan mo na naman ako."
Umirap ako at tinanggal ang paningin sa kaniya saka lihim na ngumisi. Pansin niya rin pala 'yon, huh?
Wala na ulit ang nagsalita sa'min. Namalayan ko nalang na itinigil na niya ang kotse at umorder ng pagkain sa drive-thru.
Habang umoorder siya ay hindi ko na namang mapigilang suriin siya. Ang kamay niyang nakahawak sa manibela ay naging dahilan para lumitaw ang mga ugat sa braso niyang maskulado. Malapad din ang dibdib niya at kahit may suot siyang damit, parang tumatagos ang paningin ko sa pandesal niyang nakatago doon. Lumunok ako at sinuway ang sarili bago niya pa akong mahuli na halos ina-eye r****g siya.
"Thank you." Narinig kong sabi niya doon sa staff saka sinimulang maniobrahin ang sasakyan. Napatingin ako sa inorder niya. May dalawang drinks doon at fries. Meron ding burger, fried chicken, cheese pies, chocolate sundae at spaghetti. Meron ding milktea doon na large ang size. Nanubig agad ang bagang ko.
"Ang dami mo namang inorder." Kinuha ko yung burger at tinanggal ang balot no'n. Kumagat ako saka siya tiningnan. "Mauubos ba natin 'to?"
Nilingon niya ako saglit. "Umorder na ako ng marami dahil mahaba pa ang byahe natin."
Kumunot na ang noo ko at tumingin sa labas. Ayon sa naaalala ko, malapit lang dito yung address na binigay sa'kin ni Tita Kamira kung nasaan ang bahay daw 'namin'. "Malapit lang 'yong address ng bahay mo—"
"Natin." Mariin niyang pagtatama. Umirap ako.
"Malapit lang 'yon 'di ba?"
Umiling siya at sumeryoso. "Ang sabi mo, dalhin kita kahit saan 'di ba? So you're going with me. Hindi na kita iiwan nang mag-isa." Nagtagis ang bagang niya na para bang galit na galit habang nakatingin sa daan. Natahimik ako.
Ngayon ko lang siyang nakitang ganito. Hindi nakaiwas sa pakiramdam ko ang takot na makita ang kakaibang galit sa kulay asul niyang mga mata.
Tinikom ko nalang ang bibig at hinayaan nalang siya. Hindi ko alam kung ano ang dahilan ng galit niya ngayon pero ayoko nang alamin. Baka mamaya, magalit din siya sa'kin.
Nang matapos nang kumain nang tahimik, sumandal nalang ako sa upuan. Masyado narin siyang tahimik at malalim ang iniisip kaya hindi nalang din ako umimik. Sinubukan kong ipikit ang mga mata at ilang sandali pa ay nakatulog na ako.
Nang magising naman ay madilim parin sa labas at umaandar parin ang kotse. Napatingin ako sa damit na nakabalot sa'kin. Hinubad ni Austen ang blazer na suot para lang ikumot sa'kin. Lihim akong napangiti at inamoy ang blazer niya. Halos mapapikit ako sa pabango na 'yon na laging dumidikit sa ilong ko.
"Are you hungry?" Si Austen nang mapansing gising na ako. Napatingin ako sa mukha niya at maaliwalas na 'yon. Wala narin ang galit niya kaya nakahinga ako nang maluwang. Baka pwede nang makipagchikahan.
Umunat lang ako at tiningnan ang pagkaing nasa backseat. Gano'n nalang ang pagkakakunot ng noo ko nang makitang halos walang bawas 'yon simula nang kumain ako kanina. Tiningnan ko ang oras. 3:30 na nang madaling araw, ibig sabihin ay halos limang oras akong nakatulog! Ibig sabihin, mahigit ilang oras nadin siyang nagmamaneho!
Salubong ang kilay ko siyang nilingon. "Hindi ka pa kumakain?"
Parang natigilan siya sa tanong ko at hati ang atensyon sa'kin dahil ayaw ring alisin ang paningin sa kalsada. Hindi ko inalis ang titig sa kaniya at pinagkrus pa ang dalawa kong braso sa harap niya.
"U-Uh..." Halatang naiilang siya sa tingin ko at sinasadya ko talaga 'yon. Gusto kong mailang siya kaya pinanatili kong salubong ang kilay. "H-Hindi pa..."
"Itabi mo ang kotse." Seryoso kong sabi.
"Huh?" Parang natutuliro pa siya. Gusto ko nang umirap pero pinigilan ko ang sarili ko. Aba, hindi exemption ang kagwapuhan mo ngayon.
"Itabi. Mo. Ang. Kotse." Mas mariin kong sabi.
