"OH, ANG CUTE ni Baby Yumi..." masuyong turan ni Mama, habang karga sa bisig nito si Mayumi. Si Maliksi naman ay nasa mga bisig ko. Pag-alis ni Aki kanina sa delivery room ay nakatulog ako, marahil sa pagod at hirap sa panganganak sa dalawang sanggol. At nang magising ako ay nasa silid na ako at nasa tabi ko na ang asawa ko. Ilang sandali pa ay dumating na si Dra. Enriquez kasunod ang dalawang nurse na karga-karga ang mga anak ko. Matapos kami nitong tanungin ng ilang impormasyon tungkol sa mga bata ay umalis na rin ang tatlo at iniwan sa amin ang mga bata. "Alam mo anak, ganitong-ganito ang hitsura mo noong ipinanganak kita." Hindi pa rin mapuknat ang ngiti ni Mama habang nakatingin kay Yumi. "'Di ba, Hon, tingnan mo. Siyang-siya ni Brianna noong baby pa siya." Baling pa nito sa papa

