Bakit nga ba ako napadpad sa lugar na ito? Una kong isasagot sa tanong na iyan ay dahil sa pera. Malaki ang kikitain ko at babaguhin nito ang nakasanayan kong buhay. Isa pa, siguradong maipapagamot ko na si Lola Fedilita.
Ngunit ngayong nandito na ako sa lugar na ang mithiin ay puksain ang una kong kalaban. Hindi ko maiwasang isipin ang matagal ko ng nais. Paghihiganti.
Paghihiganti para sa mga halimaw na sumira ng buhay at pamilya ko. Hinding-hindi ko makakalimutan ang nangyari noong huling araw na tumuntong ako sa distrito na iyon. Halos labing-limang taon na ang nakalipas ngunit sariwa pa rin sa alaala ko ang lahat.
Kung bakit ako nabuhay? Marahil upang mapagsisihan ng mga halimaw na nakaligtaan nila akong paslangin nang gabing ‘yon.
“FIANNA, gumising ka!” pabulong at takot na takot ang boses ng taong gumising sa mahimbing kong tulog nang gabing iyon.
Dahan-dahan kong minulat ang mga mata. Noong una, akala ko ay nananaginip lamang ako nang makita ang aking ina na pawis na pawis sa takot. Tuluyan lang akong nagising nang maramdaman ko ang mainit na patak ng kanyang luha sa aking mukha.
“Fianna, makinig ka, anak.” Mahigpit niyang hinawakan ang maliit kong braso nang ako’y bumangon. Sumulyap siya sa pinto ng kwarto pagkatapos ay sa mga bintanang nakasara.
“Ano po ang nangyayari?” nagtataka kong tanong sa aking ina. Kagigising ko lang at tila wala pa ako sa aking tamang ulirat.
“Huwag kang lalabas ng kwarto mo. Magtago ka sa—”
“Inay hindi ko po kayo maintindihan.” Pinutol ko siya sa kanyang sasabihin. Nalilito ako sa kanyang kinikilos. Magsasalita pa sana ulit ako nang pareho kaming mapabaling sa bintana dahil sa ingay na narinig. Sigaw iyon ng aming mga kapit-bahay, may narinig din akong sunod-sunod na pagbagsak ng kung ano.
Tatayo na sana ako upang tingnan kung ano ang nangyayari nang pigilan ako ng aking ina. Ang mahigpit niyang hawak sa aking braso ay mas lalo pang humigpit. Napangiwi ako sa sakit.
“Makinig ka sa ‘kin, Fianna!” Agad na umatikabo ang kaba sa aking dibdib nang sunod-sunod ang pagtulo ng kanyang luha. Ang kanyang boses ay nanginginig at tila ba nahihirapan siyang magsalita.
Maging ako ay naiiyak na rin. Ako’y nalilito ngunit may hinuha ako sa kung ano ang nangyayari sa labas. Nagsimula akong matakot ngunit ang puso ko ay nadudurog. Ngayong nakikita ko ang aking ina na umiiyak, ayaw kong isipin ang balak niyang gawin.
“Inay, ang pinuno?” kinakabahan kong tanong. Naiiyak siyang yumuko at umiling sa akin.
“Wala na ang iyong Lolo, Fianna. Pinatay na siya ng mga halimaw.” Sunod-sunod ang patak ng aking luha. Napaawang ang aking labi at tila hindi matanggap ng utak ko ang narinig.
Napahawak ako sa aking dibdib nang maramdaman ang kirot doon. Nahihirapan akong huminga.
“Fianna,” tawag sa akin ni Inay. Ang kanyang palad ay dumapo sa aking pisngi. Gamit ang kanyang daliri ay pinalis niya ang aking mga luha. Ilang ulit siyang huminga ng malalim at tila ba hinahanda ang sarili para sa mga sasabihin niya sa akin.
“K-kung ganon tumakas na po tayo,” tulala kong wika. Ang kaninang mga hiyawan ay mas lalong lumakas. May narinig din akong tila tinutupok ng apoy.
“Wala na tayong oras, Fianna,” naiiyak na sagot ng aking ina.
“H-hindi, tatakas po tayo. Tara na po.” Sinubukan kong tumayo ngunit agad niya akong pinigilan. Paulit-ulit akong umiling sa kanya. Hindi ko gusto na nakikitaan ko ng kawalang pag-asa ang mga mata niyang katulad sa akin.
