Mahamog at nakangangaligkig na ang lamig sa malubak, matarik at mabanging daan na papanhik sa bagong-gawang Haguhit zipline station sa pinakatalampas ng Ugong Bato. Pakiramdam ni Arvin ay isang kumpol na ng yelo ang kaniyang tonsil. Manhid na rin ang kaniyang mga labi at pisngi kung kaya ipinatabi na muna niya kay Manong Ramon ang motorsiklo sa isang gilid ng daanan ng matarik na gulod.
Mula sa kaniyang kinaroroonan ay tinanaw niya ang station. Nag-iwan kasi ng mga solar light sina Ramon at James sa magkabilang gilid ng malaking karatula na nakasabit sa isang matarik na bahagi ng talampas at nagpapahayag ito ng pagbukas ng Haguhit zipline bukas sa ganap na ika-sampu ng umaga. Ilang minuto na lamang at maghahatinggabi na. Di tulad ng Manong Ramon niya ay wala siyang suot na helmet. Istorbo kasi ito sa kaniyang pagyoyosi kanina habang angkas siya sa motor.
Napansin ni Arvin na pinatindig na ni Ramon sa stand ang motorsiklo, inalsa ang sarili mula sa pagkakaluklok at nagsindi ng yosi. Kasunod sa unang hithit-buga ni Ramon ay nilingon naman ni Arvin ang zigzag na daanang ligtas na nilang nalagpasan. Para kay Arvin, bukod sa matinding lubak ay naging mas mapanghamon ang tarik nito ngayon. Noong sineset-up pa kasi nila ang station, ang minamaneho ni Manong Ramon niya ay ang trak ni Tay Hesus at komportable silang naka-upo ni James sa bagon ng trak – habang tumatagay pa ng Empy. Kung kaya naman ngayong dalawa o tatlong lundag na lamang ng motorsiklo sa rampa ang layo ng Haguhit at sa walang-pagkontrang katiyakan na maghahatinggabi na, ramdam na ramdam na ni Arvin na ang matinding sakripisyong pinagdaanan nila ay may abot-kamay nang gantimpala.
At si Lea? – sa loob-loob ni Arvin – bakit? Napaano si Lea? Wala namang pinagbago ang pagiging syota at ngayo’y asawa na! Malayo man ako o nasa tabi niya sa pagtulog, wala naman itong pagbabago. Selosa to the max! Hamonasiya!
Napaismid ang ating bida.
“Manong Ramon, ikaw na ang bahala, okey?”
Mabilis ang sagot ni Ramon. Bukod sa dugong nananalaytay sa ugat ng dalawang nilalang na nagpapahinga sa paahon ng Ugong Bato, magkatropang dikit din ang turingan nina Arvin at Ramon. Kung kaya naman hindi na kailangan pang magpaliwanag nang mahaba ng ikanga’y manunuyong maniningalang-gulod sa eksaktong pagsuko ng mga kamay ng orasan sa hatinggabi.
Tumango si Ramon bilang paalam kay Arvin, muling isinuot ang helmet at pinaandar ang makina ng motor. Maya-maya pa’y sinundan na ng tingin ni Arvin ang paglusong ng sasakyang patungo sa Sabang Pass upang makarating ang kaniyang pinsan sa kabilang dulo ng Haguhit zipline. Estima ng lalaki naiwang mag-isa sa matarik at mabangin na bahagi ng gulod, wala pang isang oras ay dapat nasa kabilang station na si Ramon ng Haguhit. Sa pampang na ng bayan ng Kulyaw.
Kung pag-aaralan nating mabuti ang naging diskarte nina Arvin at Ramon, kasama ang iba pa nilang katropang mga climbers, magaling ang pagkakapili nila kung saan itinayo iyung zipline. Sa loob-loob ni Arvin, bilang sole proprietor at project manager ng Haguhit Pilipinas, Inc., ito marahil ang agad na naibigan ni Mayor Sugay sa proposal nila.
“Tawagin mo na lang akong Budz,” ito ang ibinungad ng alkalde ng Tagamingwit noong una silang nagtagpo sa isang sikat na café bar sa Calamianan para pag-usapan iyung proposed zipline.
“Ah, okay, sige, Budz,” parang pinasukan ng hangin iyung ulo ni Arvin. Hindi niya lubos maisip na cool pala kausap si Mayor Sugay. Kunsabagay, bago pa ang nasabing business meeting sa Calamianan ay pinagtanong-tanong na ni Arvin kung sino talaga si Mayor Salvador “Budz” Sugay. Siyempre pa, ang naging pangunahing pinagtanungan niya ay walang iba kundi ang Manong Ramon niya.
“Eh, Manong Ramon, baka naman mahirap kausap iyan. Alam mo naman, politiko. Baka mahirapan pa tayong maningil diyan pag nagkataon. Alam mo naman sa gobyerno, ang daming rekisitos.”
