Ikalabing-dalawang Yugto

3383 Words
Malalim ang gabi. Bilog na bilog ang buwan. Ang mga ilaw ng mga poste sa daan ay pupundi pundi. Ang mga makukulay na palamuti naman sa mga kabahayan ay hindi sapat para magbigay ng aktibong atmospera para sa kalaliman ng gabi. "Ito! Saluhin mo hah!" Sa  tinurang iyon ni Rosa ay kasabay niyang hinagis ang bola sa direksyon ni Avah. Nasa gitna sila ng kalsada at di alintana ang kadilimang bumabalot sa buong lugar. "Arghhh..." Hindi nasalo ni Avah ang bola at napatumba pa siya. Nagpagulong-gulong ang bolang iyon hanggang sa hindi na nila matanaw iyon. Imbis na tulungan siya ni Rosa ay nanatili itong nakatayo at tuwang-tuwa sa pagkakatumba nito. "Hahahahahaha!!! Butas ba ang iyong mga kamay Avah? Hahahaha! Napakdaling saluhin nun. Bakit hindi mo pa nasalo?" “Medyo madilim na kasi kaya hindi ko gaanong makita.” Pagpapaliwanag na tugon nito sa kaniya. Tumayo si Avah at pinagpag ang pang-ibabang damit. Ngayon lang siya nakapaglaro ng ganitong oras. Walang abala, walang ibang tao. Tanging sila lang. “Dilim? Madilim na ba ito para sa iyo? hihihii” Pagtawa nito. "Nasan na ba kasi ang bola na iyon? Ang hirap naman hanapin." Tanong niya sa sarili dahil mukhang wala namang pakialam si Rosa. Nagmasid-masid pa siya sa paligid. Pansamantala niya munang iniwan si Rosa para hanapin ang kaniyang laruan. Hindi niya na namalayan na malapit na pala siya sa bahay ni Tandang Gresa sapagkat halos nasa tapat din naman siya ng sariling bahay. Tahimik siyang naglalakad. Palinga-linga at pilit inaaninag ang buong lugar Nakita na lamang niya ang kanyang sarili sa tapat ng gate ng bahay ni Tandang Gresa. Nasabi niya sa kaniyang sarili noon na hinding-hindi na siya tatayo pa rito ngunit heto siya at tila bumabalik nanaman ang mga nangyari. Ilang saglit lang ay may pamilyar siyang pagtalbog ng bola sa malapit lamang. Napaatras siya sapagkat kasabay ng pagtigil ng tunog na iyon ay ang mabigat na yabag naman na papalapit sa kinatatayuan niya. "Ito ba ang hinahanap mo? Avah?" Halos manindig ang balahibo ni Avah sa narinig. Bumungad sa kaniyang harapan si Tandang Gresa na hawak-hawak ang kulay Rosas niyang bola. Blanko ang mukha nito at halos tanging ulo na lamang ang mapapansin dahil sa balot ang kaniyang buong katawan ng itim na kasuotan. Napansin ni Tandang Gresa ang pulang laso na nakatali sa buhok ni Avah. Bahagyang nanlaki ang kaniyang mata sa nasa isip. Akmang tatalikod na si Avah dahil hindi niya muling isusugal ang buhay para lamang sa isang laro ay natigil siya sa sumunod na sinabi ng matanda. "Ang pulang lasong suot mo. Maari ko bang makita?" Napalunok siya at mas sumidhi ang takot niya, hindi niya magawang salubungin ang titig ng matanda. "Maaari ba? Iyang pulang laso mo." Muling tanong nito gamit ang natural na boses. Garalgal at bahagyang naghihingalo.  Parang may sariling buhay ang kamay ni Avah at dahan-dahan itong umangat para alisin ang pulang laso sa kaniyang mahabang buhok. Nang maialis niya na ito ay ibibigay niya na sana ito sa matanda nang marinig niya ang kaniyang pangalan sa di kalayuan. "Avah? Apo?! Avah! Nasaan ka ba Avah apo!" May halong pag-aalala na tawag ni Lola Avah. Agad naman lumitaw ang kaniyang hinahanap na nasa likod lamang niya at agad niyang hinapit ng yakap. "Avah! Hindi mo alam kung gaano mo ko pinag-alala. Gabing-gabi na. Bumaba na ang hamog apo. Diyos ko po. Ano ba naming pumasok sa isip mo." Kumalas na si Avah sa yakap at litong tiningnan ang lola niya kung paano nito nalaman