“Kami ng ama mo, mahal na mahal ka namin. Pagkatapos ng gabing ito, ipangako mo na lalayo ka sa distritong ito.”
“Inay, pakiusap huwag po kayong magsalita ng ganyan.” Ang mga mata ko ay nanlalabo na sa luha. Itinaas ko ang braso at hinawakan ang kanyang kamay na nasa aking pisngi.
Umiling siya sa akin. Kinagat niya ang pang-ibabang labi at paulit-ulit na umiling. Bawat alog ng kanyang balikat dahil sa paghagulhol ay mas lalong nagpapasakit sa puso ko.
“Ipangako mo sa akin na lalayo ka sa distritong ito. Huwag na huwag ka na ulit tatapak sa District 79 pagkatapos ng gabing ito.”
Sa murang edad, sinabihan na ako ng aking Lolo na totoo ang mga halimaw na nagkalat sa paligid. Sila ay malalakas at masasamang nilalang, aniya pa ay hindi malayong sugurin ng mga ito ang aming distrito. Hindi ko akalain na totoo nga at nangyayari na ito ngayon.
“Inay, pakiusap po huwag ninyong gagawin ang naiisip ko,” nagmamakaawa kong sabi. Pumikit siya nang mariin at umiwas ng tingin sa akin.
“Anak, gusto kong maging malakas ka simula sa araw na ito. Tandaan mo ang mga sinabi namin ng Itay mo sa iyo at ng pinuno.”
“Ayaw ko pong marinig ang mga habilin ninyo! Hindi ko kailangan ‘yan!” galit kong wika. Nadudurog na ang puso ko sa mga naririnig.
“Kailangan! Maging malakas ka, tandaan mo na hindi mundo ang madaya kundi ang mga nilalang na nakatira rito. Maging matalino ka sa mga nilalang na nakapalibot sa ‘yo, Fianna.”
“Umalis kayo sa pamamahay ko!” Napatingin ako sa pinto nang marinig ang sigaw ni Itay. Sunod-sunod ang putok ng baril, kalabog at pagkabasag ng mga gamit namin.
Tumayo ang aking ina at inakay ako. Nagmamakaawa ko siyang tiningnan at inilingan nang dalhin niya ako sa sekretong pinto na ang ama ko mismo ang gumawa. Sinenyasan niya akong huwag gumawa ng ingay kaya kahit na gusto kong umiyak at sumigaw hindi ko magawa.
“Inay, pakiusap.” Umiling lang siya at tinakpan ang aking bibig.
Tinulak niya ako papasok sa sikretong pinto at agad niya itong sinarado. Masikip at madilim sa loob. Umiiyak kong pilit na binubuksan ang pinto ngunit ayaw na nitong bumukas. May maliit na siwang ito kaya kita ko ang likod ni Inay na nakahilig roon.
Gumagalaw ang kanyang balikat at malakas ang kanyang hagulhol.
“I-inay, pakiusap,” nanghihina kong sabi. Pilit ko siyang tinitingnan sa maliit na siwang.
“Mahal ka namin, Fianna,” aniya.
Bumukas ang pinto ng aking silid. Ganon na lang ang gulat ko nang makita si Ama na nakatuhog sa matulis na kamay ng itim na halimaw.
“Fernan!” Malakas ang sigaw ng aking ina nang makita ito. Nasapo ko ang bibig, nanghihina ang tuhod ko at gusto ko na lang mapaluhod.
Ang dugo ng aking ama ay tumutulo sa aming sahig. Mula sa kanyang paanan, umangat ang tingin ko sa kanyang mukha. Ganun na lang ang gulat ko nang magtama ang mata naming dalawa. Kita ko ang huling ngiti niya sa akin bago siya binitiwan ng halimaw. Napapikit na lang ako nang mawasak ang kanyang katawan at tumalsik ang mga dugo.
“Itay ko.”
“Walanghiya kayo! Mga masasamang nilalang!” sigaw ng aking ina. Lumapit ang halimaw sa kanya at walang pagdadalawang-isip na tinusok ang kanyang tiyan gamit ang matulis nitong kamay.
Napasinghap na lang ako sa nakita. Nawalan ako ng lakas at ang sunod na nangyari ay hindi ko na alam. Biglang nagdilim ang aking paligid.