Huminga nalang siya ng malalim at tinabi ang kotse sa may kadilimang parte na sulok ng kalsada. Pagkatapos ay tumingin siya sa'kin, hinihintay ang gagawin ko.
Umiling-iling ako at inabot lahat ng pagkain na nasa likod. Binigay ko sa kaniya yung isang burger. Taka niyang inabot 'yon. "Kumain ka."
"But—"
"Wala nang but-but. Ilang oras ka nang nagmamaneho, ha?" Maldita kong tanong. Ilang beses pa siyang kumurap bago sumagot.
"Six."
"Kita mo na?" Tunog nanenermon na nanay kong sabi. "Tapos, isang burger man lang hindi ka kumain? Paano kung mahimatay ka sa gutom diyan? Tapos hindi mo na nakita yung daan, tapos nabangga tayo... edi mahohospital na naman ako? Hindi lang ako, pati ikaw? Couple goals, gano'n?"
Umiwas siya ng tingin at nakikita ko sa labi niya ang pagpipigil ng ngiti. Tumango-tango siya at tinitigan na naman ako gamit ang nanghihipnotismo niyang mga mata. "Fine, I'll eat."
Inirapan ko siya at kumain nalang din. Kailangan pa talaga siyang sermonan bago kumain.
Halos naubos niya yung dalawang burger at spaghetti. Napailing na naman ako. Buti at halos walo ang binili niyang burger. "Kanina ka pa pala gutom, tapos hindi ka kumain? Baka naman hinihintay mo lang akong magising para makasabay mo ang maganda na 'to na kumain."
Ngumisi siya sa'kin. "Not really."
Umirap lang ako at kumain pa din. Nang matapos ay uminom ako ng drinks at 'yong natira pang milktea. Nang sulyapan ko naman siya, nakatutok ang atensyon sa cellphone at mukhang may kausap.
Tiningnan ko ang laman ng milktea. Kanina pa ako sumisimsim doon pero halos hindi pa nakakalahati ang bawas. Dahil narin siguro sa size at dami ng laman. Inalog-alog ko 'yon at binaligtad ang straw. Pagkatapos ay iginiya ko 'yon sa labi ni Austen. Taka siyang tumingin doon at lumingon sa'kin.
"Ayaw mo?"
Ilang sandali lang siyang nakatigil, nakatitig sa'kin pababa sa gilid ng labi ko. Inalog ko ulit ang milktea sa harap niya para agawin ang atensyon niya. "Walang virus 'to, ano ba. Malinis ang bibig ko."
Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba 'yon o nakita ko talaga siyang ngumisi. Imbes na kunin ang milktea na hawak ko, kinuha niya yung plastic ng burger at kinuha ang tissue doon. Kinuha niya rin sa wakas ang milktea pero inilagay lang 'yon sa gilid niya. Magsasalita na sana ako pero natigilan ako nang makitang umangat siya inuupuan at lumapit sa'kin. Nanigas ako sa kinauupuan nang lumapit ang mukha niya sa'kin.
Bumilis na naman ang t***k ng puso ko kesa sa normal. Umawang ang labi ko, lalo na nang mapatitig na naman sa bughaw niyang mga mata. Dahan-dahan niyang inangat ang kamay at pinunasan ang gilid ng labi ko gamit ang tissue na kinuha kanina. Halos natigil ako sa paghinga.
"It's messy..." Aniya habang nakatutok ang atensyon sa gilid ng labi ko. Malakas ang hula ko na may kalat na ketchup o mayonnaise doon galing sa burger na kinain ko. Gusto kong agawin ang tissue sa kamay niya at sabihing kaya kong punasan ang sarili pero masyado na akong natulos dahil sa lapit niya na halos ikaduling ko na. Parang nangangatog ang buo kong katawan lalo na at amoy na amoy ko ang pabango niya at ang amoy ng softdrinks sa bibig niya.
Nang matapos na siya doon ay hindi parin siya bumabalik sa upuan. Nakatunghay parin ang sarili sa'kin. Mula sa labi ko, binalik niya ang paningin sa mga mata ko. Mas lalo kong nahigit ang hininga.
Dahil sa mga mata niyang halos nilulunod ako sa karagatan, hindi ko namamalayan ang unti-unti niyang paglapit sa'kin, nakatingin ang mga mata sa labi ko. Hindi ako nakagalaw. Para akong na-estatwa.
Hanggang sa ilang hibla nalang ang pagitan ng mga labi namin, nakatitig parin kami sa mata ng isa't-isa. Nakikiramdam. Nanghahalina. Mas lalo pa siyang lumapit sa'kin na parang aabutin ang labi ko kaya wala na akong ibang nagawa kundi ipikit ang mga mata.