Nabilaukan si Ramon, ang panganay na apo ng malaon nang yumaong Lola Maring ni Arvin, sa ikinukuwento ng mas nakababatang pinsan at muntik nang mailuwa ang tagay na Emperador sa nakangising mukha nito. Mag-aalas tres na ng hapon nang makabalik ang ating adbenturero sa kaniyang tinutuluyan kasama ang pinsan buo niyang si Ramon at ilang mga katropang climber sa bayan ng Kulyaw. Paano ba naman ay kabi-kabila ang libreng pakain at painom ng mga nakakikilala kay Arvin sa daan pabalik sa tinutuluyang bahay. Dagdag pa dito’y hindi naman siya makahihindi, sa dahilang may kasama na ring pag-aanunsiyo ang kaniyang mga pagtagay at pagtikim ng mga putahe’t pulutan sa mga napasyalang kabahayan. Bukas na kasi ang pormal na pagbubukas ng Haguhit zipline ng tropa nila. Tamang tama. Sa loob-loob ni Arvin, swak na swak ang midnight date niya mamaya kay Luke. Uunahan na nilang dalawa ni Luke na pasinayaan at basbasan ang Haguhit mamayang hatinggabi.
“Kaya naman pala!” Sabay halakhak nang malakas ni Ramon, muling tumagay ng Emperador sa isang babasaging baso at iniabot ito sa kainumang si James, kaibigan ni Arvin na mountain climber din, kababayan, at kasosyo sa Haguhit. Napakunot ng noo si James sa naging kilos ni Ramon. Hindi niya ito naunawaan.
Maging si Arvin, hindi nakatiis na usisain ang nakatatandang pinsan. “Anong kaya naman pala, Manong Ramon?”
“Kaya naman pala kanina pa tawag nang tawag sa akin ‘yang si Lea mo sa cellphone ko! Ang paliwanag ko sa kaniya e wala ka sigurong signal dun sa Tagamingwit. Kaso humirit agad ‘yung waswit mo, ‘insan. E nag-riring naman daw ‘yung cellphone mo. Hay, kaguwap’wan baya ang d’yaskeng ire! Meron ka palang inaatupag na iba, bukod sa pagbubukas ng zipline n’yo bukas! Hahaha!”
Nag-apiran si Ramon at si James. Patay-malisya lamang si Arvin. Pakiramdam niya, siya na ang pinakaguwapong lalaki sa buong Calamianan. Hindi niya alam kung tinamaan lamang siya ng matinding pag-inom ng alak o ng matinding pag-iral ng libog.
“Well, guys, sorry na lang kayo! Pero ganito talaga kaming mga Manila boys! Masyadong habulin! Besides, ano pa nga ang magagawa ko? Palay na ang lumalapit sa manok!”
Gulping naghalakhakan ang tatlo. Halos nalaglag iyung isang platitong mani sa mesa dahil sa malakas na pagtambol sa hapag ni Ramon. Si James naman ang nangantiyaw kay Arvin.
“Maganda ba talaga ‘yang Luke na ikinukuwento mo? Hahaha! Sana piniktyuran mo para naman nakilatis namin! Baka mamaya Luke-aret pala! Hahaha!”
“Hehehe! Hindi naman ganun kadali, pardz. Baka naman kung ano pang isipin nun kung bakit ko siya kinunan ng camera ko sa cellphone. Anoa ko, scammer? Gentleman pa rin ako, bro!”
“E di kunwari selfie-selfie lang pag may time! Hahaha!”
May biglang naalaala si Arvin at agad nang nagpaalam muna sa dalawa.
Ang hindi kasi alam ng Manong Ramon niya at ni James – at maging ng asawa niyang si Lea na nasa Maynila ngayon – sadyang iniwan ni Arvin sa silid niya kaninang umaga ang kaniyang cellphone upang mag-recharge. Dali-dali siyang pumanhik ng bahay at pumasok sa kaniyang silid. Bughaw na ang kapiranggot na ilaw na nasa ibabaw ng cellphone niya. Full charge na ito. Pagkatanggal na pagkatanggal niya ng cellphone sa saksakan ng koryente, biglang nakaramdam ng matinding antok si Arvin.
Umupo muna siya sa tabi ng kama niya at binuksan ang cellphone. Ngunit hindi na makatiis pa ang kaniyang namumungay na mga mata. Bumabagsak na ang mabibigat na talukap ng mga ito. Kailangan niya munang umidlip. Matulog. Tutal – sa loob-loob niya – maaga pa naman. At mamayang hatinggabi pa naman ang pagkikita’t pagtutuos nila ni Luke sa Haguhit zipline station.
Sa gulod ng Ugong Bato.
Hawak pa rin ang bagong bukas na cellphone, dali-daling nilapat ni Arvin ang kaniyang likod sa malambot na kama at ang kaniyang ulunan sa malambot na unan.
Masarap sa pakiramdam ang lambot ng higaan.
Maaga pa naman.
At mamayang hatinggabi pa sila magkikita ni Luke sa Ugong Bato.
Si Luke.
Sa Ugong Bato.
Sa ganap na paglapat ng likod ni Arvin sa kama at ganap na pagpikit ng kaniyang mga mata, lumalim ang paghinga ng adbenturero, at tuluyan na siyang nanaginip na may namumutawing ngiti sa kaniyang amoy-alak na mga labi.
*
Sa isang pambihirang pagkakataon lamang mahahagip ng pagtanaw ang lahat ng mga pangunahing tanawin sa Tagamingwit. At iyon ay doon sa bastiyon na nasa gawing silangan ng kutang simbahan ng naturang baryo. Sa nakababatid ng nakasulat na kasaysayan ng Tagamingwit, hindi na marahil kataka-taka kung bakit tinawag na kuta ang simbahan na ito. Sa maligalig na panahon ng ika-17 siglo, kung kailan bugbog-sarado pa ang buong lalawigan ng Calamianan sa walang-habas at tuloy-tuloy na pananalakay ng mga tulisang Moro mula sa katimugang bahagi ng kapuluan, doon unang inilagak ang mga batong nagsilbing pundasyon ng naturang istruktura, sa direksiyon ng isang magiting na Heswita, si Padre Veralles, na inilarawan sa mga akdang lokal ng Calamianan bilang tigib ng karanasan sa larangan ng pag-iinhinyerong pang-militar at arkitektura. Sa simpleng parisukat na hugis ng kutang simbahan, tumpak lamang ang nakatuktok na apat na bastiyon nito sa bawat kanto. Ang apat na bastiyon na ito ang nagsilbing tore ng mga tagabantay ng Simbahang Katoliko ng Espanya laban sa maya’t mayang pananambang, pandarambong, at iba-ibang kalapastanganang inihasik ng mga Moro sa payak na pamumuhay ng mga lehitimong Tagamingwit.
Subalit bukod sa yari at tindig ng batong kuta ay may lihim na naging sandata ang mga Tagamingwit na hindi kailanman naisulat sa talaan ng anumang kasaysayan ng lugar.
Mula sa bastiyon na nasa gawing silangan ng simbahan mahahagip ang buong kahabaan ng Sabang mula sa hilayang bantilan nito hanggaang sa hulong tila nang-aanyaya sa lahat ng magagawi at magkakasya sa bunganga ng bakawang tila balbas na umusbong sa hugis-pangang tabing-ilog dito. Kung ipupukol pa ang pagtanaw mga dalawa o tatlong hagis ng lambat ng paningin sa gawing kanan ng panginorin ay makikita ang pinakabumbunan ng Ugong Bato. At kung tititigan pa ng maigi ay kapansin-pansin ang isang istrukturang nakatitiyak ang makakikita na ito’y isiping likha ng tao at hindi ng kalikasan. Ang Haguhit zipline.
Sinindihan ni Mayor Budz Sugay ang kaniyang tabako. Pagkatapos ay iniabot ang lighter sa kaniyang katabing nakaupo sa kabilang butaka. Si Padre Aquino. Tinanggihan ng matandang pari ang alok ng mas nakababatang halal na alkalde ng Tagamingwit. Tila kasinlalim ng tinatanaw na ilog Sabang ang iniisip ng alagad ng Simbahan Katoliko.
Binasag ng alkalde ang katahimikan.
“Father, sigurado ka bang siya iyung binabanggit sa lihim na kasaysayan ng Calamianan?”
Nilingon ni Padre Aquino ang nag-uusisa’t marahan niyang sinagot ang mahiwagang katanungan.
“Anak, tinitiyak ko sa iyo at kahit malayo na kami sa Lantsa nga Santo Niño, kitang-kita ng dalawang mata ko ang anino ng mga pakpak ng mangalok na nagkubli sa mga lobong puti na ipinalipad kanina at nagpasalupa una bilang isang itim na pusa, at pagkatapos ay bilang isang…”
“Bilang isang ano, Father?”
Hindi na nais pang magpaliwanag ng pari sa pangambang baka magdalawang-isip ang alkalde sa kanilang lihim na misyon. Napansin niya agad ang marahang paglamya ng sinag-araw sa tuktok ng bulubunduking pumapaligid sa kabilang isla na bayan ng Calamianan. Ang bulubundukin na ito ang magakatabing bundok ng Banaghaw at San Kristobal. Ilang saglit matapos ang pagkalembang ng nag-iisang batingaw ng kutang simbahan, sa dakong kaliwa ng kinatatayuan ng dalawa, ay nagtatatakbong lumapit ang batang sakristan na kasama ni Padre Aquino kaninang umaga sa misa. Agad ding tumindig ang pari upang salubungin ang inutusang kasimbahan.
“Father, nakahanda na po ang motor ninyo sa ibaba. Full tank na po iyon. Wala na rin pong problema iyung lantsa, Father.”
“Maraming salamat, Damian. Sige, magpahinga ka na sa iyong silid. Alisto ka lamang, iho, dahil itetext o tatawagan agad kita kung ano’t anuman ang mangyari sa aking mahalagang lakad mamaya.”
“Opo, Father.”
Naramdaman ni Padre Aquino ang katapangan sa himig ng tinig ng batang lalaki. Nang papalayo na ang bata’y bumaling kay Mayor Sugay ang kura paroko. Napilitan na ring ulitin ng pari ang mga detalye ng kanilang balakin. Habang may sapat pang panahon.
“Siyangapala, Budz, maraming salamat sa inyong tulong. Dahil kung hindi sa inyo ay hindi natin basta-basta mapapauwi si Arvin dito. Mahigpit ang naging habilin ni Miling sa bata na huwag na huwag na muling itutuntong ng bata ang kaniyang mga paa dito sa Tagamingwit.”
“Sino pa ba ang magtutulungan sa panahon ng krisis kundi tayong mga hindi nalagas sa pakikipagdigmaan na ito? Ang mga ninuno namin ang umubos sa mga Moro bago pa dumating ang mga Kastila…”
Marahang iniangat ni Padre Aquino ang kanang hintuturo at inihimpil sa mga nakangusong labi, sunod ay seryosong nakiusap sa alkalde.
“Budz, sa totoo lang, para sa akin ay napakahalaga pa ring pag-usapan kung ano ang tama at kung ano ang mali… kung ano ang mabuti para sa lahat…”
Bahagyang napayuko si Mayor Sugay, inilagay sa ash tray ng isang kalapit na mesa ang tabako at pagkatapos ay naghanap ng kendi sa loob ng bulsa ng kaniyang polo shirt. Nang makahagilap na ng isa ay agad niyang tinalupan ang plastic na balat nito. Tahimik na nginuya ng alkalde iyung kendi. Sa buong palagay ni Padre Aquino, tuluyan nang naudlot ang tangkang pagpapaliwanag sa kaniya ng itinuturing na pinakamakapangyarihang politikal na nilalang sa buong Tagamingwit.
“Father…”
Kung anuman ang dahilan ay biglang tinaasan ng tinig ng pari ang kausap, “Tama na ang paliwanag! Nangyari na ang mga nangyari! Pero huwag na huwag mong ipapasok sa natitirang kukute mo, Budz, na ang pagtalima ko sa iyo ngayon ay nangangahulugan ng pagsuko ng buong Simbahan sa inyong kagustuhan!”
Humagalpak ng halakhak ang alkalde ng baryong Tagamingwit. Muntik pa niyang malulon iyung kendi.
Naging malaman ang sumunod na pasaring ng kausap ni Padre Aquino.
“Father, huwag na huwag mo rin sanang ipasok sa iyong banal na kaisipan na kapag kami na ang kumilos ay kaya ka pang ipagtanggol ng kutang Simbahan mo! Tumalima ka sa kasaysayan ng Tagamingwit, Father! Kailanman ay hindi namin binitiwan ang poder ng aming kapangyarihan dito sa bahaging ito ng lalawigan!”
Biglang napalunok ng laway ang kura paroko ng baryo at nanahimik. Ipinihit ang titig sa Ugong Bato, kung saan sa bandang likuran ng burol na ito’y nagsisimula nang magtago ang papalubog na araw.
Sabay na ring tumalikod si Mayor Sugay kay Padre Aquino upang hindi na nito magambala pa ang napipintong paglalakbay ng pari ngayong malapit nang magtakipsilim. Hindi na tuloy naulinigan ng matandang pari ang pabulong na sambit ng alkalde na isinabay niya sa pagbuga ng usok ng tabako.
“Nawa’y huwag kang abutin ng takipsilim sa Ugong Bato.”