PAGGISING ni Lauren ay sobrang bigat ng ulo at katawan niya. Halos hindi siya makabangon sa kama. Tuwing susubukan niya, lalo lang siyang hinihila pabalik sa higaan.
Parang wala din siyang ganang kumain. Ganito pala ang pakiramdam ng hangover na sinasabi ni Matthew. Kung alam lang ni Lauren na ito pala ang epekto ng kalabisan sa alak, hindi na sana niya dinamihan ang pag-inom.
Naalala niya ang sinabi ng lalaki na kailangan daw niyang maligo, uminom ng tubig at matulog muli para mawala ang hangover. Sa tatlong iyon, ang pag-inom lang ng tubig ang nagawa niya. Sa sobrang bigat kasi ng katawan, parang hindi pa niya kayang maligo. Ang gusto lang niya ay humiga nang humiga.
Nakailang dagdag at bawas na siya sa unan ngunit tila nilulunod pa rin siya sa sakit ng ulo. Hindi na niya alam kung anong klaseng higa pa ang gagawin para lang mabawasan ang bigat ng pakiramdam.
Balak sana niyang matulog muli, ngunit bigla namang bumukas ang pinto at iniluwa nito si Donya Victoria.
Masama na naman ang hininga ng matanda sa kanya. Hawak pa ang pamaypay nito at nakabihis na tila may pupuntahang malayo.
“Saan ka galing kagabi?”
Nawala ang antok ni Lauren sa talim ng tinig nito. “B-bakit po?”
“Bakit ganyan ang bihis mo? Saan ka nagpunta kagabi? Kulang na lang sa `yo sungay para maging ganap ka nang demonyo sa suot mo!”
Napasulyap si Lauren sa sarili. Doon pa lang niya napagtanto na hindi pala siya nakapagpalit ng damit kagabi. Nakatulog agad siya sa labis na kalasingan.
“May pinuntahan lang po ako.”
“At bakit ganyan nga ang suot mo? Saan ka pupunta? Sa simbahan ni Satanas?”
Hindi napigilan ni Lauren ang pagkulo ng kanyang dugo. “Bakit, Lola? Porket ganito ang suot ko mukha na akong demonyo? Bakit hindi n’yo kamustahin ang trato n’yo sa akin ni ate? Hindi ba’t demonyo lang din ang nananakit ng kapwa?”
Binato sa kanya ng matanda ang pamaypay nito. Tumama iyon sa mukha niya. Napapikit siya sa lakas ng impact. Nilapitan siya ng matanda at pinisil ang magkabila niyang pisngi.
“Kailan ka pa natutong lumaban sa akin? Ano ba ang maipagmamalaki mo?”
“Maipagmamalaki ko na malinis ang aking kaluluwa at wala akong ginagawang masama sa kapwa! Matagal akong nagtiis sa inyo, Lola! Simula pagkabata, hindi n’yo ako itinurin bilang tao! Kaya ano’ng ine-expect n’yong gagawin ko? Galangin kayo? Respetuhin? Sorry, you don’t deserve my respect!”
Mag-asawang sampal ang itinugon sa kanya ng donya. Pagkuwa’y sinabunutan pa siya nito at hinila patayo sa kama niya. Sinubukan niyang pumalag pero lalo pang hinigpitan ng matanda ang pagkakasabunot sa kanya. Halos matanggal na sa kanyang anit ang malaking bahagi ng buhok niyang iyon.
Dinala siya nito sa maputik na bahagi ng lupa sa likod ng mansyon. Inilublob nito ang mukha niya roon. Dito nagsimulang humagulgol nang iyak si Lauren. Wala namang magawa ang mga katulong kundi ang manunod lang. Awtomatikong tanggal sa trabaho ang magtangkang mangialam.
“Ang lakas ng loob mong sumagot sa akin na akala mo naman may maipagmamalaki ka! Dapat nga matuwa ka pa dahil nakakatapak ka pa sa pamamahay na ito! Kung tutuusin, puwedeng-puwede na kitang itapon sa basura dahil wala na rin naman ang nanay n’yo. Wala nang magtatanggol sa `yo!”
Isa sa mga kasambahay ang hindi nakatiis. Kahit alam nitong trabaho ang nakasalalay ay pilit nitong inawat ang matanda. “Madam Victoria, pakiusap, itigil n’yo na po ito. Hindi na po tama ang ginagawa n’yo kay Lauren!”
Isang malutong na sampal ang natanggap ng katulong. “Betty, you are fired!”
Hindi na nagulat ang kasambahay sa sinabi ng matanda. Alam nitong iyon ang linyang pakakawalan nito sa ginawang pagtatanggol sa babae.
“Sobra na po itong ginagawa n’yo, Madam Victoria! Bata pa lang si Lauren, ginaganyan n’yo na siya! Wala kayong puso! Makakarating sa batas ang ginawa n’yong ito! Kahit katulong lang ako rito, hindi ako magdadalawang isip na ilaglag kayo sa batas!”