na nasa labas siya. “Pasensya na po lola.” "Halika pumasok na tayo." Aya ng lola niya sa loob. Bumaling muna si Avah sa labas ng bahay at di na nito natanaw ang kaibigan. Ikinandong ng matanda ang paslit at sinimulang usisain. "Nagising ako sa talbog ng bola galing sa silid niyo ng ate mo. Agad din naman iyong nawala pero umakyat ako para tingnan pa rin kayo.” “Pasensya na po ulit kung nagising ko kayo sa ingay na gawa nii— sa gawa na ingay ko po. Alam ko pong gabi na. Pasensya na po ulit lola.” Tinapik tapik ng matanda ang bunbunan ng bata gaya ng palagi niyang ginagawa upang pakalmahin ito. “Alam mo naman ang nangyari sa ate mo. Hindi pa natin alam kung paanong nangyari iyon sa kaniya. Sana ay binabantayan mo muna siya Avah apo.” Tumungo na lamang si Avah. Hindi nga niya naisip ang bagay na iyon. “Ngayon sabihin mo bakit nasa labas ka ng bahay ng gantong oras? Wag mo ring tangkaing magsinungaling Avah kundi ay ipapaalam ko sa magulang mo ang ginawa mo na alam nating dalawa na ikagagalit nila nang husto." Seryoso na rin ang tono ng pagsasalita niya. "Lola..." Isang salitang saad ni Avah. "Bakit?" Tinugunan din iyon ng matanda gamit ang isang madiing salita. Biglang nagpakita si Rosa kay Avah. “Ang matandang yan pamilyar siya sa akin. Ngunit Avah, kung sasabihin mo sa kaniya ang totoo ay siya ang isusunod ko. Babaliin ko ang pangako ko sa’yo." Pananakot nito at ngumisi na parang demonyo. Kinagat ni Avah ang pang-ibabang labi para pigilan ang paghikbi na nais nang kumawala. Masyado siyang bata para maipit sa ganitong sitwasyon. "G-gusto ko lang po kasing mag-maglaro." Turan niya at papalit-palit ang tingin sa matanda pati kay Rosa. "Laro? Laro ba kamo? Sa gitna ng gabi? Napakalalim na ng gabi Avah para sa larong yun? Tsaka hindi mo ugali ang bagay na ito. Sabihin mo. Ano ba talaga ang nangyayari sa iyo apo?" May dudang tanong ng lola niya. "Sige. Sabihin mo at magiging madugo talaga ang pasko ng pamilya mo." Seryoso na pagbabanta ni Rosa na nakayukom na ang kamao. Alam ni Avah ang kayang gawin nito.  Humugot siya ng malalim na hininga bago tagpuin muli ang mata ng matanda at tugunin. "Hindi po kasi ako makatulog. Tapos si Ate Andrea ay baka magising sa ingay ku. Gusto ko lang po talagang malibang lola. Pasensya na po kung pinag-alala ko kayo." Pagsisinungaling niya na kahit ang sarili ay hindi makapaniwala sa nagawa. Napailing ang matanda sa narinig at mahigpit na niyakap ang apo. Mula sa malademonyong ngisi ay naging ngiting palakaibigan ang maaaninag sa bilugang mukha ni Rosa.  "Kapag hindi ka makatulog, maaari ka naming pumunta sa akin. Kukwentuhan kita ng mga paborito mong mga kwento. Yung mga kwento na nakwento ko na sa ate mo pero sa’yo hindi pa. Marami rami iyon. Matutuwa ka panigurado apo.” Nananatiling nakatungo si Avah, hindi na niya gaanong maintindihan ang sinasabi ng lola. Mas nakatutok siya sa maaaring gawin ng kaibigan na si Rosa. Ayaw niya nang may iba pang masaktan. “Avah apo, nakikinig ka ba?” “O-opo lola!” Pag-angat niya ng mukha at pilit na nagpakita ng isang masayahing ngiti. “Hindi naman ako galit Avah. Nag-aalala lang talaga ang lola mo sa iyo. Uulitin ko lang, sa susunod ay dapat pumunta ka sa kwarto ko. Buti walang nangyari sa iyo. Hindi ka ba natakot? Kasi ako nang makita kong hindi nakakakandado ang pinto at alam ko pang wala ka sa kwarto ay halos atakihin ako." Wika ng lola niya at kumalas muli sa yakap. “N-natakot po.” “Oh ayun naman pala eh? Hays Avah apo. Kung may problema, anditong