CHAPTER 4
Kiray’s PoV
Isang malaking katanungan sa akin kung paano manligaw ang isang juding. Hindi naman siguro niya ako liligawan gamit ang mamahaling manicure set, makeup set, signature bag and shoes na kulay pink. Pwede naman pero mas gusto ko yata ang tradisyunal na panliligaw. Hindi man gaya ng sinauna na mag-iigib pa sa poso, magsisibak ng kahoy, at maghaharana pero yun bang ganu'ng level ng effort.
Talagang gusto ko siyang tanggihan, hindi dahil choosy ako kundi, natatakot ako. Napaka perpekto ni Cong. Alex para sa akin, hindi man kapansanan ang pagiging bi pero iyon talaga ang isang napakalaking hadlang para pumayag ako sa gusto niya. Bukod sa pisikal na katangian, ang imahe niyang magaling, makisig, at kagalang-galang na kongresista ay nakaka-intimidate. Parang napaka perpekto niyang lalaki sa paningin ko. Hindi imposibleng mahulog ako sa kanya. At paano kapag nangyari iyon? Masasaktan lang ako.
Ngayon pa lang na nag seryoso siya ay hindi na mapakali ang puso ko. Nauutal ako, naninigas ang buo kong katawan nang kinulong niya ako sa matigas at maugat niyang mga bisig at dama ko ang malapad niyang dibdib. Sa kanya masarap magpa headlock hanggang mag violet.
“P-paano manligaw ang?” lakas-loob kong tanong.
“Ganito.”
Pero bago ko pa matapos ang bibigkasin ko ay bigla na lang niyang hinawakan ang aking kamay. Muli niya akong tinitigan at kinorer, just like the way I like it. Parang pakiramdam ko ay secured ako at protektado.
“Ms. De Masupil, may I invite you to dinner?
Tumango na lang ako dahil gusto ko rin naman. Kakain na sana ako kanina kaya ko tinapos ng maaga ang aking livestream. Kaso kinidnap ako ng mga tauhan niya.
Paglabas namin ng office niya ay mabuti, wala ng mga tao. Pero para talaga akong VIP dahil sa tindi ng pag escort sa akin. They are treating me like a princess. Nahihiya ako. Paano pa kaya kung formal na niya akong ipapakilala in public?
“Ahm, Love, pwede bang mauna na kayo, susunod lang ako? Kasi hindi pa ako sanay na ganito ka main character,” bulong ko kay Cong.
Sinunod naman niya ako at inutusan ang tauhan niya na bahagyang dumistansya. Ako na ang kusang lumayo sa kanya dahil hindi pa ako handa. Nauunawaan naman nila. Isa pa, busy si Alex sa kanyang cellphone, may kausap siya kaya hindi niya na ako maasikaso.
Hanggang nasa parking lot na nga kami. Nahati ang security team sa dalawang grupo. Sa kaliwa at sa kanan. At dahil pare-pareho lang silang naka itim na suit kaya hindi ko alam kung sino ang susundan. Doon ako sa kanan, hindi kasi ako nangangaliwa. Iisang lugar lang naman siguro ang pupuntahan namin kaya kahit saan naman ako sumunod ay ok lang.
Tumapat ako sa itim na SUV, alam kong ito ang kotse niya dahil dito ako sinakay kanina. Pero bigla na lang nakita ko ang isang pulang kotse na paalis na at lulan no’n si Cong na nakadikit pa rin ang cellphone sa kanyang tenga.
Nanlaki ang mga mata ko habang pinagmamasdan lang papalayo ang pulang kotse.
“Miss De Masupil, anong ginagawa niyo diyan? Umalis na sila Cong,” sabi ng lalaking lumabas mula sa driver's seat ng itim na SUV na tauhan ni Alex.
"Huh! Iniwan niya ako? Hindi ba dito ang kotse niya—” natataranta kong tanong.
“Kay Boss Ram Forteza itong kotse, hiniram lang ni Cong. Iyon yung kanya, yung dumaan na Vios na pula.”
Napabuka na lang ang bibig ko. Ano nang nangyayari? Si Ram Forteza? Isa siyang sikat na businessman. Bago pa sumakit ang ulo ko sa kakaisip, naagaw ang atensyon namin sa alingawngaw ng matinis na kaskas ng gulong sa semento. Huminto ang pulang Vios sa harap ko. Bumalik si Alex. Agad agad din siyang bumaba mula sa backseat.
“I'm sorry, Love. Halika na,” sabi ni Alex at iginiya ako sa loob ng kotse niyang pula. Pag upo ko sa backseat katabi ni Secretary Helianna at Alex, napapagitnaan nila ako ay panay ang sorry ni Koy.
“Pasensya na talaga Miss Kiray. Akala ko naman kasi ay nasa loob ka na.”
“Ah ano kasi, du'n ako sa itim na SUV tumambay…”
Ang dami ko pa sana gustong itanong at napansin yata iyon ni Alex. Kaya kahit hindi naman siya obligado na magpaliwanag ay pinaintindi niya sa akin habang pinapa andar ni Koy ang kotse.
“Sorry, Love, hindi ko rin napansin kausap ko kasi si Sen. Reyes at saka about sa itim na SUV, hiniram ko lang sa bestfriend ko ‘yun pati yung iba niyang tauhan. Ilan lang talaga ang security ko.”