Nagpakawala ng nakaiinsultong tawa ang matanda. “At sa akala mo’y matatakot mo ako sa ganyan? Betty, baka nakakalimutan mong kaya kong paikutin ang batas sa aking kamay?”
Sa wakas ay binitiwan ng matanda si Lauren at lumipat naman ito sa kasambahay. “Hindi mo ako kaya, Betty. Walang sinuman dito ang may kaya sa akin. I can put you all in jail whenever I want to!”
Dinukot ng matanda ang Chanel vintage wallet nito at ibinuhos sa kasambahay ang lahat ng perang papel na naroroon. Karamihan ay malulutong na tig-iisang libo.
"You can take them all. Iyong-iyo na ‘yan, pambili mo ng pangalawang buhay!"
Gulat na gulat ang mga maid nang makita kung paano ipalamon ng matanda sa bibig ni Betty ang mga perang papel. Parang laruan kung lukutin nito ang mga pera.
"Ayan! Kumain ka ng pera para mabusog ka! 'Yan lang naman ang dahilan kaya nandito ka 'di ba? Para kumita ng pera! Kaya ayan, lamunin mo! Nguyain mo! Lunukin mo! Sa susunod na mangialam ka pa, o kahit sino sa inyo, hindi na pera ang ipapalamon ko kundi sariling tae ko na!"
Napaiyak na rin si Betty habang sapo ang mga mukha.
Tinalikuran sila ng donya na parang walang nangyari. Nang makaalis na ang matanda ay doon pa lang nagsilapit ang mga kasambahay kina Lauren at Betty.
“Grabe ‘yang lola n’yo! Hindi ko malaman kung tao pa ba siya sa ginagawa niya!” pabulong na komento ni Aling Perlita sa kanya habang pinupunasan ng puting panyo ang kanyang mukha.
Tinulungan naman si Betty ng iba pang katulong.
“Halika, maligo ka na muna sa loob. Sasamahan ka namin,” sabi naman ng isa pang kasambahay na panig din sa kanya.
“Maraming salamat po,” mangiyak-ngiyak na tugon ni Lauren sa mga ito habang itinatayo siya.
MAGTATAKIP-SILIM na nang dumating sina Donya Victoria at Emily. Awtomatikong binuksan ng guard ang gate para makapasok ang sasakyan nila.
Habang naglalakad patungo sa entrance ng mansyon ay nadaanan nila ang ilang mga trabahador na naglilinis sa conservatory. Sunod-sunod na bumati ang mga ito sa kanila.
Sa bigat ng mga dala ni Emily ay binitawan agad niya sa sofa ang mga bag at accessories na tatak Louis Vuitton. Lahat ng iyon ay bili sa kanya ng donya.
“Thank you, Lola! Finally, I have my own Louis Vuitton bags now!”
“You’re welcome, Darling. Next week nga pala magkikita kami sa isang party ng mga long time friends ko galing Germany. I want you to come with me para maipakilala rin kita sa kanila. I’m sure matutuwa sila kapag nakita ka. You’re a gorgeous lady now!”
“Sure! I’m very excited to meet them, Lola. How about that other girl? Hindi ba natin siya isasama?” ani Emily na tinutukoy ang sariling kapatid.
“Why, Darling? Why are you considering that cheap lady to come with us?” sosyal na untag ni Donya Victoria habang hawak ang wine glass na naglalaman ng red wine na paborito nito. Naupo ito sa ginintuang sofa na katapat ng kinauupuan ni Emily.
“Gusto ko sana siyang sumama sa atin, Lola. Tapos gawin natin siyang alila at tagahawak ng mga gamit natin. Ipakilala rin natin siya sa mga friends mo bilang katulong natin. Hindi ba’t masaya ‘yon?”
“No need, Darling. Masyadong professional ang mga friends kong iyon para iharap sa kanila ang patapon mong half-sister. You’re the only one I need in this event. Malaking party iyon, baby. Mga katulad lang natin ang nababagay roon. A person like Lauren has no place in that luxury event.”
Napatango na lang si Emily bilang pagsang-ayon. “I guess you’re right, Lola. Hindi na pala natin kailangang magbitbit ng basura sa party.”
Nagtawanan ang dalawa kapagkuwan.
NANANAHIMIK lang si Lauren sa sariling silid habang tinatapos ang mga papeles na dadalhin sa trabaho bukas. Pabagsak na bumukas ang pinto at bumungad doon si Emily bitbit ang isang mamahaling bag na bili rito ng donya.
Pagkasulyap doon ni Lauren ay agad din niyang ibinalik ang atensyon sa mga inaasikasong papeles. Umarte siya na parang hindi nakikita ang kapatid. Kusa naman itong lumapit sa kanya at inilapag sa kanyang harapan ang bagong bag nito.
Dumilim na naman ang mukha niya sa pagpapapansin ng kapatid. Ganito lagi ito kapag may bagong gamit na gustong ipagmayabang. Kulang na lang ay idikit sa mukha niya ang bawat luhong ibinibili rito ng kanilang lola para inggitin siya.
“Kung may kailangan ka sabihin mo na agad, Emily. Masyado akong busy rito.”
“Busy for what? Sa trabaho mong ‘yan sa isang cheap hotel? Bakit ba masyado kang nagpapaka-loyal sa company na ‘yan? Ano na ba ang position mo d’yan? Nasa managerial ka na ba? Or any higher position? Magkano ba ang salary mo d’yan?”
“Wala ka na doon. Magpakalunod ka na lang sa luhong ibinibigay sa `yo ni lola. Huwag mo na akong gambalain dito dahil nananahimik ako.”
“Ang sabihin mo, inggit ka lang dahil never ka pang binili ni lola ng mga ganito! Kahit magtrabaho ka pa habang buhay, you can never afford these kind of bags. Pang-divisoria lang ang mga gamit mo gaya nito.” Biglang dinakot ni Emily ang mumurahin niyang shoulder bag sa gilid ng mesa at itinapon sa sahig.
Napakagat ng labi si Lauren sa sobrang inis. “Hanggang ngayon, isip bata ka pa rin!” Kinuha rin niya ang bag ng babae at ibinato sa sahig. Pagkuwa’y tinapak-tapakan pa niya ito hanggang sa malukot nang bahagya ang balat.
Kulang na lang ay maiyak ang babae at dinampot ang mamahaling bag nito. Halos magluksa ito sa sinapit ng bag. Sa galit ay tinulak siya nito hanggang sa mapaupo siya sa kama.
“How dare you! Lolaaaaa!” sigaw ni Emily na lukot na naman ang mukha.
Ilang sandali pa, dumating din si Donya Victoria na hawak na naman ang pamaypay. “What is happening here?”
“Look, Lola! Tinapon at tinapak-tapakan niya itong bag ko. Buti na lang hindi nasira! Inaaway na naman niya ako dahil hindi mo raw siya binili ng ganito.”
Bumigat ang mga kamao ni Lauren sa sinabi ng kapatid. Nagpipigil lang siya sa sarili na masapak ang mukha nito. “Hoy! Huwag kang gumawa ng kuwento! Ikaw ang sumugod at nanggugulo rito! Kita mo ‘yong ginawa mo sa bag ko! Ikaw ang nauna, Emily!”
Pinulot ng donya ang shoulder bag niya saka ibinuhos ang mga laman. Pagkuwa’y pinagsisira ito ng matanda sa kanyang harapan at isinampal sa mukha niya. Regalo pa naman iyon ni Matthew sa kanya noong nakaraang Christmas party sa trabaho nila.
“Lumuhod ka ngayon sa harap ng kapatid mo at humingi ka ng tawad!” may diin ang tinig na utos sa kanya ng donya.
”At bakit naman ako manghihingi ng tawad sa kasalanang hindi ko ginawa? Alam n’yo po, Lola, dapat siguro magpakabit kayo ng CCTV sa bawat bahagi ng bahay na ito para makita n’yo kung ano ang pinaggagagawa sa akin ng babaeng iyan kapag nakasumpong!”
Sinampal siya ng donya sa kabilang pisngi. “Hindi ka pa ba nadala sa ginawa ko sa `yo kanina? Baka gusto mong sa inidoro ko na ilublob ‘yang mukha mo?”
“Sige! Pagtulungan n’yo ako! Patayin n’yo na lang ako! Saksakin n’yo na lang ako! Para naman sumaya na kayo sa mga buhay ninyo!”
Muli siyang sinabunutan ng donya at kinaladkad na parang hayop palabas ng kanyang silid. Dinala naman siya nito sa banyo para ilublob sa inidoro ang kanyang mukha.
Doon ay napilitan nang maglaban ni Lauren sa sariling lola. Hinawakan niya nang mahigpit ang mga kamay nito saka ipinukpok sa doorknob para mabitawan siya nito.
Lalong kumulo ang dugo ng donya sa ginawa niya. Pinagtatadyakan siya nito hanggang sa dumikit ang kanyang mukha sa gilid ng inidoro. “D’yan ka nababagay, muchacha!”
Dahil nandoon ang kapatid ay pinigilan ni Lauren ang pagtulo ng luha. Ayaw niyang ipakita ang pag-iyak sa harap ng babae. Hindi na lang siya nagsalita at hinayaang magbunganga ang matanda.
Halos durugin siya nang pinong-pino sa mga litanyang binitawan nito. Lahat na yata ng masasamang salita sa diksyunaryo ay ibinato na sa kanya.
Nang mapahiya nang husto ay doon pa lang siya iniwan ng maglola. Itinayo niya agad ang sarili at lumuluhang umakyat sa kuwarto. Muli siyang sumiksik sa isang sulok at doon humagulgol.