---------
***Azalea’s POV***
--
“Walang hiya ka!” sigaw ng aking ina matapos niya akong sampalin, nanginginig ang kanyang tinig sa matinding galit. “Saan kami nagkulang ng ama mo sa’yo? Saan kami nagkamali sa pagpapalaki namin sa’yo?”
Hindi ako makasagot. Tila natunaw ang dila ko at natuyuan ng laway ang lalamunan ko. Hindi ako makapagsalita.
Napatingin ako sa aking ama. Nananatiling siyang tahimik na nakatayo sa gilid, ngunit kita sa kanyang mga mata ang bigat ng nararamdaman niya. Mahigpit ang pagkakakuyom ng kanyang mga palad, waring pinipigilan ang sariling makialam.
Mas mahinahon si Tatay kaysa kay Nanay. Kahit kailan, hindi niya ako napagbuhatan ng kamay. Si Nanay ang palaging namamalo tuwing may nagagawa akong pagkakamali—tulad ngayon.
Nang muling magsalita si Nanay, lalo kong naramdaman ang bigat ng bawat salita.
“Ano'ng nangyari, Azalea? Bakit ka naligaw ng landas? Bakit ka nagpabuntis? Seventeen ka pa lang! Kakagraduate mo lang ng high school, pero buntis ka na agad?”
Humahagulhol si Nanay. Ramdam ko ang sakit na nagpapahina sa kanya—at ito rin ang dahilan ng paninikip ng dibdib ko.
Umiiyak ako. Patuloy ang pagbagsak ng mga luha sa aking pisngi habang nakayuko, tila dinudurog ang puso ko sa bawat sandali.
“Ni hindi ko man lang nalaman na may boyfriend ka,” dagdag ni Nanay, nanginginig pa rin ang tinig sa pag-iyak. “Sino? Sino ang nakabuntis sa’yo?”
Gusto kong sumagot. Gusto kong sabihin sa kanya ang totoo. Pero natatakot ako. Hindi ko alam kung paano sisimulan, kung paano ipaliliwanag ang nangyari.
“Sabihin mo sa akin kung sino ang nakabuntis sa’yo. Sabihin mo sa akin, Azalea,” ulit niya, ngayon ay mas mariin ang kanyang tinig. Ngunit nanatili akong tahimik. Para akong batang binusalan ng takot at kahihiyan.
“Ayaw mong sabihin sa akin, ha?!” muling sigaw niya. Pumasok siya sa maliit kong kwarto. Ilang saglit pa’y bumalik siya, dala-dala ang ilang piraso ng damit ko.
Kinabahan ako.
“Nay, ‘wag po!” umiiyak kong sabi, nanginginig ang boses ko. Pero huli na.
Isa-isa niyang itinapon ang mga damit ko sa labas ng bahay, para bang bawat piraso ay katumbas ng pagkakamali inakala niyang ginawa ko.
“Hala, umalis ka! Doon ka sa lalaking nakabuntis sa’yo!” sigaw niya.
Si Tatay, sa wakas, sinubukang pigilan siya. “Maring, tama na—”
“‘Wag kang makialam dito, Jose! Bata pa siya! Bata pa ang anak natin—at nabuntis na!” sigaw ni Nanay, punong-puno ng sakit ang tinig.
Ako naman, halos gumapang na, lumuhod sa harapan ni Nanay. Yumakap ako sa kanyang mga binti habang humahagulhol, nagmamakaawa na wag niya akong paalisin.
“Nay, please… ‘Wag niyo po akong paalisin… Hindi ko po alam ang gagawin ko…”
Pero tinulak lang niya ako. Naniningkit ang kanyang mga lumuluhang mata habang nakatitig sa akin.
Nanghihina akong pinulot ang mga damit kong nagkalat sa labas. Bawat hakbang ay mabigat, at bawat piraso ng tela ay sinabayan ng luha.
“Nay…” nauutal ako, halos hindi ko marinig ang sarili kong tinig. “Please… kaawaan niyo po ako.”
“Kaawaan?” galit na sigaw ni Nanay, halos mapatid ang hininga niya sa hinagpis. “Nung lumandi ka at ibinuka mo 'yang mga hita mo sa kung sino mang demonyong nakabuntis sa’yo, naisip mo ba kami? Naawa ka ba sa amin?!”
Umiiyak siya habang binibitawan ang bawat salita. Ako nama’y nakayuko, nakakuyom ang mga palad habang kinukurot ng matinding sakit ang puso ko. Sobrang hapdi.
