Kahit lasing ako ng gabing 'yon, naaalala ko parin ang lahat. Ang nakakasilaw na ilaw ng bar, ang malakas na tugtugin, ang pakikipagsayaw ko sa isang lalaking asul na asul ang mga mata... mga matang misteryoso at maraming tinatago katulad nalang kung paano nahaharangan ng itim na mask niya ang kalahati ng mukha niya.
Hindi ko namukhaan ang lalaking 'yon dahil naka-mask siya. Pero kung aalalahanin ko ang mga mata niya at titingnan ang mga mata ni Austen, walang duda na parehong-pareho ang mga 'yon!
"I just know."
Unti-unti akong kumalma at marahang umupo ulit sa sofa pero hindi ko inaalis ang matalim kong titig sa kaniya. Hindi niya maaalis basta-basta ang pagdududa ko. Pagkatapos niyang simulan ang usapan tungkol doon, sa tingin niya makakalimutan ko 'yon kaagad?
"Imposible." Mariin ko siyang tinitigan. "Papaanong malalaman mo lang 'yon ng ganoon? Madilim noon at walang nakakita sa amin. Sigurado ako."
"Are you sure?" Mas lalong lumapad ang pagkakangisi niya.
Kinagat ko ang labi ko. Unti-unti na akong naiinis. Ano bang nakakatuwa at panay ang ngisi niya? Natutuwa ba siya dahil alam niyang may hula akong siya talaga ang lalaking 'yon pero pilit niyang dini-deny para lang asarin ako? Ano?
"S-Sigurado ako. Kaya pa'no mo nalamang may nangyaring ganoon? Maliban nalang... kung ikaw talaga ang lalaking 'yon." Sabi ko. Tumaas lang ang kilay niya sa'kin.
"Ako?" Parang gusto niya pang matawa ng malakas. "That will never happen."
Nag-isang linya ang labi ko. Bakit parang insulto ang dating noon sa'kin?
"Oh sige, sabihin na nating hindi ikaw 'yon. Pero papa'no mo naman nalaman 'yon?"
"Just like what I've said, you're too reckless to mind your actions when you're drunk. Nasa madilim na parte nga kayo noon, pero hindi mo nakitang may CCTV sa sulok na 'yon."
Umawang ang labi ko sa gulat. What the heck?!
"Mabuti nalang at nalaman ko kaagad nang maaga na nakuhanan ka ng CCTV no'ng mga panahon na 'yon. Pinabura ko na ang video bago pa malaman ng iba na ang asawa ko ay nagloko sa'kin isang araw bago ang kasal namin." Aniya. Kinindatan niya pa ako.
Nagtagis ang bagang ko. Siya lang ang natutuwa sa usapan namin ngayon. Parang ikaliligaya niya pa na masira ang pangalan ko sa lahat!
"Hoy!" Sigaw ko. "For your information, hindi ako nagloko! H-Hindi ko nga alam na kinabukasan agad ang pagpirma sa marriage contract."
"Kahit na. People are too suspicious. Lahat ng makikita nila nagagawan nila ng issue kaya mas maganda nang maging maingat."
Hindi na ako sumagot, ayaw nang pag-usapan pa 'yon. Parang mas naramdaman ko lang lalo ang bigat ng responsibilidad at limitasyon na nakaakay sa'kin. Mukhang mahihirapan nga ako nitong makakilos ng malaya sa labas.
"So... you were seduced, huh?"
Napatingin ako sa kaniya, kumunot ang noo. Talagang hindi niya ako titigilan, 'no?
"Alam mo kung gusto mo lang akong asarin dahil diyan, pwes panalo ka na. Oo, naakit ako. Okay na ba?"
Uminom siya ng tubig. Pinanood ko kung paanong lumapat ang labi niya sa labi ng baso at kung paano gumalaw ang adams apple niya habang nakatitig sa'kin. Agad akong umiwas ng tingin.
"Gano'n ba siya kagwapo?" Tanong niya.
Tumaas ang kilay ko sa kaniya. Ano namang pakulo ang plano niya at nagtatanong siya ng mga ganito sa'kin?
Naghihintay parin siya ng sagot ko. Parang may inaasahang marinig sa'kin.
Gusto kong malaman kung anong iniisip niya pero sasakit lang ang ulo ko kakaisip. Masyado siyang mahirap para mahulaan.
"Oo, gwapo siya." Sagot ko nalang. "Marami namang gwapo sa bar kaya normal na sa'kin ang maakit. You know, para sa'ming mga babae makakita lang kami ng gwapo, masaya na kami." Humagikhik pa ako.
Namimiss ko tuloy ang mga araw na nagb-bonding kami ni Kelah at pumupunta ng bar hindi para maglasing, kundi para mag-hunting ng mga gwapo. Tapos kapag nahanap na namin ang mga tipo namin, saka namin sisimulan ang operation mang-akit.
Wala na siyang sinabi pa tungkol doon. Halos mabingi ako sa sobrang katahimikan. Bigla yatang nagbago ang atmosphere sa paligid at parang gusto ko nalang lumabas.
Tiningnan ko siya. Nakatitig lang siya sa papel kung saan nakalagay doon ang mga patakaran na kailangan naming sundin pareho bilang mag-asawa. Mukhang hindi niya naman 'yon binabasa dahil nakatitig lang siya sa papel at kunot pa ang noo. Lumunok ako at pilit na tumayo saka hinablot ang papel na nasa harap niya. Niligpit ko rin ang mga pinagkainan namin.
"B-Babasahin ko muna 'to bago ko sabihin sa'yo kung pumapayag na ako. Lalabas muna ako, maiwan na kita."
Tahimik lang siyang tumango. Naglakad ako papunta sa pintuan at saglit pa siyang nilingon. Tahimik lang siya at parang tulala pa.
May nasabi ba akong masama?
Sigurado naman akong wala kaya hindi ko na siya poproblemahin pa. Tuluyan na akong lumabas at napagdesisyunan nalang na magligpit at maglinis.
*****
Humilata ako sa kama. Kakatapos ko lang maglinis kaya oras na para magpahinga.
Ipipikit ko na sana ang mga mata ko nang maalala ko ang kontratang ginawa ni Austen. Wala naman akong magiging reklamo sa mga nabasa ko lalo na't alam kong pareho rin naman kaming makikinabang doon. Hindi rin naman unfair para sa'kin dahil may nakalagay ring patakaran doon na maglilimita sa mga kilos niya. Well, mabuti naman. Hindi lang ako ang pwedeng makipag-interact sa iba lalo na kapag nasa public places. Ganoon din sa kaniya.
Ang hindi ko lang talaga matanggap ay kung bakit pati sa pagpunta ng bar ay kailangan kasama ko siya. Mukhang wala akong choice kaya ang ginawa ko, gumawa rin ako ng ganoong rule para sa kaniya. Na hindi rin siya pwedeng pumunta ng bar na hindi ako kasama.
Alam kong maiinis siya doon. Sino ba namang lalaki ang gusto na may buntot na babaeng hindi niya gusto lalo na kung nagpunta siya ng bar para magliwaliw at maghanap ng babaeng matitipuhan?
Kaya kanina pinuntahan ko siya ulit sa kwarto niya para sabihin 'yon. Nakangisi nako't lahat habang iniisip ang galit o asar na asar niyang mukha. Pero nang marinig ko ang sagot niya, halos lumaglag ang balikat ko.
"No problem. I agree."
Halos magsisipa ako sa inis. No problem?! Walang problema sa kaniya?! Bakit?!
Imbes na siya ang mainis, ako pa ang ininis niya lalo! Akala ko talaga ay maiinsulto siya, kukunot ang noo at pagmumurahin ako, hindi papayag sa gusto ko kaya isusuko niya na ang rule na 'yon sa'kin pero hindi nangyari ang lahat ng iniisip ko! Parang natuwa pa nga siya sa rule na dinagdag ko para sa kaniya dahil ngumisi pa siya matapos pumayag!
"Arrrghhhh! Austen!"
Galit akong sumigaw sa unan. Nakakainis talaga! Nakakainis!
Wala na talaga akong magagawa. Parang gusto ko nalang maiyak. Lintek na buhay 'to. Papa'no nga ba ako napasok sa problemang 'to?
Ayoko nang alalahanin pa dahil alam kong mababadtrip lang ako lalo. Kaya imbes na mag-isip ng mga bagay na makakasama lang naman sa'kin, kinuha ko nalang ang phone ko para magscroll sa socials.
Bagong phone 'yon na binigay sa'kin ni Austen. Bagong accounts rin ang ni-register ko sa f*******: at i********: dahil hindi ko pa raw pwedeng gamitin ang original accounts ko. Mahirap na dahil matatrack kaagad ng mga kalaban ni Austen ang location namin kaya pansamantala, magtitiis muna ako sa ganito.
Ilang saglit pa nang pagdesisyunan kong manood nalang ng movie. Hanggang sa biglang mag-pop up ang isang unknown number, senyales na may tumatawag.
Nagtataka, sinagot ko parin ang tawag. "Hello? Sino 'to?"
"Zia."
Napaayos ako ng upo. Tumikhim ako at matamang pinakinggan ang linya sa kabila. Hindi na ako magtataka kung paano niya nakuha ang bagong number ko. "Mom."
"How are you?"
Hindi ako nakasagot agad, naninibago. Halos ilang linggo rin siyang hindi nagparamdam. Hanggang ngayon naaalala ko pang hindi man lang nila ako dinalaw aa hospital nang maaksidente ako. Mapait lang akong ngumiti.
"Okay lang, Mom."
"How about Austen? Your mission? Nagkakamabutihan na ba kayo?"
Tumingala ako sa kisame. Bakit nga ba ako umaasang tumawag siya para kamustahin ako? Hindi naman talaga 'yon ang pakay niya. Kundi ang misyon kong hindi ko alam kung may maganda bang kahahantungan.
"Medyo, Mom."
"Medyo?" Narinig ko pang bumuga siya ng hangin. "Where are your flirting skills? Bakit parang ang bagal yata ng kilos mo? Samantalang kapag hinahayaan ka sa labas, nakukuha mo lahat ng lalaking gusto mo. But now? What's happening?"
Inis akong bumuga rin ng hangin. "Mom, bakit yata nagmamadali ka? Ano bang meron?"
"Gawin mo nalang ang sinabi ko. Seduce him. Make him yours, and give whatever he wants to get from you. That's your responsibility as his wife, right? Sa tingin ko ay alam mo naman na 'yan. Hindi ka na kailangang pagsabihan."
Hindi ako sumagot.
"You don't have to be confused. Para rin naman 'to sa ikakabuti mo at ng dalawang pamilya, Zia—"
"Bullshit."
Hindi ko na napigilang mapamura. Bago ko pa marinig ang galit na boses ni Mom dahil sa sinabi ko, pinutol ko na agad ang tawag. Wala na akong gana na makinig pa sa mga sasabihin niya.
Ilang beses pa siyang tumawag ulit pero hindi ko nalang pinansin at shinut-down ang phone ko. Ayoko na muna siyang isipin at lahat ng mga gusto niyang iparating. Masyado akong napapagod na i-absorb ang lahat lalo na't may mga bagay parin na hindi malinaw sa'kin.
Gusto ko munang magpahinga sa lahat. Magandang bagay narin na nandito ako at malayo sa pamilya ko. Kung nasa poder parin nila ako, malamang pagbubuhatin lang nila ako ng responsibilidad na hindi ko naman kayang gampanan. Pipilitin akong hawakan sa leeg at kontrolin na parang manika lang.
Mas lalo lang akong kakainin ng mga negatibong bagay kaya lumabas nalang ako ng kwarto. Hindi rin naman ako makakatulog kaya nag-ikot ikot nalang ako sa bahay.
May parte parin kasi ng bahay na hindi ko nalilibot kaya naglibot nalang ako mag-isa. Sinabi naman ni Austen na pwede akong gumalaw ng kahit anong bagay rito at pwede kong gawin ang lahat ng gusto ko. Well, sa kaniya naman na nanggaling na bahay naming dalawa 'to.
May sariling gym nga ang bahay kaya sobra talaga akong natuwa nang makita 'yon kahapon. Malaki ang space at kumpleto ang lahat ng equipments. Nag-enjoy akong mag-exercise maghapon pero ngayon, maghahanap ako ng bagong paglilibangan.
May nakita akong malaking hagdan paakyat sa labas ng garden kaya inakyat ko 'yon. Hindi ko pa 'to nakikita o napupuntahan. Malamang ay maganda ang view doon dahil nasa taas kaya nagdala na ako ng libro na pwede kong basahan habang nagpapahangin doon.
Pero nang makita ko kung ano ang nasa taas, halos lumuwa ang mga mata ko.
Mahangin at kitang-kita ang malaking view mula sa taas. May maliit na bar sa loob ng isang glass door, at nang makita kong puro mamahaling alak ang nakahilera sa loob, halos maglaway ako sa nakita!
Pero hindi talaga ang mga alak ang nakakuha ng atensyon ko. Kundi ang isang malaking swimming pool na halos kumikintab pa ang ibabaw ng tubig dahil sa linis at sa init ng araw na nagrereflect doon.
Siguradong nagparte ang bibig ko dahil sa nakita. May dalawang bench sa magkabilang parte ng pool. Mukhang nasa 6 or 7 feet pa ang lalim ng pool at hindi lang 'yon, dahil sa kanang parte ng pool, doon kita ang malaking view ng paligid!
Nagulantang nalang ako nang marinig na malakas na humampas ang tubig, senyales na may tumalon roon. Doon ko nakita si Austen, na tanging shorts lang ang suot at h***d ang pang-itaas!
Mukhang mas malalamangan pa yata ng aura ni Austen ang ganda ng paligid. Pinalutang niya ang sarili habang nakapikit dahilan para makita ko ang nagbabakatan niyang abs. Maputi rin ang katawan niya, mahaba ang pilik-mata... basang mga labi, bagsak ang buhok... halos mapalunok ako ng malalim.
"Done staring?"
Halos tumalon ang puso ko sa gulat. Dilat na ang mga mata niya ngayon habang nakatingin sa'kin. Para akong nilamon ng hiya.
"H-Hindi ako sa'yo nakatitig, 'no! Sa pool!" Tanggi ko.
Ngumisi lang siya. "Yeah? Sa posisyon mo ngayon diyan, para mong sinisilipan ang ultimate crush mo."
Uminit ang pisngi ko at tiningnan ang kinatatayuan. Nasa likod nga ako ng isang pader at doon tumitingin. Umalis nalang ako doon kahit pa pakiramdam ko ay gusto ko nalang magpalamon sa kailaliman ng lupa at huwag nang magpakita pa sa kaniya.
"H-Hindi naman kita crush. Isa pa, hindi ikaw ang tinititigan ko kundi itong pool. Ni wala ka ngang sinabi na may swimming pool dito? Kasi ano, gusto mong masolo?"
Tinawanan niya lang ako saka nilubog ang sarili. Inirapan ko siya kahit hindi niya nakikita. Feelingero.
Pinanood ko kung paanong marahan na gumalaw ang tubig dahil sa paggalaw niya sa ilalim. Parang inuudyok ako noon na maligo rin.
Hindi na ako nakatiis at naghubad na. Buti nalang at naka two piece ako ngayon. Labahan na kasi ang mga b*a at panty ko at tinatamad pa akong maglaba kaya wala akong choice kundi ito ang gamitin bilang pang-ilalim. Nasakto pang nahanda ako sa ganitong pagkakataon.
"What are you doing?"
Natanggal ko na ang suot kong summer dress at tanging two piece nalang ang naiwan sa'kin nang makita si Austen na nakatitig sa'kin. Kinunotan ko lang siya ng noo.
"Bakit? Bawal ba akong maligo dito? Akala ko bahay 'nating dalawa' 'to?" Pinameywangan ko siya habang nakataas ang kilay.
"I-I mean, bakit naghubad ka mismo dito? You're not shy at all, huh. Sanay kana bang gawin 'to sa harap ng iba?" Tanong niya, nakataas din ang kilay.
Parang may gusto siyang pigain sa'kin pero hindi ko alam kung ano 'yon. Inirapan ko lang siya ulit at sinimulan nang ilubog ang paa sa tubig. "Kailangan ko pa bang mahiya? Mag-asawa na tayo, hindi ba? Kaya hindi na big deal ang ganito."
"For me, it is."
Ilang sandali kaming nagtitigan, tinatansya ang reaksyon ng isa't-isa.
Nasa kabilang side siya ng pool at nakalapat ang dalawang braso sa gilid niya. Nasa kabilang side din ako pero mula sa kinalalagyan ko, ramdam ko ang diin ng mariin niyang titig sa'kin. Hindi ko siya maintindihan. Ano bang problema ng lalaking 'to?
"Bakit, naaapektuhan ka ba... kapag ganito ang kinikilos ko?"
Hindi siya nakasagot. Napangisi ako.
Mukhang hindi naman pala ako mahihirapang akitin siya. Kapag sinuswerte nga naman.
Sa isiping 'yon, tuluyan na akong lumubog sa tubig at nilangoy ang distansya sa pagitan namin. Sinakto ko sa pag-angat mula sa tubig sa kung saan siya nakapwesto. Ngayon ay ilang hibla nalang ang distansya ng mga mukha namin. Ningitian ko siya.
"Naaakit ka ba sa'kin?"
Hindi parin siya sumagot. Seryoso at madilim lang ang tingin niya sa'kin.
Pinadaan ko ang daliri ko mula sa mukha niya, sa ilong niya, sa labi niya...hanggang sa mga dibdib niya. Matamis ulit akong ngumiti.
"Sorry, ha?" Malambot kong tiningnan ang asul niyang mga mata. "Hindi ko sinasadyang maakit ka. Skills ko na kasi 'yon, at natural na sa'kin." Kinindatan ko pa siya. Pagkatapos ay tumalikod na ako para lumangoy palayo.
Pero natigil ako nang hawakan niya ang braso ko para ibalik ako papalapit sa kaniya. Matagal akong natigilan at hindi agad nakagalaw. Lalo na nang maramdaman kong lumapat ang malaki at malamig niyang kamay sa magkabilang baywang ko.
Tinambol ng malakas ang dibdib ko at nahihiya akong isipin na baka marinig niya 'yon. Parang nawalan ako ng kontrol sa sarili at hinayaan siyang hawakan pa ako ng mahigpit. Naramdaman ko rin ang hininga niya malapit sa tainga ko. Halos makiliti ako.
Pamilyar na pamilyar ang pakiramdam na 'to. Huli ko 'tong naramdaman nang mahalikan ang misteryosong lalaking 'yon na nasa bar.
Napapikit ako lalo na nang umihip ang malakas na hangin dahilan para mas madagdagan ang kaba ko. Nagsitayuan rin ang mga balahibo ko.
"Me? Seduced.. by you?" Mahina niyang sabi sa tainga ko. Kahit nasa ilalim ng tubig ay halos nangangatog na ng matindi ang mga tuhod ko. Para akong nanghihina. "That's possible, I think."
Nanuyo ang kalamnan ko.
"But don't you ever try me, Zia. Hindi mo alam ang kaya kong gawin, lalo na't hindi ko alam kung kaya mo ba akong kayanin..." Pinadausdos niya pababa ang kaliwang kamay sa malambot kong braso. Mariin kong kinagat ang labi at hindi nagsalita.
Nilapit niya lalo ang labi sa tainga ko at napapaos na bumulong doon. "You want to play, huh? Let's play, then. Try harder to seduce me, pero sisiguraduhin kong hindi ka makakatakas sa larong sisimulan mo."
Pagkatapos noon ay umalis na siya sa likod ko at umalis na sa pool para magpatuyo. Naiwan naman ako doon na parang wala sa sarili at tulala.
Hindi ko alam kung bakit sa mga huli niyang sinabi ay hindi ko maramdaman ang pagbabanta doon. Hindi ako natatakot. Mas lalo akong kinakabahan, dahil pakiramdam ko ay nananabik ako sa hindi ko malamang dahilan.