Napaisip muna si Ramon bago sumagot. May katuwiran kasi si Arvin. Ilang taon na rin kasing balibalita na napaka-corrupt ni Mayor Sugay. Ultimo iyung mga hindi dapat buwisan ay nagagawa niyang paaprubahan sa konseho ng Tagamingwit sa pamamagitan ng pagpasa nila ng kaukulang ordinansa.
Kung anong pag-uurong-sulong ni Arvin upang makipagkasundo kay Mayor Sugay pagdating sa proyekto, ganoon naman ang paninindigan ng alkalde na makuha niya ang sa palagay niya’y magiging isang patok na tourist attraction sa Tagamingwit.
Sa totoo lamang, dahil ang zipline station ng Haguhit ay nasa panig na ng Calamianan, maaari rin namang mapasailalim ang Haguhit bilang proyekto ng buong probinsiya. Sa madaling salita, maaari ring makipag-usap si Arvin sa mismong gobernador ng lalawigan ng Calamianan, at malamang makakuha pa ng mas maayos at mas kapaki-pakinabang na kasunduan.
Subalit nanaig ang kay Mayor Sugay sa tulong na rin ng Simbahan. Kinausap ni Padre Aquino ang mismong gobernador ng Calamianan at hiniling na ibalato na lamang ang proyekto sa Tagamingwit. Kung mayroon mang kapalit ang kahilingang ito’y tanging ang gobernador at si Padre Auino na lamang ang nakababatid.
Sino ba naman kasi ang hindi maaakit ng Haguhit zipline nina Arvin?
Una, ito’y tawid-ilog. Isang kapanapanabik na karanasan ito ng kapuwa mga lokal at banyagang turista. Kapag nakikisama ang panahon at banayad sa balat ang init ng araw, nagkukulay-pilak ang tubig sa ilog. At sa palibot ng ilog ay ang mga naggagandahang tanawin; sa gawing kanluran, timog-kanluran ay ang lumang kuta ng Tagamingwit at ang makasaysayang Sabang Pass, at sa gawing silangan, lagpas pa ng makapal na gubat sa gilid ng Ugong Bato, ay ang bulubundukin ng San Kristobal.
Pangalawa, kahit sino ang tanungin mong lehitimong taga-Tagamingwit ang magsasabi na ang Ugong Bato ay may angking hiwaga na nababalot sa maraming kuwento-kuwentuhan ng mga matatanda.
Bukod pa sa dalawang paliwanag na ito ay ang likas na pang-akit ng isang zipline, lalo na sa mga adbenturosong nilalang tulad ni Arvin at ng kaniyang mga katropa. May taglay na romansa ang karanasan ng isang nagpapatihulog sa kawad ng isang zipline.
Ikanga doon sa isang jingle sa anyong rap na nilikha ng tropa ni Arvin, si James, na may sariling banda na tangkang gamitin bukas sa pagpapasinaya ang nasabing ng proyekto:
Sakay ka na’t magpasingkaw,
Magpasingkaw, magpatangay;
Magpatangay ka sa sigaw,
Sigaw nilang di sasakay;
Sampay ka na’t h’wag magaslaw,
Magsalaw ang paa’t kamay;
Kamay’t pang nakalawlaw,
Nakalawlaw sa pagsampay;
Kaway-kaway sa balangaw,
Balangaw ng paglalakbay;
Naglalakbay sa pagbitaw,
Pagbitaw mo’y kaway-kaway;
Sumasabay, abot-tanaw,
Abot-tanaw, mundong buhay;
Buhay ka na! Ika’y ikaw!
Ikaw na ang sumasabay!
IKAW NA ANG ABOT-TANAW!
Sinimulan nang maglakad ni Arvin paahon, habang may bahagyang ngiting pinag-iisipin ang kaniyang “master plan.” Ang “master plan” kasi ni Arvin ay ganito: siyempre pa, unang-una, getting-to-know-each-other part two silang dalawa ni Luke sa mataas na plataporma sa isang dulo ng haguhit; secondly, yayayain niyang mag-zipline ang babae sa estilong passenger-carrier upang sabay sila sa danas ng paglipad nang walang bagwis at paglapag sa kabilang dulo; at, ang pinakaromantiko na bahagi ng kaniyang balakin, nagpatulong siya kay Manong Ramon na mag-set-up ng isang mesa at dalawang upuan, may nakahandang pagkain at isang bucket ng San Mig Light! At upang makatiyak ang damuho na walang magiging balakid sa kaniyang “maitim” na plano ay pansamantalang inihabilin niya muna kay Ramon ang kaniyang cellphone.
“Arvin! Pumanhik ka mang bundok, mananaog ka ring tuldok!”