kaming mga nakatatanda para tulungan kayo. Hah?” Hindi na kumibo si Avah at muli nang umakyat sa sariling kwarto. Nakabuntot lamang sa kaniya si Rosa na muli siyang inaayang makipaglaro. “Avah! Avah tara maglaro tayo! May iba akong naisip na laro! Tagu-taguan kaya? Hindi mo na kailangang lumabas ng bahay!” “Rosa naman eh.” Kasalukuyan namang balisa si Tandang Gresa habang nakatingin sa bahay nina Avah. Agad kasing tumakbo ang bata palayo upang puntahan ang lola nito at hindi niya na rin nagawang makita ang pulang laso na kagaya ng pinangangalagaan niya. Maya-maya lang ay napagdesisyonan na rin nitong pumasok sa pamamahay. Sa mga nagdaan na araw na hindi pagpaparamdam ng batang babae na si Rosa sa kaniyang tahanan ay akala niya'y nagsawa na lang ito ngunit dahil sa mga nangyayari at hinuha niya ay hindi niya maiwasang lalong mag-alala. Lalo na kung ang kinatatakutan niyang mangyari ay nangyari na pala. Gaya ng dating gawi. Umupo siya sa tumba-tumba at sinimulang iduyan ang sarili. Akmang hahayaan na niyang bumigat ang mga talukap ng kaniyang mga mata ay hindi niya makapa sa sandalan ng mga braso ng kaniyang upuan ang pulang laso. Yumukod siya para tingnan iyon. Napahawak siya sa dibdib hanggang sa maalala na inilagay nga pala niya iyon kasama ng mga lumang manika sa loob ng kahon. Sadyang matanda na talaga siya. Tumayo siya upang puntahan muli ang kahon. Kailangan nyang maalis ang mga kinutukob at hinuha niya. Kumuha siya ng gunting at itinarak iyon sa kahon nap no ng tape. Kaniyang kinalas nang marahas ang mga iyon. Andun pa rin ang manika at ang pulang lasong nakakabit dito. Kinalas niya ang pulang laso mula rito at niyakap na para bang hinehele ito. Kaniya itong inobserbahan. Nandun pa rin ang walang kupas na pagkapula ng laso na hawak-hawak, ang haba nito na kahit kailan ay hindi niya naisipang gupitin at ang mga hibla nito na nananatiling matatag sa pagkakabigkis. Halos magpantay ang kaniyang makakapal na kilay nang may mapansin, isang hibla ng buhok ang nakapulupot dito na kung hindi pa uusisain ay hindi mapapansin. Imposibleng galing ito sa buhok ng manika sapagkat ginto ang buhok nito samantalang ang hibla na nakita niya ay purong itim. Hndi rin iyon sa kaniya sapagkat purong put na ang buhok niya. Inalis niya sa pagkakapulupot ang hibla at tiningnan nang maigi na halos magkandaduling-duling na siya. "Ang lasong ito. Hindi ‘to ang pulang laso." Bulong niya na dahil sa sobrang katahimikan ng paligid ay umalingawngaw sa kabuuan ng silid. Itim ang buhok na iyon at nagkakaroon lamang ng ganun sa laso kapag itinatali. "Posible kaya na nung araw na iyon..." Hindi niya na naituloy ang sasabihin. Iisa ang nasa isip niya. Ang laso na hawak ngayon ay maaaring hindi talaga ang laso na para kay Rosa kundi ang laso ni Avah. Umaga. Hindi makaunat nang maayos si Andrea dahil sa kaniyang mga sugat sa buong katawan. Pinagmamasdan niya iyon. May malalim, may mahahaba, at may mga mababaw lang. Talagang napuruhan siya sa mga bubog mula sa nabasag na salamin. Buti na lamang ay mga gasgas lamang ang natamo ng kaniyang mukha. “Anak! Gising ka na pala! Salamat sa Diyos!” Pagbukas ng pintuan ng kaniyang ina. May bitbit bitbit pa itong mainit na mangkok ng sopas na nakalagay sa isang tray. Inilapag niya iyon sa malapit na mesa at tumabi sa anak sa kama nito. Inusisa niya ang mga sugat ng anak. “Kamusta ka na? Ano ang nararamdaman mo? Mamaya pupunta tayo sa malapit na hospital hah.” Ilang segundong nakatitig lamang ang dalaga sa nag-aalalang