Bar
"Hoo!"
Tagaktak na tumutulo ang pawis mula sa noo ko saka marahas na bumuga ng hangin. Naglilinis kasi ako ngayon sa kwartong tutulugan ko na nilaan para sa'kin ni Austen. Natural ay hindi ako pwedeng tumunganga nalang basta at walang gawin.
Ayoko rin namang sa kwarto nalang niya matulog kahit pa yun ang sinabi niya at sa sofa nalang daw siya. Baka mamaya ay may gawin pa siya sa'kin habang tulog ako, edi hindi ko makikita kung ano 'yon. Ayokong palampasin ang ganoong pangyayari.
Pangalawang araw na namin ngayon sa tahimik na malaking bahay na 'to pero buryong na buryong na ako. Hindi ko rin naman siya makausap dahil madalas siya sa kwarto niya at may inaasikaso raw na trabaho. Bumababa lang siya minsan para magkape o hindi kaya'y kumuha ng snacks para lang may manguya siya. Kaya madalas ay mag-isa lang akong kumakain sa hapag-kainan.
Kahit na nasa iisang bahay lang kami ay hindi ko na halos maramdaman ang presensya niya. Parang wala nga akong kasama buong maghapon at walang ibang magawa kundi ang matulog at kumain.
Sa kabilang banda, inaalala ko rin ang kalagayan niya. Hindi niya nakakalimutang paalalahanan ako sa oras ng pagkain pero hindi ko siya nakikitang kumain ng maayos. Ni hindi nga siya nagtatagal sa kusina ng isang minuto at aakyat agad sa kwarto na para bang may minamadaling gawin.
Dahil doon ay naisipan kong magluto nang makakain. Pagkatapos kong maglinis sa kwarto, dumeresto agad ako sa kusina at naghanda ng kanin para mag-fried rice. Sinamahan ko narin ng scrambled egg at hinalo iyon sa kanin. Nagtimpla narin ako ng dalawang kape at nang matapos na, hinanda ko na ang lahat nang i-aakyat ko papunta sa kwarto ni Austen.
Doon narin ako kakain kaya naman pandalawahang pagkain na ang dala ko. Nagsasawa na kasi akong puro gamit lang sa bahay ang nakikita ko sa paligid. Halos sa sobrang tahimik, maging hininga at bawat nguya ko ay rinig na rinig ko.
Paakyat na sana ako pero nahinto ako sa tapat nang isang malaking picture frame. Naaalala ko pang iyon ang huli kong nakita bago ako nahimatay. Pakiramdam ko ay dahil iyon sa family picture nila Austen na nakita ko, pero hindi ko alam ang dahilan kung bakit.
Ayoko nang mag-isip nang kung ano-ano pa kaya tumuloy na ako sa pag-akyat sa second floor. Ilang sandali lang ay nasa harap na ako ng pintuan ng kwarto niya. Hawak ko na ang door knob para pihitin 'yon pero nahinto ako nang marinig ang boses niya na tila ay may kausap sa telepono.
"I'm okay, don't worry about me. Hindi naman ako mawawala sa'yo."
Ang lambing ng boses niya habang sinasabi ang bawat katagang 'yon. Hindi ko alam kung sino ang kausap niya pero malamang ay isang tao 'yon na malapit sa kaniya, o malapit sa puso niya.
Hindi naman kaya ay si Louis 'yon?
Kahit kailan ay hindi siya naging ganyan sa'kin. Hindi naman sa umaasa o naghihintay akong ganoon niya dapat ako itrato. Nakakapanibago lang na malaman ang ganitong klase ng side niya. Parang pumait yata ang pakiramdam ko.
"I told you, I'm alright. Huwag mo na akong hanapin, ako nalang ang bibisita sa'yo."
Bumaba ang tingin ko sa sahig. Nakakahiya kung tutuloy pa ako. Mukha namang marami talaga siyang ginagawa, eh. Hindi ko nalang iistorbohin.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Ewan ko ba at parang nasa mood ako magmukmok sa kwarto ngayon. Nahahawa lang siguro ng pabago-bagong klima ng panahon ang mood ko.
"Where are you going?"
Natigil ako sa paghakbang palayo sa kwarto niya nang marinig ko ang boses niya. Ang bilis niyang nakarating sa harapan ko nang hindi ko man lang namamalayan. Wala nga akong narinig na kahit na anong yapak niya sa sahig.
"U-Uh..." Hindi ako makatingin sa kaniya. "Napadaan lang ako.. pero pabalik na ako ngayon sa kwarto ko. Ituloy mo na ang ginagawa mo baka nakakaistorbo lang ako—"
"Come in."
Malaki niyang binuksan ang pinto. Napakurap-kurap ako. Wala namang bakas ng pagbibiro sa mukha niya kaya wala na akong nagawa kundi ang pumasok.
"What's that?" Tukoy niya sa dala-dala ko.
"Luto ko."
"You cooked for me?" Amused siyang tumingin sa'kin. Umupo ako sa sofa bago siya inirapan.
"Asa. Nagluto ako para sa sarili ko, syempre. Hindi naman ako gano'n kasamang tao para makalimutang may kasama ako dito sa bahay. Nakakahiya naman, nakikitira lang ako."
Nilapag ko na sa maliit na mesa ang mga dala kong pagkain. Agad niyang kinuha yung isa at inamoy 'yon.
"What are you saying? Bahay mo rin 'to."
"Yeah, whatever." Ismid ko at nagsimula naring kumain.
"It's delicious. I didn't know that you can cook."
"Thanks."
Mahina siyang tumawa. "Should I be... pleased? Dahil ginagawa mo na ngayon ang responsibilidad mo bilang asawa ko?"
Tumaas ang kilay ko at nag-angat ng tingin sa kaniya. "Bakit mo naman naisip 'yan? Syempre, hindi. At bakit ko naman 'yon gagawin, para naman totoo na mag-asawa talaga tayo."
"Unfortunately, yes."
Unfortunately? Umikot ang mga mata ko. "Sa papel, oo. Pero para sa'kin at siguradong para sa'yo, hindi."
Hindi siya sumagot.
"At saka isa pa, hindi gano'n kadali ang responsibilidad ng pagiging isang asawa. Hindi rin madaling mag-asawa. Para sa'kin, ikukulong lang no'n ang kalayaan mo, habang-buhay."
Hindi naman ako naniniwala sa salitang 'forever' dahil ang totoo, walang forever. Lahat namamatay. Lalo na ang pagmamahal, mas madaling mawala kaysa sa buhay ng isang tao. Walang permanente sa mundo at kung may'ron man, hindi parin ako maniniwala na magtatagal 'yon.
"Marriage... nakakatawa 'yon. Walang relasyong nagtatagal. Kahit pa anong pangako ng isang tao sa harap ng maraming tao, sa harap ng altar, sa harap ng Diyos... lahat nawawala. Lahat natutukso, lahat bumibitaw at lahat sumusuko."
Sa madaling salita, walang kahit na anong bagay na magtatagal ang existence sa mundo. Lahat nagsasawa at pinapalitan. Tao man o bagay.
"Well, I think you're right. But that's only what you think it is. That's only your own opinion and own perspective. Dahil para sa'kin, may bagay paring hindi mawawala na nananatili sa puso natin, gaano man katagal lumipas ang panahon."
Napatingin ako sa kaniya. Nagpatuloy siya sa pagkain matapos sabihin 'yon. Sa sandaling panahong nakilala ko siya, hindi ko alam na may ganito parin pala siyang paniniwala.
"Ah, basta. Kahit ano pa 'yan, wala akong paniniwalaan. At ayoko parin mag-asawa. Marami kang kailangang gawin at lahat ng bagay may limitasyon. Kahit ano pang kalagayan mo at kahit nalulunod ka na sa dami ng problema, responsibilidad mo paring pasayahin ang asawa mo sa lahat ng paraan. Nakakasakal masyado isipin 'yon."