Habang naglalakad paakyat si Arvin, umaalingawngaw sa tila isang malalim at malawak na kawalan ang malayong tinig ng kabiyak niyang si Lea. Ito kasi ang katagang huling binitiwan sa kaniya ng kaniyang selosang asawa. Pumanhik ka mang bundok, mananaog ka ring tuldok. Tubong-Calamianan din si Lea. Makata. Nagtratrabaho bilang call center agent sa Maynila na ang opisina’y malapit sa MRT Central Station. Ang tulad ni Lea ang labis na nagpapaniwala sa mga pamahiin ng kanilang lalawigan. Binuksan ni Arvin ang isang maliit na flashlight at itinutok ito sa kaniyang binabagtas.
Sa liwanag ng ilaw ng flashlight ay kapansin-pansin na ang panibagong kasuotan ni Arvin. Puting polo na may kuwelyo, itim na pantalon na may sinturon pang may makintab na buckle, de-balat na sapatos. Wala na iyung impormal na kasuotan niya kanina, iyung baseball cap at Rayban. Ang tanging hindi lamang nagbago sa lalaki ay iyung tatak ng kaniyang sigarilyo, iyung Marlboro Red na maingat na nakasilid sa kaliwang bulsa ng plantsadong itim na pantalon niya. Bagaman sigurista si Arvin. May iniwan na kasi siyang go-bag na The North Face sa station na naglalaman ng pamalit na reserbang damit at mga botang pang-climber, ilang pagkaing de lata, at iyung climbing knife niya na Spatha. Iba pa iyung Spatha na kasalukuyang nakasilid sa kanang bulsa ng pantalon niya.
Mabato ang huling bahagi ng tinutunton ng batang Tagamingwit. Kaya naman nakatungo pa ang paningin ni Arvin sa lupa nang may maulinigan siyang tila paghapon ng mga bagwis ng isang agila o isang malaking ibon sa mismong plataporma ng Haguhit zipline. O baka naman isang naligaw na balinsasayaw. Ayon sa Manong Ramon niya, may malapit na kaniyogan sa ibaba ng Ugong Bato na gusting-gustong pamugaran ng mga dayong ibon. Kaya sa loob-loob ni Arvin, baka nga sa isang malaking ibon lamang ang narinig niyang nagpagaspas ng bagwis.
Sa wakas ay nakarating din sa istasyon ng zipline ang adbenturosong nilalang. Sa ilalim ng liwanag ng mga solar light ay tinungo ni Arvin iyung generator na nasa isang gilid ng station. Pinaandar niya ito.
Kung sa anumang kadahilanan ay hindi matiyak ni Arvin, subalit nang pagkatapos niyang paandarin ang generator at silipin niya ang kabilang station ng zipline, parang may narinig siyang malakas na pagpreno ng gulong ng isang motorsiklo at isang pamilyar na hiyaw sa gawi doon.
Lumapit siya sa gilid ng talampas, halos dalawa o tatlong hakbang na lamang ng isang sanggol bago pa sa mismong dulo na ng mabanging bahagi ng gulod. Nandito kasi ang kawad ng zipline. May maliit na platapormang kahoy na gawa sa kawayan ang tuntungan ng mga prospektibong kustomer na magpapatihulog sa zipline.
Maya-maya pa’y nakaramdam si Arvin ng malamig na hangin na umihip sa bandang kaliwang tainga niya. Agad niyang kinapa ang tainga niya sabay lingon.
Muntik na siyang mabuwal sa kinatitindigan niya nang tumambad sa kaniya ang kaniyang kausap ngayong hatinggabi sa gulod ng Ugong Bato.
Si Luke.
Kasabay ng pagtambad ng mahiwagang nilalang sa likuran ni Arvin ay biglang sumabog sa liwanag ang buong papawirin dahil sa isang fireworks show na sinimulan na sa Kulyaw, ang kapitolyo ng Calamianan.
Hindi matiyak ni Arvin kung guni-guni lamang niya, subalit nang titigan niya ang mga mata ni Luke sa ilalim ng nakasisilaw na liwanag at nakabibinging ingay ng sinimulan nang fireworks show mula pa sa kabilang pampang ng ilog, napansin niyang sa bahagyang pagngiti ni Luke ay tila kuminang ang isang nakapangingilabot na imahen sa likod ng mga namumutlang labi nito – ang napakatalas na kislap ng isang pangil.
Biglang sinumpong ng pag-andap ang dalawang solar light na nakakabit sa magkabilang dulo ng karatula ng Haguhit, na nakasabit naman sa gilid ng talampas. Dahil dito, isabay mo pa ang sari-saring kulay na nagpaliwanag sa papawirin, hindi na napansin ng lalaking adbenturoso na mayroon palang ibang nokturnal na nilalang na lihim na nakabantay ngayon sa kaniyang bawat kilos at galaw.
Malayong-malayo sa hinagap ni Arvin na dito pala sa Ugong Bato, kapag inabot ka ng takipsilim, tiyak na hinding-hindi na mahahanap ng isang nilalang ang kaniyang pagnanais na makapag-isa muna, kahit sa isang kisapmata man lamang.