ina. “Bakit? May masakit ba sa iyo Andrea? Hindi ka ba makapagsalita? Patingin nga ng leeg mo.” Pinigilan agad ni Andrea ang ina na paghawak sa kaniya. “Hindi po ma! Ayos lang po ako! Pasensya na sa nangyari kagabi.” “Mabuti naman hays.” Nakahinga nang malalim ang kaniyang ina. “Sabihin mo, ano bang nangyari? Bakit ganun ka nung madatnan naming? Paanong nabasag yung salamin sa banyo niyo? Pinalitan na naming yun wag ka mag-alala.” Hinawakan ni Andrea ang kaniyang ulo upang alalahanin. Nagtagal iyon ng ilang minute at hinahayaan lamang ng ina ito mag-isip. “Oh huwag mo gaanong alalahanin. Ito ang sopas. Mainit-init pa ito. Mag-almusal ka muna para may lakas ka at mabilis na humilom ang mga sugat mo. Malapit na ang pasko, ang hiling ko ay gumaling ka agad.” Nakatitig si Andrea sa manipis na usok na binubuga ng init ng sopas. Hanggang sa maalala niya ang multo ng bata kagabi, bumalik sa kaniya ang mga senaryo kagabi. Nakakatakot, madilim, malamig, madugo. “Ma! Asan si Avah? Asan siya?” Paghihisterikal nito. “A-anong nasaan? Ayos lang naman siya. Nasa baba siya. Bakit? May kailangan ka ba sa kapatid mo? Tatawagin ko saglit—“ “Hindi na ma. Sapat na sa aking malaman na ayos lang siya.” Kumalma nang panandalian ang buong pag-iisip ni Andrea. Klarong klaro na sa kaniya ang nakita kagabi, at hindi ito imahinasyon lamang. “Sigurado ka? Ayos ka lang ba talaga? Maikukwento mo na ba sa akin kung ano ang nangyari?” Nagtitigan muna silang dalawa nang di hihigit sa dalawampung segundo. Tinatantsiya ng ina kung tamang makausap na ang anak sa nangyari samantalang tinutukoy pa ni Andrea kung paano sasabihin ang nakita at kung tama bang sabihin na ito agad. *tok *tok *tok Bumukas na rin ang pintuan at iyon ang lola niya. “Patawad kung pumasok na ako.” Pagpasok ng matanda. “Salamat sa Diyos at ayos ka na apo! Magdamag kitang pinagdasal din kagabi. Ano kamusta ka na?” Hindi alam ni Andrea kung tama bang matuwa siya sa nakikitang pag-alala ng lola niya sa kaniya. Ngumiti siya ng tapat na ngiti at tumango. “Oh ma. Andito ka naman na. Pwede ko bang iwan muna sa iyo ang apo mo? Sa tingin ko ay mas masasabi niya sa iyo ang nangyari. Aasikasuhin ko muna yung mga naiwang gagawin sa baba. Balitaan ko na rin sila sa baba na ayos ka na anak. Nag-aalala ang papa mo at ang kapatid mo sa iyo. Hindi muna kita papaabalahanin para makapagpahinga ka.” “Opo ma. Salamat.” Sagot ni Andrea. “Sige na. Ako na ang bahala sa apo ko.” Naiwan silang maglola sa silid. Inabot ng matanda ang mangkok sa dalaga na tinanggap naman nito. Nagsimula na itong humigop higop. “Lola…” “Andrea..” Sabay nilang tawag. Napangiti sila pareho. “Sige apo, ikaw muna. Nais kong marinig iyang sasabihin mo.” Napawi ang mga ngiti ng dalaga. Kaniyang binaba ang mangkok sa tray at seryosong tumingin sa matanda. “Lola, huwag niyo sana akong pagdududahan hah. Nasa matinong pag-iisip ako.” Nag-aalangan ang tono nito.             “Ano ka ba naman apo. Siyempre naman. Nakikinig ako.”             “Alam ko pong hindi lang ‘to base sa imahinasyon ko. Pero, naniniwala po ba kayo sa multo?”             Walang reaksyon sa mukha ng kaniyang lola. “Ou naman. Naniniwala ako.”             “Kung ganun ay nakakita na po ba kayo nun? Anong ginawa niyo? Anong---“ Nagsimula na naman ang paghihisterikal sa tono ng kaniyang boses na agad pinigilan ng matanda. Tinapik tapik nito ang bunbunan niya.             “Hindi pa. Wala pa kong nakitang multo, o kahit anong supernatural na bagay. Pero naniniwala ako.”             “Ganun po ba?”             “Ou. Gusto mo ba makarinig ng kwento mula sa akin? Gaya ng ginagawa natin dati?”             Mabilis na tumango ang dalaga. Tila sabik at interesado sa maririnig mula sa matanda.             “Nung kabataan ko, hindi ng edad mo, kundi sa edad ng nakababata mong kapatid na si Avah… Kaming mga magkakaibigan, mahilig sa mga kwento ng nakakatakot. Pupunta punta pa nga kami sa iba’t ibang lugar para lang makakita ng mga multo, kapre, o kung ano-ano pero bigo kami. Ay hindi pala! Kasi sa aming tatlong magkakaibigan, may isang nakakakita ng multo. Siya ang nagsasabi na diyan meron, doon meron. At naniniwala naman kami sa kaniya. Napakatapang niya. Meron siyang tinatawag na ‘third eye.’”             “Ou Andrea apo. Third eye, pero hindi ibig sabihin na nakakita ka na ay may third eye ka na minsan kasi ay angpapakita talaga ang multo sa isang tao sa iba’t-ibang dahilan. Sa kaso naman ng kaibigan ko, may third eye talaga siya.             “Teka po lola. Nabanggit ninyo hindi ba? Kababata? Tatlo? Kayo?” Maingat ngunit hindi siguradong tanong ni Andrea sa matanda.             “Ou tatlo kami! Magkapatid ang dalawang kaibigan ko. Yung nakababata ang nakakakita ng multo. Sabi ang pinakabata raw talaga sa mga magkakapatid ang nakakatanggap ng biyayang iyon na kung tawagin ay ‘third eye’ ngunit para sa iba naman hindi ito isang biyaya kundi isang sumpa.”             Inalis ni Andrea ang kumot sa kaniyang katawan. Bumangon siya kahit nakakaramdam ng kirot mula sa mga sugat.             “Oh Andrea apo! Bakit? May kailangan ka bang gawin? Ako na lang! Huwag ka nang tumayo! Iutos mo na lang sa akin apo.”                         Hindi nagpatinag ang dalaga at pinilit pa ring makabangon. Inabot nito ang kwaderno na nakatago lamang sa aparador niya. “Agh!”             “Ano ba iyang bagay na iyan? May nais ka bang ipakita sa akin?”             Kinuha ni Andrea ang isang larawang nakasipit sa gitna ng mga pahina ng kwadernong iyon. Kaniyang ipinakita iyon sa matanda habang bumabalik sa pagkakaupo sa kama. “Ito po lola.”             Kahit nagtataka man ay kinuha iyon ng matanda at laking gulat niya nang mapagtanto kung ano iyon. Itim at puti pa ang pagkakaimprenta ng imaheng iyon. Hinimas niya ang kabuuan ng larawan na tila inaalala ang isang nakaraan ng buhay niya. Hindi nito maiwasang ngumiti.             “Kayo po yan hindi ba? Nung pagkabata niyo? Naalala ko lang na iyan kayo kasi dati ay nagpakita rin kayo ng mga larawan niyo nung bata po kayo tuwing nagkwekwento kayo sa akin.”             Nag-angat ng paningin ang lola niya sa kaniya sabay tango. “Ou ako nga ito. At itong mga batang kasama ko, Ito yung mga tinutukoy kong kababata!”             “Patawad ngayon ko lang po iyan napakita lola.”             “Teka Andrea apo, saan mo na pala ito nakuha? Papaanong nagkaroon ka ng kopya nito?”             Kinamot ni Andrea ang ulo, “Sa mga kaibigan ko po. Nagbabalak po kasi sila ng ghost hunting at pinigilan ko sila sapagkat ang balak nila ay imposible, sa bahay po nila Tandang Gresa nila nais gawin ang aktibidad na iyon.”             Binalik ng matanda ang tingin sa hawak hawak na larawan. “Si Gresa…”             “Po? Lola? Si Tandang Gresa? Ano pong meron?”             