SUNUD-SUNOD ang naging paglunok ni Amber.
Kumakabog nang malakas ang dibdib niya dahil sa takot. Ito na nga yata ang sinasabi nina Felix at Hunter! Hina-hunting na nga siya ng isang sendikato!
Lumapit ang dalawa pang lalaki na nakabuntot sa kaniya.
"Nasaan ang cellphone?" tanong no'ng isa samantalang ang lalaking may hawak ng baril ay mahigpit namang nakaakbay sa kaniya.
"H-h-hindi ko alam!" Hirap na siyang magsalita dahil sa pag-aalburuto ng kaniyang dibdib. Ang utak naman niya ay abala sa pag-iisip ng paraan kung paano makatakas. Takot siyang magkamali ng galaw dahil baka barilin siya ng mga ito.
'Hindi, Amber. Hindi ka nila papatayin dahil may kailangan pa sila sa iyo!'
Nandilat siya sa naiisip. Tama siya, hangga't hindi niya pa naibigay ang hinahanap ng mga ito, hindi rin siya papatayin ng mga ito. Kaagad na gumana ang kaniyang utak.
Isang itim na van ang biglang huminto sa tabi ng kalsada malapit sa kanila at marahas siyang pinagtutulakan ng mga ito papasok doon.
"Sakay!" mabalasik na utos ng lalaking may hawak ng baril.
Nang hindi kumilos ay sinapak siya nito sa balikat.
"Aray! Gago, humanda ka sa 'kin 'pag nakawala ako. Pipretuhin ko talaga 'yang itlog mo, mukhang bangus!"
"Manahimik ka!" Tinulak na naman siya nito na muntik na niyang ikasubsob.
Sumunod na lamang siya dahil pakiramdam niya ay malalaglag na ang baga niya kakatulak nito. Pero bago pa man siya makahakbang sa loob ng van, isang rumaragasang pulang Range Rover ang biglang bumangga sa trunk no'n.
Napaatras silang lahat sa gulat. Nabitiwan siya ng mga lalaki at ginamit naman niya iyong pagkakataon para kumarepas ng takbo. Mabilis at walang lingon-likod, patungo sa kabilang highway.
Tumawid siya sa kalsada, sa gitna ng mga humaharurot na sasakyan. Muntik pa siyang mahagip ng isang kotse buti na lang at mabibilis ang mga paa niya at kaagad na nakaiwas bago pa man siya abutan.
Nagtangka namang humabol ang mga lalaki pero nabahag ang buntot ng mga ito sa malalaking sasakyang dumaan.
"Hah! Takot ba kayong masagasaan? Mga duwag pala kayo, eh!" pang-aasar niya pa saka tinaasan ang mga ito ng gitnang daliri. "Pakyu kayo! Tangina niyo! Reyna 'to ng kalye! Kung gusto niyong makuha ang hinahanap niyo, paghirapan niyo ako! Habol!"
Sana pala tumakbo na lang siya. Dahil nang magkaroon ng tyansa ay mabilis na tumawid ang mga ito.
"Lagot!"
Kumarepas agad siya ng takbo. Inikot-ikot niya ang maliliit na eskinita, nililigaw ang mga lalaking humahabol sa kaniya. Kabisado niya ang bawat kalye sa buong kamaynilaan kaya mahihirapan ang mga ito sa paghuli sa kaniya. Mga pulis nga roon ay hirap na hirap sa kaniya, ang mga ito pa kaya na mukhang dayo lang naman sa lugar nila?
Nang mapagod ay naghanap siya ng matataguan.
Sumiksik siya sa isang sulok kung saan may nakatambak na basura. Ibinuhos niya ang laman ng isang garbage bag saka niya iyon itinalukbong sa sarili. Tiniis niya ang masangsang na amoy habang pinahuhupa ang kabang halos magpakapos na ng kaniyang hininga.
Ilang minuto niyang pinakiramdaman ang paligid. Nang masigurong wala na ngang humahabol sa kaniya ay saka lang siya lumabas sa pinagtaguan. Pero lingid sa kaalaman niya ay may mga mata pa ring nakamatyag.
Pinagpagan niya ang sariling ginagapangan ng maliliit na uod galing sa basurahan.
