Kabanata 2

1775 Words
Sa katunayan – at sa pagkakaalam na rin mismo ni Arvin, base sa mga kuwento-kuwentuhan ng kaniyang mga mas maalam na kababayang naligaw dati sa maliit na apartment na inupahan nila ng ina sa Tayuman nang mahigit magdadalawang dekada – si Jessie ang puno’t dulo ng pambubugbog ng demonyo sa murang katawan ni Miling. Selos na selos ang ama ni Arvin kay Jessie. Paano ba naman, bukod sa pusturang tingnan si Jessie ay matalino pa. Katunayan nito ay naka-graduate si Jessie sa Calamianan University bilang Information Technology and Communications Engineer. Subalit tikom ang bibig ni Miling kapag napupunta na ang kuwentuhan kay Jessie. Biglang pipisilin ang palad ng kaniyang bugtong na anak at mahigpit ang bilin na huwag na huwag sanang maisipan ni Arvin na umuwi sa Tagamingwit. Pinasumpa pa niya iyong batang walang kamuwang-muwang sa kung ano ang tunay na nais ipahiwatig ng kaniyang ina. Si Miling at Jessie noong nagsimula ang isang pagmamahalan. Si Miling at ang kampon ng demonyo noong nagwakas sa isang panghahalay. At kung hindi lamang naging matindi ang biro ng tadhana sa dalawa’y malamang sina Miling at Jessie pa nga ang nagkatuluyan. Ngunit ang bawat karanasan ng tao ay may kalakip na lihim na naibubunyag lamang sa takdang panahon. Hindi ito tila lubid na nakatali sa magkabilang punong katawan ng dalawang malayo’t hindi magkanibel na haligi, na habang nagpapatihulog ang isang tao sa naturang “zipline ng buhay” ay may mas malaking tsansang malula siya sa mabilis na takbo ng buhay at dahil dito’y tuluyan nang balewalain ang lahat ng nakapalibot sa kaniya upang tiyakin muna ang kaniyang sariling kaligtasan. Ganoon nga ba kasimple at kaligtas ang kalawakan at lalawigan ng buhay? Isang pakikipagsapalarang malayo sa panganib at pag-aalinlangan? * “Hi!” Nabigla si Arvin. Muntik na niyang masipsip iyong buong straw na nilalaro-laro ng dila niya sa bibig. Akala niya wala nang tao sa tabi niya dito sa tulay. Nagsimula na rin kasing umandar ang Lantsa nga Santo Nino na halos sabay sa mabagal at maaliwalas na agos ng Sabang; habang ang karamihan naman ng mga tao ay nakuntento na lamang na magprusisyon sa pampang. Marami na rin ang nagsisiuwian upang ituloy ang kasiyahan ng bisperas ng pista sa kaniya-kaniyang kabahayan. May ilang mga kabataan naman na nagkakantiyawang tumungo sa bantilan bandang ilaya, upang maligo at doon ipagpatuloy ang kanilang di-mapigilang harutan. Nilingon ni Arvin ang tinig ng bumati sa kaniya. Walang sinabi ang liwanag ng araw sa mala-porselanang kutis, kariktan at kaputian ng babae na may-ari ng naturang tinig. Sa loob-loob ni Arvin, kung mayroon mang totoong bathaluman na lumapag sa sangkalupaan, mismong nasa harapan na niya ito. At malamang ay hindi ito ang Diwata ng Likhang Lilok. Tila mga huni na lamang ng mga kuliglig ang tunog ng banda ng musikong tuloy pa rin ang pagpapatugtog ng Burundok nga San Kristobal at parang magkakasya na lamang sa sisidlan ng avocado shake ni Arvin ang papalayong hulagway ng Lantsa’t taumbayan ng Tagamingwit; habang nakangiting tinatanaw naman ng magandang babae ang lahat nang ito pagkatapos nito batiin ang adbenturero at sa paghawak sa kawayang sandalan ng tulay ay tumayo na sa kaniyang tabi na may dalawa o tatlong langgam lamang ang layo. “Malayo na pala ang procession.” Hindi kaagad makasagot si Arvin. Waring hinahanap pa niya sa nakahahalinang mga mata ng nilalang na nasa tabi niya ngayon ang anumang bagay na magpapatiyak na hindi nga siya