Hinarap ng kaniyang lola sa kaniya ang larawan. Tatlo ang batang nasa larawan na iyon, ang lola niya ang nasa gitna. Tinukoy niya ang isang bata na nasa kaniyang kanan gamit ang isangg hintuturo. “Ito si Gresa nung kabataan niya. Isa siya sa mga kababata ko! At siya ang tinutukoy kong nakatanggap ng regalong ‘Third eye’” `           Nanlalaking mga matang tinugunan iyon ni Andrea. “Kababata niyo po siya?! Ibig sabihin, teka… saglet… hindi ko po gaanong maiintindihan…” Klarong rumehistro naman ang mga salita ng kaniyang lola sa kaniya ngunit sadyang hindi lamang siya makapaniwala na ang matandang iyon na kinatatakutan ng buong kapitbahayanan nila ay naging kaibigan pala ng kanilang lola na mahal na mahal naman ng kanilang lugar lalo na ng mga bata. Sobrang magkabaligtad ang trato ng lugar sa kanila. Ang bahay ni Tandang Gresa ay pinangingilagan lalo na sa tuwing kapaskuhan samantalang ang bahay nila ay napupuno ng mga bata dahil sa mga ibinibigay na regalo ng kaniyang lola sa mga ito.             “Ou! Avah din ang tawag nila sa akin!”             “Hindi kapaniwa-paniwala na may nakaraan po pala kayo o relasyon sa nakakatakot na matandang iyon.” Komento nito.             “Nakakatakot? Naiintindihan ko kung bakit ganun ang naging imahe niya sa buong lugar natin.Hindi ko siya masisisi.”             Nadako naman ang tingin ni Andrea sa nasa kaliwang bahagi ng larawan ng lola niya. Isa pa itong batang babae na kulot ang buhok. Hindi ganun kalinaw ang imahe na nasa litrato.             “Sino po iyong nasa kabila?”             “Ah eto ba?” Inilipat ng matanda ang hintuturo sa tinutukoy ng apo niya. “Ito naman si Rosa, ang nakatatandang kapatid ni Gresa. Siya rin yung tinutukoy ko na kasa-kasama ko sa aking mga laro nung pagkabata.”             “Rosa… Parang naririnig ko ang pangalan na iyan na binabanggit ni…”             “Avah?” Pagtutuloy ng lola nito na ikinagulat naman niya.             “Opo! Pero hindi ako ganun kasigurado. Paano niyo po nalaman iyon?”             “Gusto ko nga rin sana itanong kung may bagong bata ba dito sa baryo na may pangalang Rosa at kung naging bagong kaibigan niya ito. Hindi naman nakapagtataka sapagkat maganda at sikat ang pangalan na iyon.”             “Ah, sabagay. Asan na po ba iyang si Rosa?” Sa pagtatanong na iyon ni Andrea ay nawala ang nakaguhit na ngiti sa mga labi ng matanda. Ibinaba niya rin muna ang larawan na iyon.             “Sa kasamaang palad, maaga siyang binawian ng buhay. Sa edad niyang nasa larawan na ito.”             “Patawad po lola, hindi ko gustong…”             “Huwag kang mag-alala Andrea apo. Matagal na iyon. Lagi kong pinagdarasal ang kaniyang kaluluwa. At tsaka sa aming tatlo, siya ang pinakamahilig sa paglalaro.” Nanatili ang ilang segundong katahimikan sapagkat hindi agad nakatugon ang dalaga… "Hihihihihihi!" "Hihihihihihi!" "Bwahahahaha!" “Maglaro tayo…” Ang nangyaring bangungot sa kaniya gabi ay bumabalik. Unti-unting lumilinaw ang mga nangyari kagabi sa loob ng banyo. Palunok lunok na tiningnan nya muli ang mga batang babae na katabi ng kaniyang lola. Una niyang inusisa ang kabataang bersyon ni Gresa hanggang sa malipat ang paningin sa batang nagngangalang Rosa. Napalungayngay ang babang bahagi ng bunganga ni Andrea. Ang itim at mayabong na buhok ng batang iyon, ang maliit na pigura ng batang iyon, at ang mukha ng batang iyon… Unti-untin nagdilim ang kaniyang paningin. Nawawalan ng kapos ang kanyang hininga. Piniga niya ang mga nahahawakan niyang tela ng kumot. “Andrea apo? Ayos ka lang ba? Saglet tatawagin ko ang mama mo---“ Tuluyan nang sumara ang mga talukap ng dalaga at ang huli niya na lang narinig ay ang tinatawag ang pangalan niya… “ANDREA!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD