SA INIS ko kanina sa babaeng 'yon, pagpasok ko ng silid ko ay basta na lang ako nahiga sa kama at nagtalukbong ng comforter. Nakalimutan ko tuloy buhayin ang airconditioner. Kaya't heto, naglalapot ako sa pawis sa ilalim ng comforter, habang nakikipag-debate ako sa aking sarili kung tatayo pa ba ako para buksan iyon, o hahayaan ko na lang. Iniisip ko lang kung makakatulog ba ako ng ganito kainit. Lalo at nagugutom pa ako. Sa inis ko kasi, ay iniwan kong hindi pa nangangalahati man lang ang kinakain ko kanina Alam ko naman na hindi tama ang ginawa kong pagmamaldita kanina sa kababata kuno, raw ni Aki. At totoo rin naman ang sinabi niya, na sa mga Aragoncillo ang mansyon na ito, at hindi sa akin, kaya't hindi ako ang magdedesisyon kung maaari ba nitong gamitin ang mga kasangkapan dito, o h