nananaginip. Oo, totoo na may bumati sa kaniya ngayon-ngayon lamang at naghihintay pa rin ng kahit anumang tugon na manggagaling sa kaniya. Sa loob-loob ng adbenturerong tubong Calamianan ngunit laking Maynila, mabuti na lamang at may trabaho na ang asawa niyang si Lea sa MRT. Kung hindi ay siguradong walang pupuntahan itong magandang pagkakataon na ito. Hindi pinahalata ni Arvin ang kaba niya nang lumabas na ang kaniyang malambot na tinig, “A, oo nga.” Pasimple muna niyang pinitk ang upos ng naghihingalong sigarilyo sa bandang likuran ng kausap, bago pa dinagdagan ang kaniyang iniisip pang sabihin. Baka kasi mainip iyung babae. Ngunit mukhang hindi naman. “Ako nga pala si Luke.” “A, ako si Arvin. Nice to meet you, Luke. Luke? Di ba pangalan ng guy ‘yan? Parang si Luke Perry, o Luke Skywalker. O baka naman Luke for Luke-aret? Hehehe! Joke, joke, joke!” Natawa iyung babae. “Ha ha! Ewan ko nga sa Mommy ko.” “Tagarito ka rin ba, Luke?” “Hindi.” “Tagasaan ka?” “Malayo. Basta. Siguradong hindi mo pa napupuntahan iyong lugar namin. Pero dapat makapasyal ka rin doon.” “Oo naman, I have all the time in the world. At ako nama’y single, available.” Talagang binigyan ni Arvin ng kakaibang diin iyong huling dalawang salitang sinambit niya sa magandang dilag upang makita niya agad ang magiging reaksiyon. “Ganun ba. Ako rin naman.” Lumiwanag ang mga mata ng nagpapanggap na wala pang sabit sa buhay. Pakiramdam niya, ayos na ito. Kaunting pain na lamang sa sima at kakagat na ito. Masyado nang marami ang naglalaro sa kukute ni Arvin. Pati ang t***k ng kaniyang puso, parang wala nang tigil sa pagtambol. “Ah, Luke, p’wede bang magtanong?” “Okey lang.” “Ah, anong itinerary mo ngayon? Kasi, nakita mo naman, tanghalian pa lang ng bisperas ng p’yesta namin dito eh full-packed na. Gusto mo bang samahan kita sa procession? O, p’wede kong kunin ‘yung motor ko sa bayan, p’wede kitang i-tour dito.” Tumahimik ang babae at umiwas muna ng tingin sa ating bida. Parang nakaramdam nang pag-aalangan marahil sa mga ipinahiwatig ng lalaki. O baka naman – katuwiran ni Arvin sa sarili – masyado lang akong mabilis. Pero hindi. Kahit nakatingin sa malayo, halata namang nakangiti pa rin. “Arvin, maaari bang magtanong din sa iyo?” Biglang lumakas ang loob ng ating bida. Kaya – buong-buong sinabi niya sa kaniyang sarili – sige, go! “A, oo naman! Shoot! What’s up? What’s up ba sa mind mo now?” Tumawa nang bahagya si Luke na parang kinikiliti ng mga salita ng adbenturero ang tuyong-tuyong kilikili niya. “Kasi, gusto ko sana…” Nakabibitin iyung sinasabi ni Luke. “Gusto ko sana ng ibang klaseng excitement.” “Ha?” “At gusto ko iyong tayong dalawa lang ang magkasama.” * Pasimple munang lumunok ng laway si Arvin. Kinapa-kapa niya ang bulsa ng walking shorts niya at baka kasi may dala siyang Stork man lamang na kendi. Sa loob-loob niya kasi – mukhang tama lamang ang mga kilos niya. Kaya, sa tingin niya, pinakamahina na rito’y ma-lips-to-lips niya itong si Luke, with matching flirt-flirt na iyun. Hindi! – ang wika ni Arvin sa sarili – Hindi siya maaaring magkamali sa ipinahihiwatig ng babae! Hindi naman siya asyumero, ‘no? Ayos na! Gay-bi na ito! Sandali nga lamang pumasok sa utak ng adbenturero natin na baka mamaya pakawala lamang itong si Luke ng mga nakatabi niyang blood relatives ng war veterans kanina. Baka mamaya pinagtri-tripan lang siya ngayon ng kung tawagin nga niya’y ang “hukbong hukluban” na iyun. Ngunit malabo itong mangyari. Wala na rin naman kasing katao-tao ngayon sa paligid nila dito sa tulay Sabang. Pati nga iyung agos ng ilog ay pawang nakikisama na rin kay Arvin at malumanay na ang daloy. Wala na rin ang mga nagliparang mga puting lobo kanina, kaya lumitaw na naman ang likas na kariktan ng kalikasan sa baryo ng Tagamingwit at tila inaawit pa ng hanging dumadaan ang mismong himig ng Burundok nga San Kristobal. Pakiramdam tuloy ni Arvin, nasa paraiso na siya. “What do you have in mind, Luke?” Hindi maaawat ang laking Maynila kapag dinadapuan ng libog. Nais talagang magpasiklab. Tumutuwid bigla ang Ingles. Ngunit – sa loob-loob niya – magpapakagat muna siya maski kaunti. “Gusto mo bang mag-swimming muna tayo ngayon dito sa ilog? Malinis ang tubig dito. Parang ang motibo ko ngayon – malinis! Hehehe!” “Naku, sorry, Arvin! Takot ako sa tubig! Lalo na ngayon!” Kagat-labing napatigil sa pagsasalita ang magandang babae. May kung anong pumigil sa kaniyang pagpapaliwanag. Kinibit-balikat lamang iyon ni Arvin. Napansin nga lamang niya na parang nanginig sa takot iyung tinig ni Luke nang binanggit niya iyung ilog. Baka naman may hydrophobia – katuwiran ni Arvin sa sarili – pero, why siya nandito kung takot siya sa tubig? Ang gulo mo, Luke, ha!? “Eh, ano nga bang trip mo?” Kuwari’y hindi sinasadya, ngunit nang binitiwan ni Arvin ang walang-laman na baso ng avocado shake kasabay ng huling tanong niya at hinubad ang kaniyang shades ay tinapik niya nang bahagya si Luke sa makinis nitong balikat. Nakasuot lamang kasi ng sleeveless na blouse ang babae at naaaninaw ng adbenturero na wala itong bra dahil bumabakat ang mga tayong u***g sa manipis na tela ng kulay-dilaw na satin. Ang lambot! – winika ng lalaki sa sarili – parang bulak sa lambot! Pero – sandaling naitanong sa sarili ng ating bida – bakit parang sobrang madulas? Baka naman imported ‘yung gamit n’yang baby powder? Nangingintab na ang noo ng nagpapanggap na binata. Ngunit bakit kailangan siyang kabahan? Dahil anyong hindi naman pumapalag ang magandang dilag sa bawat abanse ni Arvin. Bagkus ay waring palaban pa ito. Katulad na lamang sa larong ahedres na hilig ding laruin ng lalaki sa piling ng kaniyang mga barkada sa Kulyaw, umatras muna siya nang sandali. Hindi bilang pag-aalangan, kung hindi bilang pagbuwelo sa mga susunod niyang mas mapangahas na hakbangin. Katuwiran ni Arvin sa sarili – dito na magkakaalamanan. “Gusto mo bang malaman kung ano talagang gusto ko, Arvin? Gusto kong dalhin mo ako doon.” Sabay turo sa matarik na bahagi ng kabundukan sa gawing kaliwa ng ilog Sabang; isang lugar na kung tawagin ay Ugong Bato. Hanggang magkabilang tainga ang ngiti ni Arvin. Sa talampas ng Ugong Bato na itinuro ni Luke ang lugar kung saan station itinayo ni Arvin at ng kaniyang kapuwa climbers ang station para sa zipline nila, na pinondohan naman bilang ni Mayor Sugay bilang opisyal na proyekto ng pamahalaang lokal. Ang Haguhit zipline. Sa katunayan ay bukas nga ito nakatakdang pasinayaan. Kung hindi lamang sa prusisyon ng Lantsa nga Santo Nino ay dapat nabuksan na ang zipline nila Arvin sa madla ngayon at magsisimula na sana silang tumabo kahit papaano ng kita sa kaniyang kinahiligan na sports activity, kasama ang mga may-kaya niyang katropa sa Maynila. Ngunit sa sandaling ito ay sadyang kinakasihan ng mabusilak na suwerte ang ating bida. “Gusto mo bang mag-zipline?” “Oo, pero not now. Puwede ba later?” “Okey lang, what time?” “Puwede ba mamayang hatinggabi?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD