Kung maaari lamang na huwag na akong magising matapos ang gabing iyon ay malugod ko itong tatanggapin. Dahil mas gugustohin ko pa ang hindi magising kumpara sa realidad ng aking buhay ngayon. Paano na ako mamumuhay ngayon na wala na ang aking mga magulang?
Matapos kong mawalan ng ulirat ay nagising na lamang ako kinabukasan sa isang hindi pamilyar na silid. Iginala ko ang aking mata sa paligid. Sa kanan ko ay may ilang kabataan na tulad ko ay nakahiga sa kama at tila mga tulog.
Marahan akong naupo bago ako bumaba sa kama upang alamin kung tama ba ang iniisip ko.
“Anong gagawin natin? Wala maski isa sa mga kamag-anak na tinawagan ko ang may gustong kunin ang bata,” narinig kong sabi ng isang lalaki na nakasuot ng puting uniporme. “Hindi raw nila kayang alagaan ang bata, lalo na ang gastusin para sa gamot nito.”
“Wala tayong magagawa kung hindi nila kayang suportahan at alagaan ang bata,” sagot ng kausap nito na nakasuot rin ng puting uniporme matapos bumuntong-hininga. “Ang mabuti pa ay kontakin mo na lang ang bahay-ampunan. Itanong mo kung kaya pa nilang tumanggap ng mga bata. Maraming bata ngayon ang naulila dahil sa nangyaring sunog kagabi,” dagdag pa nito bago tapikin ang balikat ng kausap.
Sunog? Anong sinasabi nilang sunog? Hindi sunog ang naganap kagabi! Mga halimaw—ang mga halimaw ang may gawa ng lahat ng ito!
Marahan at maingat akong naglakad palabas ng ospital upang hindi ako mahuling tumatakas ng security guard at mga nurse.
Ang dating makulay na kalsada ng aming lugar ay naging abo na sa loob lamang ng isang gabi. Nagmamadali kong tinakbo ang direksyon ng aking kuwarto upang hanapin ang aking mga magulang ngunit maski isang pirasong buto nila ay wala akong nakita.
“Inay! Itay!” humahagulhol kong tawag sa aking mga magulang. Paulit-ulit ko silang tinawag ngunit wala, wala na ang mga magulang ko at mag-isa na lamang ako ngayon.
Matapos ang ilang oras na pag-iyak ay muli na naman akong nawalan ng malay. At sa pagkakataong ito ay nagising ako na nasa loob na ako ng isang social welfare facility. Ilang araw akong nanatili roon habang naghihintay na kunin ng bahay-ampunan. Ngunit katulad ng aking mga kamag-anak, wala maski isa sa mga bahay-ampunan ang may kakayahan at gusto akong kunin.
Ilang linggo pa akong nanatili sa social welfare facility hanggang sa nagpagpasyahan kong umalis na roon at mamuhay mag-isa. Hindi ako dapat na umasang may tutulong o kakalinga sa akin. Wala akong ibang maaasahan kundi ang sarili ko lamang ngayon na wala na ang aking pamilya. Hindi ako pinalaki ng aking Ina at Ama na mahina, kailangan kong maging matatag.
“Kaya mo ito, Fianna. Kaya mo, kakayanin mo,” paulit-ulit kong bulong sa sarili habang yakap ko ang aking sarili at pilit na nilalabanan ang lamig ng sementong sahig.
Tanging ang abandonadong apartment na ito lamang ang maaasahan ko ngayon. Dahil bukas ay kailangan ko na namang makibaka upang patuloy na mabuhay sa magulong mundo. Sa mundong ito na puno ng misteryo.
Simula noon ay tinuruan at sinanay ko na ang aking sarili na mabuhay sa makipot at maruming mga eskinita ng Gray Alley. Alam ko na mali ang manlamang ng kapwa, na mali ang magnakaw, ngunit ito lamang ang alam kong paraan upang buhayin ang aking sarili.
***
“Ineng,” anang tinig ng isang matandang babae. “Ineng, kaya mo bang tumayo? Inaapoy ka ng lagnat. Nasaan ang mga magulang mo?” sunod-sunod na tanong nito matapos haplusin ang aking noo. “Bakit puro sugat ang iyong mga paa? Ang dumi-dumi rin ng damit mo?” dagdag pa nito.
Hindi ko magawang imulat nang maayos ang aking mata, giniginaw ako ngunit ang aking noo at likod ay pawisan.
“Huwag kang matakot, Ineng. Ako si Lola Fedilita. Isasama kita sa aking bahay, hmm?” pagpapatuloy ng matanda.
Iyon ang unang beses na nakilala ko si Lola Fedilita. Nang panahon na iyon ay nasa hukay na ang aking isang paa at tanging si Lola Fedilita lamang ang walang pag-aalinlangang kumupkop sa akin. Kahit pa nga hindi kami magkadugo at magkakilala. Kaya naman ipinangako ko sa aking sarili na hinding-hindi ko bibiguin si Lola Fedilita at gagawin ko ang lahat para protektahan siya.