"Kung 'yan lang naman ang pinoproblema mo, don't worry. I won't pressure you. Hindi naman kita pipiliting magsilbi sa'kin."
Kumunot ang noo ko.
"See? Talagang nasabi mo pa 'yan. Ah, binigyan mo lang ako ng panibagong idea. Na ang pagiging isang asawa, kailangang magpa-alipin."
"You can choose the other way around. Pwedeng ikaw ang magpaalipin, pero kung gusto mong ikaw ang pagsilbihan at i-spoiled, wala rin namang problema."
Napatitig ako sa kaniya. Anong ibig niyang sabihin? Handa siyang magpa-alipin sa'kin?
"Don't look at me. Hindi ako ang gagawa no'n sa'yo."
Para akong pinamulahan. "B-Bakit sinabi ko bang ikaw dapat? M-Manigas ka!"
Pagkatapos no'n ay wala na siyang idinugtong pa. Napatingin nalang ako sa kaniya nang tumayo siya na may hawak na isang papel. Lumapit siya sa'kin at nilapag sa mesa ang papel.
"Ano 'yan?"
"Read and sign it."
Napuno ng pagtataka ang buo kong mukha. Kinuha ko ang papel at sinimulang basahin 'yon.
"Agreement for... what the hell?!"
Agreement for Rules and Regulations as Husband and Wife.
Halos hindi ako makapaniwalang gumawa talaga siya ng ganito. Gusto niyang may sundin kaming rules habang mag-asawa kami!
"As you can see, we have to have an agreement as we are forced to this marriage. Ayoko namang limitahan ka sa mga gusto mong gawin, at gusto kong gano'n ka rin dapat sa'kin."
Tumaas ang kilay ko.
"Rule No. 1, hindi ka pwedeng lumabas hangga't hindi ko sinasabi."
Bumusangot ako. "Pero kakasabi mo lang na hindi mo ako lilimitahan sa mga gusto kong gawin!"
"I still won't. Gusto ko lang na sundin mo 'to o sumunod ka sa'kin lalo na sa ganitong sitwasyon na delikado ang kalagayan mo. You understand me, right?"
Bumuntong-hininga ako, wala nang magagawa.
"Rule No. 2, you can't go to bars without me."
"What?!" Doon na ako napatayo. "Hindi naman ata patas 'yan! Hindi ako papayag!"
"Since our marriage was already public, hindi na problema kung makita tayo ng ibang tao na magkasama. Ang problema, kapag nakita nila tayo na may ibang kasama."
Napahilot ako sa sentido. May point naman siya pero...
"I know you're having too much fun at bar that you didn't know you're already kissing a man. Marami nang nakakakilala sa'yo ngayon kaya madali nalang sa media na ipaalam ang bawat kilos mo, o kilos ko sa lahat. I can't let that happen. My family's name were too clean, ayokong madungisan 'yon ng dahil lang sa isang tsismis."
"Teka nga lang!" Salubong na salubong na ang kilay ko ngayon. Parang gusto ko nang manapak. "Bakit parang sinasabi mo na baka ako pa ang maging problema sa 'kalinisan' ng pangalan ng pamilya mo? Hello?! Hindi naman ako gano'n katanga para magpahalik sa kung sino lang! Alam ko ang ginagawa ko kahit nakainom ako!"
"Well," Binasa niya ang sariling labi. "You already did."
"Ano?!" Singhal ko.
"Don't you remember? You already kissed a man because you were too drunk. Tapos sasabihin mong alam mo ang ginagawa mo kahit nakainom ka?"
"I know! Alam ko! Naakit lang ako—" Nahinto ako. "Wait, paano mo naman nalaman ang tungkol doon?"
Umangat ang gilid ng labi niya. Unti-unting nanlaki ang mga mata ko. Oh no, don't tell me?!
Imposible!