bc

Haguhit

book_age16+
52
FOLLOW
1K
READ
adventure
straight
multi-character
realistic earth
rebirth/reborn
weak to strong
like
intro-logo
Blurb

May lihim sa nakaraan ang nagbabalik-lalawigang si Arvin Mabugal. Sa bisperas ng piyesta ng baryo Tagamingwit, may makikilala si Arvin Mabugal, tubong Calamianan subalit laking Maynila, na isang mahiwagang magandang dalaga, si Luke, na nais makipagkita sa kaniya pagtuntong ng hatinggabi sa Haguhit zipline na bagong tayo nina Arvin at ng kaniyang mga katropa. Susuwayin kaya ni Arvin ang malaon nang pamahiing-bayan ng Calamianan na ito - Huwag ka sanang abutin ng takipsilim sa Ugong Bato?

chap-preview
Free preview
Kabanata 1
Huwag ka sanang abutin ng takipsilim sa Ugong Bato. * Matapos basbasan ni Padre Aquino ang katutubong ilog ng Sabang, siya naman ang pinaliguan ng nakangangaligkig na buhos ng palakpakan mula sa mga taong naroroon; lalo na iyung nagmumula sa ilang mapapalad na nilalang na nakagayak ng puting barong at Filipinianang kay igaya sa paningin. Mga Tagamingwit na masiglang nakapalibot sa mababa’t maliit na entabladong kahoy na kinatutuntungan ng animnapu’t isang taong gulang na alagad ng Simbahang Katoliko. Sa pagbalik noong matandang pari sa pambasbas na gawa pa sa hinimay-himay nang pino’t sariwang dahon ng saging na may kasama pang munting buhong sisidlan, na matiyagang tangan naman ngayon sa magkabilang palad ng isang batang sakristan, ito naman ang nagsilbing hudyat sa konduktor ng banda ng musiko na nasa gawing kaliwa ng entablado na banlawan na ang lahat ng mga naroroon ng kanilang paboritong himig sa tuwing sasapit ang yugtong katanghalian ng kanilang araw ng kapistahan. Ang Burundok nga San Kristobal. Kaalinsabay nito’y sinenyasan na ni Sister Faustina, prinsipal ng Tagamingwit Elementary School, ang kaniyang tatlong guro upang pakawalan na ng kanilang mga batang estudyante ang mga hawak-hawak nilang puting lobo. Pumailanlang at nagsalasalapid ang tila mga bula ng pangarap na isa-isang nagsilikas sa paningin ng mga napatangang tagalupa’t nagpatangay sa mga ligaw na hangin na wala namang tiyak na kapararakan. Ang mga tali na buntot ng mga lobong ito ang parang mga walang-silbing timon sa walang kasiguraduhang paglalayag ng mga bulang pangarap na ito. Habang ang karamiha’y malayang nakaalpas, may ilan na nagbuhol ang mga buntot at animo’y nagsipag-asawahan na sa paglipad; ilan naman ang nabahura ang buntot sa dahon-dahon ng ilang matatandang puno sa kaniyogan. At hindi na rin marahil masamang aminin na mayroon ding kusa na lamang na nagpatiwakal at pumutok sa kaniyang inaakalang mistulang pag-iisa. Samakatuwid, sa lawak at lawig ng himpapawid ay nagtunggalian sa pagpanhik ang mga nangagsilutangang pangarap ng magkahalubilong pag-isa at pag-iisa. Nagsimula nang gumalaw ang malaking daloy ng mga tao na may nagkakaisang hangaring makapanguna sa pagbuntot kay Padre Aquino. At katulad nga ng may edad na na kura paroko ng maliit na baryo ng Tagamingwit, karamihan nga’y patungo na sa malaking bangkang may katig ang magkabilang balikat at halatang bagong pinta ang buong pangangatawan. Ito ang ipinagmamalaking paglalagakan ng simulacrum ng Santo Niño de Calamianan; ang sasakyang pang-ilog na pinakinis nang husto ng ilang linggong pag-ukit, pagliha’t pagmasilya ng mga inupahang manglililok sa dakong ibayo pa ng Baskigen. Ang Baskigen ang pamosong lugar ng mga tanyag at subok nang manggagawa ng mga sasakyang pantubig para sa buong lalawigan ng Calamianan. Iba ang kariktan at malaki ang istruktura ng bangka na ito; sapagkat hindi lamang hilamos, kung hindi ibinabad talaga ang kabuuan nito sa panibagong timpla ng primera klaseng alkitran at masinsinang pinag-igihan ang pagmasilya upang hindi basta-basta malukob sa tubig, tabang man o alat, sa matagal-tagal na panahon. Upang tumingkad na rin ang banayad na pag-ukit ng maraming malikhaing kamay, daliri’t palad na hiniram pa, wika nga, mula sa kanlungan ng Diwata ng Likhang Lilok. At kung hahaplusin ang magkabilang pisngi ng bangka ay di-malayong aakalain na sa labis na kinis nito’y tila ba mga pisngi ito ng isang marilag na dalagang matagal nang pinipintuhong mahagkan man lamang ng isang makisig na mangingibig, maski man lamang sa ganting daloy o agos ng isang panaginip. Mayroon din itong sariling singkaban na pinalalamutian ng sari-sari at makukulay na dapo na nagmula pa sa karatig-bundok ng Banaghaw. Yumuyukod, bagaman, ang samyo at alindog ng mga naturang bulaklak dahil na rin sa masiglang init ng katanghalian at kakaibang halumigmig na hindi naman pangkaraniwan sa bahaging ito ng pampang ng ilog Sabang. Daig pa ang magarbong bantilan sa ilaya ng Sabang na nagsilbing paliguang batis ng halos lahat ng kabataang lumaki sa baryo ng Tagamingwit. Ang bangka na bininyagan ni Mayor Sugay ng pangalang Lantsa nga Santo Niño; ang bangka na ito ang sumasagisag sa nagkakaisang damdamin ng buong pamayanan na salubungin ang kaarawan ng patron nilang si San Kristobal. Si San Kristobal ang dakilang mangangahoy at taga-ilog na sinasabing pumasan sa batang si Hesus sa kaniyang banal na pagtawid sa ilog ng buhay. Na isa namang itinuturing na na kuwentong-bayan maski sa labas ng lalawigan at mayroon pang baon na balintunang doble ang palaman; dahil ayon sa naturang kuwento habang pasan-pasan sa balikat ng matikas na Kristobal ang batang Hesus sa pagtawid sa rumaragasang mga agos ng isang ilog ay pasan-pasan naman sa murang balikat ng batang si Hesus ang mismong buong sandaigdigan. Isang uri ng kakaibang doble-pasanin, wika nga. Ang dambanang bangka na ito ang may sarili ring nakasampay na bandaritas sa magkabilang matatayog na poste ng kawayan, kung saan nakasabit ang ilang mga katutubong titik na yari sa mga espesyal at makukulay na papel at sumasagisag sa payak na pumumuhay at pakikisalamuha ng mga lehitimong Tagamingwit; habang tangay-tangay din ng mga ito ang isang malaking trapal na masayang ipinangangalandakan ang mga katagang Maayong Pista sa Tagamingwit! From Mayor Budz Sugay. * Mababakas sa musmos na mukha ng mga kabataang mag-aaral ng Tagamingwit Elementary na wala na sa kanila ang nakaaalam sa titik at himig man lamang ng matandang awitin na Burundok nga San Kristobal. Kung kaya’t ang mga mamamalas na lamang na nakasasabay nang husto sa pag-awit nito ay sina Padre Aquino mismo at ang ilang mga kasinggulang niyang nangunguna sa nakatakdang pagtawid at pagsakay sa kawayang dibuho ng dambana na lulutang-lutang sa gitna ng ilog. Mayroon pa rin pala. May mga matatandang tinig na nagmumula doon sa Sabang Pass, ang tulay na sadyang tumatawid sa kalawakan ng di-gaanong masiglang ilog at dumudugtong sa islang kinapapalooban ng baryo Tagamingwit at sa pangunahing isla kung saan naroroon ang kabiserang bayan naman ng Calamianan, ang Kulyaw. Ito namang mga tinig na ito, na nakahiwalay sa kaagad na palibot ni Padre Aquino’t ibang pinagpala ngunit masigasig pa rin ang pagkanta, ang grupo ng mga angkan ng mga beteranong napasabak laban sa pagsakop ng mga Hapon noong WWII. Na maaga pa lamang ay nagtipun-tipon na sa tulay at ngayo’y taimtim na iniaakay ang kanilang nananatiling martsa ng pagkabuhay, kasunod sa mga nauna nang sumakay sa dambanang Lantsa nga Santo Niño mga dalawa o tatlong pukol ng granadang atis ang layo sa kanila. At sa paglisan nga ng mangilan-ilan ding anak ng mga bayani na ito sa tulay Sabang na pasipol-sipol pa ay may naiwang lumantad sa araw na isang nilalang; animo’y kuntentong nakasuot ng baseball cap at Rayban na salamin, habang nakatukod ang magkabilang braso sa kawayang sandalan ng tulay, sumisipsip sa straw ng kaniyang avocado shake at halinhinang hinihithit ang sigarilyong Marlboro red at bumubuga ng maputing usok ng nakalalasong nikotina. Siya si Arvin. Nang makalayu-layo na ang pulutong na ito na kani-kanina lamang ay katabi niyang nasusuya sa kaniyang pagbuga ng usok sa gitna ng init ng katanghalian at pagkakakumpol-kumpol ng iba pang mga tao sa tulay, mayabang na hinubad ng beynte kuwatro anyos na adbenturero ang kaniyang Rayban at sabay iniluwal ang mga matang namumungay at namumuliglig na may pahabol pang salita, “Alis na kayo? Susulat kayo ha? Ayos ‘yung peg ng mga wardrobe