“Fianna!” sigaw ni Aling Rosa habang nagmamadali itong tumakbo patungo sa akin direksyon.
“Ano po ‘yon?” nagtataka kong tanong habang abala ako sa paglilinis ng isda na binili ng aking suki.
“A-ang Lola Fedilita mo,” habol ang hininga niyang sabi. “Isinugod sa ospital,” dagdag pa niya.
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa balitang dala ni Aling Rosa. Ang hawak kong kutsilyo ay aking nabitawan habang ang buhay na isda naman na nasa kabila kong kamay ay nakawala.
“Ako na ang bahala dito sa pwesto mo, puntahan mo na ang Lola mo,” suhestiyon ni Aling Rosa.
“Salamat po, Aling Rosa,” sabi ko habang nagmamadali kong hinubad ang apron at rubber gloves na suot at saka ako tumakbo papunta sa paradahan ng tricyle.
Pagdating ko sa ospital ay kaagad akong kinausap ng doktor na tumingin at sumuri kay Lola. At habang pinapakinggan ko ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng doktor ay para akong paulit-ulit na sinasaksak nito sa dibdib.
“Doc, magkano po ang kakailanganin kong pera para sa operasyon at chemoteraphy?” tanong ko matapos marinig ang balita mula sa doktor na ang aking Lola Fedilita ay may stage three colon cancer.
“Tatapatin na kita, Ms. Fianna. Malaking pera ang kakailanganin mo sa pagpapagaling ng iyong Lola. Sa operasyon pa lamang ay kakailanganin mo na ng humigit-kumulang na dalawang daang libong piso—”
Para akong binagsakan ng tone-toledang tipak ng bato sa narinig.
“Pagkatapos ng operasyon ay kakailanganin naman ninyo ng hindi bababa sa isang isang daang libo para sa chemoteraphy. Bukod pa roon ang kakailanganin ninyong pera para sa mga gamot at gastusin dito sa ospital. At kung maisasagawa nang mas maaga ang operasyon ay mas mabilis nating mapipigil ang pagkalat ng cancer sa ‘yong Lola,” pagpapatuloy ni Doc.
“S-salamat po, Doc,” nanunuyo ang lalamunan kong sabi.
Saan ako kukuha ng ganoon kalaking halaga? Hindi sapat ang kinikita namin sa pagtitinda ng isda. Kahit ilang banyera ng isda ang itinda ko ay imposibleng makalikom ako ng ganong halaga. Ano ang gagawin ko? Hindi ko pwedeng pabayaan si Lola.
“Lola, bakit n’yo naman po inilihim sa akin na may sakit kayo?” mahinang tanong ko habang marahan kong hinahaplos ang kulay puting buhok ni Lola. “Huwag po kayong mag-alala, gagawa po ako ng paraan para mapagamot kayo.”
“Welcome to the team,” bati ng isa sa apat na babaeng nasa loob ng kwarto.
Dahil sa pagbati niyang iyon ay kaagad akong bumalik sa realidad mula sa malalim na pag-iisip at paglalakbay ng aking isipan.
“I’m Kendra Lopez, lider ng Team Elite,” pagpapakilala nito matapos tumayo at saka lumapit sa akin.
Hindi ko maiwasang hindi mapalunok ng laway dahil sa kabang nararamdaman. Tindig pa lamang ng team leader ay para bang binibigyang babala na nito ang kaharap. Ganoon rin ang tatlo pang mga babae na nakaupo at matiim akong pinagmamasdan. Pare-pareho silang nakasuot ng itim na polo shirt at pantalon maliban kay Kendra na nakasuot ng puting V-neck na t-shirt, itim na blazer at itim na pants.
“Hi, I’m Marcheline Van Doren,” pagpapakilala ng isa sa nakaupo na ngayon ay tumayo na rin upang lumapit sa akin. “Alyas Tres,” dagdag niya matapos ipatong ang kaniyang palad sa balikat ni Kendra.
“Mori Aviance,” sabi ng isa sa nakaupo at nakapusod ang buhok.
“Finesse Vielle Evans,” pagpapakilala naman ng isa.
“Simula ngayon ay parte ka na ng Team Elite,” sabi ni Kendra bago ko man maibuka ang aking bibig upang magpakilala. “At bilang miyembro ng aking team ay babantayan ko ang iyong training,” dagdag pa niya na lalong naghatid ng kaba sa aking dibdib. “Lalo na at isa ka sa mga pinili ni Ma’am Marites.”
Hindi pa rin ako makapaniwala na kasali na ako ng association. Tama ba itong pinasok ko? Tama ba ang desisyon ko?