Talaga ba? Alam ko, rich kid talaga siya noon pa bakit siya nanghihiram ng kotse at tauhan?
“Mukhang nagugulumihanan si Ms. Kiray, Cong. Alex. Ako na magpapaliwanag,” sabi ng secretary niyang si Ms. Helianna. “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”
Hays, iyan na naman ‘yang Republic Republic Act na ‘yan.
"Under RA 6713, public officials are expected to live in, Integrity
responsibility, commitment to public interest, transparency, political, neutrality, professionalism, simple lifestyle. In short, lowkey lang ang pamumuhay ni Cong. Kaya wala siyang magarang kotse. Kaya nanghiram siya for this special occasion,” paliwanag ni Sec. Helianna.
Ganoon pala. Parang tumaas ang pag hanga ko kay Cong Alex. Hindi siya trapo. May gaya pa pala niyang politiko. At ang sabi? For this special occasion? Talaga bang pinaghandaan pa ako ni Alex?
Nanahimik ako buong byahe dahil hanggang ngayon ay nasa cloud nine pa ako. Parang panaginip.
Ang hirap paniwalaan na nandito ako ngayon, nakaupo sa harap ni Congressman Alex Catacutan sa isang mamahaling 5-star restaurant na ang pangalan ay hindi ko pa rin mabigkas nang tama kahit pa ilang ulit ko nang binasa sa menu. Masyado kasing sosyal, French cuisine at authentic French chef ang narito. Crystal ang baso at iba’t-ibang size ng goblet, gold-trim ang plato, at 'yung steak, parang mas mahal pa kaysa sa isang buwan kong sahod sa pagma-manicure.
Pero ang pinaka-highlights sa dinner date na ito ay yung lalaki sa harap ko. Napakagwapo. Finesse. Simply sweet. Maginoo. Very manly.
Naka black polo shirt lang si Cong Alex, medyo messy na ang buhok, nalanta na sa maghapong trabaho. Simple lang ang damit niya dahil naka simpleng black dress lang din ako. Kasi naman, bigla na lang akong kinaladkad ng mga tauhan niya. Hindi ko man lang napaghandaan ang first dinner date namin na sobrang romantic. May mini orchestra pa sa gilid at candle light.
Habang nakatingin siya sa akin habang nagbubuhos ng wine sa baso ko, para akong natutunaw. Hindi siya yung tipo ng lalaki na pa-charming lang. Hindi siya bolero. He is sweet in his own special ways. Lalaking lalaki. Well defined ang panga, mababa ang boses, at bawat galaw niya ay may kumpiyansa. Walang bahid ng pagkabakla. Sinong mag-aakala na pink ang favorite niyang kulay at kabisado niya pa ang color pallette nito. Malaki ang kanyang katawan, brusko, maugat ang bisig. Hindi mo talaga napagkakamalan. Huwag lang siyang titili.
“Masyado namang formal ito at elegante, Cong. Kakasabi mo lang, na ang public servant should live a modest life, simple living—”
“Ngayon lang naman. This is my reward for my hard work. Saka celebration ito, kasama na rin ang panliligaw ko, ganu'n ako katipid,” sabi niya at humalakhak. Pagkatapos sumipsip ng alak ay sumeryoso ng tingin. “This is my appreciation para sa ginawa mo. You saved me from humiliation. From physical pain. Ngayon, pwede na akong maglakad ng hindi nasasaktan.”
Parang kinilabutan ako sa sinabi niya. Hindi ito yung tipong date na after ng dinner, yayayain ka sa motel. Hindi siya ganu'n. Iba siya. Akala ko ang mukha lang niya ang perfect, pati rin pala ang prinsipyo niya sa buhay. Naiinlove na ba ako? Ang bilis naman.
Ang ex ko? Ang tanging ambisyon niya lang yata sa buhay ay magpalaki ng katawan. Para sa kanya, ang gym ang sagot sa lahat, problema sa pera? Gym. Kapag nagseselos? Gym. Mag-gym daw kami nang sabay para raw bonding. Ayaw niya akong dalhin sa fancy restaurants dahil daw mapapadami ang kain namin, masisira ang kanyang meal plan. Pero ang totoo, kahit fast food, hindi niya ako malibre.
Kaya nang marinig ko kay Cong Alex yung “you deserve to be treated like a woman,” na-touch talaga ako. Pakiramdaman ko ay ang taas ng worth ko bilang babae.
At hindi lang siya mabait, considerate din siya sa kanyang mga tauhan. Pinauwi niya na ang mga ito dahil lagpas-lagpas na ang office hours. Siya na raw ang bahalang umuwi pagkatapos niya akong ihatid,
Kaya nang naka uwi na si Secretary Helianna at driver niyang si Koy ay siya na ang nag drive at tinabihan ko siya sa passenger's seat.
Diretso lang ang kanyang tingin sa kalsada nang bigla niyang binasag ang katahimikan. “Maaga pa naman, Kiray. Would you mind coming with me to my dad’s house? I’d like to introduce you to him.”
Napatingin ako sa kanya kung seryoso ba siya. Talaga ba? Namamanhikan na agad ako? Ang bilis naman, magpapakasal na agad kami?
ABANGAN ANG SUSUNOD NA CHAPTER…