“Alam mong ikaw lang ang pag-asa namin ng Tatay mo,” patuloy ni Nanay, nanginginig ang boses. “Oo—nagkulang kami sa’yo. Nagkulang kami sa pagbibigay ng mga pangangailangan mo. Nagkulang kami sa maraming bagay. Hindi namin naibigay lahat ng obligasyon namin sa’yo—kahit ang pagpapaaral mo sa kolehiyo, hindi namin kaya... pero hindi naman siguro kami nagkulang sa pagmamahal namin sa’yo. Hindi kami nagkulang sa pangaral at paggabay sa’yo.”
Hinahabol niya ang kanyang hininga habang pilit nilulunok ang pait. Ramdam ko ang matinding hinanakit sa tinig niya.
“Alam kong nagkulang kami ng Tatay mo dahil hinayaan ka naming manilbihan sa malaking bahay, pero alam mo naman ‘di ba? Hindi namin kaya. Habang lumalaki si Yasmin, mas lalo ring lumalaki ang gastos sa mga gamot niya. Matanda na kami ng Tatay mo. Hirap na hirap na ako sa paglalabada. Si Tatay mo, gabing- gabi nananakit ang likod dahil sa kakatrabaho. Ikaw lang ang maaasahan namin kahit hindi mo naman kami obligasyon. Pero ikaw lang--- ikaw lang ang tanging maasahan namin, Azalea.” umiiyak niyang sambit, ramdam ko ang bigat ng bawat salita.
“Naghangad din naman ako ng magandang buhay para sa’yo... na matupad mo ang mga pangarap mo. Pero hindi pa sa ngayon.” Patuloy siya sa pag- iyak. “At paano mo pa matutupad ‘yon kung buntis ka na sa murang edad mo?!”
Naupo siya sa upuan, tinakpan ang kanyang mukha, at malakas na napahagulhol. Wasak na wasak. Tila ba gumuho ang kanyang mundo.
Lumapit si Tatay sa kanya at niyakap siya. Namumula na rin ang kanyang mga mata.
Nanginginig ang balikat ko habang pinipigil ang hikbi. Masakit. Sobrang sakit. Parang hinati ang puso ko ng paulit-ulit habang pinagmamasdan ko si Nanay na umiiyak sa matinding hinagpis. Napakasakit, dahil ako ang dahilan kung bakit nasaktan ng sobra ang aking ina. Ako ang dahilan kung bakit parang nababasag ang puso ng aking mga magulang.
Mahal ko ang aking mga magulang, pati na ang nag-iisa kong kapatid na si Yasmin. Walong taon ang pagitan naming dalawa. Ipinanganak siyang may sakit sa puso. Sinabi ng doktor na kailangan niya agad ng operasyon, pero dahil walang pera, hindi siya naoperahan. Hanggang sa lumala ang kondisyon ng kanyang puso, na kahit ang operasyon ay hindi na sapat upang siya’y gumaling.
Heart transplant na ang kailangan ni Yasmin. Pero maliban sa napakamahal na gastusin, saan naman kami kukuha ng puso para sa kanya? Para hindi siya tuluyang mawala sa amin, kailangang uminom siya ng maintenance na gamot. Kahit hindi mura ang mga iyon, ginawa ng mga magulang ko ang lahat para maibili siya. Hindi na nga sila bumibili ng gamot para sa sarili nila kapag may sakit sila— umaasa na lang sila sa mga halamang gamot. Sa isang albularyo lang din sila nagpapatingin kung kinakailangan.
Alam ko kung gaano kalaki ang sakripisyo ng mga magulang ko. Gusto kong kahit papaano ay mabawasan iyon. Gusto kong makatulong sa kanila. Imbes na i-grab ko ang scholarship na inialok sa akin nang grumadweyt ako bilang may mataas na parangal, pinili kong mamasukan bilang katulong sa mansyon ng mag-asawang Montreal—ang may-ari ng malaking farm dito sa San Martin, kung saan nagtatrabaho rin ang aking ama.
Pinili kong magtrabaho kaysa mag-aral—hindi dahil wala akong pangarap. Sa katunayan, pangarap kong maging guro. Pero alam ko kasi na lalo lang mahihirapan ang mga magulang ko. Kahit scholar ako, kailangan pa rin nilang gumastos para sa allowance ko. Malayo ang kolehiyo sa amin; kailangan ko pang sumakay ng dalawang beses, idagdag pa ang gastos sa pagkain at mga proyekto ko. Kaya naging praktikal ako.
Pero nangangarap pa rin ako. Umaasa pa rin ako na balang araw, matutupad ko ito.
Hindi ko sila sinisisi. Alam ko kung gaano kabigat ang pasan nila. Alam ko kung gaano nila kamahal si Yasmin—mahal ko rin naman ang kapatid ko. At kahit kailan, hindi ko sila itinuring na pabigat sa akin. Wala akong pinagsisisihan sa desisyong tumulong. Hindi ko rin iniisip na kakulangan nila ang ilang bagay na hindi nila naibigay, dahil alam kong ginawa nila ang lahat para sa amin ni Yasmin. Para sa akin, hindi sila nagkulang.
Tuloy pa rin ang pagtulo ng luha ko habang nakatingin ako sa aking inang umiiyak. Ramdam ko ang bigat sa bawat paghikbi niya. Masakit isipin, pero pakiramdam ko, binigo ko sila ng aking ama.
Hindi ko ginusto ito. Hindi ko ginustong mabuntis. Wala nga akong nobyo. Kahit minsan, hindi ko naranasang magkaroon ng boyfriend. Pero heto ako—buntis. At ang anak ko ay nabuo hindi dahil sa pagmamahal, kundi dahil sa kapangahasan.
Hindi ko ginusto ang nangyari. Gabing-gabi ko itong iniiyakan simula noong gabing ‘yon. Pakiramdam ko, napakadumi ko na. Na wala nang lalaking seseryoso sa akin, dahil biktima ako ng isang kalapastanganan. At hindi ko man lang magawang ipagtanggol ang sarili ko. Natatakot din akong sabihin ang nangyari dahil hindi basta-basta ang taong gumawa nito sa akin.
Hanggang ngayon, sariwa pa rin sa isipan ko ang gabing ‘yon. Inutusan ako ni Aling Korena na linisin ang kwarto ni Senyorito Yashir. Mainit daw ang ulo nito—nagwawala, kung anu-anong bagay ang pinagbabasag. Kararating lang ni senyorito mula sa Maynila at ito agad ang pinaggagawa. Bunsong anak siya ng mag-asawang may-ari ng farm—sina Don Savino at Doña Saskia. Hindi sila palaging narito sa San Martin; dalawang beses lang sila sa isang buwan kung bumisita sa farm. May pinagkakatiwalaan lang sila rito. Ang mga anak nila, madalang kung dumalaw, lalo na si Senyorito Yashir na halos sa ibang bansa na nanirahan para mag-aral.
Aaminin ko—matagal ko na siyang hinahangaan. Simula pa lang noong una ko siyang makita, sampung taong gulang pa lang ako. Iyon din ang huling beses na nakita ko siya bago siya lumipad sa ibang bansa. Simpleng crush lang talaga iyon. Nagkagusto rin naman ako sa iba—kay Marco, kaklase ko noon. Anak mayaman pero piniling manirahan dito sa probinsya, sa grandparents nito. Pero ngayon, nasa Manila na si Marco at doon na ito nag- aral.
Nang magsimula akong magtrabaho sa mansyon at lagi kong nakikita ang malaking portrait ni Senyorito Yashir, bumalik ang paghanga ko. Pero hanggang doon lang. Hindi ko pinangarap na matugunan. Alam kong suntok sa buwan ang magkagusto siya sa isang tulad ko. Langit siya, at ako'y nasa putikan lang.
Bukod pa roon, para siyang prinsipe sa kagwapuhan—parang mga lalaking nababasa ko lang sa mga romance novel na hinihiram ko pa sa kaklase ko. Samantalang ako? Isang ordinaryong babaeng may simpleng ganda. Pinay na pinay, morena, hindi makinis—sunog sa araw ang balat. Ang tanging maipagmamalaki ko lang ay ang tangkad ko, mana sa matatangkad kong magulang. Malaki ang agwat ng edad namin ni Senyorito Yashir, kaya hanggang tingin at paghanga lang talaga ako.
Ipinikit ko ang mga mata ko habang pilit inaalala—kahit gustong-gusto ko nang kalimutan—ang nangyari noong araw na 'yon.
Habang naglilinis ako, biglang bumukas ang pinto. Pumasok si Senyorito Yashir—lasing na lasing. Tatakbo na sana ako palabas, pero bigla niya akong hinila.
Napahiga ako sa kama. Kinubabawan niya ako. Pinaghahalikan niya ako.
Sinubukan kong kumawala. Nagsisigaw ako, umiiyak ako. Pero wala. Wala akong laban sa lakas niya. Umiiyak ako, nagmamakaawa na huwag niyang gawin sa akin ‘yon. Na bitawan niya ako. Na pakawalan niya ako.
Pero parang bingi siya. Hindi niya ako narinig. At wala ring ibang nakarinig sa akin kahit pa umiiyak na ako at humihingi ng tulong.
Hanggang sa naisakatuparan niya ang gusto niya—walang pag-iingat, walang pag-aalala sa akin. Umiyak ako sa sakit, sa hapding tila wala siyang pakialam. Malaki siya—malaking tao. Wala akong laban. Para akong papel kumpara sa lakas niya.
Tulad ng isang bangungot na ayaw akong bitawan, naramdaman ko ang matinding sakit habang paulit-ulit niyang ginagawa ang gusto niya. Para akong pinupunit. Umiiyak ako, nanginginig, hindi ko na alam kung saan ko pa huhugutin ang lakas.
Pagkatapos, basta na lang siya nakatulog. Nanatili akong umiiyak sa gilid ng ilang minuto, pakiramdam ko’y napakadumi ko na. Kahit parang nawasak ako sa nangyari, kahit nanginginig ako, pinilit kong tumayo at pinulot ang mga nagkalat kong damit. Tahimik kong isinuot ang mga iyon, halos madapa sa pagmamadaling makaalis sa kwartong iyon.
Nilagnat ako ng halos isang linggo pagkatapos ng insidente. Hindi ko masabi kahit kanino. Wala akong karamay. Nang bumalik ako sa mansyon matapos ang pagkakasakit, wala na si Senyorito Yashir. Umalis na raw siya, at ayon sa narinig ko, babalik na daw siya sa ibang bansa. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko noon—pero nasaktan ako. Pakiramdam ko, itinapon ako pagkatapos gamitin.
Lihim akong umiiyak gabi-gabi. Halos hindi ko matanggap ang nangyari sa akin. Hanggang ngayon, binabangungot pa rin ako sa alaala ng araw na yon.
At ngayon, eto ako—buntis. At galit sa akin ang mga magulang ko.
Hindi nila alam ang totoo. Wala silang alam na biktima ako. Natatakot akong magsabi ng totoo. Natatakot akong imbes na kaawaan, ay husgahan pa ako. Natatakot ako sa maaaring mangyari.
Tahimik ang buong paligid. Tanging hikbi ni Nanay at bigat ng bawat patak ng luha ko ang maririnig. Tulog si Yasmin—salamat sa Diyos at hindi niya ito nasaksihan.
Habang yakap ni Tatay si Nanay, napatingin siya sa akin. May pagmamakaawa sa kanyang mga mata. Nanginginig ang tinig niya nang magsalita:
“Aza, anak... sabihin mo naman sa amin kung sino ang nakabuntis sa’yo. May nangyari bang masama sa’yo? Kaya ka nabuntis? Please... huwag kang matakot. Sabihin mo sa amin. Mga magulang mo kami. Hindi ka namin huhusgahan. Sino ang ama ng dinadala mo?”
Tumingin ako sa kanila. Kay Tatay. Kay Nanay. Dalawang taong ginawa ang lahat para sa amin—para kay Yasmin. At ako? Ako ang anak na sinandalan nila, pero ako rin ang sumira sa tiwala nila.
Sunod-sunod ang pagpatak ng luha ko. Ramdam ko ang kaba, ang takot, at ang hiya. Huminga ako nang malalim.
“Si... si Senyorito Yashir po,” mahina kong sabi, halos pabulong.
Tumigil sa pag-iyak si Nanay. Napasinghap si Tatay.
“Anak...?” bulong ni Tatay, halatang hindi makapaniwala.
Gusto kong matunaw sa hiya. Pero ito ang katotohanan. Hindi ko na kayang itago. Hindi ko na kayang dalhin ito mag-isa.
Habang nakatitig ako sa kanila, dama ko ang bigat ng mundong binubuhat ko. Ano ang mangyayari pagkatapos? Hindi ko alam.
Hindi ko rin alam kung ano ang iisipin ni Yashir sa ginawa kong pagsasabi ng totoo. Pero hindi ko na kayang tiisin ang mga magulang ko. Hindi ko kayang akuin lahat ng responsibilidad. Kailangan ko ang tulong niya.
Wala ako—wala akong kakayahang buhayin ang batang nasa sinapupunan ko... mag-isa.
(Please read the author's note!)