"Buhay pa ako, mga punyetang uod! Mukha ba akong nabubulok dito?!"
Mayamaya'y nakarinig siya ng kaluskos. Muling umikot ang paningin niya sa bawat kanto, kinakabahan na baka nasundan siya ng mga lalaki.
Nang makita ang isang maliit na pusa ay nakahinga siya nang maluwag .
"Kuting lang pala."
Bumuntong-hininga siya at nagsimulang maglakad. Hindi man lang niya napapansing may bumubuntot pala sa kaniya.
Maingat siyang bumalik sa kaniyang pinagtaguan. Hindi iyon bahay kundi, isang sirang tent na inayos lang din niya. Nasa gilid ng kalsada at napagitnaan ng mga paupahang bahay na halos magiba na sa kalumaan. Dating tambakan iyon ng basura at mula no'ng naroon siya ay hindi na iyon tinambakan pa. Dahil na rin siguro kay Tope na kilala sa buong lugar nila kaya walang gumagalaw sa kaniya sa lugar na iyon.
Hindi siga si Tope pero kilala at kinatatakutan sa hindi niya malaman na dahilan. Kahit na sampung taon na niya itong nakakasama ay inaamin niyang may parte sa pagkatao nito ang hindi niya pa lubos na kilala. Minsan ay nawawala na lang ito bigla at para namang alitaptap na bigla ring sumusulpot lalo na kapag nasa kagipitan sila ni Latos.
Nalipasan na siya ng gutom at nangangamoy bulok na basura. Kailangan niyang maligo kaso ay takot siyang magtungo sa pampublikong banyo para maghugas dahil baka makita siya ng mga humahabol sa kaniya.
Nagpalipas lang siya ng oras at pagsapit ng takipsilim ay nagdesisyon na umalis. Maingat ang mga galaw niya at panay sipat sa paligid. Sa tuwing may nakikita siyang kahina-hinalang tao ay lumiliko siya ng kalye at naghahanap ng ibang madadaanan hanggang sa ligtas siyang makarating sa bahay ni Tope na malapit lang din sa lungga niya.
Sira-sira na ang pinto pero buo pa rin naman ang bahay. At kahit maliit lang iyon ay may sarili namang banyo.
"Tope?" tawag niya pagkapasok.
Tahimik sa loob kaya nasisiguro niyang walang tao. Dumiretso siya sa banyo at agad na naligo at nag toothbrush. Tatlong beses niyang ginawa at nang makontento sa amoy ng hininga ay saka lang siya lumabas habang nakatapis ng towel na butas-butas. Lumusot pa sa butas ang n****e niya, tinakpan niya rin agad ng kaniyang daliri. Sa hirap ng buhay ay pinagtitiisan na lamang niya ang mukhang basahan na tuwalya. Kailangan magtipid, eh.
Kinuha niya ang nakasabit na malaking plastic bag sa dingding. Iyon ang lagayan niya ng kaniyang dalawang pirasong shorts, dalawang pirasong pantalon, apat na pirasong t-shirts, talong pirasong panty at dalawang pirasong bra. Hindi siya maaksaya sa damit dahil minsan lang naman siyang naliligo. Tama si Hunter, minsan sa isang buwan ay limang beses lang siyang naliligo.
Dugyot na kung dugyot pero hindi naman siya pumapalya sa pagto-toothbrush. Nagtitipid kasi sila sa tubig. Nanghihinayang din siya sa sabong nagagamit. Mahal na mga bilihin ngayon, kailangan ng kaunting diskarte. Pe pe niya lang at kilikiki ang laging hinuhugasan. Hindi naman halata sa kaniyang wala siyang ligo dahil natural na makinis at maputi siya.
Pero ngayong nakaligo na siya, mukha na naman siyang yayamanin.
Magsusuot na siya ng panty nang biglang may pumasok na matangkad at malaking lalaki. Sa gulat ay naibato niya rito ang hawak niyang panty. Sumabit agad iyon sa matangos na ilong ng lalaki.
Napamura ito nang mahina.
"T-Tope, ikaw pala. Hehe!" Kimi siyang ngumiti at kakamot-kamot na lumapit. Hinablot niya mula rito ang kaniyang panty na maluwang at may butas sa gitna.
"Amber!" Nangislap ang mga mata nito nang makilala siya at akmang yayakap pero nag-aalangan dahil sa ayos niya kaya tinapik na lang nito ang kaniyang balikat. "Buti naman at naisipan mong bumalik."
"Aalis din ako agad. Mahirap na, baka may makakita sa akin..."
"Ano ngayon?" putol nito sa kaniya.
Sandali siyang natigilan at napatitig sa nakasimangot na mukha nito. Kani-kanina lang ay nakangiti ito.
"Ah, eh..." Nagkamot siya ng batok. "Ayokong madamay kayo."
"Tingin mo ba hindi namin kayang protektahan ang mga sarili namin? Tingin mo hindi ka namin kayang ipagtanggol? Hindi kami inutil, Amber."
"Tope." Bumuga siya ng hangin at tumalikod dito. "Hindi mga ordinaryong tao ang humahabol sa akin. Ayokong pati kayo ay mapahamak. Di bale nang ako, 'wag lang kayo."
Narinig niya ang malakas na buntong-hininga nito. Ilang saglit lang ay nasa mismong likod na niya ito at marahan na hinawakan ang magkabilang balikat niya. Napaigtad siya sa init ng mga palad nito.
"Wala akong pakialam sa kanila," malamig na sabi nito sa kaniyang tainga. "Alam mong wala akong inaatrasan lalo na kung kayo ang nasa alanganin."
Pinisil pa muna nito ang kaniyang balikat bago siya binitiwan. Nang lingunin niya ito ay abala na ito sa paghahanda ng mesa.
"Masaya akong nandito ka. May kasalo na ako. Hindi kasi uuwi si Angela. Mukhang tinanggap na niya ang alok ng amo na mag-stay in. Si Latos naman ay mamaya pang alas nuwebe uuwi. May tinapos lang na trabaho roon sa kanto."
Hindi siya umimik. Pinakinggan niya lang ito habang matamang pinagmamasdan. Totoong wala ngang inaatrasan si Tope. Matapang ito dahil may maibubuga rin ito pagdating sa pakikipaglaban.
Malaking tao si Tope, matangkad at dahil sanay sa mga trabaho kaya hitik ang muscles nito sa katawan. Litaw rin ang abs nito sa patag na tiyan. Kompyansa naman siyang kaya nga siya nitong ipagtanggol pero ang inaalala niya, mahirap lang sila at isang malaki at delikadong sendikato ang makakabangga nila. Ano ba ang laban ng katawang tao ni Tope sa mga ito? Isang putok lang ng baril ay maaring ikapahamak na nito. Ayaw niyang mangyari iyon. Ayaw niyang ilagay sa panganib ang buhay ng taong sumagip sa kaniya noon.
Hinilot niya ang sariling sentido. Isang tao lang ang siguradong makatutulong sa kaniya. Walang duda, kayang-kaya nito na kalabanin ang mga sindikato dahil alam niyang mayaman ito. Ang tanong, tutulungan din kaya siya nito?
Kinagabihan, tulog na sina Tope at Latos sa tabi niya habang siya ay naglalakbay pa rin ang diwa. Magkatabi silang tatlo. Maliit lang kasi ang bahay kaya siksikan sila sa sahig na may sapin ng karton at plywood. Pinaibabawan lang din nila iyon ng kumot.
"Hunter..." usal niya habang inaalala ang gwapo nitong mukha. "Hunter... Parang pamilyar siya."
Natuon ang paningin niya sa mga kasama at habang salitan niyang pinagmamasdan ang dalawa ay lalo siyang kinakain ng konsensya. Hindi niya talaga maatim na isa sa mga ito ay mapahamak nang dahil sa kaniya.
Kumuyom ang palad niya. 'Kaya ko naman sigurong i-blackmail ang lalaking iyon. Hawak nila ang phone. Kung ayaw nilang idawit ko sila sa gulong ito ay kailangan nila akong tulungan!'
Unbeknownst to her, the man she plans to blackmail is going to be more difficult to handle than she thought. Higit sa lahat, nagpaplano na rin ito kung paano siya gantihan sa ginawa niya noon sa p*********i nito.
***