Chapter One
Tahimik at nakayuko kong tinatahak ang tanging daan upang marating ang sikretong association na sinabi sa akin ng hindi ko kilalang tao.
Masalimoot, maingay, mausok, masikip. Ganito ko inilarawan ang iskinitang nilalakaran ko ngayon. Ramdam ko ang titig ng bawat taong madaraanan ko.
Sa tagal kong naninirahan sa kalye ay hindi na bago sa akin ang ganitong eksena ngunit hindi ko pa rin maialis sa aking isipan na iba na ito ngayon. Ibang daan na ang tatahakin ko.
Inayos ko ang itim na sumbrerong suot, nang muntik na itong liparin ng hangin, bago nakapamulsang naglakad ulit.
Ilang beses pa akong sinasadyang danggilin ng mga taong nakakasabay ko, pero mas minabuti kong huwag na lang silang pansinin upang makarating agad ako sa aking paroroonan.
Laking pasasalamat ko naman nang makarating ako ng matiwasay sa harapan ng tarangkahan na sinabi sa akin ng suki kong si Marites Gambia.
Sa pagtitig ko sa mataas na tarangkahan ay sigurado akong mataas ang kalidad ng bakal nito.
Ilang segundo pa akong nanatili sa kinatatayuan bago nagdesisyon na kumatok. Hindi rin naman nagtagal ay may kumausap sa akin sa pamamagitan ng microphone device na nakadikit sa gilid ng tarangkahan. Ipinakita ko ang card na ibinigay sa akin ni Aling Marites sa kalapit na camera ng microphone device. Ang sabi sa akin ay ito raw ang magsisilbing passage para papasukin ako.
Mukhang hindi rin naman nagsisinungaling si Aling Marites, dahil hindi pa man lumilipas ang ilang segundo ay bumukas na agad ang tarangkahan na nagsisilbing harang upang hindi makapasok ang ibang tao.
“Sumunod ka sa akin,” bahagya pa akong nagulat nang may biglang sumulpot sa tagiliran ko na babae at biglang nagsalita.
Palihim ko naman itong pinagmamasdan. Ang babaeng sinusundan ko ngayon ay halatang nanggaling din sa mahabang panahon nang pag-eensayo dahil sa laki ng katawan niya.
Kahit saan ko rin ilibot ang aking mata ay wala akong nakikitang kahit isang lampa na tao. Ngayon ko lang napansin na ang lugar na ito ay maihahalintulad sa isang malaking dome kung saan walang ibang puwedeng pagpasukan o paglabasan man lang bukod sa tarangkahang pinasukan ko.
Sa patuloy naming paglalakad ay nakita ko rin ang iba’t-ibang kagamitan na sa tanang buhay ko ay hindi pinangarap na makita.
Kung hindi ko lang talaga kailangan ngayon ng pera ay hindi ko papasukin ang trabahong ito.
“We’re here.”
Natigil ako sa pagmamasid nang tumigil kami sa may kalakihang pintuan.
Binuksan niya ang pinto at iginiya ako papasok. Tumango ako at pumasok kahit pa nga wala akong ibang makita dahil sa sobrang dilim ng kuwartong ito, ngunit ganoon na lang ang pagtataka ko nang bigla niyang sinaraduhan ang pinto.
Ilang segundo rin akong pinangunahan ng kaba ngunit kalaunan ay nauwi ito sa pagkunot ng noo nang magpagtanto ko na mag-isa lang ako sa kwartong ito.
Napapikit pa ako nang biglang lumiwanag ang buong kwarto, bahagya akong nasilaw dahil sa biglaang liwanag.
“Welcome to the Association.”
Napabaling ako sa malaking TV screen nang bumukas ito ng kusa. Hindi ko malaman kung babae ba o lalaki ang nasa likod ng maskarang pula. Iba rin ang tono ng boses niya nang magsalita.
“Narito ka dahil isa ka sa napili upang pigilan ang mga halimaw sa pag-atake,” mala-robot ang boses niyang saad.
Isa-isang naglitawan sa malaking TV screen ang picture ng iba’t-ibang halimaw na kinakalaban ng Association na ito.
Habang patuloy akong nakikinig at nakatutok sa TV ay hindi ko maiwasang mag-ngitngit dahil sa galit.
Isa sa mga halimaw na iyan ang dahilan kung bakit ako napunta sa sitwasyon kong ito. Kung hindi dahil sa kanila ay kasama ko pa sana sina Inay at Itay ngayon! Sana ay kumpleto pa kami at masaya! Sana ay hindi ko dinanas ang kalupitan ng mundong ito sa murang edad!
Hinding-hindi ko malilimutan ang gabi na ginawa nilang mesirable ang buhay ko! Ang gabi kung saan muntik na akong mamatay, kung hindi lang ako sinagip ni Inay ay malamang na naaagnas na rin ang katawan ko ngayon.
Ang galit na nararamdaman ko sa puso ay hindi mawawala hanggat hindi ko nakakamit ang tamang hustisya para sa pamilya kong winasak ng mga lapastangang halimaw.
“Tinatanggap mo ba ang trabahong ito?” Iyon ang huling narinig ko sa nagsasalitang nakamaskara sa TV.
Makailang beses akong lumunok at pumikit habang rumirihistro ang mukha ng aking Lola Fedilita na namimilipit dahil sa sakit na nararamdaman.
Kailangan ko siyang maipagamot at kakailanganin ko ng malaking halaga upang maisakatuparan ito.
Tumayo ako ng tuwid at sumaludo bago ko bigkasin ang mga katagang makapagpapabago ng buhay ko simula ngayon.
“Ako, si Fiana Gonzalez. Dalawampu’t limang taong gulang, nangangakong gagampanan ng wasto ang pagiging isang professional hunter ng Association. Asahan n’yo ang aking katapatan,” taas noo kong saad.
Matapos kong manumpa ay siya ring pag-black out ng TV.
Bumukas ang pinto at lumitaw ang babaeng naghatid sa akin kanina.
“Sumama ka ulit sa akin upang makilala mo ang ibang kasapi ng association,” saad niya at nauna ng naglakad.
Tahimik naman akong sumunod sa kanya.
Kabado man ay pinilit kong huwag matakot. Sanay naman ako sa basag-ulo dahil laki ako sa lansangan, pero ibang usapan na kapag sikretong association ang involved. Hindi na ito basta laro.
Sa pagpapatuloy namin sa paglalakad ay mas marami pa akong nakitang tao na hindi kababakasan ng takot. Balot sa pawis ang kanilang katawan dahil sa pag-eensayong ginagawa.
Ang iba ay pailalim pa kung tumingin sa akin. Wari ba’y binabalaan ako. Wala sa sariling napalunok ako ng sariling laway.
Ganito ba talaga sa lugar na ito? Hindi kaya mas mapahamak pa ako rito?
Napatigil ako sa paglalakad nang huminto ang babaeng nasa unahan ko.
Binuksan niya ang pinto at bumungad sa akin ang iba’t-ibang mukha ng tao. Mas malala pa sila kung makatingin kesa sa mga taong nasa labas.
Sa pagpasok ko sa kuwartong ito ay parang pinasok ko na rin ang isang hawla na puno ng mababangis na hayop.
“Simula ngayon ay makakasama mo na sila sa trabaho,” seryosong saad ng babae bago ako iniwan.
Wala akong nagawa kundi iikot ang tingin sa buong paligid at umasang sana ay maging maayos ang lahat.