n’yong mga veterans! Push ko ‘yan sa gears ng Haguhit zipline ko sa Ugong Bato! Sponsored by yours truly – Mayor Sugay! Hehehe! Zipline-zipline naman pag may time kayo, okey?” Sabay bungisngis na may halong pang-aasar at mala-kabayong hithit-buga muli ng kaniyang rinerendahang Marlboro. Si Arvin Mabugal ay isang kakaibang anak ng Calamianan. Bagaman isinilang sa Tagamingwit, nakalampin pa lamang siya nang tumakas ang kaniyang binubugbog na ina, si Miling, sa pagmamalupit ng isang lasenggo’t sugarol na ama. Pinalabas ng batang ina na mabigat na balumbon ng labahin ang kaniyang bitbit-bitbit noong araw ng kanilang pagtakas. Ngunit, huwag ka. Si Arvin na pala iyon, na matiyagang pinadede ni Miling ng kaniyang malabnaw na gatas maaga pa lamang, upang sa mahimbing na pagkakaidlip nito dahil sa tama ng kolostrum ay hindi na makagagawa pa ng anumang kahinahinalang ingay iyong bata habang nasa loob siya ng malambot na balumbon ng mga bagong nilabhang mga unan, kumot at iba pang mga gamit na karamiha’y para sa sanggol. Pagdating sa kalsada, mga dalawa o tatlong pukol pa lamang ng bote ng Emperador ang layo sa pinaglayasang tahanan at nang makakita ng bakanteng traysikel, tiyumempong ipinara agad ito ni Miling sabay sampa sa bagon nang walang-lingunan at sigaw sa drayber ng, “Sa Bayan, kay Tiya Maring!” At naganap nga nang mabilis ang mga sumunod pang pangyayari. Palibhasa’y hindi naman nakapagtapos itong si Miling ng high school man lamang, kaya pagtawid ng tulay Sabang tungong kabayanan ay agad nagpasya na mangungutang siya ng pamasahe sa kaniyang tiyahin upang doon na lamang makipagsapalaran sa Maynila kasama ang panganay na si Arvin; at tuluyan nang layasan ang kaniyang mapait at mapusok na nakaraan. Oo nga naman. Kaysa naman na gumising siya araw-araw sa kabayanan na puspos ng pangamba ang kaniyang dibdib. Na sa isang biglang pagliko ng takbo ng kaniyang tadhana’y masalubong niya ang demonyong bumubuga ng apoy ang mala-tambutsong bibig na ginatungan na ng ilang bariles ng Emperador at walang laman ang puso’t utak kung hindi ang susunod na hatag ng bagong-balasang baraha sa kinababaliwang tonghits. Ito ang kaniyang kinatatakutang sariling katalagahan sa buhay. Kung hindi nagdasal nang ilangdaang beses si Miling kay San Kristobal, ang patron ng bawat manlalakbay, ay hindi siya mauuntog sa katotohanang kailangan na niyang humulagpos sa bitag ng matinding kahirapan na nakaukit sa kaniyang mga palad upang mapasuso man lamang nang maayos ang kaniyang bugtong na anak ng gatas ng mapayapa’t maunlad na pamumuhay. Bagaman tumulong naman ang Tiya Maring at pinahiram (hindi na kamo utang!) ang batang pamangkin, ang tanong naman nito’y, “Aba’y saan ka naman tutuloy sa Maynila? At ano namang trabaho ang papasukan mo doon? E, hindi naman sa ano, e ang gawain mo lang naman ‘ata buong maghapon sa inyo e alagaan ‘yang bata, tapos maglaba, magsaing at tapos hintayin mo ‘yang baryado mong asawang mabalëng para sampahan ka’t sampal-sampalin pagkatapos, ha? Diyos ko, Miling, kilabutan ka naman sana sa sumpa ng bayan natin!” Sabay nag-antanda ang kilalang mambabarang sa Tagamingwit. Masakit para kay Miling. Ngunit alam din naman ng ina ni Arvin, mas masakit kung walang tutulong sa kaniyang kalagayan. Ang mahalaga’y may tulong na dumating. Iyon na iyon. Naging tanga na kung naging tanga, makahulagpos lamang siya sa apoy ng impiyerno. Manapa’y isama na rin dito ang malaking tulong ng isa sa mga masusugid niyang manliligaw at kababata kahit pa noong nag-aaral pa lamang sila sa Tagamingwit Elementary. Ang pinakamatalik na kaibigan ni Miling – si Jessie.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Luminous Academy: The Intellectual

read
41.0K
bc

Guillier Academy ( Tagalog )

read
185.1K
bc

Ang Mahiwagang Puting Liquid

read
41.7K
bc

MAYOR DUX: My Brother Is My Lover

read
129.2K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
69.1K
bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
98.8K
bc

The Father of my Child- (The Montreal's Bastard)

read
159.9K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook